“ANG KAPAL ng mukha niya, Eve! Niloko lang niya ako! Kaya pala… kaya pala ganoon na lang kung umiwas siya na pag-usapan ang tungkol sa kasal. Kaya pala, advance kami magde-date para sa birthday niya! Siguro, kunwari lang na uuwi siya sa Pangasinan. May sabit na pala siya. Ipapakulam ko iyang Dominic na iyan!” galit na galit na wika ni Charity.
Lipas na ang shock niya. Ngayon ay magkahalo ang luha at sipon na nagbubusa siya ng sama ng loob. Kay Eve siya tumuloy matapos niyang iwan ang masarap sana niyang pagkain sa French Baker.
“Oist, masamang maging benggadora. Hayaan mo na lang, makakarma rin siya,” relaxed na wika sa kanya ni Eve.
“Ako ang magbibigay sa kanya ng karma niya!”
Ngumiti lang ito at sandaling tinawagan ang assistant na si Jenna. Maya-maya ay may dala na si Jenna na meryenda para sa kanina.
“Ikain mo na lang iyang sama ng loob mo, Chattie.”
Tumutok ang tingin niya sa malaking pizza at malamig na Pepsi. “Talaga!” At kumuha siya ng isang slice. Sa pagkain niya ibinuhos ang pagsisintir. Nang mabusog siya, medyo nahimasmasan na rin ang galit niya. Iyon nga lang, alam niyang hindi basta ganoon lang iyon.
Pareho silang mas seryoso ni Eve nang matapos silang kumain.
“Kasi naman, hindi mo pa lubos na kilala iyong tao, sinagot mo na agad. Ilang linggo ka bang niligawan ng Dominic na iyan?”
Napasimangot siya. “Anong linggo? Three days!”
Napaubo ito. “See? Three days!”
“Eh, feeling ko in love na ako sa kanya, eh.”
“Para ka namang bata. Okay nga sana kung totoong love. But look what happened? Ikaw na rin ang nagkukuwento na mukhang in good terms din sila ng nanay ng anak niya irregardless kung kasal ba sila o hindi. Pasalamat ka, Charity, nadiskubre mo agad. Mas masakit naman, di ba, kung kailan mas matagal na kayo saka mo nalamang niloloko ka lang pala.”
“It’s still the same. Niloko niya ako.”
“Yes, hindi na natin mababago iyon. Move on, Chattie. Hindi lang siya ang lalaki. Marami pang iba riyan.”
Bumuntong-hininga siya at tumayo na. “Sound cliché but it’s true. Aalis na ako. Thanks for listening. At sa pizza.”
“Aalis ka na? Ang bilis naman.”
Bumaba ang tingin niya sa hawak na bag. “Babalik ako sa Megamall. Kung ubrang maipa-refund ito or change item na lang siguro. Sayang. Ang mamahal pa naman. Hudas na Dominic iyon! Buti na lang, ito pa lang ang nabibili ko. Di lalo na siguro akong nagalit kung naipamili ko na siya nang husto. Alam mo ba kung magkano ang budget ko para ipangregalo sa kanya? Lampas pa sa limit ng credit card ko!” Tumaas na naman ang boses niya.
“Tama na iyan, naha-high blood ka na naman.” Napangiti si Eve. “Sobrang galante ka naman kasi. Iwan mo na lang iyan, diyan. Ako na ang magbabayad sa iyo.”
“Aanhin mo? Ganito ba ang brand at size ng asawa mo?”
“No. Ipamimigay ko na lang sa household staff ko.”
“Eh, mas galante ka pala, eh. Ibibigay mo lang sa hardinero at driver.”
“Okay lang iyon. Deserving naman sila. Mababait at hindi… manloloko.”
Nanulis ang nguso niya. “Sige, ipamukha mo pa sa akin.”
“Loka! Hindi kita iniinsulto at hindi mo rin naman kasalanan na niloko ka. I mean, mas mabuti pang driver at hardinero ang pagbigyan ng mga iyan kaysa sa Dominic mo na may asawa na’t lahat, hindi pa makuntento.”
“Utang-na-loob, huwag na natin siyang pag-usapan!” Ibinaba niya sa mesa nito ang binili. “Bayaran mo na lang ito sa akin, buti pa.”
Tiningnan naman ni Eve ang resibo at mabilis na naglabas ng cash. “Oo nga pala, next week na ang kasal ni Faith. Remember iyong hunk na sinasabi mong kahawig ni Enrique Iglesias? Di ba’t gumawa sila dito ng eksena ni Faith? Nagkabalikan sila at iyon na nga, ikakasal na.
“Mabuti pa sila,” ungol niya.
“Kailangan, present tayong lahat na wedding girls doon,” ani Eve.
“Gusto ko pa naman sanang magbakasyon muna,” aniya. Spur-of-the-moment decision niya iyon. At kaagad din niyang naisip, bakit nga ba hindi? Kung magpipirmi siya sa bahay ay palagi lang siyang kukulitin ng ate niya na magtrabaho sa call center. At makakahalata din ito sa nangyari sa kanila ni Dominic. Wala siyang balak na makulili ang tenga sa paulit-ulit na “I told you so” ng kanyang ate.
“I-postpone mo muna. Kailangan, present ang lahat ng wedding girls sa kasal ni Faith.” Si Faith ay isa sa mga kasamahan niyang wedding suppliers ng Romantic Events, ang kumpanyang pag-aari ni Eve kung saan ito rin ang tumatayong wedding planner and coordinator.
“Oo na. Kilala mo rin naman ako. Inuuna ko ang mga natanguan kong appointment kahit na may personal sana akong lakad.”
“At huwag kang magpaapekto kung ganyan lang namang klase ang lalaki, no? Makakatagpo ka rin nang matino. Malay mo, sa kasal ni Faith, makilala mo ang true love mo?”
Tinitigan niya si Eve. “Baka naman balak mo akong i-match make? Spare me.”
Tumawa si Eve. “Excuse me, hindi ako nanghihimasok sa love life ng wedding girls ko. Kahit na itanong mo pa sa mga naunang wedding girls na nagpakasal.”
“Salamat naman kung ganoon. After Faith’s wedding, bakasyon muna ako, ha? Ikaw muna ang mag-emcee sa mga susunod na kasal ng Romantic Events tutal, magaling ka din namang humawak ng program. Gusto ko talagang magbakasyon. I want a different environment.”
“Saan mo naman balak pumunta?”
“Nag-iisip pa.”
“Gusto mo sa Boracay? May vacation house sina Ryan doon. Welcome ka doon.”
Tinitigan niya uli si Eve. Iniisip kung nagbibiro lang ba ito. “Masyadong sosyal na bakasyon iyon.”
“Kahit na libre?” arok ni Eve.
Gusto niyang sunggaban agad pero hindi naman niya maramdaman ang sarili na excited puntahan ang lugar na iyon—kahit na nga ba hindi pa siya napupunta doon.
“I’ll think about it. And thank you.”