12

1363 Words
“SEBASTIAN!” tuwang wika ni Edmund na nilingon ang nagsalita. Napatayo pa ito at pabirong sinuntok sa balikat ang pinsan. Pero mas nahagip ng tingin ni Charity ang babaeng dumating. Kahit simple lamang ang bihis nito, hindi maitatago ang natural na poise at karisma. Sosyal na sosyal ang dating. Si Santi ang agad na nilapitan nito. Mabilis na hinalikan sa mga labi ang lalaki at saka ipinasa dito ang kargang anak na kamukhang-kamukha nito. “May bisita pala tayo,” anito. “Hi!” bati niya dahil sa kanya unang bumaling ang tingin nito. “Charity, this is my wife Catherine. Darling, si Charity. Espesyal na kaibigan ng pinsan kong si Edmund.” Lihim siyang napangiti. May pakiramdam siyang may panunudyo ang pagkakabanggit ni Santi ng salitang espesyal. Mabilis ding ipinakilala ni Santi ang asawa nito kay Edmund, at siya kay Seb. Pagkuwa, nang tutukan ng magkapatid si Edmund ay maagap naman si Catherine na nag-estima sa kanya. “Mabuti at napasyal kayo dito?” matamis ang ngiting sabi nito sa kanya. “Nagbabakasyon ako, eh.” “Oh! Talaga?” At namilog ang mga mata ni Catherine. Napangiti siya. “Parang may iba ka yatang ibig sabihin,” kaswal na wika niya. “If I may say, I assume you’re single… and available? Unless if you’re already committed to Edmund there?” Tumikhim si Edmund. “Narinig ko yata ang pangalan ko?” “This is a girl talk,” pairap na wika ni Catherine pero hindi maikakaila ang pagiging karinyosa. “Santi, sa iyo na muna si Kitkat. Halika, Charity. Doon tayo sa gilid nitong bahay. Mahilig ka ba sa mga halaman?” “Hindi masyado. Okay lang kung wala. Kung meron, di diligan kung dapat diligan.” Natawa si Catherine. “Well, ako ang taong walang kahilig-hilig sa halaman. Hindi ko interes ang halaman until I came to this place. I learned to appreciate the nature. Noong una, patingin-tingin lang sa hardin ng mga kapitbahay. Then naengganyo akong maglagay ng orchids. Kaunti lang noong una but before I realized it, ang dami ko na palang nakolekta. Iyong mga kapitbahay, tinulungan akong ayusin itong greenhouse.” “Greenhouse ang tawag mo diyan?” aniyang kulang na lang ay mapanganga nang makita ang tinutukoy ni Catherine. “Orchid farm na ang ganyan sa Maynila.” “Yes. Pero tingnan mo, lahat sila hinahayaan kong mag-mature. Hindi ko iyan binabawasan or kina-cut. Even the flowers, nalalanta sila sa mismong puno maliban na lang sa bihirang pagkakataon na pinipitas ko sila para ilipat sa vase.” Lumapit pa sila sa mga orchids na walang dudang malulusog at hitik sa bulaklak. “Alam mo, every time I’m here, napapailing na lang ako. Who would believe na makakatira ako sa ganitong lugar? At magkakainteres pa sa mga halaman?” “Oo nga. Napag-usapan ka sandali kanina. Mukhang bago ka natutong lumakad ay punong-puno ka na ng social life. You belong to the A crowd pero you’re here.” Tumawa na naman ito. “And I bet, ang isasagot lang ni Santi ay tungkol sa true love.” “Yeah.” “Well, totoo naman. Kung hindi ko mahal si Santi, hindi ko maa-appreciate ang mga simpleng bagay dito na gusto niya. I love him so much kaya naririto ako ngayon.” “Kitang-kita naman sa mga tinginan ninyo na in love kayo sa isa’t isa.” Ngumiti ito nang punung-puno ng kahulugan. “Magiging mausisa ako, Charity. Pero ano ba ang ibig sabihin na espesyal kang kaibigan ni Edmund?” Siya naman ang napangiti at nagkibit ng mga balikat. “Ewan ko. Si Santi lang naman ang parang nanunukso. Actually, best friend ni Edmund ang asawa ng pinsan kong si Lulu. Nagkita na kami minsan sa Maynila. Sa isang kasalan. Then noong magbakasyon ako dito, nagkita uli kami. Nagkagulatan pa nga kasi parang ang liit ng mundo. And since nandito ako para magbakasyon, nag-offer naman siya na ipapasyal ako. And here we are. Naisip niyang dumalaw daw kami dito.” “Okay,” napatango namang sabi ni