BAGO PA man nagmulat ng mga mata si Charity ay alam na niya kung nasaan siya at kung ano ang naganap. At matamis ang ngiting sumilay sa mga labi niya nang makumpirma ng mga mata ang nasa isip niya.
Nasa tabi niya si Edmund at mahimbing pa ring natutulog.
Kumilos siya at inayos ang kumot na nakabalot sa kanyang kahubdan. Buong magdamag ay nagsalo sila sa pisikal na ekspresyon ng kanilang pag-ibig sa isa’t isa. At walang puwang ang katiting mang pagsisisi sa parte niya.
Buong pagmamahal na hinaplos niya ang mukha ni Edmund. Hindi niya kayang ipaliwanag kung paanong sa mabilis na panahon ay umibig siya sa lalaking ito. Ni hindi niya ito lubos na kilala pero lubos naman niyang kilala ang kanyang sarili. Hindi siya maaaring magkamali sa nararamdaman niya para kay Edmund.
She was in love with him.
Hindi na bale kung mayroon itong nakaraan. Sino ba ang wala? Hindi na bale kung hindi pa ito ganap na nakakabangon sa masakit na pangyayari dahil sa pagkawala ng ina nito. Malinaw naman ang sinabi ni Edmund sa kanya. Nais nitong magsimulang uli. Ang nakaraan ay nakaraan na. Siya ang may hawak ng ngayon. At tutulungan niya ito na maging masaya ang mga susunod na bukas.
“I love you, Carol…”
Nabitin sa ere ang ginagawa niyang paghaplos dito nang marinig ang pangalang iyon. Walang katumbas na sakit ang idinulot niyon sa kanya. Mabilis na nangislap ang luha sa kanyang mga mata. Nangatal ang ilong at labi niya sa pagpipigil ng emosyong kaagad na gumapang sa dibdib niya. Pakiramdam niya, nagkaroon ng malaking bara ang kanyang lalamunan.
Dahan-dahan siyang bumangon. Gustong-gusto na niyang umiyak pero pigil na pigil niya ang kanyang sarili kung kaya’t sumakit pa ang kanyang lalamunan. Hinanap niya ang kanyang damit at napapikit nang kailangan pang pulutin niya iyon sa iba’t ibang lugar. Ayaw na niyang isipin kung paanong tumapon ang mga iyon sa iba’t ibang direksyon.
Mabilis siyang nakapagbihis. Maingat din ang mga kilos niya at nakalabas siya ng silid nang walang nalilikhang ingay.
Nagbabantang tumulo ang kanyang luha pero ayaw niyang hayaan iyon. Pero hindi na siya nakapagpigil pa nang masulyapan si Edmund na himbing na himbing pa rin. Ang lalaking mahal na mahal na niya. Ang lalaking ngayon ay nagdudulot ng labis na sakit sa kanya. Sinadya man nito o hindi iyon, masakit na masakit pa rin sa kanya. Hindi na niya kinabig pa ang pinto upang isara. Binilisan na niya ang kanyang hakbang palabas dahil napapahagulgol na siya.
*****
“ANONG nangyari sa iyo?” gulat na gulat na tanong kay Charity ng Ate Mildred niya.
“Pagod ako, Ate. Puwedeng bukas mo na lang ako tanungin?” matamlay na sagot niya. Sa layo ng naging biyahe niya, alas dose na nang hatinggabi nang makarating siya sa Maynila.
“Tumawag dito si Lulu. Dalawang beses na. Nag-alala sa iyo. Ano ba ang nangyari?”
“Please, Ate. Bukas na ako mag-e-explain. Pakitawagan na lang si Lulu. Pakisabi, I’m okay. Hindi lang ako nakatawag sa kanya dahil walang baterya ang cellphone ko.”
“Hindi ka okay, Charity,” seryosong sabi ni Mildred.
“Please!” iritableng wika niya at nang nakitang na-shock ang kapatid ay bahagya rin siyang nahimasmasan. “I’m sorry. Maniwala ka, okay lang ako. May tinakasan lang ako doon kaya hindi ko nakuhang magpaalam kay Lulu na babalik na ako dito.”
“Lalaki?” tanong pa rin ng kapatid niya.
“Yes, sad to say.”
Napailing si Mildred. “Paano iyan, may lalaki ring nangungulit dito. Hinahanap ka ni Dominic.”
“Utang-na-loob, pakisabi, tantanan ako. Ayoko na siyang makita.”
“Utang-na-loob din, Charity. Ikaw ang mismong magsabi niya sa Dominic na iyon. Sabihin mo sa kanya, ako ang tantanan niya. Pati sa call center, tawag siya nang tawag sa akin para ang itanong ka.”
“Bakit nga pala nandito ka? Hindi ka ba pumasok?”
“Morning shift ako. Mabuti pa nga at matulog na tayong pareho. Maaga pa akong gigising. Teka, hindi ka ba kakain?”
Umiling siya. “Kumain na ako sa huling stopover ng bus. Mauna na akong papasok sa kuwarto. Ikaw na ang tumawag kay Lulu. Kapag ako ang nakausap nu’n mangungulit pa iyon.”
“Oo. Sige na, magpahinga ka na.”
*****
TINALO pa ni Edmund ang pusang hindi mapaanak. Maghapon na siyang aburido at nag-aalala. Hindi niya alam kung bakit bigla na lamang nawala si Charity. Ayaw man niyang hanapin ito kay Lulu ay wala siyang pagpipilian dahil wala siyang ideya kung bakit ito tila bulang naglaho.
At ngayon ay pare-pareho na silang nag-aalala kay Charity. Si Lulu ay hindi nakatiis at nagpa-blotter na sa pulis ng pagkawala ng pinsan nito. At nagalit lang ito sa sinabi ng pulis na kailangang beinte kuatro oras munang nawawala ang isang tao bago iyong ideklarang missing.
Wala siyang maibigay na paliwanag kay Lulu. Hindi niya masabi dito ang buong detalye bago nawala si Charity. Hindi niya magagawang sabihin dito na mahigpit pa silang magkayakap ni Charity bago sila tuluyang iginupo ng antok.
Wala rin silang magawa kung hindi ang maghintay. Iisa na lamang ang pag-asa nila. Ang kapatid ni Charity na ilang ulit nang tinawagan ni Lulu upang doon ito hanapin.
Napakislot siya nang tumunog ang telepono. Mabilis niyang sinagot iyon. “Lulu?”
“Tumawag na si Mildred. Kadarating lang daw doon ni Charity.”
“Thank God,” aniyang nakahinga nang maluwag sa kauna-unahang pagkakataon sa buong maghapong iyon.
“Nag-away siguro kayo, ayaw mo lang umamin,” sita nito sa kanya.
“I told you, wala kaming pinag-awayan,” mahinahong sagot niya. “I’m going, Lulu. Luluwas ako ng Maynila.”
“Ganitong oras? Bakit hindi ka na lang magpaumaga?”
“I can’t wait, Lulu. Kailangang maging malinaw sa akin kung bakit bigla na lang siyang nagdesisyong umalis.”
“Well, Kung ayaw mong magpapigil, mag-ingat ka na lang. Magba-bus ka?”
“No. I’ll drive. Pakibigay mo sa akin ang address niya sa Maynila.” At mabilis niyang isinulat sa isang papel ang address na idinikta ni Lulu.
Hindi na siya nag-aksaya pa ng panahon. Sumakay na siya sa jeep at nagbiyahe. Kung maaari lang siguro na marating niya ang Maynila sa loob ng isang oras ay ginawa na niya. Pero lubhang napakalayo ng magiging biyahe niya. Nasa Santiago, Isabela na siya nang maramdaman ang pagod at antok.
Ayaw man niya ay naghanap siya ng hotel na matutuluyan pansamantala. Aamot lang siya nang kaunting tulog at magbibiyahe uli.
Kaagad siyang nakatulog nang ilapat niya ang katawan sa kama.
“Daddy!”
Pakiramdam ni Edmund ay piniga ang kanyang puso nang marinig ang tinig na iyon. Nang lingunin niya ang tumawag at makita si Sher na nakangiting kumakaway sa kanya, ganoon na lamang ang pag-apaw ng emosyon sa dibdib niya. “Anak…”
“I love you.”
“I love you too, princess.”
“Hello, sweetheart…”
“Carol!” He was stunned. Anyong tatakbuhin niya ang kinaroroonan ng kanyang mag-ina nang matuklasan niyang hindi niya maigalaw ang mga paa. Para siyang ipinako sa kinatatayuan.
“Move on, Edmund,” sabi ni Carol. “Don’t deny yourself a happiness. You deserve it.”
“I love you, Carol.”
Ngumiti ito. “I know and I thank you for loving me. Goodbye, Edmund.” At tumalikod na ito akay ang kanilang anak.
“Carol!” habol niya.
“I know you’ll be happy again, Edmund. Open your heart again.” At unti-unti, tila nilamon nang maputing usok ang mag-ina.
“Carol!” malakas na tawag niya kasabay ng pabalikwas na pagbangon niya.
Parang nagulat pa si Edmund sa ibang paligid. Ilang segundo ang lumipas bago niya naalalang naka-check in siya sa isang hotel. Sapo ng magkabila niyang palad ang kanyang ulo ay itinukod niya ang mga siko sa kanyang tuhod.
Pangalawang beses na niyang napanaginipan iyon. Kahapon nang umaga, ang panaginip ding iyon ang gumising sa kanya. pero hindi niya agad na nabigyan nang pansin dahil ang pagkawala ni Charity ang mas umokupa sa buong sistema niya.
Nahiga siya at tumitig sa kisame. All this time, hinangad niyang makitang muli ang kanyang mag-ina kahit sa panaginip lang. Pero bigo siya. At ngayong nakita ang mga ito, hindi niya alam kung magpapasalamat siya o malilito.
Malakas na malakas ang kanyang pakiramdam na hindi na mauulit iyon. When Carol said goodbye, he felt it was really final.
Ilang minuto lang ang pinaraan niya at mabilis siyang naligo. Pakiramdam niya, sapat na ang naging tulog niya upang magkaroon ng panibagong lakas. Bago lumabas ng hotel ay kumain na muna siya at saka niya itinuloy ang biyahe.
Sabik na siyang makita muli si Charity.