PAKIRAMDAM ni Charity, pagod pa rin siya kahit nakatulog naman siya nang mahimbing. Tinatamad pa siyang bumangon kaya nga lang ay ayaw tumigil ng ring ng telepono. Sa oras na iyon ay nakaalis na si Mildred kaya wala siyang choice kung hindi sagutin iyon.
“Hello?” inaantok pa niyang sagot.
“Chattie,” tuwang wika ng nasa kabilang linya. “Mag-usap tayo, please.”
“Puwede ba, Dominic. Tapos na ang lahat sa atin.”
“No. Let’s talk about it. Pupuntahan kita riyan. Huwag mo akong pagtataguan.”
“Ayokong makipag-usap sa iyo kahit kailan. Tapos na tayo. Goodbye” At ibinaba na niya iyon. Palayo na siya roon nang bumalik uli. Ini-hang niya ang receiver ng telepono.
Nagligpit siya sa kanyang kuwarto at saka naligo. Nagbibihis na siya nang umatake ang gutom. Natuwa naman siya nang makitang sadyang ipinagluto pa siya ng kapatid niya. Habang kumakain ay iniisip niya kung saan ba siya pupunta.
Kailangan niyang umalis kesa naman abutan pa siya doon ni Dominic. At hindi talaga siya dapat magpirmi sa bahay. Kapag wala siyang kausap, wala na siyang ibang magagawa kung hindi ang isipin si Edmund. Kagaya na lang ngayon.
Mabilis niyang ipinilig ang ulo. Erase. Erase.
Matapos kumain ay tinawagan niya si Eve. “Mamaya na tayo magkuwentuhan. Gusto ko lang malaman kung hindi ka busy kasi balak kong pumunta diyan sa Romantic Events.”
“Tama, pumunta ka dito. May mga closed deal tayo. Baka gusto mong bumalik na sa pag-e-emcee?”
Napangiti siya. “Sige, pag-usapan natin.”
Paglabas niya ng bahay ay eksakto namang paghinto doon ng isang jeep na kilala niya. “Edmund?” gulat na wika niya.
Mabilis itong bumaba ng jeep. “Puwedeng pumasok?” walang tonong sabi nito.
Napatango lang siya. Hanggang sa nakalapit ito sa kanya ay wala pa rin silang palitan ng salita. Nakatayo lamang sila roon at magkahinang ang mga mata.
At pagkuwa ay isang marahas na paghinga ang ginawa nito at bigla na lamang kinabig ang kanyang batok at siniil siya ng halik.
She was stunned. May ilang sandali na parang nablangko ang kanyang isip. At nang rumehistro sa kanya ang ginagawa nito ay naging aware naman ultimo kaliit-liitang ugat sa katawan niya dahil sa masarap na pagdaloy ng nakakakiliting sensasyon.
She closed her eyes and kissed him back. Ang ungol na narinig niya ay hindi niya tiyak kung kanino nanggaling. At pagkuwa ay tinapos nito ang halik.
“Bakit bigla ka na lang umalis?” he asked.
At noon lang niya napansin na sa kanila nakatingin ang lahat ng tao sa kalsada. Bigla siyang nakadama ng hiya. Mabilis siyang umatras papasok sa bahay. “Dito tayo sa loob.”
“Answer me, Charity. Bakit bigla ka na lang umalis? Alalang-alala kami sa iyo.”
Tinitigan niya si Edmund. “Mahal mo ba akong talaga?”
“Oo,” kagyat na sagot nito. “Bakit, nagdududa ka? Iyan ba ang dahilan kung bakit bigla ka na lang umalis? I told you, Charity. I love you. Everything happened so soon pero marami pa ring mangyayari. At papatunayan ko sa iyo na mahal talaga kita.”
Nangislap ang luha sa mga mata niya. “Niloloko mo lang ako. Kahapon, si Carol ang tinatawag mo,” sumbat niya.
Napatitig ito sa kanya ng ilang saglit at saka naggalawan ng bahagya ang facial muscles nito. And as if something had dawned on him, napangiti ito at inabot siya.