Cathy. “Mahaba pa naman ang oras kung gusto ninyo, magpunta tayo sa Allasitan. Doon tayo mananghali. Mag-picnic tayo.” “Hindi ba iyon nakakaabala sa inyo? Unannounced nga ang pagdating namin dito, eh.” Mabilis itong umiling. “Ano bang abala ang sinasabi mo? Come on, help me prepare the food we’re going to bring.” At inaya na siya nito sa mismong kusina. “Feel at home, Charity. I like you.” Napangiti na lang siya sa kaprangkahang iyon ni Catherine. **** KAGAYA NG IPINAGMAMALAKI ni Santi ay bangka ang ginamit nila patungong Allasitan. Bagaman mas maliit iyon kaysa sa sinakyan nila nang magpunta sila sa Palaui Island, hindi na rin nagawang kabahan ni Charity. Kahit na nga ba nang marating nila ang dulo ng ilog at tugpain nila ang dagat ay excitement pa ang naramdaman niya. She was having a good time. Mula kay Kitkat na anak nina Catherine at Santi, at mas lalo na si Seb ay talagang nag-esstima sa kanila ni Edmund. May kani-kaniyang kuwento ang mga ito sa mga sanga-sangang ilog at sapa na nadaanan nila bago nila narating ang mismong dagat. “This is one good adventure,” ani Santi. “Alam mo, Chattie, kapag may bisita kami at gustong mamasyal, isinasakay namin sa bangka at sa ilog at dagat namin ipinapasyal. Iyon kasing ibang tourist spot dito sa Cagayan, madali nilang marating since ibinebenta talaga iyon ng mga promoters. Pero iyong ganitong experience, mararanasan mo lang kung mayroon ka talagang host na taga-rito.” “At kami iyon, bow!” pakuwelang wika ni Seb. “Well, totoo naman ang sinabi ni Santi,” ayon ni Edmund na katabi niyang nakaupo sa bangka. “Kung may ilog din ba sa Sta. Ana, di nagpundar din sana ako ng bangka. Pero dagat na ang gawi namin. Wala naman akong balak na mamangka sa dagat lalo na kung mag-isa ako.” “Hindi problema iyan, ‘Insan,” ngisi ni Seb. “Di mag-aya ka ng kasama kung gusto mong mamangka.” “O kung gusto mo naman, di dito ka muna sa amin magbakasyon. Tutal, nagbabakasyon ka lang din naman sa Sta. Ana, di ba? At least, dito may kasama ka.” “Kuya, mapapalayo naman si Edmund sa Gonzaga,” at nanunuksong lumipat ang tingin ni Seb sa kanya. “Seb, huwag kang masyadong mambuska. Baka mapikon iyang dalawa sa iyo,” malambing na saway ni Catherine sa bayaw. “Alam mo ba, dati, iyang magkapatid na iyan, nagkapikunan habang sakay kami ng bangka? Nagkagulo silang dalawa dito!” “Buti, hindi tumaob ang bangka?” aniya. “Anong hindi? Tumaob nga! Takot na takot ako. Buti na lang at marunong na akong lumangoy. Si Kitkat, nasa Peñablanca that time. Kung kasama namin si Ayen, tiyak, mga isang linggong hindi kikibuin si Seb ng asawa niya.” “Huwag mo nang ikuwento,” wika naman nito. “Nakita mong noong malaman ni Ayen, na-outside de kulambo ako.” “Luko-luko ka kasi!” kantiyaw naman dito ni Santi na siyang nagpapatakbo ng bangka. “Doon na ba tayo sa kubong iyon?” turo naman ni Edmund sa natanaw nilang kubo. Dalawang kubo iyon na halos magkatabi. Ang laki ay hamak na mas malaki pa sa pangkaraniwang bahay. Matatawag lang na kubo dahil yari iyon sa sawali at bubong na anahaw. “Right,” sabi ni Seb. “Iyong sa bandang kaliwa, iyon ang sa mga Bergonia. Iyon namang kabila, iyon ang sa pamilya ni Ayen. Kung gusto ninyong mag-overnight, walang problema. Dalawa iyang matutuluyan na mapagpipilian.” “Mag-o-overnight tayo, Edmund?” tanong niya kaagad sa binata, mas mahihimigan ang pagtutol kaysa excitement. “It’s up to you.” Mabilis siyang umiling. “Mag-aalala si Lulu kapag hindi tayo umuwi ngayon.” Nakakaunawa naman itong tumango. “Okay.” “Di, next time, bumalik kayo,” sabi naman ni Santi. “Oo nga. Magandang mamasyal sa tabing-dagat kapag gabi,” wika ni Seb. “Romantic.” “Palagay ko ba, sa ganyan mo napasagot ang misis mo,” kantiyaw dito ni Edmund. “Well…” sagot lang ni Seb at ngumiti.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD