KALALABAS pa lang ni Charity sa kuwarto ay nakita niyang paparating naman ang sasakyan ni Edmund. Napangiti siya. Hindi niya maikakaila ang kilig na naramdaman ngayong minuto lang ang palilipasin niya ay makikita na naman niya ang lalaki.
“Para palang Intsik si Edmund,” nakangising wika ni Lulu na sumilip naman buhat sa komedor. “Kaaga namang aakyat ng ligaw?”
“Malay mo naman kung aakyat nga ng ligaw?” denial na sagot niya. “For all I know, si Allan ang pakay niyan.”
“Malalaman natin,” anito at lumabas na. “O, Edmund, tamang-tama ang dating mo at mag-aalmusal na kami. Tara, sumalo ka na.”
“Good morning!” masiglang bati nito at tumingin din sa kanya. “Si Allan?”
Tumawa si Lulu. “Si Allan ba talaga ang pakay mo o itong si Charity?”
Tumawa rin si Edmund. “Well, si Allan muna dahil ipagpapaalam ko si Charity.”
“Aayyy! Kinikilig ako!” tila teenager na sabi ni Lulu. “Malaki na si Charity. Siya na ang magdedesisyon para sa sarili niya. Hayan, kayong dalawa ang mag-usap.” At iniwan na sila nito.
“Good morning!” ulit na bati sa kanya ni Edmund.
“Good morning din sa iyo,” nangingiting tugon niya. “Halika, pasok ka sa bahay nila. Pareho tyaong maki-almusal dito.”
Tumango ito. “Actually, kasali iyan sa pakay ko. Kaya nga inagahan ko ang punta ko dito, eh. Mabuti naman at umabot ako.”
“Kain na tayo,” malakas namang aya ni Lulu buhat sa komedor. “Maagang umalis si Allan. Malamang, mamayang hapunan na ang dating niyon. Saan ba ang lakad ninyo?”
Nagkatinginan sila ni Edmund. “Hindi pa nga ako inaaya, eh,” aniya.
“Oy, Edmund, ayain mo na, dali! Sa tono ni Chattie, hindi ka naman tatanggihan.”
“Lulu!” saway niya sa pinsan. Maski paano ay nahihiya din naman siya sa hantarang pagrereto nito sa kanila ni Edmund.
“Aber, Edmund, ayain mo na kasi,” sulong pa nito.
“Chattie?” baling ng binata sa kanya. Sa bukas pa lang ng mukha nito, hindi na nito kailangan pa ng maraming salita upang ayain siya. After all, iyon na rin naman ang paksa ng usapan buhat pa nang dumating ito.
“All right, saan ba tayo pupunta?” nakangiting sabi niya. Alam niyang kalokohan namang magpakipot pa siya. Matatanda na sila at hindi na bagay sa kanila ang magpa-cute.
“Maraming magandang puntahan dito sa Cagayan. Baka hindi kumasya ang isang linggo para malibot mo lahat ng maisa-suggest kong lugar. Kung saan mo gustong mamasyal, di doon tayo pupunta,” tugon ni Edmund. “But I have another idea. May pinsan ako sa Dana-ili. Noong huli kaming magkita, nabanggit niya sa akin na doon na siya naglalagi. Kung gusto mo, dalawin natin siya.”
“Dana-ili?” sabad ni Lulu. “Saan iyon?”
“Sa Abulug. Kung gusto mo, Lulu, sumama ka na rin. Taga-Maynila din ang napangasawa ni Santi. I’m sure, matutuwa ang mga iyon kapag nakakilala ng mga bagong kaibigan.”
“Date ninyo, sasama ako? Huwag na, dito na lang kami ng anak ko. O, dali, kain nang kain. Malayo-layo din dito ang Abulug.”
“Doon na ba talaga tayo pupunta?” tanong naman niya sa pagitan ng pagkain.
“Kung gusto mo.”
Tiningnan niya si Lulu na kaagad naman tumango. “Hindi pa ako nakarating doon pero so far, wala naman akong alam na lugar dito na delikadong puntahan. Go ahead. Magdala ka na rin ng extra’ng damit, baka magkaayaan kayong mag-swimming. Alam mo naman dito, maraming puwedeng pagpaliguan. May dagat, may ilog. Kahit sa sapa, puwede rin,” bungisngis pa nito.
*****
NALIBANG SI CHARITY sa biyahe nila patungong Abulug. Kahit naman noon lang niya narinig ang lugar na iyon, kumportable pa rin siyang sumama kay Edmund. Katiting mang pangamba ay wala siyang makapa sa dibdib kaya naman ibinuhos na niya ang buong pakiramdam sa pag-e-enjoy sa pamamasyal nilang iyon.
“Matagal-tagal na rin nang huli akong mapunta sa Dana-ili. Mga binata pa kami nina Santi. Sa Maynila pa kami nagkakilala nang napangasawa niya nang lumuwas sila at dalawin ako.”
“Okay lang kaya sa kanila?” tanong niya. Mas hinihintay sana niyang idugtong nito ang paksa tungkol sa mag-ina nito pero sa itsura ni Edmund ay wala itong balak na buksan ang paksang iyon. Wala rin naman siyang balak na ungkatin iyon gayong si Lulu lang ang nagsabi sa kanya ng tungkol doon.
“Of course! Ilang beses na rin akong kinontak ni Santi para magkita kami dahil iniimbita nga ako sa Dana-ili. Malaki na raw ang pinagbago ng bakuran nila. Pati nga si Seb, iyong bunsong kapatid niya, kinakantiyawan na ako. Nagkaanak na raw sila pareho, pero hindi pa kami nakikita uli. I’m sure, masu-surprise ang mga iyon kapag nakita ako.”
Tama nga si Edmund. Pagkatapos ng mahigit-kumulang isang oras nilang biyahe, nang makarating sila sa Dana-ili ay daig pa ng nakakita ng multo ang reaksyon ng inabutan nila.
“Edmund? Nabuhay ka!” tuwang wika ng lalaking sumalubong sa kanila. Hubad-baro ito at pantalong maong na pinutol hanggang tuhod ang suot. Sa itsura ay mukhang naabala sa kung anumang ginagawa sa likod-bahay upang pagbuksan sila ng gate.
“Bakit, hindi naman ako namatay, ah?” sabi naman ni Edmund. “’Langya, Santino, tatay na tatay ang dating mo, ah? Ni hindi na maniniwala ang tao sa iyo na doktor ka.”
“Doktor pa rin ako. Doktor dito sa baryo. Pasok kayo,” at pati siya ay mainit na inestima nito.
“Salamat,” nakangiti namang wika niya.
“Si Charity nga pala. Chattie, iyan si Santi.”
“Kumusta? Hindi na ako makikipagkamay. Madumi ang kamay ko, eh. Nagsisibak ako ng kahoy sa likod nang dumating kayo.”
“Halata naman, eh,” kantiyaw ni Edmund.
“’Insan, siya na ba ang bago mo?” pabulong na wika ni Santi pero nakaabot sa pandinig niya. Sa sulok ng mga mata ni Charity, nakita niyang blangko ang tanging naging tugon ni Edmund sa tanong na iyon.
“Ibang-iba na itong bahay mo, ah? Kung hindi pa sa dating gate, malamang naligaw na kami,” sa halip ay sagot ni Edmund.
“Pina-renovate ko. Nakakahiya naman sa misis ko kung hindi ko ipapaayos. Sanay iyon sa lahat ng modern convenience.”
“Convenience? Eh, bakit nagsisibak ka ng kahoy?”
“Wala, sinisinop lang kaysa naman anurin lang sa ilog. Sayang naman. Saka pag malakihang pagluluto, di may magagamit na panggatong. Open din iyan sa kapitbahay na gustong manghingi. Wala naman akong masyadong ginagawa dito. Pagkapakain ng mga hayop, di maiinip lang ako. Bihira din naman ang pasyente dito. Puro malulusog ang tao dito, eh,” nakangiting paliwanag nito.
“Nasaan ang misis mo?”
“Si Catherine? Darating na iyon mayamaya. Sa Peñablanca natulog ang mag-ina ko, eh. Naglambing sina Papa’t Mama na dumalaw sila doon. Ihahatid sila ni Seb. Tamang-tama, magugulat si Seb kapag nakita ka. Para ngang napag-usapan ka pa lang namin kagabi. Speaking of the devil na pala iyon.”
“Luko-luko!”
“Can I offer you anything? Coffee… tea?”
Nagkatitigan ang dalawang lalaki at saka biglang nagkatawanan.
“Marunong pa naman akong umingles. Iyong anak ko, kung kulang ka sa practice, mai-insecure ka kapag kinausap ka. Hindi iyon kinakausap ni Catherine ng Tagalog.”
“Eh, Ilokano?”
“Pareho silang ngayon pa lang natututong mag-Ilokano. Mukhang ang anak ko nga ang magtuturo sa mommy niya ng dialect natin. Ikaw, Charity, Ilokano ka rin ba?”
“Hindi. Taga-Maynila ako. Nagbabakasyon lang ako sa isa kong pinsan diyan sa Gonzaga.”
“Tsk! Hintayin mong makilala ka ni Catherine. Sabik na sabik iyong makakilala ng mga taga-Maynila. Akala mo naman, hindi natutuntong ng Maynila samantalang maya’t maya rin naman ay lumuluwas silang mag-ina. Daddy’s girl iyon, eh. Tawagan lang siya ng daddy niya dito, gusto niya, lumuwas na rin agad.”
“Bilib ako sa iyo, ‘Insan. Buti, napatira mo dito ang misis mo. Hindi ba, ang kuwento mo sa akin, hindi lang laking-Maynila si Cathy? Laking-abroad kamo.”
Kaswal itong tumango. “Oo. Playground noon ang iba’t ibang Philippine embassy sa abroad, kasi nga dating ambassador ang daddy niya. Ngayon, foreign relation consultant ang biyenan ko. Gusto niya na pumirmi na din sito sa Pilipinas para mas malapit lang sa apo.”
“Ibang klase ang social life ni Catherine. Hindi ako makapaniwalang puwede siyang makatagal dito. Look, kung narito ka sa loob ng bahay, hindi mo iisiping sa baryo nakatirik ang ganitong magarang bahay. Pero pagdungaw mo sa bintana at marinig mo ang huni ng kung anu-anong hayop…” Napailing na lang si Edmund.
“Well, ang masasabi ko lang, iba ang nagagawa ng true love,” proud na sabi ni Santi. “How about you, Charity? Hindi ka ba naninibago sa lugar na ito?”
“Ilang araw pa lang naman ako dito. So far, nag-e-enjoy pa ako. Saka hindi naman talaga ako madaling ma-bored sa isang lugar. Actually, kaya nga ako nagbakasyon, gusto ko namang takasan ang Maynila.”
“If that’s the case, hindi ka nagkamali ng lugar na pinuntahan. Kung mahilig ka sa adventure, may bangka diyan sa likod. Mamasyal kayo.” Bumaling ito kay Edmund. “Ilog ang likuran nitong bahay, kung nakakalimutan mo na. Pare, ang sarap mamangka kapag ganitong maganda ang panahon. Kami nga ni Cathy, nakakarating sa Allasitan ng nakabangka, eh. Remember Allasitan? Iyong beachfront property namin?”
“Beach?” ani Charity na hindi napigil na magsalita.
“Beach,” sagot naman ni Edmund na ang mga mata ay walang dudang nanunukso sa kanya. “Weakness mo, no?”
Tumango siya.
“That’s good. Hintayin lang natin si Cathy then punta tayo doon. Kung gusto ninyo, overnight pa tayo doon. Maayos na rin iyong bahay doon. Tapos iyong sa kabila, bahay naman ng napangasawa ni Seb. Kaya lang, nasa abroad kasi si Ayen. Isinama silang mag-ina ng mama niya. Ayaw nga sana ni Seb payagan kasi wala pang one year old iyong anak niya kaya lang hindi naman nila matanggihan iyong imbitasyon ng mga kamag-anak ni Ayen sa mother side niya. Si Ayen kasi, Spanish ang mother niya. Iyong mga kamag-anak nila sa Spain na hindi nakarating noong kasal nila ni Seb, nag-request na dumalaw naman sila roon.”
“Eh, bakit hindi kasama si Seb?”
“Hindi raw tinatanggap sa Spain ang indio.”