Chapter 24

2155 Words
Pinawi ko ang ilang mga patak ng luha sa aking pisngi. Palayo na nang palayo ang bangkang sinasakyan ni Trio habang si Tinio ay patuloy na nagsasalita sa kabilang linya. “Hindi ko rin inasahan Sam na ngayon din pala siya pupunta diyan. I told him that you’re a great sorceress, that you have this ability to reverse impossiblities. Sinabi ko iyon dahil alam kong may gusto rin siya kay Alania…” Natutop ko ang aking labi. Isang mahinhing atras ang aking nagawa kasabay ng gulat mula sa hindi ko inakalang marinig. Alam niya… Alam niyang may gusto si Trio kay Alania… “Did you hear me?” “T-tinio—” “Ayaw kong saktan ka pero kailangan mo ring malaman. Hindi man niya sabihin sa’kin nang direkta, ramdam na ramdam ko,” napapaos niyang sagot. Magulo ang sitwasyon. Hindi na sana ito lalong gugulo kung hindi lang siya nagsinungaling tungkol sa kakayahan ko. Kung tutuusin, matatanggap ko naman kung wala na akong pag-asa kay Trio. Ngunit ang masira kami ni Alania dahil lamang sa isang kasinungalingan? Sa ilang taon naming samahan ay tila hindi ko iyon kakayaning mangyari. “Pero nagsinungaling ka! Dinamay mo ako doon para sa kagustuhan mo kaya ngayon ay lumalala na! Ano ba kasi ang gusto mong mangyari? Bakit mo sinabing ginayuma natin si Alania kaya napansin ka? Bakit?” Malulutong at sunod-sunod na mura ang sunod kong narinig. Kung nakikita ko lang siya ngayon, siguradong hindi na siya mapakali sa kaniyang kinalulugaran. But he deserves more than that. Siya ang dapat na magdusa lalo’t siya ang nagsimula. “I just want to give him that false hope.” “False hope?” naiirita kong ulit. “Anong ibig mong sabihin?” “May nagsabi sa’kin na baguhan ka pa lang sa sorcery kaya alam kong hindi mo pa kayang gumawa ng matitinding potion. Hindi ka pa gaya ng Lola mo na eksperto na sa ganiyang bagay.” Saglit na nawala ang boses niya. Sa ilang sandali ay kaagad ding bumalik. “But you know what? When I and Trio talked about that, alam kong uhaw siyang humanap ng kagaya mo para sa gayuma. Hindi niya ako maloloko. Hindi niya ako mapapaniwalang hindi siya gagawa ng paraan para makuha si Al.” “So ano ang kinalaman ko ngayon? Bakit mo sinabing ginayuma mo si Alania kahit na hindi naman?” “`Cause that’s what he wants to hear! He’s seeking for great testimonies. Takang taka siya kung bakit naging malapit na si Alania sa’kin mula nang pumunta ka rito.” Sumagot ako sa nanggagalaiting boses. “Eh kaya lang naman kayo nagkalapit dahil sa plano niyong dalawa para sa’min ni Trio `di ba?” “At sa tingin mo sasabihin ko `yon?” Doon unti-unting dumapo ang reyalisasyon. Dahan-dahan ko nang napagtatagpi-tagpi ang dahilan kung bakit kinailangan niyang gawin iyon. Pinoprotektahan lamang niya ang katotohanang may malalim akong pagtingin kay Trio. Nagawa niyang magsinungaling hindi lang para mabigyan ng magandang rason ang biglang paglapit nila ni Alania sa isa’t isa, kundi para mapaglapit din kami ng half brother niya. Hindi ako hundred percent sure kung isa iyon sa mga naging intensyon niya lalo’t `di pa ito ganoong malinaw. Pero kung parte ito ng hindi niya inaasahang plano, sana ay magtagumpay. “Sam, walang madali sa mga nangyayari but you have to trust me. Walang alam si Trio at Alania rito. Hindi rin alam ni Trio na alam ko nang may gusto siya sa babaeng gusto ko. So please, just help this out. Divert his attention and give him a false hope.” Umismid ako habang hinahawi ng hangin ang aking buhok. Nahihimasmasan naman na ako kahit `di pa tuluyang nawawala ang bigat sa dibdib ko. “A-ano na ang gagawin ko ngayon?” “Is he still there?” Umiling ako. “Kaaalis niya lang. Pupuntahan daw niya si Alania at sasabihin kung ano raw ang ginawa natin.” “Sundan mo siya.” “H-huh?” “Sundan mo siya Sam. Pigilan mo at gawin kung anong gusto niya. Kung may kinalaman iyon sa sorcery, then do it. Ikaw na ang bahala.” Itatanong ko pa sana kung ano pang mga isusuhestyon niya sakaling pumalya iyon. Pero sa kasamaang palad, naputol na ang linya ng tawag dahil tuluyan nang naubos ang baterya ng cellphone. s**t. Ang dami-dami ko pang gusto itanong pero bakit hindi nakisabay itong cellphone? Nagmamadali akong bumaba