BAKIT kaya hindi ka makahinga kapag umiinom ka? Bakit may mga taong dilat ang mata matulog? Bakit kapag nag sabi kang 'para' sa jeep tatanungin ka pa ng tsuper kung bababa ka?
"Psst! Apat mata!" Naputol ang malalim kong iniisip dahil sa pangungulit ng kaklase kong si Betong. Hindi ko na lang pinansin ang pangangalabit niya sa balikat ko.
Abala sa pagtuturo ng Newton's law of motion si ma'am Genevive sa unahan. Kaming mga kababihan ay nakikinig, ang mga kalalakihan naman ay nakatitig lang sa pakwan niya. 'Fresh melon' ang code name namin para sakanya. Ang pinaka batang teacher sa balat ng Silangan National Highschool.
"Apat mata!"
"Andeng bulag!"
"Ano ba kasi yun, Buddha!" Singhal ko. Nakayuko akong lumingon sakanya para hindi kami mahalata ni ma'am. Walang pakundangan ang pangungulangot niya habang malapad ang ngisi. Alam ko na ang gusto nitong mangyari kaya nangungulit. Nais na namang makasagap ng chismis tungkol sa nangyari sa guidance kanina.
"Anong sabi sa'yo kanina? Iki-kick out ka na ba?" Binibilog niya ang kayamanang nakuha sa malaki niyang ilong at binudbod sa sahig na animo'y nagbudbod lang ng ajinamoto sa tinola.
Nakangiwi ako sa nakakadiring nasaksihan. "Hindi ako nakinig, e. Itigil mo nga 'yan! Pakababoy mo!" Nangisay pa ako bago bumalik sa dating puwesto.
Wala naman talaga akong naintindihan sa mga pinagusap kanina sa guidance. Kinausap ako ng principal na puro matatalinhagang salita lang ang sinabi, kumbaga nagpapakitang gilas sa pamilya ko. Si ma'am Ursula ang walang tigil sa kakadakdak kay tatay at sa dalawa kong kuya. Andami pang kinwento patungkol sa buhay niya.
Nagkatinginan pa kaming tatlo nila kuya. Iisang bahay bata lang talaga ang pinagmulan namin dahil nababasa namin ang iniisip ng bawat isa sa isang sulayap lang, 'Mukha nga talaga siyang balyena.' Nagkulay talong na ako sa pagpipigil ko ng tawa kanina. Galit na galit si principal Nadura. Bumingo na ata talaga ako.
"Isulat mo sa isang bond paper kung ano ang pangarap mo sa buhay o mga plano mo. Ipasa mo iyon sa akin bago mag third quarter." Iyon lang ang naintindihan ko sa buong paguusap.
Easy peasy! Napakadali naman ng kailangan kong gawin para hindi niya ako ibagsak sa filipino subject. Akala ko isang linggong paglilinis ng banyo at court ang ipapagawa sa'kin tulad ng dati. Madali pa sa pag pagpatay ng langgam ang gusto niya, e. Wala pang third quarter, tiyak naipasa ko na 'yun.
"Anong pangarap mo sa buhay, Binibining. Sally Cristobal?" Tanong ko sa ka-year din namin na nasa star section, nag boses reporter ako habang tinututok ang digicam sa mukha niya na dinekwat ko lang sa kwarto ni kuya Limuel kaninang umaga.
"Tagalog ba isasagot ko o english?" Tanong nito.
Lukot ang mukha kong binaba ang digicam at nakapamaywang na sumagot. "Ano ba tanong? Tagalog diba? Try mo intsik? Keri?"
Kinalawit ni Trixie ang leeg ko at itinalikod kila Sally. "Kalma, tanga. Ikaw ang may kailangan, mag adjust kang animal ka!" Napalunok na lamang ako sa nanggigigil na pagkakasabi niya. Agad naman akong tumango sa kaba.
"E-ehem... ehem... kahit ano pala, Sally. Bisaya na lang..... Ahh tagalog. Tagalog, oo, tagalog tayo." Hindi ako magkandaugaga sa pamatay na titig ni Trixie sa akin.
Nawala sa isip ko na crush pala niya itong si Sally. Kaya naman prenesinta niyang siya ang una kong interview-hin, para-paraan makadiskarte lang sa crush niyang kasing taba ng caterpillar ang kilay.
