DAIG PA ni Charity ang nakatuntong sa ulap sa mga sandaling iyon. No doubt she was in love. Kabisado niya ang kanyang sarili. Alam niya kung kailan siya in love o hindi. At ngayon, hindi lang siya basta in love. She was very much in love.
Malakas ang hatak ng tukso na doon na sila sa Claveria mag-overnight. Pero sa bandang huli ay pareho nilang napagkasunduan na umuwi na lang.
Kulang na lang ay hindi magkahiwalay ang kanilang mga kamay sa pagkakadaop. Kahit magpalit ng kambiyo si Edmund sa pagmamaneho nito ay halos hindi nito bitawan ang kamay niya. At may ilan ding pagkakataon na nagagawa pa nitong dumukwang sa kanya upang halikan siya kahit sa pisngi lang.
Para siyang idinuduyan sa kaligayahan. Hinding-hindi niya inaasahang mangyayari ito sa kanya kung kaya’t lubos siyang nagpapasalamat
“Iuwi na kaya kita?” ani Edmund sa kanya nang malapit na sila kina Lulu.
“Ay, ayoko!” mabilis na tanggi niya.
“Paano kung gusto ko?” tila hamon nito.
Kinabahan siya. After all, si Edmund ang may hawak ng manibela. Kayang-kaya nitong dumiretso na lang sila sa Sta. Ana.
“Natatakot ka?” natatawang wika nito.
Iningusan niya ito. “Sinong natatakot?”
Umungol ito na nanunukso. “Hindi ka nakakibo, eh.”
“Para hindi lang nakakibo, natakot na?”
“Pikon!” kantiyaw naman nito at ipinasok na sa bakuran nina Lulu ang sasakyan. Nakahimpil na sila nang mapansin nilang madilim ang paligid maliban sa iisang ilaw sa terasa na naiwang nakasindi.
“Nasaan ang mga tao diyan?” kunot ang noong tanong niya.
“Hindi natin alam pareho,” ani Edmund. Dinukot nito sa bulsa ang cell phone at tinawagan si Allan. “Cannot be reached,” anito pagkaraan ng dalawang beses na pag-dial.
“Si Lulu ang tawagan natin,” aniya at ang sariling cell phone naman ang hinanap. Nakita niyang patay iyon. At saka lang niya naisip na buhat naman nang dumating siya doon ay hindi na niya naalalang iahon man lang iyon sa bag. Malamang ay ubos na ang baterya niyon. “May number ka ba ni Lulu?”
Tumango ito at iyon naman ang idinayal. “Nagri-ring. Ikaw na ba ang kakausap?”
“Sige.” At kinuha niya dito ang aparato. “Lulu! Nasaan kayo? Saradong-sarado itong bahay.”
“Nasa ospital dito sa Tuguegarao. Dumalaw kami kay Ate Janet. Itong si Denise nung pauwi na kami, bigla na lang nilagnat. Ang taas nga, eh. Kaya pinatingnan ko na dito. Eto, pina-confine kasi may nakitang infection.”
“Saan iyan? Pupunta kami.”
“Hello! Chattie, Tuguegarao ito. Malayo ito. At malayo na rin ang naging biyahe ninyo dahil galing kayong Claveria. Akala nga namin, doon na kayo mag-o-overnight. Tinatawagan namin kayo kanina. Out of reach.”
“Paano na ngayon?” she asked.
“Kasama mo naman si Edmund, di ba? Sumama ka na sa kanya dahil hindi ka naman makakapasok diyan.”
Bumaba siya ng sasakyan upang makalayo kay Edmund. “Ano ka ba, Lulu? Sine-set up mo ba kong talaga kay Edmund?”
“Charity!” eksaheradong wika ni Lulu. “Hindi ko gugustuhing magkasakit si Denise para lang mai-set up ka. Totoo ito.”
“Makikitulog ako kay Edmund?”
“Ano naman ang masama doon? Kesa naman sa lamukin ka sa kahihintay sa amin? Hindi bale sana kung makakapasok ka diyan, okay lang. Kung makauwi man kami bukas malamang tanghali na iyon. ”
“Lulu, kapag nalaman kong setup lang ito, lagot ka sa akin,” banta niya.
“Hindi ito setup,” mariing namang sabi ni Lulu. “Bukas, pag-uwi namin ipapakita ko sa iyo bill ng ospital.”
Parang napahiya naman siya. “Pasensya ka na, Lulu.”
“Pasensya ka na din. Wala kang ibang matutuluyan maliban kay Edmund. At kampante naman akong sa kanya ka tumuloy. Wala ka namang ibang choice.”
“Nasaan daw sila?” tanong ni Edmund nang bumalik siya at isoli dito ang telepono.
“Nasa Tuguegarao,” sagot niya at sinabi dito ang pagkakaospital ni Denise doon.
“Ah,” sabi ni Edmund at tumitig sa kanya. “Di, paano iyan? Talaga palang iuuwi kita ngayong gabi?”
Tiningnan niya ito nang masama. “Ayokong makipagbiruan. Hindi ako natutuwa sa nangyaring ito,” iritado ang tono niya pero mababakas din naman doon na wala naman siyang ibang choice.
“Napikon ka na naman. Darling, there’s nothing wrong with it. Ayaw mo ba noon, magkakasama pa tayo? At magdamag pa!” tila excited na sabi nito at pinaandar na ang sasakyan.
“Nakakapikon talaga, eh. Parang sinasadya ni Lulu na wala sila ngayon dito.”
“Hindi ka naniniwalang nasa ospital si Denise?”
“Parang ang kitid naman ng isip ko kung hindi ako maniniwala. Bata iyon. Kung ako man ang nanay ni Denise hindi ko idadahilan ang pagkakasakit ng anak ko.”
Tumawa ito nang mahina. “Sinadya man o hindi, wala kang magagawa. Sarado ang bahay. Paano ka makakapasok? Samantalang iyong bahay ko, bubuksan ko nang maluwang para ka makapasok. I’m excited for tonight, darling.” At kumindat ito sa kanya.
“Baka may binabalak kang masama?” pagtataray niya.
“Wala akong gagawin na laban sa kalooban mo,” sabi naman nito.
*****
MAY ISANG oras na sigurong nakahiga si Charity pero mailap sa kanya ang antok bagaman kumportable naman siya sa silid na ibinigay sa kanya ni Edmund. Nang hindi siya makatiis ay bumangon siya at nagdesisyong lumabas ng silid.
Nagulat siya nang makitang palabas din ng silid si Edmund. At sa itsura nito, kagaya niya ay nagulat din ito.
“Hindi ka pa pala natutulog,” sabi nito.
“Hindi ako makatulog, eh,” amin niya.
Inabot siya nito at dinala siya sa sala. Magkatabi silang naupo sa malaking sofa. “Bakit?”
Kibit ng balikat ang isinagot niya. “Ikaw, bakit hindi ka makatulog?”
Tinitigan siya nito. “Sa palagay mo ba, madaling makatulog samantalang alam na alam kong nasa kabilang kuwarto ka lang?”
“And so?” kunwa ay balewalang tugon niya gayong halata namang pareho silang hindi mapakali ni Edmund.
“I want to spend all night with you beside me, darling.”
Isiniksik niya ang sarili sa tabi nito. “How old are you, Edmund?” at tinawanan niya ang tanong na iyon. Nagpapatunay lamang iyon na marami pa nga silang hindi alam sa isa’t isa.
“Thirty-five. Ikaw?”
“Twenty-nine.” Nagkatitigan sila at nagkatawanan. “Kung hindi tayo makatulog pareho at parehong may laman ang isip natin na hindi naman natin gustong pag-usapan, bakit hindi na lang tayo magtanungan ng mga impormasyon tungkol sa isa’t isa?”
Tumango ito. “You have a point. Pero sandali, what you said is interesting. Ano ba iyong laman ng isip natin na hindi naman natin gustong pag-usapan?”
Inirapan niya ito. “As if you don’t really know?”
“Wala akong idea,” tila blangko nga na sagot nito.
“Iyong totoo?” arok niya.
Umiling ito.
“What do you exactly mean when you said you want to be with me all night? Does it include s*x?”
Tila na-shock si Edmund sa narinig pero nakabawi din naman agad. Napangiti ito. “Ngayon ko lang natuklasan na mas prangka ka pala sa akin.”
“Marami pa tayong hindi alam sa isa’t isa. Marami pa tayong matutuklasan.”
“Correct. Now let’s back to what you said. You really said s*x. Why not lovemaking?”
“Pareho din iyon.”
“Of course not. s*x is only for those who do it for the sake of physical satisfaction. And I disagree that we’ll ever use that term for us. Because we love each other. Hindi pa ganoon kalalim pero ang importante, mahal natin ang isa’t isa at desidido tayong palaguin ang damdaming iyon.”
“Uh-huh?”
“Yes, I’m serious. At kung babalikan ko ang tanong mo kanina kung kasali ba iyon sa iniisip ko, yes it is. Charity, you’re beautiful. I love you, I want you and I desire you. I just don’t wanna rush things on you.”
Napatango siya. “Di tama nga ako. Pareho tayo ng nasa isip.”
Kumislap ang mata nito. “You love me, you want me and you desire me?”
Tumango siya uli.
“Can I kiss you?” he asked.
“And after that…?” ganting tanong niya na puno ng antisipasyon.
Unti-unting bumaba ang mukha nito sa kanya. “Let the nature takes its course, darling,” sabi nito bago tuluyang siniil siya ng halik.