“TALAGA palang namili ka nang marami!” sabi niya kay Edmund nang pasakay na siya sa jeep nito. Sa likuran ay halos umapaw ang dalawang basket dahil sa iba’t ibang gulay at karne.
“Siyempre, babawi nga ako today, di ba?”
“Pero mukha namang sobra pa para sa atin ang pakakainin mo sa dami niyan.”
“Mukha lang marami iyan. Sa tantiya ko, tama lang iyan para sa apat pero dahil tayo na lang dalawa, talagang sobra nga iyan.”
“I’m curious, Edmund, talaga bang ikaw ang magluluto? Wala kang inupahang magluluto?”
“Ngayon pang dalawa na lang pala tayong magsasalo? Kayang-kaya.” At kumindat pa ito sa kanya.
Nagulat siya pero bigla ring nakadama ng kilig. At ninanamnam pa niya ang kilig na iyon nang pangahasang abutin ni Edmund ang kanyang kamay.
“I’ve been thinking of you all night,” sabi nito.
“B-bakit?”
Luminga ito sa kanya at ngumiti. “Di ba, sabi ko nga sa iyo, I like you.” At bahagya pa nitong pinisil ang palad niya. “Sarili natin ang buong maghapon, Charity. Mamaya we’ll talk about it.”
Napalunok siya. Parang hindi siya kumportable na biglang nagseryoso ng tinig si Edmund pero alam niyang hindi rin siya mapapakali kung iiwas siya na pag-usapan iyon. Siyempre, gusto din niya malaman kung may malinaw bang matatanaw sa pagiging palagi nilang magkasama.
*****
“BUKOD pala sa nakasakay sa jeep, mayroon ka pa palang stock dito?” manghang sabi niya nang tumuloy na sila ni Edmund sa kusina. Nadatnan niya doon ang ilang bigkis ng matatabang alimango at halos kalahating balde ng sugpo.
“Oo. Bago ko umuwi kagabi ay sinabihan ko ang kapitbahay ko na dalhan ako ng mahuhuli nila. Mga sariwang-sariwa iyan. Tiyak na masarap.”
“Baka lumobo na ang tiyan natin sa dami ng pagkaing iyan,” aniya pero napapalunok naman. Isipin pa lamang niya na ang mga iyon ang kakainin niya ay parang naglalaway na siya.
“Ayaw mo? Wala ka bang hilig sa ganyan?”
Natawa siya. “Kung alam mo lang, kahit na sobrang mahal niyan sa Maynila ay namamakyaw ako dahil paborito ko iyan.”
“Di, mabuti. Hindi na tayo magsasaing. Puro ulam na lang.”
“Ay, masarap pa rin iyong may kanin.”
Napahalakhak si Edmund. “That’s one of the thing why I like you, Charity. Napansin kong magana kang kumain. Wala yata sa bokabularyo mo ang salitang diet. Hindi ka ba natatakot na tumaba?”
“Hindi. Salamat na lang sa fast metabolism ko. So far, hindi pa rin nagbabago ang sukat ko.”
“Excuse, ha?” paalam nito.
Nang iwan siya nito ay bumalik siya sa jeep. Naiwan doon ang bag na kinalalagyan ng damit niya. Nasanay na siyang may ekstrang damit basta umalis. Baka magkaayaan na namang mag-swimming, mainam nang hindi mapurnada ang plano dahil lang sa wala siyang maipampapalit sa suot.
Pagbalik niya sa kusina ay napatanga siya. Naroon na si Edmund na naka-apron at chef’s hat! Lumang maong na pinutol makalampas-tuhod ang suot nito. At walang pang-itaas.
Napalunok si Charity. Nabubuhay ang atraksyon niya sa binata. Bakit hindi, walang magsasabi na hindi ito sexy sa gayak niyang iyon. Nang buhatin nito ang balde ng sugpo upang dalhin sa lababo, bahagyang nagngalit ang mga kalamnan nito.
“Oh, my!” piping sambit niya.
“Saan ka galing?” tanong nito nang mapalingon ito sa kanya.
Kaswal siyang lumakad patungo sa working table at ipinatong doon ang bag. “Kinuha ko lang itong bag ko. As usual, may extra akong damit.”
