“LIGO NA tayo?” tanong sa kanya ni Edmund.
Katatapos lang nilang magtanghalian at dama pa ni Charity ang pamimigat ng tiyan. Busog na busog siya sa mga pagkaing pinagsaluhan nila. Pakiramdam niya, hindi picnic ang dinayo nila roon kung hindi isang fiesta.
“Tayong dalawa lang?” sagot niya.
“Malamang. Lumipat si Seb sa kabilang bahay, eh. May titingnan daw doon. Tingnan mo naman iyang pamilyang iyan, mukhang mas gustong umidlip.”
Kanina-kanina lang ay iniwan sila ni Catherine. Inaantok ang anak nito kaya pinatulog. Si Santi naman ay inilatag na ang katawan sa sahig na kawayan ng kubo, mukhang nakakatulog na rin.
“Kungsabagay, parang ang sarap ngang maligo. Walang katao-tao sa dagat,” aniya.
Napangisi si Edmund. “Maliligo ka nga kaya? Hindi kaya, magtatayo ka na naman ng kastilyong buhangin?”
Natawa siya. “Depende. Baka mamaya, gigibain mo lang?”
“Depende din. Kung magkatulong tayong gagawa, siyempre, hindi ko gigibain.”
Nagulat siya sa sagot nitong iyon.
Nauna na silang sinabihan ni Seb na hindi gradual ang lalim ng dagat doon kaya naman maingat silang lumusong. Nang makapa ng paa ni Charity ang biglang paglalim ay siya na ang agad na umabot ng hawak kay Edmund. Inalalayan naman siya agad nito.
Pero hindi na niya magawang mag-enjoy sa paglusong. Naunahan na siya nga takot na baka sobrang lalim na ang susunod na maging hakbang niya sa tubig.
“Doon na lang kaya ako?” aniya kay Edmund. “Nakakatakot naman ang dagat dito. Parang bigla ka na lang lululunin.”
Natawa si Edmund. “Okay.” Inakay pa siya nito pabalik sa pampang. “Maglalangoy lang ako sandali then I’ll join you.”
As expected, inabala na lang niya ang sarili sa paggawa ng kastilyo. Maganda ang buhangin sa lugar na iyon. Pino na ay maputi pa.
“O, ang bilis mo namang napataas iyan?”
Nagulat pa siya nang nakalapit na sa kanya si Edmund. Sa sulok ng kanyang mata ay pinagmasdan niya ito. He had a nice body. Tamang-tama lamang ang laki ng katawan at walang nag-alsahang taba o laman man. Kung papipiliin siya sa mga sandaling iyon kung ano ang mas nanaiisin niya hipuin, bibitiwan niya ang dakot-dakot niyang buhangin at hahaplusin niya ang magandang katawan nito.
“Bakit walang dike?” tanong nito at tumabi na nang upo sa kanya.
“Ha?” aniyang inulit muna sa isip ang narinig bago nag-isip ng isasagot. “Nakaupo naman ako patalikod sa alon, napoprotektahan ko na rin.”
“Umusod ka nang kaunti. Ako ang gagawa ng dike.”
Nagtaka siya. “Wow! Interesado ka na ring gumawa ng kastilyong buhangin?”
Sandali itong nag-isip. “Let’s say, gusto kong makisali sa mga bagay na gustong-gusto mong ginagawa.”
“Di, pareho na tayong childish?” tudyo niya.
“Hindi naman siguro.”
*****
HAPON NA NANG lisanin nila ang Allasitan. Palibhasa’y bangka ang ginamit nila papunta roon, bangka din ang sinakyan nila nang bumalik sa Dana-ili kaya naman latag na ang dilim nang magpaalam sila. Gusto pa nga sana ni Catherine na doon na rin sila naghapunan pero magalang tumanggi si Charity. Alam niya, kahit naman walang tutol si Lulu sa pamamasyal nila ni Edmund ay mag-aalala rin ito kung labis siyang gagabihin sa pag-uwi.
Palabas pa lamang ng highway ay naramdaman na ni Charity ang antok. Pagod siya sa maghapong pamamasyal at paglilibot sa tabing-dagat. Si Edmund ay naka-concentrate naman sa pagmamaneho. Tila wala namang iniindang pagod.
“Nag-enjoy ka ba?” tanong nito.
“Oo naman,” matapat na sagot niya. “Masarap namang mag-estima ng bisita ang mga pinsan mo. Saka si Catherine, okay din.”
“Well, natural na kay Catherine iyon. Nakalakhan na niya kung paano ang tamang trato sa bisita. Pero siyempre, iba pa rin kapag parang kamag-anak na rin niya. Siyempre, mas personal ang trato. Nag-iimbita sila uli na bumalik tayo pero hindi muna ako sumagot. Ikaw muna ang tatanungin ko.”
Napangiti siya. “Sa akin, okay lang. Kaya lang, di ba, nakakahiya rin kapag madalas? Baka maabala natin sila sa mga ginagawa nila.”
Napatawa ito nang mahina. “Favorite word mo iyan, ‘no? I mean, the word nakakahiya. Para bang napaka-conscious mo sa iisipin ng ibang tao. Hindi naman masama pero kung iaaplay mo iyan sa imbitasyon nina Santi, forget it. Kilala ko ang mga iyon. They won’t invite you again kung nagpapabalat-bunga lang sila.”
“Kung ganoon ba, eh, di, bumalik tayo uli doon. Bukas na ba agad?” biro niya.
“Kung gusto mo bang bukas na agad, di bukas na,” game namang sagot nito.
“Mamaya na lang tayo mag-decide. Baka may iba ring plano si Lulu para sa atin. I’m sure, kung may balak man iyon na ipasyal ako dito, tiyak na kasama ka na rin.”
“Salamat naman,” nasisiyahang sabi nito. “Matagal-tagal na rin ako dito sa Cagayan. Kung lumuwas man ako ay kapag importante lang. Kagaya noong nagkita tayo sa kasal. Hindi ko lang matanggihan ang mama ko na mag-proxy sa kanya sa okasyong iyon kaya napilitan akong lumuwas. Pero mas gusto ko na dito na lang muna ako.”
“Hindi ka ba naiinip?” maingat na tanong niya. Hindi niya gustong mahimigan ni Edmund na mayroon din siyang alam sa pribadong buhay nito.
Nilinga siya nito. “Sabihin na nating pinili ko kasing mamalagi dito kaya napaghandaan ko na rin ang inip. Besides, iyong katahimikan dito ang ginusto ko kaya hindi ko rin maramdaman ang inip.” At sandali itong bumunot ng paghinga. “I have a very painful past, Charity. And I’m trying to heal my wounds here.”
Hindi siya nakakibo. Pakiramdam ni Charity, isang pagsisimula iyon na buksan ni Edmund ang tungkol sa nakaraan nito.
Bahagya itong ngumiti sa kanya. “And I guess I’m making progress. Hindi na ako nakakadama ng inggit kapag nakikita kong masaya ang ibang tao sa paligid ko. Dati, hindi ko matanggap na masaya ang iba samantalang ako ay puro kalungkutan. Now, I’m beginning to open my doors again to breathe a new life.”
“Di mabuti naman kung ganoon,” nasabi niya.
“I guess I’m going back to Manila sooner than I thought. Kapag nasa Manila ka na rin, I hope we can still see each other.”
Totoong nagulat siya. “O-of course.”
Nabuo ang ngiti nito. “I’ll be honest with you, Charity. I like you. And it’s not because people around obviously pair us to each other. I like you because I really do.”
Napangiti rin siya. “Thaks for being frank, Edmund. Minsan, nakakailang din iyong pagma-match nila sa ating dalawa but I also have to admit, I like you too.” At pilya ang naging ngiti niya. “Kasi kahawig mo ang crush ko. Si Hugh Jackman.”
Nauwi sa mataginting na halakhak ang ngiti nito. “That’s flatering. Para namang napakaganda ko ngang lalaki.”
Napabungisngis siya. “Gusto mo bang ipagbuhat kita ng bangko?” she teased.