NAKATALIKOD SA KANYA si Edmund. Abalang-abala ito sa pagluluto. Dalawang burner ang may apoy. Isa para sa isinalang nitong ginataang kalabasa na maraming sugpo at isa para naman sa alimango na niluto sa 7-up.
Tapos na ang role ni Charity bilang helper nito sa kusina. Hinubad na rin niya ang apron pero hindi siya umaalis doon. Aano ba siya sa ibang parte ng bahay kung dito naman sa kusina matatagpuan ang pinakamagandang tanawin.
In the process, tumulo na ang pawis ni Edmund dahil sa ginagawa. Pero maingat naman ito na huwag matuluan ng pawis nito ang pagkain.
Ngayong halos nakasalab ito sa kalan, nangingintab na naman ang balat nito sa pawis. At sa pakiramdam ni Charity kay sarap haplusin ng katawan nito.
She made a sigh. Hindi na niya matukoy ngayon kung simpleng atraksyon lang ba ang nararamdaman niya dito o higit pa.
At kung higit pa, hindi niya alam kung lubos niyang ikatutuwa na madiskubreng pag-ibig na nga ang nararamdaman niya para kay Edmund. Baka mamaya ay siya rin naman ang masaktan sa bandang huli.
Kilala pa naman niya ang sarili sa pagiging impulsive. Naniniwala siya sa love at first. Sa whirlwind romance. Kilig na kilig siya sa mga ganoong takbo ng kuwento ng pag-ibig. Iyon nga lang, hindi nakakakilig ang nangyari sa kanila ni Dominic.
Napailing siya. Bakit pa ba niya iisipin si Dominic?
Pero nangatwiran din agad ang isang bahagi ng utak niya. Dapat lang niyang maalala si Dominic dahil isa itong malaking leksyon sa buhay niya.
“May naisip ako, Chattie,’ wika ni Edmund na ikinagulat niya nang bahagya dahil mayroon nga siyang ibang iniisip.
“Ano?” sabi niya agad.
“Gusto mo sa labas tayo kumain? Sa ilalim ng punong mangga.”
“Sure! Parang picnic.”
“Magkakamay ka?”
“Mahirap namang kutsarahin ang alimango,” natatawang sabi niya.
“Malapit na akong makaluto. Maghahain na ba ako agad?”
“Ang sarap mong host, Edmund. Ang totoo, hinihintay ko pang idighay ko iyong almusal natin kanina. Busog na busog pa ako. Tapos kakain na naman ngayon?”
“Di, mamaya na?”
“Puwede?”
“Bakit naman hindi? May naisip ako para magutom ka agad.”
“Patatalunin mo ako?” biro niya.
“Hindi naman.” Pinatay na nito ang apoy. “Nakaluto na ako for lunch. Mamaya naman iyong pang-meryenda. Halika, doon muna tayo sa labas.”
Kasabay ng pagbaba ni Edmund ng hinubad nitong apron ay ang pagtayo niya. Nang halos sabay din nilang tunguhin ang pintuan ay inabot nit Edmund ang kamay niya. Napatingin siya dito na tila piping nagtatanong. Isang matamis namang ngiti ang isinukli nito sa kanya.
*****
“MAMILI KA SA MGA punong mangga na iyan kung saan mo gustong mag-picnic,” wika sa kanya ni Edmund.
Ilang minuto na rin silang naglalakad. Napagod na siyang bilangin ang mga punong mangga na natatanaw niya. Ngayon lamang niya natuklasan ang lawak ng bakuran at bagaman elevated ang lupa, nag-e-enjoy din siya sa paglakad nila.
Lihim siyang napangiti. Alam niya, higit sa pamamasyal doon ay mas ine-enjoy nila ang pagkakahawak ng kanilang mga kamay.
“Saan ba ang dulo ng manggahang ito? Mukhang isang kilometro pa ang lalakarin natin, ah?” aniya.
“Pagod ka na?” malambing na tanong nito.
“Hindi naman. Naisip ko lang, kung sa bandang dulo pa tayo magpi-picnic, tiyak kapag nagligpit tayo at bumalik sa bahay, gutom na uli tayo sa layo. Taas-baba pa naman itong lupa.”
Natawa ito. “Di, mabuti. Para pagbalik natin, meryenda naman ang haharapin natin.”
“Talagang wala na nga tayong gagawin maghapon kung hindi ang kumain?” bulalas niya.
“Puwede rin tayong maupo muna sandali,” sabi nito at huminto sa paghakbang. “For a change, maupo tayo sa damuhan.”
“Okay,” aniya at mabilis na binali ang mga tuhod palibhasa ay nakapantalon naman siya. “Hindi na ako nagtataka ngayon kung bakit gusto mo dito. Presko ang hangin saka tahimik. Hindi mo mararamdaman ang ganitong ambience sa Maynila.”
“Yeah. Charity, alam mo rin sigurong may ibang dahilan kung bakit ako nandito.”
“Ha?” she said. Parang nahulaan na agad niya ang biglang pagbabago ng tinig nito. Seryoso na naman si Edmund.
Tinitigan siya ng binata bago ibinaling ang tingin sa kawalan. “Namatay ang mag-ina ko mahigit isang taon na ang nakakaraan. It was so painful. Kulang ang mga salita para matumbasan ang mga sakit na dinanas ko. Pakiramdam ko, daig ko pa ang namatay. Nawala ang dalawang taong pinakaimportante sa buhay ko. Ang dalawang taong pinagkukunan ko ng inspirasyon sa lahat ng ginagawa ko.
“Nawalan ako ng gana sa lahat ng bagay. Kahit na nandiyan ang pamilya ko para damayan ako’t suportahan, konsolasyon lang iyon sa pagdadalamhati ko. Sa mga gabing nag-iisa ako sa bahay namin, wala akong iniwan sa isang sugatang hayop. Umiiyak ako nang malakas. At kahit na panghinaan na ako at alipinin ng antok, paggising ko kinabukasan, taglay ko pa rin sa dibdib ko ang bigat ng pangungulila sa kanila. At aaminin ko, minsan ay nagagalit pa ako. Bakit pa ako nagising? Mas mabuti siguro kung hindi na lang ako nagising para hindi ko na maramdaman ang sakit
“Naisip kong magbakasyon muna dito. Lahat, kumokontra sa desisyon kong ito. Nag-aalala sila na baka imbes na makabuti ay makasama pa. And worst, natatakot silang sa pag-iisa ko dito, baka maisipan ko na lang na magpakamatay.”
Mapakla itong ngumiti at sumulyap sa kanya. “And somehow it was true. Hindi iilang beses na nilunod ko ang sarili ko sa alak. May pagkakataon pang pumunta ako sa dagat at lumangoy nang lumangoy, wala akong pakialam kung nasa malalim na ako at papalaki na ang mga alon. Pero nang mamitig ang mga binti ko at makita kong kakainin na ako ng alon, umiral ang survival instinct ko. Pinilit kong makabalik sa pampang kahit na hirap na akong lumangoy. Nang maitapak ko ang paa ko sa dalampasigan, that was when I knew, my life has to go on.”
Inabot nito ang kamay niya at pinagdaop ang kanilang mga palad. “Pero hindi pa rin ako umalis dito. Pakiramdam ko ay hindi pa ako ganap na handa para balikan ang buhay na iniwan ko sa Maynila. Gusto ko pagbalik ko, I’m confident that I’m a brand new man.”
“Pero sabi mo, malapit ka nang bumalik sa Maynila?” aniyang nakapagsalita rin.
Tumango ito. “Yes. Nitong mga huling araw, nararamdaman ko sa sarili ko na excited na ako sa tuwing sasapit ang umaga. Hindi ko na pinipiling magmukmok sa isang tabi. Gusto ko na uling makihalubilo sa mga tao. At gusto ko na ring magsimula ng panibagong buhay.”
“T-that’s good.”
Pinisil nito ang palad niya. “Gusto kong magsimula na kasama ka, Charity. Puwede ko bang hilingin iyon sa iyo?”
Bahagyang napaawang ang mga labi niya. “Edmund?”
“Yes, Charity. I know, hindi ka madaling maniniwala. We barely know each other. At kung dadamihan ko ang mga salita, hindi malayong isipin mong binobola lang kita. Just give me a chance, Charity. Bigyan mo ako ng pagkakataon na ipakita sa iyo na malinis ang hangarin ko.”
Dama niya ang sinseridad ni Edmund kaya naman sa puso niya, alam niyang dapat na pumayag siya sa alok nito. Pero hindi niya alam kung dapat na nga ba siyang sumagot.
“Please, Chattie?” tila samo ni Edmund. “When you let me kiss you last night, I know there’s something between us. Siguro pareho lang tayo na hindi gustong magmadali para sa isang relasyon. But let’s give ourselves a chance. And I’m sure, we’ll have a relationship that will last a lifetime.” Dinala nito sa mga labi ang kanyang kamay at tinaniman iyon ng maliliit na halik. “I’m beginning to love you,” sabi pa nito.
*****
“BAKIT TULALA ka diyan, Charity? Namatanda ka ba?” tanong sa kanya ni Lulu.
