Maganda ang intensyon ko. Pumunta ako ng mansyong ito hindi para lumikha ng gulo. Ni hindi ko naisip na magagawa ko iyon lalo’t may parte sa’king umasa na totoo ang sinabi noon ni Tinio tungkol sa Mommy niya—na sa oras na malaman nitong kaibigan ko siya, magiging mabait siya. Pero isa’t kalahati pa rin akong tanga. May hint na nga akong hindi magiging maganda ang paghaharap namin, ipinagpatuloy ko pa. Binalaan na akong huwag na magpakita sa oras na umuwi ang anak niya, pumasok pa rin ako. Ang hirap lang tanggapin na mismong sa kaniya ko pa maririnig iyon. Ganoon ba talaga kababa ang tingin niya sa Isla namin? Kasalanan ba ang maging mahirap? Nagmistulang ilog ang mga luha ko nang kaladkarin pa ako ng guard. Para akong sako ng basurahan na inilabas sa mansyon. Awang awa ako sa sarili ko.

