BAGO GANAP na naimulat ni Charity ang mga mata ay ang pagkangalay ng leeg ang agad niyang nadama. Nang ibukas niya ang mga mata, nakita niyang nakatunghay sa kanya si Edmund.
Agad siyang umayos ng upo. “Nasaan tayo?” tanong niya nang makitang nasa bangketa sila.
“Gonzaga. Diyan na sa susunod na gate ang bahay nina Lulu. Ang sarap ng tulog mo, eh. Ayoko namang gisingin ka.”
“Sorry, nakatulugan pala kita.”
“Okay lang. Ano, kina Lulu na tayo?”
Tumango siya. Pero kumunot ang noo niya nang hindi naman lubos na tuminag si Edmund.
“Can I ask you something, Chattie?”
“Ano iyon?” aniyang hindi naiwasan ang kabahan.
“I want to kiss you good night.”
Napamaang siya. Hindi naman niya kailangang lokohin ang kanyang sarili dahil malinaw naman niyang narinig iyon.
“Please?” halos samo ni Edmund.
Hindi niya alam kung alin ang mas matimbang. Ang likas na atraksyon niya dito o ang tila nagmamakaaawang pagtunghay nito sa kanyang mukha. Nang unti-unti nitong tawirin ang distansya ng kanilang mukha ay hindi siya gumawa katiting mang pag-iwas. Nang dumampi ang mga labi nito sa kanya, ipinikit na lamang niya ang kanyang mga mata.
The kiss was so light. Tila balahibo lamang iyon na inihagod sa kanyang mga labi. Pero hindi magaan ang kiliting nabuhay sa kanyang katawan. Nang ilayo ni Edmund ang mukha nito sa kanya, tila isang malakas na pagtutol ang narinig niya buhat sa likuran ng kanyang tenga.
He touched her face gently. Ang hinlalaki nito ay dumama pa sa ibaba ng kanyang labi na tila sa pamamagitan man lamang niyon ay madugtungan pa ang ginawa nitong pagdama sa kanyang mga labi.
Tila wala namang nais na may magsalita sa kanila. Nakatingin lang siya kay Edmund at ito man ay ganoon din sa kanya. Ayaw niyang manghula. Ayaw niyang bigyan ng interpretasyon ang mga tingin nito. Mahirap na. Baka magkamali siya ay tiyak na siya rin ang masasaktan.
He gave her a warm smile at pagkuwa ay umayos na ito ng upo sa harap ng manibela.
Saglit lang at pumasok na sila sa maluwang na bakuran nina Lulu. Nang ihinto ni Edmund ang sasakyan at alalayan siya sa pagbaba ay nagdaop ang mga palad nila. Hindi na nagbitaw iyon hanggang sa tunguhin nila ang mismong bahay.
“Hindi kaya nainip na sa atin sina Allan at Lulu?” kaswal na wika nito sa kanya.
“Malamang. Baka nag-aalala na iyon. Medyo late na.”
Pero nakangisi pa si Lulu nang makita sila. “Bakit umuwi pa kayo? Akala ko pa naman, Edmund, itinanan mo na itong pinsan ko. Ang tuwa ko sana,” tudyo nito. Bumaba ang tingin nito sa mga kamay nilang magkahawak. Wala itong sinabi tungkol doon pero hindi nakaligtas si Charity sa mapanuksong tingin nito.
“Hindi naman,” napangiti ring sabi ni Edmund. “Nag-beach kami, eh. Inabot na doon ng hapon kaya ginabi na rin kami sa biyahe.”
“Bukas, saan naman ang balak ninyo?”
“Wala pa.” Si Charity na ang sumagot. “Iniimbitahan pa kaming bumalik sa Dana-ili. Kahit ilang araw daw, puwede kami doon kaya lang hindi muna kami tumango. Baka mamaya may plano rin kayo ni Allan para sa ating lahat.”
“Oh,” napatangong reaksyon ni Lulu. “Kung sa plano ay wala pa. Pero anytime naman ay puwede kaming mag-ina. Si Allan lang ang alam kong hindi palaging makakasama. Busy iyon, eh. Hindi pa nga dumarating. Edmund, hintayin na natin ng konti si Allan at sabay-sabay na tayong maghapunan. Tiyak namang kahit na pinakain kayo doon ay gutom na kayo doon dahil sa naging biyahe ninyo.”
“Kanina ay naki-almusal na ako. Ngayon ay makikihapunan naman. I think, dapat ay bumawi naman ako paano. What if bukas ay kayo naman ang imbitahin ko sa bahay? Almusal, tanghalian, meryenda at pati na rin hapunan. Susunduin ko pa kayo at ihahatid,” ani Edmund.
Mabilis na lumipad ang tingin ni Lulu sa kanya. “Masama ang tumanggi sa grasya, di ba?”
Napangiti na lang siya.
Mayamaya ay dumating na si Allan at naghapunan na sila. Hanggang sa magkape ang dalawang lalaki pagkatapos ay hindi mapatid-patid ang kuwentuhan ng mga ito. Nakaharap din sila ni Lulu pero pareho silang tumangging magkape. Si Lulu, palibhasa’y buntis at siya, dahil alam niyang mahihirapan na siyang makatulog kapag nagkape pa siya sa gabi.
Pero nagpaalam na rin si Edmund pagkatapos. Ikinatwiran nitong maaga din ang usapan nila bukas at kailangan nang magpahinga. At bagaman tila balintuna, hinayaan nina Allan at Lulu na siya na ang maghatid kay Edmund hanggang sa sasakyan nito.
“I had a wonderful day, Charity. And it’s because of you.”
“Nag-enjoy din ako, Edmund. Salamat.”
At pagkuwa ay nagkaroon ng katahimikan sa pagitan nila. Isang mabilis na paghinga ang pinakawalan ni Edmund at binuksan na ang sasakyan. “See you tomorrow, Chattie. Good night.”
“Good night. Ingat ka.”
He nodded. Pero bago sumakay ay mabilis na yumuko sa kanya at hinagkan siya. Nagulat siya pero wala siyang makapang pagtutol sa dibdib. Sa halip, kay tamis pa ng ngiting gumuhit sa mga labi niya habang inihahatid ito ng tanaw.
*****
IBA ANG GAAN NG pakiramdam ni Charity kinabukasang nagising siya. Ang ngiting nakapamilaylay sa mga labi niya nang gabing matulog siya ay tila hindi siya iniwan. Pakanta-kanta pa siya habang nagbibihis. Anhin na lamang niya, paglabas niya ng silid ay naroroon na si Edmund upang sunduin sila.
“Good morning!” masiglang bati niya kina Lulu at Allan nang makita ang mga ito sa sala. Kagaya niya, nakabihis na rin ang mga ito. Iyon nga lang hindi niya nakita si Denise. Malamang ay tulog pa ang bata.
“Good morning,” ganting bati sa kanya ni Allan. “Mabuti na lumabas ka na. Talagang kakatukin ka na namin, eh. Nandiyan na sa labas si Edmund. Natanaw kong pumasok iyong kotse niya. Excuse, ha? Sasalubungin ko lang.”
“Hindi kami makakasama sa lakad sa natin today,” wika naman ni Lulu na kapansin-pansin ang pagiging seryoso. “Pupunta kami ni Allan sa ospital. May spotting ako, eh. Kailangan kong magpatingin agad.”
“Ha?” aniyang agad na nag-alala. “Huwag na lang kaya akong tumuloy? Sasama din ako sa iyo sa ospital. Si Denise?”
“Tulog pa, eh. Isasakay na lang namin sa kotse. Isasama na namin si Denise para tuloy check-up na din niya sa pedia niya tutal schedule naman niya talaga this week para ma-check up. Chattie, nakakahiya kay Edmund kung hindi tayo matutuloy ngayon. Sa kanya ka na sumama. I’ll be fine.”
“Pero dinudugo ka kamo?”
“Spotting,” pagtatama nito. “Ganito din naman ako kay Denise dati. Wala naman akong masakit na nararamdaman kaya lang mas mabuti nang matingnan ako ng doktor.”
“Hello, gorgeous ladies!” maluwang ang ngiting bati ni Edmund nang pumasok ito kasabay si Allan. Sinulyapan siya nito at tinanguan bago bumaling kay Lulu. “Okay ka lang? Nasabi sa akin ni Allan na pupunta kayo sa doktor.”
“Okay naman ako, Ayaw lag naming ipagwalang-bahala kaya magpapatingin na din sa doktor. Oo nga, eh. Hindi tuloy kami makakasama sa usapan natin. Paano ba iyan? Di si Charity na lang muna ang maisasama mo?”
Napailing ito. “Ang dami ko pa namang ipinamalengke. Alam mo ba, nag-review pa ako ng mga recipe na iluluto ko today. Hindi bale, mamaya kapag inihatid ko si Charity, dadalhin na lang namin uli dito iyong iba para matikman ninyo.”
“Iyan ang magandang narinig ko,” ani Allan. “Paano? Hindi sa itinataboy ko kayong dalawa kaya lang bibiyahe din kami papunta sa ospital. Ikaw na ang bahalang magpaalmusal diyan kay Chattie.”
“Oo ba. Sabi ko nga kagabi, ako naman ang taya ngayon. Almusal, tanghalian, meryenda at hapunan. Eat and drink all you can!” sagot ni Edmund na sa kanya tumingin. “So, Chattie, para makarami ka, I think we better get going.”
Sabay sila ni Lulu na lumabas ng bahay habang si Allan naman ay kinuha sa kuwarto ang tulog na anak.
“Enjoy your date, Chattie. Kailangan, bago matapos ang bakasyon mo dito, malaki na ang development sa inyo ni Edmund,” pabulong na sabi sa kanya ni Lulu.
“Ikaw talaga, imbes na mag-alala ka sa spotting mo, nakukuha mo pang magbiro,” tugon niyang pinandilatan ito ng mga mata. “Akala ko pa naman kanina, makukunan ka na. Kanina lang kita nakitang serious, ah?”
“Seryoso ako,” pilit nito. “Baka akala mo wala akong napapansin, ha? Nasa holding hands stage na kayo. That’s a good sign. Hindi na uso ngayon ang pa-Maria Clara. Mabilis na ang takbo ng panahon. Mamaya, dapat mag-kiss na kayo.”
Nasamid siyang bigla.