“Let’s sit and talk, darling.” Nang nakaupo na sila ay humigpit pa ang hawak nito sa kamay niya. “I want you to believe on what I’m going to say, Charity. Hindi kita niloloko. At mas lalong hindi kita lolokohin ngayong may nangyari na sa atin. What happened to us is special and precious. It makes me more realized how much I love you.”
“Kung totoo iyan, bakit pangalan ni Carol ang lumalabas sa bibig mo? Nag-I love you ka pa sa kanya,” mangiyak-ngiyak na sabi niya.
“Napanaginipan ko sila kagabi. It was bittersweet…” At ikinuwento nito ang tungkol sa panaginip nito.
“Pero nag-I love you ka pa sa kanya,” sumbat pa rin niya. Magkahalo ang pagseselos at sakit sa tinig.
“Yes. Then Carol said goodbye, and I felt it was final.” Hinaplos nito ang mukha niya. “Charity, it doesn’t mean that I don’t love you. Panaginip lang iyon. Minahal ko si Carol sa isang panahon. Pero ngayon at sa susunod pang mga araw, ikaw ang mamahalin ko. I’m going to marry you, Charity.”
“Ang bilis naman!” bulalas niya, ganap nang napawi sa dibdib niya ang pag-aalinlangan sa pag-ibig nito.
“Wala akong pakialam kung kanina lang tayo nagkakilala o noong isang linggo. Basta ngayon, mas sigurado na ako. Mahal kita. At gasgas man ang linya ay gagamitin ko pa rin. I want to spend the rest of my life with you.”
Tuluyan na siyang napaiyak. “Edmund.”
“Huwag ka nang umiyak. Hindi kita gustong paiyakin.”
“Tears of joy ito!” kunwa ay maktol niya at kinusot ang mata.
Banayad siyang kinabig nito. “May utang ka sa akin, darling. Pinagod mo ako sa pagmamaneho. Huwag mo nang uulitin iyon. Bigla ka na lang nag-walk out.”
“Nasaktan ako, eh.”
“I’m sorry for that, darling. Hindi ko iyon sinasadya.”
Tumango siya. “Sorry din kung naging impulsive ako. I love you, Edmund.”
“I love you too. Will you marry me?”
“Ngayon na?”
“The soonest, the better,” nakangiting sabi nito.
“Ipapakilala muna kita sa ate ko. Tapos kay Eve.”
“Eve?”
“Iyong wedding planner ng Romantic Events.”
“Okay. Kailangan nga natin siya sa kasal natin.”
“Kailangan natin ang lahat ng wedding girls,” aniya.
“Opo. Pero kumuha ka ng ibang emcee. You are the bride this time.”
Minsan pa ay namasa ang kanyang mga mata. “Yes.”
*****
“ANO, TAMA BA AKO o mali?” nagniningning ang mga matang wika ni Eve. “Sabi ko naman sa inyo, eh. May love virus na dumapo sa mga wedding girls.”
“Gusto kong maniwala,” makahulugang sabi ni Faith, ang wedding printer ng grupo. Bago si Charity ay ito ang ikinasal. Ngayon ay naglilihi na ito at blooming na blooming ang aura.
“The question is, sino naman kaya ang susunod?” nanunuksong sabi ni Lorelle, ang alahera sa wedding girls at siya ring nagbigay ng malaking discount sa wedding rings nina Charity at Edmund.
Lahat ng wedding girls ay tumutok ang mga mata kina Julianne at Maxine. Ang dalawa na lamang ang natitirang single sa grupo. At sa pagkakaalam ng lahat, pareho ring loveless ang mga ito.
“I beg to disagree. Coincidence lang iyan,” mariing sabi ni Julianne, bakas ang pagkontra sa tinig. Ito ang kanilang fashion designer na ang espesyalidad ay mga bridal gowns.
“Iyan daw sobra kung tumanggi, iyan ang susunod,” tukso ni Shelby, ang kanilang wedding singer.
“Hindi ako tumatanggi,” defensive na katwiran ni Julianne. “Ang sabi ko lang, coincidence. I don’t believe there’s such a thing as love virus.”
“Que meron, que wala, ang malinaw dito, sunud-sunod na ikinakasal ang wedding girls. Sa isang taon yata ay tatlo ang wedding girls na ikinakasal,” ani Ysa, ang magaling nilang makeup artist na naging hipag ni Shelby kalaunan.
“At ang isa pang malinaw, pagkatapos ng mga kasalan, may baby boom naman. I’m on the way, girls,” anunsyo ni Scarlett Marie, ang kanilang florist.
“Na naman?!” halos chorus ng mga naroroon. “Pang-apat na iyan!” ani Dindin na nagregalo ng five-foot layered fondant cake dahil iyon ang espesyalidad niyon.
“And so?” tatawa-tawang irap ni Calett. “Hindi ba’t baby ang bunga ng pag-ibig? Kung magsalita ka diyan. If I know, buntis ka rin naman.”
“For your third?” shocked na wika ni Nicole, ang may regalo ng honeymoon package para sa mga bagong kasal. Ito ang eksperto sa pag-aayos ng honeymoon trips since pag-aari nito ang chain of travel agencies sa bansa. Buntis din ito at nasa last trimester na.
Ngumiti lang si Dindin. “Hindi pa confirmed. Delayed pa lang ako ng two weeks.”
“Ako, confirmed na. Ten weeks on the way,” nagmamalaki namang sabi ni Andie, ang kanilang caterer.
“Congratulations!” sabay-sabay na wika ng wedding girls dito.
“Thank you!”
“Oy, Maxine, kumibo ka riyan! Akala mo ba, hindi ka namin napapansin?” pansin ni Ysa sa kanilang wedding photographer.
“Ano naman ang sasabihin ko?” tila wala sa mood na wika nito. “Kung hindi mga future bride ang topic, pagbubuntis. Wala akong masasabi diyan.”
“Really, Max?” ani Eve dito.
“Mabuti pa, mag-pose na kayo para makapagtrabaho na ako. Magte-table hopping pa ang mga newly-weds. At trabaho kong kunan ng souvenirs shots ang bawat mesang lapitan nila.” Inayos nito ang dalang tripod.
“Teka muna, wala pa ang mga bagong kasal!” ani Lorelle.
“Di, tatawagin ko,” sabi ni Calett at mabilis nang tumayo.
“Pikon ka yata ngayon?” pabulong na wika ni Julianne kay Maxine.
“Hindi. Immune na ako. Palagi namang ganyan ang mga babaeng iyan. Kapag may ikinasal na isa, hindi pa masisiyahan at maghahanap pa ng susunod na ikakasal.”
Napatango si Julianne. “Kungsabagay… At malas lang natin dahil tayong dalawa na lang ang natitira.”
Tinitigan ito ni Maxine. “Baka naman susunod ka na, kunwari ka pa?”
Tumawa si Julianne. “Hindi pa. Totoong loveless ako ngayon. Ikaw?”
“Eh, palagi naman akong loveless, ah?”
“I don’t believe you. Nakita kita noong isang beses sa Manila Pen. Pumasok ka sa isang suite na may kasamang lalaki.”
Napanganga si Maxine. “Paano mo nalaman?”
Ang lakas ng naging tawa ni Julianne. “Palabas naman ako sa kabilang suite.”
“May kasama ka ring lalaki?”
Umiling ito. “Inihatid ko lang iyong tiyahin kong bakasyunista from US. Mas gusto pa niyang mag-check in sa hotel kaysa mag-stay sa condo ko. Maxine, kamukha iyon ng best friend mong si Xanderr, ah? Di ba, ikakasal na sana si Xanderr? What happened?”
“Anong secret iyan?” sita sa kanila ni Lorelle.
“Wala!” duet pang sagot ng mga ito.
“All right, picture-taking na,” deklara ni Calett.
Pero nang lumapit sina Charity at Edmund, na-postpone ang picture-taking. Minsan pa ay binati ang mga bagong kasal at nagkaroon ng mga tuksuhan.
Ang ending, na-focus na naman kina Julianne at Maxine ang lahat. Sino nga ba sa dalawa ang susunod na ikakasal?
Nagkatinginan lang sina Maxine at Julianne. At parehong napangiti.
***** WAKAS *****