Prologue
“VEL, okay lang bang mag-boyfriend na ako?” may halong lambing na sambit ng kapatid ni Vel habang naglalakad sila palabas ng campus. Katatapos lang ng klase nila at pupunta na ito sa part-time work nito sa isang coffee shop. Magkapareho ang class schedules nilang magkapatid pero magkaiba sila ng kurso. Vel was on her first year taking Bachelor of Arts in Architecture while her sister was on her fourth year taking Bachelor of Arts in Education.
Nakagawian na nilang magkapatid na tuwing papasok sa part-time job ang ate niya after class, inihahatid niya ito sa labas, papanoorin niya ito hanggang sa makatawid ito ng kalsada, at hihintayin niya itong makasakay ng jeep. Pagkatapos ay babalik na siya sa loob ng campus dahil may duty pa siya sa Registrar Office bilang student assistant.
Working student silang magkapatid. Wala na silang magulang at walang kamag-anak na tumatayong guardian. Namatay ang nanay nila sa panganganak sa kanya. Ang tatay naman nila ay namatay sa sakit sa kidney dalawang taon na ang nakalipas. Wala silang kamag-anak na malapit sa pamilya nila. Lahat ng nilapitan nila ay tinanggihan silang kupkopin noon. Nang mamatay ang kanilang ama, napag-alaman nilang magkapatid na hindi pala magkasundo ang magkabilang pamilya ng mga magulang niya. Kaya ang naging ending nila, namuhay na lang silang magkapatid na nagtutulungan at ’di na umasa sa ibang kamag-anak.
Napakunot ang noo niya. “Bakit ka sa akin nagpapaalam, Ate?”
“Eh, ikaw na lang ang meron ako. Kanino pa ako magpapaalam?”
Napaisip din si Vel. “Oo nga ano.”
“Ano na? Papayag ka na ba?” pangungulit ng ate niya.
“Bakit? May sasagutin ka na ba?” sa halip ay tanong niya. “Wala ka namang kinukuwento na manliligaw.”
Huminto sila sa paglalakad pagkalabas nila ng gate ng campus. Nakangiting hinarap siya nito. “Nakita ko na iyong lalaking gusto kong makasama.” Hinawakan nito ang kamay niya. “Vel, ipakikilala ko si Dev sa ’yo mamaya. Ihahatid daw niya ako pauwi pagkatapos ng shift ko. ’Wag ka munang matutulog ha.”
Pabirong tiningnan niya ito nang masama. “Dev? Iyong crush mong regular customer sa coffee shop? Boyfriend mo na ano?” Tumango ito. “Nagpaalam ka pa, eh, sinagot mo na pala.”
Tumawa ito. “Eh, hindi ko kasi alam kung okay lang ba sa ’yo. Siyempre, ngayon na may boyfriend na ako, hindi na lahat ng oras ko sa ’yo lang mapupunta. Kahati mo na siya.”
Yumakap siya sa kapatid. “Ate, okay lang na may kahati ako sa oras mo basta mahal ka niya at masaya ka. Kaya ko na rin naman na ang sarili ko. Basta kailangang makilala ko si Dev na iyan. Kailangan kong makasiguro na worth it siyang makihati ng oras, ano!” biro niya.
“Thank you, bunso ko. Love ka ni Ate.”
“Love you too, Ate.”
Nag-ring ang cell phone ng kanyang ate na naging dahilan para bumitiw ito sa yakap niya. Sinagot nito ang tawag. Napatingin din si Vel sa wrist watch niya. Male-late na pala siya sa duty niya.
“Ate, male-late na ako sa duty ko. Ingat ka sa pagtawid mo, ah.”
Humalik siya sa pisngi ng kanyang ate. Kumaway at tumango lang ito sa kanya. Hindi na niya ito masyadong inabala dahil seryoso ang mukha nito habang pinakikinggan ang kung anumang sinabi ng kausap nito sa cell phone. Work-related siguro. Tila nagmamadali na rin itong bumaling sa kalsada para tumawid.
Tumalikod na siya para pumasok uli sa gate ng campus. Ngunit wala pang ilang hakbang ang kanyang nailalakad nang bigla kumabog ang puso niya kasabay ng ingay na narinig niya sa kanyang likuran. Napahinto siya sa paglalakad.
“Iyong babae, nabangga!”
“Habulin n’yo ang van; tumatakas!”
Tila dumoble ang kabang naramdaman niya nang marinig ang sigaw ng mga tao. Ate? She turned around and went back to the spot where she left her sister. Ngunit, wala na roon ang kanyang ate. Lalo siyang kinabahan. Tumakbo siya sa kumpulan ng mga nakiusyoso sa nabangga.
“Ate! Ate Abigayle!” Nanlaki ang kanyang mga mata sa nakita.
Natagpuan niya ang kanyang ate na nakahandusay sa gitna ng kalsada. Duguan at walang-malay nang ma-hit and run ito. Natatarantang nilapitan niya ang kapatid. Pinulsohan niya ito. Nag-triple ang takot niya dahil wala siyang naramdamang pulso kahit sa leeg nito.
"Ate!” Nagpalinga-linga siya sa paligid. “Tulungan n’yo po kami!” Umiiyak na nakiusap siya sa mga tao sa paligid.
Takot na takot na siya dahil habang tumatagal ay lalong dumadami ang dugong tumatagas mula sa ulo ng kanyang ate. Ayon sa usapan sa paligid, isang itim na van ang nakabangga sa ate niya at tumakas ito.
Nagpalipat-lipat ang kanyang tingin sa mga tao sa paligid at sa kanyang ate. Hindi niya alam ang gagawin. Paulit-ulit siyang humingi ng tulong sa mga nakapaligid ngunit isa lang ang kanilang sagot. Parating na raw ang ambulansya. Hintayin na lang daw niya iyon. At nang sandaling nawawalan na siya ng pag-asa ay saka dumating ang ambulansya.
Ang sampung minutong travel time mula sa campus nila hanggang sa pinakamalapit na hospital ay tila naging pinakamatagal na sampung minuto ng buhay ni Vel. Iyak lang siya nang iyak. Tanging ang isa’t isa lang ang meron silang magkapatid. Hindi niya alam kung anong mangyayari sa kanya kung sakaling mawala ang kanyang ate.
Pagkarating sa hospital ay agad nang inasikaso ng mga nurses at doctor ang ate niya. Humihikbi lang siya habang nakaupo sa waiting area sa labas ng Emergency Room. Dinasal na niya ang lahat ng puwedeng idasal habang hinihintay ang kung anumang sasabihin ng mga doctor na nag-asikaso sa kanyang kapatid.
Hindi ka puwedeng mawala, Ate. ’Wag mo akong iiwan.
Walang humpay ang pagpatak ng luha sa kanyang mga mata. Hindi niya maiwasang makaramdamn ng galit. Dahil sa isang reckless driver ay nag-aagaw-buhay ang kanyang kapatid. Tinakasan pa nito ang responsibilidad. Sinusumpa niyang hahanapin niya ang taong nakabangga sa ate niya sa sandaling sabihin ng doctor na okay na ang kanyang kapatid. Hindi siya titigil hangga’t hindi napapanagot ang taong may kasalanan.
Habang taimtim siyang nagdadasal para sa kaligtasan ng kanyang kapatid, isang stretcher ang humangos papasok sa ER. Lulan noon ang isang binatang walang malay. Kasunod noon ay ang isang ginang na tila balisa rin tulad niya. Ito marahil ang magulang ng binata. Nang maipasok sa ER ang stretcher ay umupo sa tapat niya ang ginang.
Ilang minuto pa ang lumipas. Bilang na bilang ni Vel ang bawat pagpatak ng segundo. Patagal nang patagal, palala rin nang palala ang magkakahalong takot, lungkot at galit na nararamdaman niya.
Hanggang sa napatingin ang ginang sa kanya. “Okay ka lang ba, hija? May mga dugo ang mga damit at braso mo.”
Umiiyak na umiling siya nang harapin niya ito. “Nabangga po ang ate ko.”
“Gano’n ba? Iyong anak ko naman, may sakit sa puso. Inatake siya—” Tila may sasabihin pa ang ginang ngunit hindi na nito naituloy nang tawagin ito ng doctor.
Naiwan muli si Vel sa hallway at bumalik sa pananalangin. Umaasa siyang maririnig ng Diyos ang kanyang dasal. Hindi naman siguro siya hahayaan ng Panginoon na maiwang mag-isa.
Ngunit hindi niya naging kakampi ang tadhana nang mga sandaling iyon. Lumabas ang doctor mula sa Emergency Room na may dalang ’di magandang balita.
“Hija, nagkaroon ng malalang head trauma ang ate mo na nagdulot ng maraming blood clots sa brain niya. She suffered from Brain Hypoxia. Kinulang sa oxygen supply ang brain niya and that lead to her death. I’m sorry, hija. Hindi na kinaya ng ate mo. Wala na siya.”
Tila isang bombang sumabog iyon para kay Vel. Kung ano-ano pa’ng sinabi ng doctor ang ’di niya naunawaan. Ang tangi lang niyang naintindihan ay ang katotohanan na ayaw niyang tanggapin—wala na ang ate niya at nag-iisa na lang siya.
Pagkaalis ng doctor na umasikaso sa kapatid niya ay may lumapit naman sa kanya na nagpakilalang staff ng Organ For New Life Foundation.
“Miss Mariole, organ donor ang iyong kapatid. She pledged her heart and cornea to our foundation. You need to sign these papers . . .”
Hindi masyadong naintindihan ni Vel ang sinabi ng kausap. Ipinakita nito ang papeles na nagpapatunay na organ donor ang kanyang kapatid. Basta na lang niya pinirmahan iyon at hinayaang magsalita nang magsalita ang babaeng kaharap kahit wala siyang naiintindihan.
“Miss Mariole, ipa-process namin ang mga documents as soon as possible. May makukuha kang pera sa foundation.” May iniabot itong isang envelop.
Wala sa sariling tinanggap niya iyon. “Pera? Kapalit ng organs ng ate ko?”
“Hindi.” Umiling ang kausap niya. “It isn’t a p*****t. Financial assistance iyon mula sa foundation.”
It sounded just the same for her. Parang pinagbili ng kanyang kapatid ang internal organs nito in advance, something na make-claim lang niya ang kabayaran ngayong namatay na ito.
Few seconds more, nagpaalam na rin ang staff ng foundation. Tatawag na lang daw ang foundation sa kanya sa mga susunod na araw. Muli siyang naiwang mag-isa. Ang daming naglalaro sa isipan niya. Paano na siya ngayong wala na ang tanging taong kaagapay niya sa buhay? Saan siya kukuha ng pampalibing? Ng ibabayad sa funeraria? Paano siya mabubuhay mag-isa?
Binigyan siya ng pagkakataon ng doctor na makita ang kapatid bago ito alisan ng puso at mata para sa donorship. Walang humpay ang daloy ng luha niya nang mapagmasdan ang wala nang buhay niyang kapatid. Hindi niya inakalang sa isang iglap, nawala na ito. The memory of her sister’s last embrace and sweet I love you kept on reoccurring in her head. Huli na pala iyon. Agad niyang niyakap ang kapatid.
Ate? Bakit ka umalis? Bakit mo ako iniwan sa ganitong sitwasyon?
Napayuko na lang siya hanggang sa isubsob na niya ang mukha sa kanya may balikat nito. She was like a lost kid. Hindi niya alam kung ano ang uunahin . . . kung ano ang dapat niyang gawin. Hindi niya alam kung paanong magsisimulang muli sa buhay.
Iniangat niya ang mukha at pinagmasdan ang walang buhay na kapatid. Hinaplos niya ang pisngi nito. I love you, Ate. Please, ’wag mo akong pababayaan. Tulungan mo akong kayanin ito. Pangako ko sa ’yo, magiging matapang ako. Magiging malakas ako. At hahanapin ko ang driver ng van na iyon.
Muli siyang bumalik sa waiting area ng Emergency Room nang sabihin sa kanya ng ER nurse na dadalhin na ang kapatid niya sa isang silid sa Operating Room para sa extraction ng internal organs nito for donorship. Napaupo siya sa isang bakanteng puwesto. Pilit niyang nilalabanan ang takot na nararamdaman. Hindi siya makapag-iisip nang ayos kung hindi niya mapakakalma ang sarili. Kailangan niyang maging matatag. Ngunit nang sandaling sumagi sa isip niya na hindi na niya makakasama pa ang kapatid ay muli siyang iginupo ng pagluluksa. Isinandal niya ang katawan sa pader at saka pumikit. Hinayaan niya ang sariling umiyak nang umiyak, nagbabakasakaling mauubos din ang luha para wala na siyang mailuluha pa sa mga susunod na araw. Kailangan niyang paglabanan ang pagiging mahina.
“Excuse me, Miss?”
Isang binatang naka-white uniform ng mga Medicine student mula sa kilalang university ang bumungad sa kanya nang magmulat siya ng mata.
“Ano’ng kailangan mo?” walang emosyong tanong niya.
Lumuhod ito sa harap niya at yumuko. Ikinagulat ni Vel yon.
“I’m s-sorry. A-Ako iyong nakasagasa sa kapatid mo. Hindi ko sinasadya. Sorry. Sasagutin ko ang medical expenses niya, hospitalization, pati ang mga kailangan niya for recovery—”
Nakuyom ni Vel ang palad sa narinig. “Medical expenses? Hospitalization? Recovery? Huli na ang lahat! Patay na ang ate ko! Pinatay mo siya!” singhal niya rito.
Nag-uumapaw na galit ang bumalot sa puso niya. Pinigilan niyang saktan ang binatang kaharap. Kung hindi lang iyon kasalanan sa Diyos, pasasagasaan niya rin ito para patas na ito at ang ate niya. Pero hindi iyon maaari. Hindi iyon tama.
Napatunghay ito sa sinabi niya. “A-Ano?!”
“Narinig mo ako. Sigurado akong narinig mo ako. Patay na ang ate ko at kasalanan mo iyon!”
Nagsunod-sunod ang patak ng luha sa mata ng binata. “I’m s-sorry! I’m sorry!” Kita niya sa mga mata ng binata na nagsisisi ito, natatakot, at nakokonsensya pero hindi noon nabura ang galit niya sa puso.
Pinawi niya ang kanyang luha sa magkabilang pisngi. “Madali lang sana ang magpatawad kung mabubuhay ang ate ko pagkatapos kitang patawarin. Pero hindi, eh. Namatay na siya. Parang pinatay mo na rin ako. Unfair naman kung hihinto ang mundo ko dahil sa ginawa mo tapos ikaw, magpapatuloy lang ang buhay mo na parang wala kang nagawang mali. ’Wag kang aalis. Magpapatawag ako ng pulis. Pagdusahan mo sa batas ang kasalanan mo.”
“Hindi ko sinasadya. Basta na lang tumawid ang kapatid mo—”
“’Wag ka nang mangatwiran! Sa pedestrian lane tumawid ang kapatid ko! Tanggapin mo na lang na makukulong ka, tulad nang pagtanggap ko na wala na siya!”
Muli lang yumuko ang binata at tinanggap ang mga salita niya. Few seconds more, dumating ang mga magulang nito na nakiusap nang paulit-ulit na ’wag na niyang ipakulong ang binata. Nag-offer ang mga ito ng malaking halaga para hindi siya magsampa ng kaso. Inako rin nila lahat ng gastos sa hospital at pagpapalibing. Pinag-isipan iyon ni Vel nang mabuti. Nahahati ang desisyon niya dahil gusto niyang sampahan ng kaso ang binata. At the same time, gusto niyang maibigay sa ate niya ang lahat ng kailangan nito. Sa huling pagkakataon man lamang ay maiparamdam niya sa kapatid na handa siyang ibigay ang lahat para dito. Hindi niya magagawa iyon kung wala siyang pera.
“Sige po, pumapayag po ako pero may kondisyon ako.” Binalingan niya ang binata. “’Wag na ’wag ka nang magpapakita sa akin. ’Wag mo nang ipilit pa na mapatawad kita. Hindi iyon madali. Hindi iyon mangyayari. Ang araw na ito ang bumago sa buhay ko. Ito rin ang babago sa buhay mo.”
Isinusumpa kong habambuhay na dadalhin ng konsensiya mo na nakapatay ka ng tao.