Itinutok ko muli ang digicam sa mukha niya.
"Record ko na, Sally. In 3... 2..." Isinanyas ko ang pag bibilang sa kamay.
Hindi ko pa natatapos ang pagbibilang ay tumunog na ang napakalakas na bell. Hudyat na magsisimula na ang unang klase ng araw. Kanya-kanyang takbuhan sa sariling classroom ang mga estudyante. Nag-unahan kaming makapasok ni Trixie dahil ang mahuli ay manlilibre mamaya ng zesto. Habol habol ko ang hininga habang paupo sa pinaka dulo ng silid. Sulit ang pagkapanalo dahil sa libreng zesto.
Tila natauhan na talaga ako ngayon dahil sumusunod na ako sa mga guro. Kanina pa ako kinukulit nila Betong at Ando na mag cutting na tinanggihan ko agad. Desedido na talaga akong mag bagong buhay. Tatapusin ko muna ang requirements na binigay ni ma'am Ursula para ipasa ako sa exam, saka ako babalik sa dating bisyo. Ang umakyat ng bakod sa likod ng school para bumiling tokneneng kay Aling Puring.
"May pabidyo-bidyo ka pang nalalaman. Para saan ba yan?" Usisang tanong ni Anabelle. Nakaupo kami sa sahig ng library at siniseryoso ang paglalaro ng flames.
"Requirements ko kay Ma'am Ursula." Sagot ko habang isinusulat ang pangalan ng ulimate crush kong si Richard Gutierrez.
"Pota, rekwayrments? Angas. Tunog matalino, ah. Bakit?" Sabat ni Trixie.
"Source lang. Reference, ganon."
"Pota, ang talino mo ngayon, ah."
"Kailangan sa buhay 'yon, kupal. Paboritong linyahan 'yun nila kuya kapag naguusap, eh." Kumunot ang noo ko nang lumabas ang resultang friends lang kami ni Richard Gutierrez. "O! Ikaw naman, Ana!" Inihilig ko ang likod sa malamig na pader.
"Pang college? Saan mo ba gagamitin 'yan? Ipapalabas ba 'yan sa graduation natin?" Pangungulit pa lalo ni Anabelle na sumusulat na rin sa notebook na inabot ko.
"Hindi. Manggagaya lang sana akong pangarap. Wala ako nun, eh."
"Paktay, mahirap 'yan. Gayahin mo na lang kaya ang akin para hindi ka mahirapan." Suhestiyon ni Trixie. Tila may umilaw na bumbilya sa uluhan ko sa magandang ideya niya.
"Ano bang pangarap mo aber?"
"Astronaut!"
"Tangina, 'yung makatotohanan naman. Baka tumubo na't lahat ang buhok ni Boy Abunda pero nganga ka pa rin."
"Lakampake! Pangarap ko nga, e. Ibig sabihin, akin."
"Wushu! Spell astronaut?" Paghahamon ko.
"A..S..T..R..Ohh.. Bank teller na lang pala pangarap ko."
Ipinagpatuloy ko ang pagiikot sa buong school para makakuha ng sapat sa 'source' na paggayahan ko ng pangarap. Bibo ang lahat sa tinanong ko, pabonggahan ng sagot, patalinuhan at ang iba ay kasing taas na ng eiffel tower kung mangarap.
Maingay sa loob ng basketball court ng school kung saan nagkaroon ng practice game ang varsity team na ni minsan ay hindi nakaranas ng panalo. Sabay sabay ang palakpak na may kasamang hiyawan ng mga kababaihang kinikilig habang nagpapayabangan ng kani-kanilang manok sa kung sino ba ang mas magaling.
Pinagbungkal ng lupa ang buong klase namin sa mini garden para ihanda ang pagtataniman ng petchay, talong at calabasa.
Patago kong kinakain ang maruyang ninenok nila Betong at Ando sa canteen kanina. Malamang ay babad na naman si Aling Konsing sa panunuod ng paboritong teleserye niya na Kristine. Ilang beses na siyang nakukuhaan ng kung sino-sinong estudyante pero hindi pa rin nagtatanda.
"Isubo mo na nang buo, Andeng! Baka mahuli pa tayo ni Ma'am Castro, e." Kamot kamot ni Ando ang batok niya, humaharang sa akin para hindi kami mahalata ni ma'am na prenteng nakaupo sa monoblock na pinabitbit sa kaklase ko.
