“NAKARATING KA NG Sta. Ana?” tila hindi makapaniwalang sabi ni Lulu nang ito ang tawagan niya. Ito na ang una niyang tinawagan dahil mas sigurado siya sa numerong gamit nito.
“Nandito pa nga kami. Kay Wolverine,” ani Charity na sadyang hininaan ang tinig. Hindi maikakaila roon ang kilig na nararamdaman niya.
Napapalatak si Lulu. “I can’t believe it!”
“Pareho lang po tayo,” wika naman niya. “Actually, hindi nga ako agad maniniwala na siya ang sinasabi mong ninong ni Denise. Pero siya mismo ang nagsabi ng pangalan ng asawa mo. Sabi niya mayroon siyang kumpare sa Gonzaga na Allan Ferrer. Ayun, naniwala na ako. Mukha namang mabait.”
“Mabait nga iyan. Best friend iyan ni Allan since high school. Medyo may sumpong nga lang ang mood. May dating na tahimik.”
Ipinagkibit lang niya iyon ng balikat. “Anyway, ihahatid daw kami after dinner. May natanaw akong service jeep sa gilid nitong bahay niya, baka iyon na ang gagamitin namin. Hindi pa namin alam kung ano ang sira ng pick-up, eh. Basta na lang namatay ang makina kanina. Mamaya pa lang niya titingnan kung ano ang problema.”
“Malamang, naubusan ka lang ng gasolina. Noong isang araw pa iyan napakargahan, eh.”
“Hay, naku! Iyan nga ang sabi ni Edmund. Nasaan si Allan? Kakausapin din daw ni Edmund.”
“Sabihin mo next time na lang. Nasa labas, siya ang bumili ng mga inireseta ng doktor. Nandito pa kami sa Tuguegarao. Stable na si Ate Janet, iyon nga lang, walang ibang mag-aasikaso sa kanya. Puro nasa Maynila ang mga anak niya, eh.”
“Di, wala din palang tao sa bahay pag-uwi namin?”
“Pipilitin kong makauwi mamaya. Nag-aalala din naman ako diyan kay Denise. Hindi iyan sanay na iba ang katabi sa pagtulog.”
“Dapat lang, ‘no? Baka mabaliw na ako dito kapag nag-iiyak pa mamaya. Hirap na nga akong patahanin, eh.”
“Kaya nga uuwi ako. Hihintayin ko lang si Allan na bumalik at mabibiyahe na rin ako pauwi.”
“Sige, babay na. Nakikigamit lang ako ng phone ni Edmund. Nakakahiya namang makipagtelebabad.”
“Ehem,” eksaheradong sabi ni Lulu. “Ang galing naman, Chattie. Nagkakilala kayo agad ng ima-match ko sa iyo. Parang may alam akong tawag sa ganyan, eh. Fate ba o destiny?”
“Luka-luka!”
“Asus! At kunwari pa raw. Halata namang atracted din siya,” tudyo nito. “Oy, Charity, kahit hindi kita nakikita, kilala kita. Boses na boses mo pa lang, alam ko na kung ano ang nararamdaman mo. Kinikilig ka.”
“Kinikilig sa ginaw. Nabasa nga ako ng ulan. Siyempre, di baleng mabasa ako kesa sa anak mo.”
“Oo na, sige na. Matigil ka lang. Salamat din sa pag-asikaso sa anak ko.”
Nagpaalam na siya at pinatay ang telepono.
Hindi niya agad na ibinalik kay Edmund ang telepono. Kung totoo nga ang sinasabi ni Lulu na transparent siya sa instant attraction na naramdaman niya kay Edmund, dapat naman na magpakapino siya ng kilos upang hindi niya mabigyan ng kahihiyan ang mismong sarili niya.
“Dinner is ready!” anunsyo naman ni Edmund na bumungad buhat sa kusina. “Nakatawag ka na ba?”
“Oo, salamat nga pala. Si Lulu ang nakausap ko. Nasa botika daw si Allan kaya hindi ko na ibinigay sa iyo.”
“I see. Ano, kain na tayo?”
“Dumadami na ang pabor na ginagawa mo sa akin.”
“Don’t mention it. Hindi pa naman ako maniningil agad,” pabiro namang sagot nito.
“Ay, may balak ka palang maningil. Nakakanerbyos naman.”
Nagkatawanan sila.
*****
“BLESSING IN DISGUISE pala na malapit pa sa bahay mo naubusan ng gasolina iyang si Chattie,” sabi ni Lulu. “Aba’y kung hindi pa siya naligaw na makisilong sa iyo, hindi ka mapupunta dito.”
Kadarating lang nito at inabutan silang nasa terasa ng bahay. Kalahating oras na rin silang naghihintay dito. Si Edmund na ang nagpasya na hindi muna ito aalis hangga’t hindi dumarating si Lulu. At hindi naman niya iyon tinutulan.
“Medyo busy lang lately,” tipid na wika ni Edmund.
“Kinapalan ko na talaga ang mukha ko na makisilong kahit kanino man ang bahay na iyon,” sabi naman niya. “Kaysa naman tamaan ng kidlat iyong pick-up at madamay pa kami ng anak mo?”
“Si Denise nga pala?”
“Nasa nursery. Tulog nang dumating kami dito, eh. Doon ko na idineretso. Mabuti nga at hindi pa nagigising. Baka mamaya, mag-iiyak na naman at hindi ko magawang patahanin.”
“Teka at sisilipin ko lang. Kayo ba’y naghapunan na?”
“Oo, sa amin,” sagot ni Edmund. “Pero kung magpapakain ka uli, hindi ako tatanggi.” At maluwang na ngumiti ito.
Noon napansin ni Charity, mas guwapo si Edmund kapag nakangiti ito. Siyempre ay mas maaliwalas ang mukha. At mas nakakapalagay din ng loob.
“Oy, Chattie, maghain ka. Pakakainin natin iyang kumpare mo. Bale magkumpare kayo sa anak ko.”
“Pare?” aniya. “Okay na iyong first name basis, di ba, Edmund?”
“Oo nga,” ayon nito. “Wala naman kami sa Debate.”
Tumayo na rin siya at nagpasintabi dito. “Ihahanda ko ang mesa. Buti na lang, Lulu, nagluto si Manang Belen bago siya umuwi.”
“Ganoon talaga iyon. Lahat ng magagawa dito, ginagawa. Sandali lang, ha?” At tinungo na nito ang nursery.
Nakapaglagay na siya ng placemat at bitbit ang mga plato na ihahain sa mesa nang makita niyang naroon na rin sa komedor si Edmund. Bitbit nito ang puswelo ng kape na siyang idinulot niya kaninang kadarating lang nila.
“Nakakainip namang mag-isa lang ako doon sa labas,” tila paliwanag nito.
“Kung nandito lang sana si Allan,” sabad ni Lulu buhat sa likuran nito. “Pero nasabi ko sa kanya na nandito ka ngayon. Tuwang-tuwa nga. Sayang lang at hindi siya makakauwi today. Bukas, kapag dumating iyong isang anak ni Ate Janet, makakauwi na siya. I’m sure, hindi ka titigilan noon hangga’t hindi kayo nagkakasama. Marami ka nang utang. Noong binyag ni Denise, hindi ka rin dumating.”
“Hayaan mo’t babawi na lang ako ngayon. Nandiyan lang naman ako sa Sta. Ana. Sabihin mo kay Allan, siya ang humanda. Baka yakagin ko siya sa mga lakwatsa, siya naman itong tumanggi.”
Napatawa si Lulu. “Malamang. Kilala mo naman iyon, inuuna palagi ang trabaho kaysa lakwatsa. Aber, kung lakwatsa ang hilig mo, di, itong si Chattie ang ayain mo. Tutal lakwatsa ang idinayo niyang dito.”
Napamaang si Charity sa narinig. Nang magkatinginan sila ng pinsan, nanunuksong kinindatan siya nito.
“Sa akin ay okay lang. Ang kaso, baka naman mapahiya ako kapag nag-imbita ako,” wika ni Edmund.
“Oy, Chattie, nagpaparinig si Edmund,” tila aliw pa ring tudyo ni Lulu. “Ano ang isasagot mo?”
Kunwa ay saglit pa siyang nag-isip. “Since marami siyang pabor na ginawa sa akin, ingrata naman ako kung tatanggi ako lalo at pabor din naman sa akin na makapaglibot dito.”
“So it’s a date!” konklusyon ni Lulu, halatang-halata ang kilig sa tinig.
“Bukas?” sabi ni Edmund, sa kanya nakatingin.
Bahagya pa siyang nagulat. Bago siya nakasagot, umagaw sa kanila ang pag-iyak ni Denise buhat sa kuwarto. Ito ang agad na dinaluhan ni Lulu kaya naiwan silang dalawa doon.
“Ano, Chattie? Okay lang ba sa iyo bukas?” tanong ulit sa kanya ni Edmund.
“A-akala ko ba busy ka?”
“Let’s say hindi naman masyado lately.” Ngumiti pa ito na parang makatutulong sa pagkumbinse sa kanya.
“Umoo ka na, ‘insan,” sabad ni Lulu na bumalik karga ang anak. “Kung ako pa ang hihintayin mong makasama sa pamamasyal, baka ma-postpone na naman kagaya kanina. Gusto kita talagang ipasyal kaso nagka-emergency naman kanina. Siyempre hangga’t hindi nailalabas sa ospital si Ate Janet parang on-call din kaming mag-asawa doon.”
“Lulu, kung wala naman kayong ibang gagawin ni Allan bukas, bakit hindi pa kayo sumama? Masaya din naman kapag marami, di ba?”
“Oo nga, buti pa,” sagot ni Charity. Sa pamamagitan ng tingin ay kinambatan niya ang pinsan.
“Okay,” mabilis namang sagot ni Lulu. “Pagdating ni Allan, sasabihin ko.”
“At sabihin mo na rin kay Allan na huwag na muna niyang ikatwiran ang trabaho. Paminsan-minsan lang naman kaming magkasama.”
“Oo na,” natatawang sabi ni Lulu. “Kumain na tayo’t gutom na rin ako. Hindi naman kasi ako makakain nang maayos kaninang nasa ospital ako.”