ng talampas upang bumalik ng bahay. Diretso ligo na kaagad ako at nagbihis ng school uniform. Maaga pa naman kaya marami pa akong oras para kausapin si Trio. Iyon ay kung maabutan ko siya bago niya matunton sa campus si Alania. Takang taka si Lola kung bakit ako nagmamadali. Kinuwestyon pa niya kung bakit aalis ako nang hindi pa kumakain. Palagay ko nga ay may alam na siya sa mga pinoproblema ko. Magaling din siya manghula at magbasa ng isip. Tahimik lang siya at ganiyan makitungo pero marami siyang nalalaman. Para akong tanga na hindi malaman ang gagawin. Sukbit ang bag, halos patakbo kong tinahak ang daan upang makarating ng dalampasigan. Hindi ko na inasahang makikita ang bangka ni Bryce dahil mamaya pa iyon magpe-prepara. Sinabi ko sa sarili ko na magpapahatid na lamang ako sa kung sino ang available na bangkero, basta’t huwag lang si Kario. Pero tadhana nga naman, sa sobrang mapaglaro, para bang sinadya na iyong pinakaayaw ko pa ang aking makikita. Wala ni sino man ang nakaabang sa dalampasigan. Lahat yata ay nasa biyahe maliban lang sa bangka ni Kario. Gusto kong maiyak sa inis. Kung wala lang akong oras na hinahabol, mas pipiliin kong maghintay sa kung sino man ang parating. Ilang beses ko na siyang iniwasan. Kung ano-ano na ang paraang ginawa ko para hindi kami mag-usap ngunit magiging iba sa sitwasyong ito. Nakakainis! Kahit nandito pa lamang ako sa ilalim ng puno ng niyog, sa ganda ng sikat ng araw ay tila kulay ginto ang topless niyang pangangatawan. Basa hanggang tuhod ang kaniyang ripped jeans habang hinahayaan lamang niyang mahampas siya ng mahihinang balik ng alon. Nakatalikod pa siya kaya hindi ako nakikita. Ang dami kong naalala kahit makita lang ang kabuuan ng kaniyang likod dahil iyon ang madalas kong sandalan noong kami pa. Araw-araw iyon noon tuwing sasapit ang dapit-hapon. Kahit gaano man kami ka-busy, dapat na naming iklaro ang takip-silim para sa plano naming masdan ang paglubog ng araw. Sa hilig niya mag-topless, nakasanayan ko na lamang sumandal doon habang nakaupo kami sa buhangin. Minsan, ginagawa kong unan ang kaniyang dibdib. Minsan, nakakapit lamang ako sa kaniyang balikat. Kung babalikan ang lahat, para bang perpekto na ang lahat. Hindi sumagi sa’kin na sa ganitong sitwasyon kami mapapadpad— hiwalay, nagkalabuan, nag-iiwasan, at hindi na nagpapansinan. Oras na para lunukin ang pride ko dahil kung kabaliktaran ang paiiralin ko, mahuhuli ang lahat. Tinahak ko ang tuyo at mainit na buhangin. Ikinawit ko ang isa kong palad sa kaliwanag strap ng aking bag at kunwari ay nanlalamig lang ang ekspresyon. Sa kaloob-looban, naroon ang kabang idinudulot niya. Pero majority ay mula naman sa posibleng kahihinatnan ng pagsunod ko kay Trio. Bakit ganito? Bakit kahit hindi pa siya humaharap ay bumibilis ang t***k ng puso ko? Hindi naman siguro ito senyales ng pagbabalik-loob ko. Kabado lang talaga ako sa mga nangyayari at wala naman siyang kinalaman doon. Abala pa siya sa pagmamasid sa kalayuan ngunit nang tawagin ko na siya ay marahan siyang lumingon sa akin. Dito ko mas nakita nang malapitan kung paano nag-mature ang pangangatawan niya. Noon na siya maskulado pero bakit may pagka-blooming tingnan? May pinopormahan na kaya siya? Tinapatan niya ng panlalamig ang paraan ko ng pagkakatingin. Sa lalong paglala ng tahip ng dibdib ko ay tila ba inaagawan ng lakas ang tuhod ko. Kung may kinikimkim pa rin siyang inis o galit sa’kin, then the feeling is mutual. Nasabi ko na noon ang side ko kaya dapat naunawaan niya. “Magpapahatid sana ako. Puwede ka?” Bahagyang pumilig ang kaniyang ulo gaya ng ginagawa ng ibang lalaki. Tumuwid ang kaniyang tikas. Napisikan pa ako ng tubig-alat dahil sa tumalsik na pagkakahampas ng mahinang alon. Ipinatong niya sa gilid ng nakaparkeng bangka ang kaniyang kamay. Napansin kong naging prominente ang mga ugat niya rito. Halatang halata na nasanay bumuhat ng mabibigat na bagay. “Saan ka magpapahatid?” Lumunok ako bago sumagot. “Kahit malapit lang sa pantalan ng Capgahan.” “Nasaan si Bryce? Bakit hindi ka sa kaniya magpahatid?” Nag-iba bigla ang timpla ng mukha ko nang marinig iyon. Literal niyang ipinamukha na kay Bryce