“That’s good. Wala tayong plano today pero mabuti na rin na may baon ka. We never know, baka sa swimming din tayo mauwi.”
Tumango siya. “Iyan nga din ang naisip ko.” Hinagod niya ito ng tingin. “Ganyan pala ang attire mo kapag nangungusina.”
“You like it?” tila nanunudyong tanong nito.
“Fishing for compliments?” game namang wika niya at gumuhit ang maluwang na ngiti sa mga labi.
“Puwede?” natatawang tugon nito.
Napabungisngis siya. “Well, you look good.” Gusto sana niyang sabihing sexy pero naunahan naman siya ng hiya. Susme! Hindi niya akalaing may patak pa ng dugo ni Maria Clara sa ugat niya!
“Good lang?” tila naman nanunukso pang sabi ni Edmund.
She breathed. “Hihimayin ko pa ba ang pagpuri?” Then she rolled her eyes. “The chef’s hat is cute. Akala ko sa hotel lang makakakita ng cook na nakasuot ng ganyan. Dito rin pala. At bagay sa iyo, ha?”
“Thank you,” at nag-bow pa ito. “What can you say about my apron?”
“Huh? It’s dark,” ngisi niya palibhasa ay kulay itim iyon. Pero ngayon lang din niya iyon natitigan. May burda iyon na hindi agad mapapansin. Sinipat niya iyon ng tingin at napanganga siya sa nabasa.
I’M MORE DELICIOUS THAN MY DISH!
Napalunok siya. Tila nananadya din ang pangungusap na iyon kaya hindi siya agad nakatingin kay Edmund.
“Regalo sa akin ito ng secretary ko. Siya pa raw ang gumawa nito,” narinig niyang wika ni Edmund. “Sa office kasi, kahit once a year, nagti-treat ako sa mga empleyado ng mismong luto ko.”
“Talaga?” aniyang agad ding nakabawi. “Iba ka palang magtrato sa mga empleyado mo.”
“Oo naman. Kapamilya rin ang turing ko sa mga empleyado lalo na doon sa matatagal na sa kumpanya. I’m a nice person, Charity. Hindi sa pagbubuhat ng bangko. I know, medyo nagbago ako lately but I still believe, deep inside, mabuti pa rin akong tao.”
“Kung magsalita ka naman, para bang naging masama ka?”
Isang paghinga ang ginawa nito. “Ano bang paksa iyan? Let’s erase it. Sisimulan ko na ito. Ikaw naman, sit back and relax.”
Suwabeng-suwabe ang naging tinig nito. Dinaig pa ang mga naunang nagsabi ng gasgas nang linyang iyon. Ilang beses na ba niyang narinig iyon buhat sa mga patalastas at sa iba’t ibang bibig. Pero iba ang dating ng marinig niya iyon kay Edmund. Para nang gusto niyang maupo na at panoorin na lamang ito. Alam niya, titigan lang niya ito maghapon ay buo na ang araw niya.
Pero ayaw din naman niya na magmukha siyang namatanda na lamang doon. Nang makita niyang nagsimula nang damputin ni Edmund ang mga pagkain sa mesa ay kumilos din siya.
“Hindi ko alam kung ano ang iluluto mo but I can help,” aniya. “Itong mga gulay na ito, ano ba ang dapat na gawin dito.”
Umiling ito. “Akong bahala diyan. Very special guest kita kaya maupo ka lang diyan,” nakangiting sagot nito sa kanya.
“Ilang oras naman akong uupo dito? Sa dami ng mga iyan, baka naman tanghalian na ay hindi ka pa tapos kung hindi kita tutulungan?” insist niya.
“Akala mo lang mahirap pero madali lang ang ihanda ang mga iluluto ko. You’ll see,” at kumindat pa ito sa kanya.
Hindi niya napigil na mapangiti. Pangalawang pagkakataon nang ginawa iyon sa kanya ni Edmund. At sa halip na makornihan, aaminin niya sa sarili na nagustuhan pa nga niya.
“Jesus!” bigla na lamang sabi ni Edmund.