Lumipat ang tingin niya dito at umiling. “Hindi. May iniisip lang ako.”
“Si Edmund, I’m sure.”
“Yeah.” At pahapyaw siyang nagkuwento dito.
Namilog ang mga mata ni Lulu. “Talaga? Kaya pala iba ang tingin ko sa inyo kagabi noong hinatid ka niya dito, eh. Bakit hindi mo pa sinagot?”
“Parang ang bilis naman kung sasagutin ko agad.”
“Huwag ka ngang sira diyan. Ano ang drama mo? Kilala kita, Charity. Kapag gusto mo ang isang lalaki, kahit dalawang oras mo pa lang na kilala iyong tao basta niligawan ka, sinasagot mo na agad. Bakit si Edmund, papahirapan mo samantalang halata ko naman na may gusto ka sa kanya?”
“Ewan ko ba. Hindi ko nga maintindihan ang sarili ko, eh.”
“Pero gusto mo si Edmund?”
“Oo. Papayag ba akong magpa-kiss kung hindi?”
“Nag-kiss na kayo?” nanlalaki ang mga matang bulalas ni Lulu. “Bruha ka! Ano pang ine-emote mo diyan ay nagpahalik ka na pala?”
Tumayo siya. “Huwag ka ngang magulo diyan. Nalilito nga ako, eh.”
“Nasaan kaya ang nakakalito doon?” taas ang kilay na sabi ni Lulu.
“Basta!”
“Luka-luka!” naiiling na lang na sabi ni Lulu. Mabilis silang napalingon nang maramdaman nilang may dumating na sasakyan. “O, hindi ka na puwedeng malito. Si Edmund, dumarating. Kung ako sa iyo, sasagutin ko na. Paano ninyo lubos na makikilala ang isa’t isa kung nagpapa-demure ka pa?”
“Hello!” bati ni Edmund na inanyayahan na ang sariling pumasok tutal ay bukas naman ang pintuan.
“Hello din,” tugon ni Lulu. “Excuse, ha? Alam ko namang hindi ako ang pakay mo. I’m sure hindi para sa akin ang mga bulaklak na iyan,” nanunukso pang wika nito.
“Oo. Baka suntukin ako ni Allan kung bibigyan kita ng bulaklak,” natatawang sagot ni Edmund. “Kumusta ang check up mo?”
“Okay lang. Niresetahan ako ng gamot. As usual, kelangan daw magpahinga. Bawal ma-stress, bawal mapagod masyado. Diyan na kayo. Kayang-kaya ka namang estimahin ni Charity.” At tumayo na ito. “Oy, Charity, umayos ka, ha?” kunwa ay banta nito sa mahinang tinig nang dumaan sa kanya patungo sa kuwarto.
“Upo ka,” aniya kay Edmund. “Gusto mong kape?”
“Ikaw ang gusto ko,” prangkang sabi nito at nginitian siya. “Flowers for you, Charity.”
“Salamat,” tipid na sabi niya.
“Gusto sana kitang ayaing mamasyal uli. Okay lang?”
“Sumama ka na, Chattie. Wala ka namang gagawin dito,” sabad ni Lulu na lumabas uli mula sa kuwarto. Sa itsura ay mukhang nakikiramdam sa kanila.
“Saan naman tayo pupunta?”
“Kung gusto mo sa Claveria. Maganda din ang dagat doon.”
“Ang layo ng magiging biyahe ninyo,” sabad uli ni Lulu. “Para masulit ang gasolina ninyo, mas maganda kung mag-o-overnight kayo doon.”
“Lulu naman,” napipikong irap niya sa pinsan.
“Kung ayaw mong mag-overnight, okay lang. Uuwi din tayo sa hapon,” salo naman ni Edmund.
“Sige,” sagot na agad niya kaysa unahan na naman siya ng pinsan sa pagsasalita. Nagpasintabi siyang kukuha lang ng pamalit na damit at pumasok sa kuwarto. Patapos na siya sa ginagawa nang pumasok si Lulu.
“Huwag ka ngang pikon diyan,” nakangising wika ni Lulu. “Mukha kang tanga.”
Inirapan na naman niya ito. “Nakakainis ka, eh! Baka mamaya isipin ni Edmund, ipinagtutulakan mo ako sa kanya.”
“Hindi niya iisipin iyon. Ang iisipin niya, boto kami sa kanya para sa iyo. Kaya huwag ka nang magalit magalit, mahal kong pinsan. Enjoy your date at sana naman pag-uwi mo, mamaya man o bukas, magandang balita na ang marinig ko.”
Dahil hindi naman talaga niya magagawang magalit sa pinsan, napangiti na rin siya.