Niyuyugyog niya ang balikat ko. Hindi na yata matitigil ang mga luha ko sa sobrang bigat lalo’t kanina ko pa kinimkim ito. Para akong pinarurusahan sa isang madilim na bangungot. Ni hindi ko man lamang makikitang masaya ang sarili ko sa sitwasyong ito. Nang ibaba ko ang pagkakaharang ng mga palad ko sa aking mga mata, nakita ko siyang puno ng pag-aalala. Halatang pinipilit niya umintindi sa mga nangyayari dahil sa pagiging balisa. Inaalalayan pa niya ang brasong nakadepende pa rin sa arm sling. Isang maling galaw niya lang, baka lalo lang iyon lumala. “Sam…” “T-tinio, p-please… h-hindi ko alam kung bakit ganito.” Umihip ang banayad na simoy ng hangin. Kagyat siyang napakagat-labi at mabilis na sumagot. “Pasensya na kung biglaan. Hindi ko alam na dito pala hahantong ang mga nasabi ko.”