“Nahiwa ka?” taranta namang agad na sambit niya. Nakalimutan siyang segundo pa lang ang nakakalipas na kinikilig-kilig pa siya sa pagkindat nito sa kanya.
“No. Nakalimutan ko hindi ka pa nga pala nag-aalmusal. I’m so sorry, Charity.”
“Okay lang. Mukha bang duling na ako sa gutom?” pabirong sagot niya.
*****
NAGHANDA NG masarap na almusal si Edmund. Mabangong-mabango sa bawang ang umuusok na sinangag at napuno rin ng aroma ng bagong lagang kape ang komedor. Malutong ang pagkakaprito nito ng dilis at perpekto din ang sunny side-up egg. At lalo naman siyang walang maipipuntas sa lasa. Ultimo suka na sawsawan nila ay perpekto ang timpla.
Bagaman payak ang almusal na iyon ay wala naman siyang reklamo. Paano niya iyon magagawa kung nabusog siya nang husto dahil ginanahan siyang kumain? Matapos iyon ay siya na ang nagkusa na magligpit niyon. Huhugasan na sana niya iyon nang abutan siya ni Edmund ng isa pang apron.
“Since hindi naman yata kita mapipigil na hindi tumulong dito sa kusina, gamitin mo na ito para hindi marumihan iyang damit mo.”
“Thanks.” At mabilis niyang isinuot iyon.
“Nakakain ka na ba ng jumping salad?” tanong nito sa kanya.
“Ano iyon?”
“Ensaladang hipon.”
“Hindi niluto?”
“Niluto. Niluto sa suka. Isa iyon sa menu na inihanda ko for today. Kami kasi ni Allan, isa sa hilig namin iyon. Pero kung hindi ka kumakain, isasama ko na lang na pangsahog sa ginataang kalabasa ang mga hipon.”
“Sayang naman ang chance na makatikim ako ng jumping salad kung hindi mo itutuloy gawin,” nakangiting sabi niya.
“Yeah, right.”
Siya ang nag-prepare ng mga gulay habang si Edmund naman ang nakaharap sa kalan.
“Puwedeng magtanong?”
“Oo, huwag lang Algebra,” pabirong tugon niya.
“Not Algebra. Trigo,” biro din nito. “Seriously, curious lang kasi ako sa trabaho mo. Sabi mo sa akin noon, wedding emcee ka. Profession na pala iyon?”
“Hello! Profession na po ang pagiging emcee. Event hosting. Ako, ginusto kong maging wedding emcee kasi mag-host ng kung anu-anong event. Masaya ang kasalan. Lalong-lalo na kung Romantic Events ang humawak. Walang aberya at nasisiyahan ang lahat ng dumalo.”
“Wala kang ibang trabaho?”
Umirap siya bagaman hindi nawala sa mga labi ang ngiti. “Para ka naman yatang ate ko, eh. Hindi naniniwalang seryoso ako sa pagiging wedding emcee. Alam mo ba ang ate ko, pinipilit akong magtrabaho sa call center. Kesyo malaki daw ang kita at kung anu-ano pa. Ang masasabi ko lang masaya akong maging wedding emcee.” At pahapyaw siyang nagkuwento ng tungkol sa pagiging wedding girl niya. At pakiramdam niya sulit naman ang laway niya dahil nakikita naman niyang interesado sa pakikinig si Edmund.
“Di pagbalik mo pala sa Maynila, magiging busy ka na uli?”
“Depende kung maraming kasal ang Romantic Events. Nasa discretion ko naman iyon kung tatanggapin ko ang isang kasal o hindi. Pero usually, tinatanggap ko kasi nga iyong ang kina-career ko. Bihira akong tumanggi. Kung mayroon lang akong importanteng lakad. Bakit mo naman po naitanong?”
Tinitigan siya nito. “Hindi ba, nasabi ko na dati na kung nasa Manila na tayong pareho, sana magkita pa rin tayo?”
“Yes.”
“Now, naiintindihan ko na ang nature ng trabaho mo. So alam ko na ngayon kung kailan kita puwedeng ayain or bisitahin halimbawa.”
“Ah…” sabi na lang niya dahil hindi niya alam kung ano pa ang dapat niyang sabihin.