dapat ako sasakay at hindi sa kaniyang nag-iisa lang dito sa tabing dagat. Sa loob ng maikling segundo, ang kabang dinudulot din niya ay unti-unti ring naglaho. Sunod ko na lang namalayan na nag-aalburuto na ako sa inis at nais na siyang atrasan. “S-sige. Pasensya na sa abala. M-maghihintay na lang siguro ako ng—” Hindi ko na natapos pa iyon nang humakbang siya palapit sa akin at inilahad ang kaniyang kamay. Kunot-noo ko namang tiningnan `yon nang matagal dahil nagtataka kung para saan. “Anong gagawin ko diyan sa palad mo?” “Tara.” Hindi iyon patanong. Sa tono pa lang ay dinedeklara na. “Akala ko ba ayaw mo akong ihatid?” “Sinabi ko?” “Hindi pero—” “Tara na.” Kagat-labi akong tumingala sa langit. Isang malakas na buga pa ang pinakawalan ko hanggang sa matanto kong napaabot na ako sa kaniyang kamay. Hinayaan ko na rin siyang alalayan ako sa pagsakay sa bangka. Kinandong ko ang bag ko habang sinisimulan na niyang itulak sa dagat itong sasakyan. Amoy na amoy ang alat ng paligid, partikular na nitong malinaw na tubig na matagal-tagal ko na ring hindi naliliguan. Gusto ko na rin sana manumbalik pero naroon pa ang kaunting takot. Sa tuwing lumulubog ako sa dagat, nagiging malinaw din kung paano ako nalunod noon na muntik ko nang ikamatay. Pumuwesto siya sa aking likod dahil doon ang puwesto niya para imando ang bangka. Nang paandarin na niya ang makina, naglikha ito ng malakas na tunog. Ramdam na ramdam ko ang titig niya. Pilit ko na lang isinasawalang bahala dahil nakaharang ako sa view niya at iyon ay hindi maiiwasan. Pinipili kong titigan ang gatuldok na layo ng ibang mga isla upang maibaling ako sa ibang atensyon. Ngunit sa bawat lipas ng mga minuto, pakiramdam ko ay hinding hindi ako makakawala mula sa lintik na paninitig niya. Is it possible na may gusto pa rin siya sa’kin hanggang ngayon? Ilang linggo na ang nagdaan mula nang sabihin niyang nais pa niyang makipagbalikan. Kung oo, talagang sineryoso niya lahat simula sa mga panahong naging kami hanggang sa mga panahong pinili niya maghintay. He is that kind of a silent man who’s willing to wait until he finds a clear answer. Malamang sa malamang, unti-unti na siyang nakaka-move on. Hindi lang gaya ko na matagal nang lumipas ang nararamdaman sa kaniya. “Anong nangyari kay Alania? Bakit siya paika-ika kanina?” tanong ko sa malakas na boses upang sapawan ang ingay ng makina. Bahagya ko pa siyang nilingon upang ipaalam na para sa kaniya ang tanong na iyon. Sumagot naman siya. “Hindi ko alam.” “Hindi ba niya sinabi kung bakit? `Di ba inalalayan mo siya kanina?” “Wala siyang sinabi.” Wala yata akong mapapala sa kaniya. Mas mainam kung si Alania na mismo ang tatanungin ko. Habang nasa kalagitnaan kami ng biyahe, nagtaka ako nang biglang naglaho ang tunog ng makina. Unti-unti ring bumagal ang usad ng bangka na para bang wala na itong balak pang umandar. Nagsalubong na lamang ang mga kilay ko nang humarap ako sa kaniya. May kung ano na siyang inuusisa sa makina nang hindi natataranta. “Anong nangyari?” usisa ko. Hindi siya sumagot dahil pinili niya maging abala doon. Nilingon ko naman ang paligid at nakita na malayo pa ang Isla Capgahan. Wala ni kahit na ano mang tanawin maliban sa tila walang katapusang linya ng dagat at ang pagkatingkad ng kulay nitong bughaw. Sinilip ko ang ilalim. Kahit sulyapan pa lang ay kita na agad kung gaano ito kalalim. Sa linaw ay nakakita pa ako ng grupo ng mga isda. Grupo-grupo at mabilis na nagsisilanguyan. Nagsimula ang pag-ahon ng takot ko nang lumipas pa ang limang minuto. Nang ituon ko na kay Kario ang tingin, umiiling-iling siya at iritado ang mga mata. “Naubusan tayo ng krudo,” sambit niya sabay balik ng upo. “Tang ina, hindi ko rin nadala ang sagwan.” “Ano?” sigaw ko nang pagkalakas-lakas. Umalingawngaw ito sa kawalan na hindi makita-kita ang hangganan. “What the— Kario! Hindi puwede!” “Pasensya na.” Muli kong pinasadahan ng tingin ang buong paligid. Nasa laot na yata kami kaya wala ni kahit na anong makikita maliban sa napakalalayong imahe ng mga isla. Ang malas naman! Bakit pa nangyari ito kung kailan nagmamadali ako?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD