TAHIMIK na napailing si Edmund at iniligpit ang nililihang cabinet. Kung kailan pa naman siya sipag na sipag sa ginagawa ay saka nagbadyang bumuhos ang ulan. Eksaktong nailigpit niya iyon ay pumatak na nga ang ulan. Buhat sa likuran ng bahay at tumuloy siya sa study room ng malaking bahay na iyon—kung saan malimit siyang magpirmi kapag pakiramdam niya ay wala na siyang iba pang gagawin.
Pagpasok pa lamang niya roon ay dama na niya ang pamilyar na pagbigat ng kanyang dibdib. Masokista siguro siya dahil alam na niyang pahihirapan lang naman niya ang kalooban pero maya’t maya ay naroroon din naman siya sa study nagsilbing sanktwaryo sa kanyang pamamalagi sa bahay na iyon.
Nilapitan niya ang antique chest sa isang panig ng silid. Nasa ibabaw niyon ang mga nakakuwadrong larawan. Replay ng mga naunang pagkakataon ang kilos niya. Isa-isa niyang hahawakan ang bawat kuwadro at hahaplusin ang nasa larawan.
At halos dati na rin ang ekspresyon na lalambong sa buong mukha niya. Kalungkutan at pangungulila.
Malungkot na paghinga ang pinakawalan niya. He was missing them a lot. At sa mga mata niya ay mababasa ang pagsisisi.
Naupo siya sa isang tumba-tumbang rattan. Buhat doon ay natatanaw niya ang hilera ng mga kuwadro. Salitan niyang tinitingnan ang mga iyon at ang mismong hawak niya.
Hindi niya alam kung hanggang kailan siya magmumukmok ng ganito. Basta ang alam niya, siya rin naman ang pumili ng ganitong sitwasyon. Kahit na ipinagtutulakan siya ng pamilya na muling makihalubilo, mas gusto pa rin niyang nag-iisa lang sa lugar na iyon.
Naalala niya ang babaeng nakausap niya sandali nang mapilitan siyang daluhan ang kasal na dapat sana’y ang kanyang mama ang dadalo. Hindi niya masasabing ubod ng ganda ang babaeng iyon pero may natural itong karisma. Bukod doon ay masarap din itong kausap. Pero hindi niya ito lubos na nakilala dahil mayroong tumawag dito.
Nang lisanin niya ang kasalang iyon ay nasa isip pa rin niya ang babae. May isang pagkakataon na binalak niyang lapitan ito pero siya na rin ang pumigil sa kanyang sarili. Isang malaking hakbang para sa kanyang sarili kung gagawin niya iyon. Katumbas iyon ng pagsisimula niyang harapin nang muli ang mundo. At hindi pa niya tiyak kung handa na nga ba siyang pumasok muli sa sirkulasyon.
Bumalik siya sa Cagayan pero may ganitong pagkakataon na naaalala niya ang babaeng iyon. Hindi niya alam kung nangangahulugan iyon na nagbibigay interes na siya sa ibang babae. At hindi rin niya alam kung iyon na nga ba ang tamang pagkakataon. At iyon na rin ang tamang babae.
Isang buntong-hininga ang ginawa. Siguro kung muli ay magtatagpo ang landas nila ng babaeng iyon, hudyat na iyon upang magsimula na siyang muli.
“Tao po! Tao po!”
Napakunot ang kanyang noo nang marinig ang pagtawag na iyon. Ang pinakamalapit niyang kapitbahay ay halos dalawandaang metro ang layo sa kanya sa lawak ng kanyang bakuran. At walang umaabala sa pamamalagi niya roon na siya namang kagustuhan niya.
Hindi siya agad kumilos. Hinintay niyang umulit ang pagtawag. At lalong lumalim ang gatla ng kanyang noo nang mabosesang babae ang tumatawag.
Ibinalik ni Edmund sa dating kinalalagyan ang kuwadrong hawak niya. Kagaya rin ng dati, ikinandado muna niya ang silid bago tuluyang lumayo doon.
“Tao po!” tila insistent na tawag buhat sa labas.
“Sandali lang!” malakas na sagot niya. Pagbukas niya ng pinto, nakita niya ang isang babaeng basa ng ulan at yakap sa dibdib ang isang bata. “Bakit?”
“M-makikisilong lang ho sana. Nasiraan ako ng sasakyan, eh.”
Luminga siya. Sa panahong marami na ang manloloko, mahirap nang basta-basta na lang magtiwala. Pero nang marinig niya ang pag-iyak ng bata, nangibabaw ang pagiging likas na maunawain niya. Mabilis niyang binuksan ang tarangkahang bakal ng terrace. “Tuloy kayo.”
“Salamat ho,” sagot ng babae.
*****
LAKING PASASALAMAT ni Charity nang papasukin sila nang lalaki. Basang-basa na siya at nakakadama na ng ginaw. Nang ganap na makasilong ay ang batang karga niya ang agad na inasikaso niya. Binuksan niya ang bag na dala at kumuha roon ng tuwalya.
“Pasensya na ho kayo sa abala,” hingi niya nang paumanhin habang nakatuon ang buong atensyon sa bata. “Nakakahiya man ho ay hindi ko naman matitiis itong bata. Baka kasi mapulmonya.” Hinubaran niya si Denise at agad na tinuyo ang katawan nito. “Tahan na baby,” alo niya dito.
“Pumasok na kayo sa loob,” wika naman sa kanya ng lalaki. “Malakas ang hangin. Baka lalong ginawin ang bata.”
“Hindi na ho. Okay na dito, basta may masilungan lang. Nakakatakot lang kasi na mag-stay kami sa sasakyan. Ang tatalim pa naman ng kidlat kanina.”
“Misis—”
“Miss lang ho,” pagtatama niya. “Bale pamangkin at inaanak ko itong bata.” Mabilis niyang binihisan si Denise at kinuha ang timplado nang dede nito. Isinubo niya agad sa bibig ang dede at nagpasalamat naman siya na dahil doon ay tumahan din ito.
Narinig niya ang mahinang pagtawa ng lalaki. “Huwag mo na akong hohoin. Hindi pa naman ako ganoon katanda.”
Napasulyap siya dito. At bigla ay nahati ang kanyang atensyon. Pamilyar sa kanya ang mukhang iyon. Pinoy version ni Hugh Jackman.
“P-parang nakita na kita,” sabi niya habang kinakapa sa isip kung saan ito nakita. “Lumuluwas ka ba sa Maynila?”
Natigilan din ang lalaki at tinitigan siya. “Galing akong Maynila kamakailan. May pinuntahan akong kasalan.”
Napatango siya. “Tama! Sa kasal nga tayo nagkita. Remember, ako iyong wedding emcee.”
At ganoon na lang ang naging gaan ng pakiramdam niya. Kanina, sumugal lang siya kahit natatakot din naman siyang kumatok sa bahay na iyon dahil hindi niya tiyak kung anong klaseng tao ang haharap sa kanya. Ngayon, hindi niya maikakailang napanatag ang kalooban niya kahit na nga ba hindi rin naman niya ganap na kilala ang lalaki.
Napangiti ang lalaki at tila umaliwalas pa ang mukha nito. “Oo nga, naalala ko na. Teka, taga-rito ka rin ba sa Cagayan? Ang layo nito sa Maynila.”
“No. Nagbabakasyon lang ako dito. Ako nga pala si Charity.”
“Charity,” ulit nito at napatango. “May tumawag sa iyong babae habang magkausap tayo noon, tama ba?”
“Yeah. Si Eve iyon. Iyong wedding coordinator. Taga-rito ka pala?”
“Parang ganoon na nga. Lately, dito muna ako nagpipirmi. By the way, I’m Edmund Lara.”
“Nice meeting you,” aniya at hindi napigil na mapangiti nang maluwang. “Ibang klase, ‘no? Daang kilometro pa ang layo para magkapalitan tayo ng pangalan.”
“Small world,” sabi naman nito. “Sige na, doon na kayo sa loob. Baka ginawin pa kayo nang husto. Ikaw rin, basang-basa ka. Pahihiramin kita ng tuwalya.”
“Nakakahiya naman. Okay lang ako. Saka itong si Denise, mukhang okay na rin.”
“Hindi kayo okay dito. Mababasa din iyan sa pagkakakarga mo dahil basa ang damit mo. Sige na, doon na tayo sa loob. Makapagkape na rin. Nagkakape ka ba o mas gusto mo ng tsaa?”
“Kahit ano,” at palagay ang loob na sumunod na rin siyang pumasok sa bahay.
Lumang estilo ang malaking bahay. Spacious tingnan bagaman naglalakihan ang mga antigong muwebles na naroroon. Halata ring sinisinop ang gamit. Malinis na malinis ang buong paligid.
“Feel at home,” wika ni Edmund na siya na ring nagbitbit ng bag ng bata. Ibinaba nito iyon sa malapad na mesita. “Sandali lang ha. Magpapakulo ako ng kape.” At tumalikod na ito.
“Nasaan ang misis mo?” kaswal na tanong niya.
Napatda si Edmund at tila umilang ng ilang saglit bago ginawang lumingon sa kanya. “Mag-isa lang ako dito.”
“Ah,” she said simply. Nang makita niyang tumuloy na sa kusina si Edmund, nakatanaw lang siya. Hindi siya kuntento sa isinagot nito.
Umuusok ang kapeng dala ni Edmund nang bumalik ito sa kanya. Sa isang braso nito ay may nakasabit na tuwalyang halatang bago pa. “May banyo sa paglagpas niyang komedor. Gamitin mo na itong tuwalya para matuyo ka. Kung gusto mo, may T-shirt din naman akong maipapahiram sa iyo.”
“Okay na siguro itong tuwalya. Sisipsipin na nito ang basa ng damit ko.” Ikinuskos niya iyon sa basang buhok at ibinalabal na lang. Gustuhin man niyang magbanyo ay hindi naman niya magawang iwan si Denise sa lalaki.
“Sa itsura ng ulan na iyan, mukhang magtatagal pa bago iyan tumila. Maghahanda na ako ng pagkain tutal naman ay hapon na. Dito ka na maghapunan.”
“Ha?” pagulat na sabi niya. “Am, Edmund, anong lugar ba ito?”
“Sta. Ana. Ito na ang dulong bayan ng Cagayan sa gawing ito. Teka, saan ka ba galing? Saan ka nagbabakasyon dito?”
“Sa Gonzaga.”
“Gonzaga? May kaibigan ako doon, ah? May kakilala ka bang Allan Ferrer?”
Muntik na niyang maibuga ang kape dahil sa narinig. “Bayaw ko sa pinsan si Allan. Actually, itong si Denise, anak nga niya ito.”
Umaliwalas din ang mukha ni Edmund. “What a coincidence,” sambit nito at tinitigan ang bata. “Ibig sabihin iyan ang inaanak ko?”
Sandaling napatda si Charity. Walang duda, ito nga ang sinasabi ni Lulu na si Wolverine! Parang gusto niyang kiligin sa tuwa. Naalala niyang ito ang balak i-match make ng pinsan sa kanya. At ngayong natiyak niyang ito nga ang lalaking sinasabi ni Lulu, aba’y payag na payag siya!
Kumalma ka, Charity. Kinikilig ka lang sa ginaw.
“Denise, ninong mo pala si Edmund, eh,” kunwa ay kaswal na wika niya sa batang dumedede pa. Para namang nakaintindi ang bata. Tumigil ito sa pagdede at tumingin din kay Edmund. Ibinangon niya ito at bahagyang inilapit sa lalaki. “Bless ka sa ninong, baby.”
“Marunong magmano!” tuwa ring wika ni Edmund nang tumalima naman ang bata. Iyon nga lang, matapos itong magmano ay bumalik na rin ang atensyon nito sa pagdede.
Itinutok niya ang tingin sa bata dahil parang naubusan siya ng sasabihin. Tila nga mayroong anghel na nagdaan sa kanila. Si Edmund man ay tahimik lang na nakamasid sa kanila. Nang maubos ni Denise ang dede, initsa nito ang bote.
“That’s bad, baby,” sambit niya.
“May kapilyahan din pala,” amused namang sabi ni Edmund at ito na ang pumulot ng bote.
“Suwerte na rin natin, Denise, dito tayo napadpad sa ninong mo. Hindi na masyadong nakakahiya na nakikisilong tayo dito.”
“Tama na iyang terminong hiya-hiya,” ani Edmund. “Maiwan ko na muna kayo dito para makapaghanda ng hapunan. Kumain na muna tayo bago ko kayo ihatid pauwi.”
“Ihahatid mo pa kami?” bahagya namang nagulat na wika niya.
“Bakit hindi? Mainam nga iyon at nang magkita kami ni Allan. Tiyak na magugulat iyon. Matagal-tagal na rin kaming hindi nagkikita.”
“Nasa Tuguegarao silang mag-asawa. Naaksidente daw si Janet kaya pinuntahan nila. Ako nga ang naiwan dito kay Denise para mag-alaga. Ang totoo, wala naman kaming balak na maglibot. Kaso nga, nag-iiyak itong bigla kanina. Hindi ko naman mapatahan. Sabi ng labadera nila, isakay ko daw sa sasakyan para tumigil. Ganoon nga ang ginawa ko.”
“Hanggang sa nakarating na kayo dito?”
Tumango siya. “Paano naman, tuwing ihihinto ko ang sasakyan ay pumapalahaw ng iyak. Nag-alala na nga rin ako kanina dahil hindi ko naman kabisado itong lugar. Kaya nga puro diretso lang ang takbo ko. Pero naisip ko na ring bumalik na. Iyon nga lang, noon na nagkaproblema ang sasakyan. Bigla na lang namatay ang makina.”
“Baka naman naubusan ka ng gasolina?”
“Hah?” aniyang halatang ngayon lang niya iyon naisip. “S-siguro. Hindi naman kasi ako nagpakarga buhat nang gamitin ko iyong pick-up.”
“Mamaya, pagkakain natin, itse-check ko iyong sasakyan. Maiwan na muna kita rito at maghahanda ako ng pagkain.”
“Edmund, puwede bang makitawag? May telepono ka ba rito? Tatawag ako sa bahay nila. Baka nag-aalala na si Manang Belen na hindi pa kami nakakabalik nitong bata.”
“Sure.” Buhat sa divider ay kinuha nito ang cell phone at iniabot sa kanya. “Tawagan mo na rin si Allan.”
“Okay lang?”
“No problem,” anito at tumalikod na.