“MAGBAON tayo ng pagkain, Chattie. Maganda naman ang panahon. Kung magugustuhan mo, uupa tayo ng bangka at dadayo tayo sa Palaui Island. Puwede ka ring maligo doon kung gusto mo. Pero shorts at T-shirt na lang ang attire mo kapag nagkataong marami ding dumayo doon. Alam mo naman sa probinsya, magiging center of attention ka kapag nag-two piece ka. May iba namang resort na puwede kang mag-two piece.”
“Okay,” sagot ni Charity. “Ikaw na ang magbitbit niyang basket. Akin na itong si Denise.”
Kanina pang umaga ay ang bata na ang ka-bonding niya. Nakakatuwa namang talaga ito. Ni hindi yata marunong mangilala. Ngitian lang niya nang kaunti ay tawa na ang isusukli sa kanya.
Naisakay na sa pick-up ang mga gamit nila nang tumunog ang telepono ni Lulu. Pagsagot pa lang nito ay napakunot na agad ang noo nito. Matalas naman ang tenga niya sa pakikinig kaya nang matapos ito sa pakikipag-usap ay halos alam na rin niyang hindi sila matutuloy sa picnic nila.
“Naaksidente iyong hipag ko. Iyong Ate Janet ni Allan. Isinugod na raw sa ospital sa Tuguegarao. Papunta na rin daw si Allan doon. Pinasusunod nga ako. Pinagdadala ako ng pera.”
“Emergency iyan. Okay lang kung next time na tayo tumuloy sa lakad natin.”
“Paano kaya si Denise? Mahirap namang isama ko pa. Ospital iyon, malamang bawal ang bata sa loob.”
“Walang problema. Iwan mo na sa akin.”
Agad itong napatango. “Kungsabagay, sumasama naman sa iyo. Saka madali naman iyang alagaan. May gatas naman siya. Ipagtimpla mo na lang ng dede kapag ayaw ng solid foods. Tingnan mo na lang iyong proportion doon sa lata.”
Halata niyang natataranta si Lulu kaya hindi na siya nagtanong pa. Common sense lang naman ang pagtitimpla ng gatas.
“Dadalhin mo ang pick-up?” tanong niya.
“Hindi na. Hindi ako makakapag-concentrate magmaneho kapag ganitong nag-aalala ako. O, paano? Dito na muna kayo? Ikaw na ang bahala, Chattie. Kapag nainip ka, mamasyal kayo tutal naikabit ko na iyong car seat para sa baby.”
“Sige na, Lulu. Lumakad ka na. I can manage.”
Tatalikod na ito nang may maalala uli at naglabas ng pera. “Si Manang Belen, iyong naglalaba sa likod, eto iyong bayad sa kanya. Kung may marumi ka, ipalaba mo na rin sa kanya. Sanay na iyon dito. Parang tiyahin na rin siya ni Allan.”
“Oo na. Sige na, ako na ang bahala dito.”
Along the highway naman ang bahay ni Lulu kaya madali itong nakasakay ng bus. Bumalik sila ni Denise sa sala at doon sila naglaro ng pamangkin. Isang oras na silang naroroon nang makita niyang pumasok sa kusina ang labandera.
“Manananghali na ako. Hindi ka pa ba kakain?” wika sa kanya ng matanda.
“Busog pa ho ako. Mauna na kayo. Bahala na kayo riyan,” sagot niya tutal ay nakikita niyang tila mas at home pa nga ito kesa sa kanya.
“Hindi ka ba naiinip dito?” tanong nito sa kanya.
“Hindi pa naman ho. Nakakalibang naman ho itong bata.”
“Ay, oo. Huwag lang iyang susumpungin ng iyak. Mahirap ding patahanin.”
“Naku! Huwag naman sana. Baka mamaya ay hindi ko mapatahan, mamamaos ito. Kawawa naman.”
Ang kaso, hindi pa man nila natatagalang napag-usapan ang tungkol doon ay bigla na lamang umiyak si Denise. Hindi naman niya maintindihan kung bakit samantalang naglalaro lang naman sila.
Sinubukan niya itong patahanin subalit tila lalong lumakas ang iyak. Sinuhulan niya ng dede subalit initsa lang nito ang bote.
“Manang, paano ba ito?” helpless na tanong niya sa labandera. “Mukha ngang hindi tatahan.”
“Subukan mong ipasyal. Gusto niyang inilalabas, eh. Tuwang-tuwa iyan kapag isinasakay sa kotse.”
“Eh, saan naman ho kami pupunta?”
“Deretso lang naman ang mga kalsada dito. Di pag gusto mo nang umuwi, bumwelta ka lang at nandito ka na uli.”
Tinitigan niya si Denise na pumapalahaw pa rin ng iyak. This time, hindi na siya natutuwa sa pamangkin. Nag-aalala siya na baka mapatid ang litid nito sa labis na pag-iyak. Baka mamaya ay kabagan ito, mas lalo nang iiyak ito. Effective nga kaya kung isasakay niya ito sa pick-up?
“Manang, dito muna kayo sa bahay. Ilalabas ko lang sandali itong bata.”
“Oo. Marami pa naman iyong labahin ko.”
“Come on, baby. We’ll go out,” nang-uutong sabi niya sa bata nang kargahin ito. And it seemed she had said the magic word. Bahagyang tumahan ang bata. Lumikot ang mata at nangislap iyon nang makitang patungo sila sa sasakyan. Iniupo niya ito sa car seat at ang matiyak na safe na ito roon ay pumwesto na siya sa harap ng manibela. “Be good, Denise. Mamasyal tayo.”
Walang reaksyon ang bata. Nasa labas ang tingin nito. Nang paandarin niya ang sasakyan, nakita niya sa salamin na kumumpas-kumpas ang mga kamay nito. Natutuwa marahil.
Nakahinga naman siya nang maluwag. At least napatahan na niya si Denise. Dalangin lang niya, huwag na sanang umiyak uli.
*****
ANG KASO, NANG minsang ihinto niya ang sasakyan ay nagsimula na namang umiyak si Denise. Halatang ayaw nitong tumigil sa pag-andar ang pick-up. At sa kagustuhan ni Charity na huwag nang umiyak ang bata ay itinuloy niya ang pagmamaneho. Wala siyang ideya kung nasaan na siya. Basta ang tinatandaan lang niya ay hindi siya lumiliko sa kahit na anong kalye.
Malayo na rin ang nabibiyahe nilang mag-tiya. Medyo kinakabahan na rin siya sapagkat wala namang bahayan sa magkabilang panig ng kalsada. Ni wala rin siyang kasabay na motorista. Dulo na yata ng Pilipinas ang tinutunton niya. Naisip niyang ibuwelta na ang sasakyan kaysa naman lalo pa silang mapalayo.
“Ooppps! Huwag iiyak, Denise. Magmamaniobra lang si Ninang,” aniya sa bata nang umingit na agad ito. Bago niya naipaling ang sasakyan ay inabutan na niya ito ng dede. At nagpasalamat naman siya sapagkat natahimik ito at isinubo ang dede.
Wala pa yatang isang kilometro ang natatakbo niya matapos magmaniobra ay tila nagloko ang makina ng sasakyan. Kinabahan siya sapagkat wala naman siyang alam sa troubleshooting. At mas lalong tumindi ang kanyang kaba nang maisip na nasa lugar siya na estranghero sa kanya.
“Oh, god,” usal niya at nagdesisyong ihinto na ang sasakyan bago pa man mameligro ang takbo niyon.
Napapikit siya nang mariin nang marinig ang pag-ingit ni Denise sa likuran niya. Kumilos siya at pinalaya iyon sa sariling car seat. Kinandong niya ang bata habnag sinisikap na pigilan ito sa pag-iyak.
Ilang sandali silang nanatili lamang sa loob ng pick-up. Hindi niya alam kung ano ang gagawin niya. She felt so helpless. Lalo at wala man lang tao sa kalsada na maaari niyang pagtanungan man lang.
Gumuhit ang matalim na kidlat at sinundan iyon nang malakas na kulog. Napaigtad sa bisig niya si Denise. Nanlaki ang mga mata niyon at nagbanta na namang umiyak.
“Ssshh, baby. It’s all right. Everything’s fine,” mahinang alo niya dito habang hinahagod ang likod. Sa likod ng isip niya, may pakiramdam niyang mas sarili niya ang kanyang kinukumbinse sa mga salitang iyon.
Nang sunud-sunod pang kumidlat at kumulog, naisip niyang mas makabubuting makisilong na lamang sa pinakamalapit na bahay kaysa manatili sa sasakyan. Kinuha niya ang bag ng mga gamit ni Denise at sinigurong naka-lock ang sasakyan at nagsimula silang maglakad.
Nakakailang hakbang pa lang sila ay nagsimula nang umambon. Tinakbo na ni Charity ang pinakamalapit na bahay na natatanaw niya habang pilit na pinoprotektahan ang sanggol na nasa bisig niya.