Naghihikahos akong lunukin ang pagkaing bumara sa lalamunan ko, pinupukpok ang dibdib ko para makahinga at pababain ang kinain. Kung sana ay binigyan din nila akong panulak para hindi ako nagmukhang patay gutom sa estado ko. Malakas na pinukpok ni Betong ang likuran ko, dahilan para tumilapon ako paharap sa lupang kanila lang ay inararo.
"Hala! Sandy! Swimming na swimming ka na ba at bigla kang nag dive jan?" Pagbibiro na may halong pagaalalang wika ni Trixie at inalalayan akong tumayo.
Bago ko pa lingunin ang may sala ay nakatakbo na siya sa kung saan. "Anong nangyayari diyan, Sandy? Ayos ka lang ba?" Dinaluhan kami ni ma'am. Ngumiti lang ako at tumango bilang tugon. Tinulungan ako ni Anabelle at Trixie na pagpagan ang nadumihan kong palda. Tuyot ang lupa kaya kaonting dumi lang iyon.
Hapon na. Isang klase na lang ang natitira at maguuwian na. Ako, si Julio, Margarita at Barbie ang grupong magre-report ngayong araw. Kampante ako sa sasabihin ko, inaral ko iyong mabuti at ako rin mismo ang nagsulat ng lesson sa manila paper. Pagkatapos ng TLE subject, tumungo na kami sa library para mag meeting.
"Sino unang magsasalita sa harap?" Tanong ni Julio na nakatingin agad sa leader naming si Barbie.
"Huh? No way! I'm too shy to speak in front of our classmates, e." Pagiinarte niya. Umasim ang mukha ko.
"Ngek. Leader ka nga namin, ikaw ang opening remark tapos lumayas ka na." Sabi ko.
"Wag naman kayo magaway. Ako na lang mag fe-fresent. Gusto niyo?" Maagap na nag presinta si Margarita. Walang umimik. Mabait si Margarita sa lahat pero hindi maiwasang maging tampulan ng tukso dahil sa pananalita. Nagiging F kasi ang P sakanya, vice versa.
"Hindi naman mahiraf ang tofic natin kaya ayos lang sa'kin."
Nagkatinginan kaming tatlo, wala pa ring gustong magsalita.
"Hati-hati naman tayo, e. Ako na lang una, si Barbie sunod, ikaw, tapos huli si Andeng." Sagot ni Julio na mukhang napilitan lang. Wala sa orihinal na planong pagsalitain si Margarita para walang asaran na maganap, walang sumbungan sa nanay at walang magwawalang tatay sa guidance.
Praktisado na ang linya. Aral ang bawat pahina. Ganado akong naglakad papasok sa classroom kasama ang ka-grupo. Kailangan kong galingan dahil si Ma'am Ursula ang teacher namin. Sumaktong pagkakaupo ko sa upuang sinulatan ko na ng pangalang 'Sandy Cheeks' saka naman naghurumentado ang sikmura ko.
Biglang nagparamdam ang tawag ng kalikasan sa akin. Ilang minuto na lang ay papatak na ang kamay ng orasan sa alas kwatro, papasok na si Ma'am. Namilipit na ako sa sakit, naging butil na ang malalamig kong pawis sabayan pa nang nakakatawang banat ng bakla kong kaklaseng si Chanberling.
Ilang santo at santa na ang hiningian ko nang tulong, ngunit tulog ata sila ngayon. Lalo lang sumayaw ang hayop sa tiyan ko. Ito na ata ang tinatawag nila na karma!
Hindi ko na kinaya. Kinalma ko ang sarili ko, pilit na ngumiti kahit na bibigay na. Nagpaalam ako sa mga ka-grupo ko. Marahan lang ang lakad ko. Hindi ako pupwedeng tumakbo at baka sa sahig pa ako matuluyan sa pagde-deposit. Ipinagpapasalamat ko na lang na walang tao sa banyo, solo ko ang trono. Ayos!
Ilang minutong pagdurusa sa mainit na banyo, nailabas ko na ang dapat mailabas. Nakaramdam ako ng kaginhawaan at nakahingang maluwag. Tinignan ko ang katabing balde, walang laman.
Nataranta ako at binuksan ang gripo... walang tulo!