4

1776 Words
“TULOY ba ang bakasyon mo?” tanong sa kanya ni Eve nang puntahan niya ito sa shop ng Romantic Events. “Gustong-gusto kong ituloy,” nakangiting sagot niya. “Sa Boracay? My invitation still stands.” “Maniniwala ka ba kung sasabihin ko sa iyong balak kong mamundok?” “Magma-mountain climb kang mag-isa?” “No. Balak kong dalawin ang isa kong pinsan sa Cagayan. Very close kami noon. Magkabarkada kami noong college days. Alam mo naman ang mga taga-Maynila, bundok na ang tawag sa lugar na katulad niyon kahit na nga ba kapatagan din iyon. Kaya nga Cagayan Valley, eh.” “Ah, okay. May signal ba naman ang cell phone doon?” “Oo naman. May linya na rin ng landline doon. Ewan ko nga lang kung kina Lulu ay mayroon na rin. Cell phone ang means of communication namin, eh. Tumawag na ako sa kanya. Okay naman daw kung gusto kong magbakasyon muna doon.” Napailing si Eve. “Talagang change of environment ang dadayuhin mo, ha? Hindi mo kaya ma-miss ang Maynila?” “Mami-miss kung sa mami-miss. Pero madali namang magbiyahe kung gugustuhin kong lumuwas uli.” “Balita ko’y mahigit sampung oras ang pagpunta sa Cagayan.” “Kung by land. May eroplano naman, Eve. Kung talagang kailangang bumalik sa Maynila, di sasakay ng eroplano.” “Well, good thing is hindi mo naman kailangang bumalik agad ng Maynila as far as your schedule with Romantic Events is concerned. Since nasabi mo na sa akin ang balak mong bakasyon, iyong susunod na dalawang kasal, ginawan ko na ng paraan para si Jenna ang mag-emcee tutal kaya naman niya. Tuwang-tuwa nga ang assistant kong iyon kasi kikita siya ng extra. Charity, I understand you need a breath of fresh air, literally and figuratively. Sige lang, enjoy your vacation. Tumawag ka na lang dito kapag ready ka na uli at saka na lang kita bibigyan ng booking.” “Thanks, Eve.” Isang sobre ang iniabot sa kanya ni Eve. “O, bonus mo sa akin iyan. Basta from time to time, tawagan mo ako, ha? Balitaan mo ako kapag may prospect ka nang ipalit kay Dominic.” Itinirik niya ang mga mata. “Here we go again.” At nagkatawanan sila nang malakas. ***** “AANO KA NAMAN SA bundok?” As expected, mukhan inaatake ng high-blood ang reaction sa kanya ni Mildred nang magpaalam siya dito. “Ate, kapatagan ang Cagayan, hindi bundok.” “Huwag kang pilosopo, Charity. Panahon ba ng pagbabakasyon ngayon?” “Anytime puwede akong magbakasyon basta gusto ko. Tumawag na ako kay Lulu, ine-expect na niya ako doon this week.” “You’re twenty-eight years old, Charity. Kailan ka ba magtatanda? Pinaghahanap kita ng matinong trabaho pero paglalamyerda ang gagawin mo. Tinitirya mo ba ako?” “Please understand, sis. Magkaiba tayo ng gusto. Kung masaya kang naka-confine sa cubicle mo sa call center, suportahahn kita diyan. Masaya din ako sa ganitong buhay ko. Uulitin ko ba sa iyo? You don’t have to worry about me. Kung halimbawa mang mawalan ako ng trabaho as wedding emcee, which is impossible at the rate Romantic Events is constantly growing, makakahanap pa rin ako ng ibang trabaho na ayon sa gusto ko. Alam mo namang gusto kong sarili ko ang oras ko.” Isang buntong-hininga ang ginawa ng kapatid niya. “Gaano ka naman katagal sa Cagayan?” Napangiti siya. Alam niya tanggap na rin si Mildred ang lakad niya. “Depende. Mga two weeks siguro. Kapag nasarapan ko, baka isang buwan.” “Ang tagal naman!” “Bakasyon nga, eh. Paano naman ako makakapag-unwind kung ilang araw lang ako doon? Ang layo ng biyahe. Alangan namang kadarating ko pa lang doon, uuwi na ako uli.” Tinitigan siya ni Mildred. “Makakatagal ka doon? Hindi mo mami-miss ang boyfriend mo?” Itinaas niya ang kilay. “Wala na kami.” At kunwa ay hindi man lang siya naapektuhan sa sinabi. Napatango ito, halatang nasiyahan sa narinig. “Basta tawagan mo naman ako paminsan-minsan. May signal naman siguro ang cell phone doon? Ikumusta mo na tuloy ako kay Lulu.” “Don’t worry, I’ll keep in touch.” At nginitian niya ito nang maluwang. “Papasalubungan kita, Ate. Lalaki. Para naman hindi ka na lang palaging high blood sa akin.” “Utang-na-loob, Chattie,” paingos na wika nito.  “Hmmn, kaya ka ganyan kasi stress ka sa trabaho mo kahit na malaki kang kumita. Kailangan may love life ka. Para palagi kang inspired kahit na pagod ka at puyat.” “Kung magsalita ka… bakit may love life ka na namang bago?” “Wala! Malay mo, magkaroon agad? Di, isasabay na kita.” “Luka-luka! “Iyong Alcala candy na lang iuwi mo sa akin. Nami-miss ko na iyon.” “Sige. Uuwian kita no’n para tumamis naman ang buhay mo.” ***** Gonzaga, Cagayan “ITO NA BA SI Denise, Lulu? Ang laki na pala,” tuwang sabi niya nang makita ang pamangkin sa pinsan at inaanak din. Ibinaba lang niya ang baon niyang traveling bag at kinuha dito ang bata. “Magtataka ka pa, eh, nu’ng huli mo iyang makita ay nu’ng binyag niya. Eighteen months pa lang iyan. Napagkakamalan na ngang mahigit na dalawang taon. Paano’y bihira iyang dumede ng formula. Tama nga ang sabi nila, breastmilk is the best for baby.” “And for daddy?” tukso niya at nagkatawanan sila. “Siguro. Buntis na naman ako, eh. Three months.” “Akala ko ba’y hindi agad nabubuntis kapag nagbe-breast-feed?” “Malay ko? Sa nabuntis agad, eh,” walang kiber na sagot ng pinsan niya subalit sa mukha naman ay mababakas ang kakuntentuhan. “Kungsabagay, magte-treinta ka na. Hindi mo na kailangang mag-family planning. Naghahabol ka na ngang makarami, eh.” “Hanggang tatlo lang ang balak namin. Pero kapag nakalalaki kami dito sa pangalawa, magpapa-ligate na rin ako. Mahirap ang buhay, ‘no?” “Kayo, mahihirapan sa buhay? Kalahati yata nitong Gonzaga ay pag-aari ng pamilya ng asawa mo. Kahit nga humilata ka lang maghapon may kakainin kayo.” “Kahit na ba, eh. Iba iyong nakaplano ang pamilya. Mahirap din ang masyadong maraming anak. Lalo na ako, sabi mo nga halos treinta na. Hindi na madaling manganak. Diyan nga kay Denise, hindi ko nakayang mag-normal delivery. Kaya ikaw, Charity, mag-asawa ka na. Mahirap din iyong nagpapakatanda. Mahigit isang taon lang ang tanda ko sa iyo, ah? Hindi madaling manganak. Hindi bale nga sana kung mahihirapan ka lang manganak. Paano kung hindi ka pala madaling mabubuntis? Eh, di lalo kang tumatanda sa paghihintay na magkaroon ng anak.” Itinaas niya ang kilay at kunwa ay walang narinig. Ang pamangkin ang binalingan niya at nilaro-laro iyon. “Hello, Denise? Kilala mo ba ako? Ang Ninang Chattie ito. Magkasingganda tayo, no?” “Huwag mo akong dedmahin, Chattie. Twenty-nine ka na three months from now. Aba’y kung walang nanliligaw sa iyo, ikaw na ang manligaw sa lalaki. Puwede na iyon ngayon.” Sa halip na mapikon ay natawa siya sa narinig. “Aber, mayroon ba ditong lalaking pantahanan na maaari kong ligawan? Sasamahan mo ba akong mangharana?” Sa naging reaksyon ni Lulu ay alam niyang ito naman ang nagulat. At pagkuwa ay tila nag-isip ito nang malalim. Mayamaya ay bigla na lamang napangiti nang misteryoso. “Oy, Lulu, bakit mukha kang na-possess?” biro niya. Napahagikgik ito. “Anong na-possess? Naisip ko lang, ipapakilala kita sa ninong ni Denise. Best friend iyon ni Allan,” tukoy nito sa asawa. Napaubo siya. “Excuse me. Ninang ako ni Denise kaya kilala ko ang mga kumpare ko sa bulilit na ito. And as far as I remember, wala akong matandaan isa man sa mga ninong niya ang pasado sa panlasa ko.” “Tange! Hindi siya nakarating noong binyag ni Denise. Nagpadala lang ng regalo. Actually, hanggang ngayon nga ay hindi pa niya nakikita iyang anak ko. Sa telepono lang kami nagkakausap.” Nalukot ang ilong niya. “Baka naman mukhang Java man?” “Kung mukha bang Java man ang local version ni Wolverine, di mukha ngang Java man.” “Wolverine?” aniya na tila nabilaukan. “As in Hugh Jackman?” “O, bakit? Interesado ka na ngayon?” “Hindi naman,” mabilis na tanggi niya at natahimik. Sa halip na ang Hollywood celebrity ay ang isang bisita noong kasal ni Faith ang naalala niya. Kahawig din ni Hugh Jackman ang lalaki. In fact, sa palagay nga niya ay mas guwapo pa nga sa nasabing artista. Sayang nga lang at hindi na niya iyon muli pang nakita. Mukha pa namang mabait dahil magalang namang kausap. “Teka nga, akala ko ba’y may Dominic ka na? Hindi ba’t noong huli tayong magtsika, kinikilig ka pa sa pagkukuwento ng tungkol sa lalaking iyon?” Bumuntong-hininga siya. “Puwede ba, huwag na nating pag-usapan ang Hudas na iyon? Niloko lang ako ng lalaking iyon. May sabit na pala. Buti na lang at nabisto ko agad.” “Hudas nga. Don’t worry, Chattie. Marami ka pang makikita. Ang daming lalaki sa mundo, binata at very much available. Ay, nandiyan na pala si Allan,” wika ni Lulu nang mapatingin sa may pintuan. Binati niya ang bayaw sa pinsan. Ilang sandali din silang nagkuwentuhan bago nagwala sa bisig niya ang kargang pamangkin dahil gusto nang sumama sa ama nito. Mayamaya pa ay hinatid na siya ni Lulu sa guest room. “Mamahinga ka na muna. Tatawagin na lang kita mamayang dinner.” “Yeah. Nakakapagod din ang biyahe. Twelve hours!” “Hayaan mo’t masusulit naman ang mahabang biyahe. Bukas, mamamasyal tayo. Pupunta tayo sa San Vicente. Dulo na iyon ng Cagayan. Iyong dulo ng Bundok ng Sierra Madre, makikita mo pag papunta tayo doon.” “Talaga?” “Oo. Kasi naman noong huli kang magpunta dito, nagmamadali ka kaya hindi ka nakapasyal. Maraming magandang lugar dito. And I know you will appreciate them dahil hilig mo namang mag-swimming.” “Ay, gusto ko iyan! Kailangan ko na ngang makapagpahinga para makapag-recharge ng energy. Tamang-tama, may dala akong swimsuit. Two-piece pa!” Napabungisngis ang kapatid niya. “Well, sige, samantalahin mong mag-two-piece. Baka kapag nanganak ka, magaya ka na sa figure ko. Coca-cola body. Iyong in can!” “Matagal pa iyon! Single na single pa ako ngayon.” “We never know. Malay mo, may makilala ka dito? Mainam nga iyon, kapag dito ka nakatagpo ng mapapangasawa, magkakalapit na tayo uli. Tayong dalawa na nga lang ang pinaka-close sa mga magpipinsan, ang layo-layo pa natin sa isa’t isa.” “Asus! At nag-emote pa!” tudyo niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD