“NOW WE stand together; may it always be so. Faith, I offer myself to you as your husband; I will always love you, respect you, and be faithful to you.”
“When I become your wife today, I enter into a phase of life, and I do so with joy and anticipation of the life we will share together. I pledge before this honored gathering of friends and family, always to honor and respect our love. Patrick, let us be as one.” Mahihimigan ang pinipigil na paggaralgal ng tinig ni Faith habang taimtim na binibitiwan ang mga salitang iyon.
Pakiramdam ni Charity ay mapapaiyak siya habang sinasaksihan ang kasal nina Faith at Patrick. Lumuluha ang dalawa habang nagpapalitan ng wedding vows. At ang totoo, pati ang ibang bisita ay hindi na nakapagpigil at napaluha na rin.
Isang malalim na paghinga ang ginawa niya. Idinikta niya sa sarili na hindi na siya dapat na maapektuhan. Pangkaraniwan na sa kanya ang mga ganitong tagpo. Sa isang buwan yata ay hindi bababa sa tatlong kasal ang nadadaluhan niya dahil na rin sa trabaho niya bilang wedding emcee. May mga kasalan na ganito ka-solemn. Masyadong tagos sa puso ang sumpaan ng mga ikinakasal.
But then she also understood kung bakit ganito na lamang ang pakiramdam niya ngayon. Bukod sa likas na malambot ang puso niya, sariwa pa rin sa kanya ang kabiguan niya sa pag-ibig dahil kay Dominic. Ngayon ay parang nahahabag din siya sa kanyang sarili. Dahil kapag inaatake siya ng mga negatibong ideya, naiisip niyang baka hindi na niya mararanasan ang ikasal.
Mukha lang siyang matapang sa panlabas na anyo pero ang totoo, buhat nang matuklasan niyang niloko lang siya ni Dominic ay gabi-gabi rin niyang iniiyakan ang kasawiang iyon.
At ang mas masakit pa, nang tawagan siya ni Dominic ay tila wala man lang itong pagsisising inamin ang katotohanang iyon.
“Lalaki lang ako, Charity. Maganda ka kaya hindi mo rin ako masisisi. I’m very much attracted to you.”
“Pero may asawa ka na pala!” sumbat niya. “Sinungaling!”
“I’m sorry, Chattie. But the truth is, hindi ko naman talaga asawa si Myla. May anak na kami, yes. Pero hindi naman kami kasal.”
Pinanginigan siya ng laman. Walang-wala naman sa tono ni Dominic na nanghihingi nga ito ng paumanhin. Sa galit niya ay hindi na siya nag-isip pa at pinagbagsakan ito ng telepono.
“Mukhang malalim ang iniisip mo,” pasimpleng lapit sa kanya ni Eve.
Agad siyang lumingon dito. “H-hindi naman. Nakaka-touch lang kasi ang kasal nina Faith at Patrick.”
Ngumiti si Eve. “Kilala kita, Chattie. Don’t try to deny it. Alam ko ang kahulugan ng lungkot sa mga mata mo. Affected ka pa rin sa paghihiwalay ninyo ni Dominic.”
Napabuntong-hininga siya. “Please, Eve, huwag na lang natin siyang pag-usapan.”
“Yeah, right. We should all be happy here. This time, alam na nating lahat kung ano ang love story nina Faith at Patrick. At sa pinagdaanan nila, isang malaking blessing na happy ending pa rin ang kinauwian nila.” Hinawakan ni Eve ang kamay niya. “I wish the best for you, Chattie. May you find your own true love.”
“Thank you, Eve. Pero hindi na muna siguro ngayon. Hindi pa ako ready para sa isang bagong relasyon.”
“But don’t close your door. Hindi natin masasabi kung kailan kakatok ang bagong pag-ibig. We never know, baka nandiyan lang pala iyon sa tabi-tabi.”
She rolled her eyes. “Hmmm, ayan ka na naman, Eve. Nanunukso ka na naman. Baka mamaya, may ipapakilala ka palang lalaki sa akin?”
“Wala,” mabilis na tanggi nito. “Nagkataon lang na naniniwala akong may invisible virus na tumama sa mga wedding girls. And I have a strong feeling na may susunod na ikakasal sa mga wedding girls. Hindi ko nga lang matukoy kung sino sa inyong tatlo nina Maxine at Julianne.”
“Palibhasa, tatlo na lang kaming natitira kaya kami na lang ang napagdidiskitahan ninyo,” kunwa ay reklamo niya. “I’m still sad about what happened to me, Eve. I have to admit that. Pero hindi naman ako in-despair na magpapakatanda na lang na dalaga. Nilalabanan ko pa rin ang mga negative thoughts na pumapasok sa akin.”
“Good!” nasisiyahan namang sabi ni Eve.
*****
“AFTER SOME trivia for our newlyweds, narito naman po ang isa pa naming kaibigan upang handugan sina Patrick at Faith ng mga kantang magpapakilig sa ating lahat. Please welcome, Shelby Sta. Ana- Sandoval!”
Kasabay ng malakas na palakpakan ay inabot na ni Charity kay Shelby ang mikropono. Bumaba na rin siya sa makeshift stage sapagkat sa susunod na mga sandali ay si Shelby ang hahawak ng program. Marami rin ang mga kantang ni-request ni Faith upang kantahin ng kanilang wedding singer. At pagkakataon na rin naman iyon ni Charity upang pansamantala ay mamahinga.
Sanay na sanay na siyang mag-emcee. Iyon nga lang, lubhang nakakapagod ang partikular na okasyong iyon. At hindi rin naman siya nagtataka na. She was not in her element. Pinipilit lang niya na maging masaya at masigla dahil sa tawag ng propesyon.
Sa halip na makisali sa mesa ng iba pang wedding girls ay lumayo siya sa pinagdadausan ng kasiyahan. Naupo siya sa isang upuan bato na ikinukubli ng malaking puno. Halos patapos na rin naman ang trabaho niya. Kapag ganoong nagsimula nang kumanta si Shelby, parang wala na rin siyang gagawin. Karaniwan nang natutuon ang atensyon ng lahat sa pakikinig sa kanya ni Shelby. Mamaya, babalik na lang siya roon upang ihudyat ang pagtatapos ng naturang pagtitipon.
Tahimik na pinagmasdan ni Charity ang paligid. Ilang beses na nilang ginamit na venue ang plaza na iyon na matatagpuan sa Intramuros para sa ganitong garden wedding pero siya ay patuloy pa ring humahanga sa naturang lugar.
Ang totoo, siya man ay nangarap din ng garden wedding sapagkat lubhang romantiko ang lugar na iyon.
She sighed again. Kahit yata anong pilit niyang kalimutan ang lungkot ay hindi pa rin yata iyon hihiwalay sa kanya.
“Hi! May I join you?”
Mabilis siyang nagtaas ng mukha sa tinig na iyon. Ang agad niyang naisip ay ang itaboy ito sapagkat naaabala nito ang privacy na siyang pakay niya sa pag-iisang iyon pero anumang pagkontra ay nakulong na sa kanyang lalamunan.
Walang dudang matangkad ang lalaking literal na tinitingala niya ngayon. He had wavy dark hair, piercing black eyes and straight nose. Elegante ang ngiting nakapagkit sa magandang hugis ng mga labi nito. Iba rin ang dating ng matikas na tindig nito. Walang dudang lalaking-lalaki ito at malakas ang karisma.
Sa panlabas lang na kaanyuang iyon ay manhid na lamang siya upang hindi makadama ng atraksyon dito.
“I don’t mean to intrude you, miss,” mayamaya ay sabi nito, at tila mas matamis ang ngiting ibinigay sa kanya. “Naghahanap lang din kasi ako ng kaunting privacy. I saw this place pero nauna ka na pala.”
“B-bisita ka rin ba sa kasalan?” nakuha niyang sabihin. Napaka-polite ng approach nito para isnabin niya. Isa pa, nagpapaalala ito kay Hugh Jackman, isa sa mga paborito niya. Brown version nga lamang ang lalaki. Mukhang palaging nakabilad sa araw ang kulay pero hindi naman makintab ang balat.
“Yes and no.”
Kumunot ang noo niya.
“Actually, ang mama ko ang talagang imbitado. Kaibigan niya ang mama ng groom. Iyon nga lang, mayroong naunang natanguan na okasyon si Mama kaya ako na ang pinadalo dito. Hindi naman ako makatanggi kahit na nga ba pakiramdam ko ay estranghero ako sa okasyong ito. I don’t know the bride and groom. Si Mrs. Paz Gallego naman, huling beses ko yatang nakita ay noong high school pa lang ako,” tukoy nito sa mama ng groom. “I’m getting bored.”
“No wonder,” nasabi na lang niya.
“How about you?” tanong nito. “Kagaya ko rin ba na halos wala kang kakilala sa mga bisita? Sa ayos mong iyan, I’m sure bisita ka rin sa kasalan.”
Napangiti siya. Isang light yellow cocktail gown ang suot niya. Kung basta emcee lang siya ng kasalang iyon ay tama na sa kanya ang bestida na ayon sa wedding motif pero kapag ganitong isa sa mga wedding girls ang ikinakasal, espesyal din ang kanilang mga bihis.
“Actually, kaibigan ko ang bride. Ako din iyon emcee. Parang break ko nga lang ngayon dahil kumakanta iyong singer namin.”
“Talaga?” At sandali itong napahinto. “I don’t mean to offend you when I said I’m getting bored. Masaya ang okasyon. I see all are having fun. Iyon nga lang, hindi ako kasali sa mga iyon. May iba kasi akong iniisip. Kaya paumanhin na rin kung hindi ko napansin na ikaw pala iyong emcee. Wala naman kasi sa wedding program ang isip ko.”
Pareho pala tayo. May iba rin kasi akong iniisip. Niloko ka rin kaya ng ex mo?
Pero hindi niya isinatinig iyon. “You don’t have to explain. Hindi lang naman emcee ang nagdadala ng ikasasaya ng isang okasyon. Although challenge din para sa kagaya ko na gawing lively ang ambience at makuha ko ang atensyon ng audience. Sabi mo nga, may iba kang iniisip. Maybe you are really having a deep thought kaya hindi ka mahawa sa masayang paligid.”
“Well…” At ikinibit nito ang balikat. He looked at her at sa wari ay nag-isip ng ibang sasabihin.
“Excuse me,” malakas na wika ni Eve habang papalapit sa kanila. “Chattie, malapit nang matapos iyong huling kanta ni Shelby.”
Kaagad siyang napatayo. “Okay. Sorry kung lumayo muna ako.” Nakalapit na siya kay Eve nang maalalang lingunin ang lalaki. “Sige, mauna na ako.”
Nakangiti naman itong tumango.
“Sino iyon?” tanong sa kanya ni Eve nang makalayo na sila.
“Ewan ko. Isang nabo-bored na bisita. Nag-proxy lang daw siya sa tunay na bisita.”
“Bakit hindi mo tinanong ang pangalan? Guwapo, ah? Malay mo, binata pa?”
Tinaasan niya ng kilay si Eve. “Ayan ka na naman. Nanunukso ka na naman!” at pareho silang nagkatawanan ni Eve. “Kungsabagay, tama ka. Guwapo nga.”