CHAPTER 1 : HIRAYA MARIKIT MIMOSA

1519 Words
Napakislot siya nang marinig ang isang pamilyar na tunog. Umangat ang mukha niya mula sa pagkakatitig sa ibaba, ngunit nanatili pa rin siyang nakasandal sa pasukan ng paaralan. 1 hour and 30 minutes. Ganyan siya katagal naghintay sa pagdating ng sundo niya. Mukhang mas okay pa yatang nag-commute na lang siya pauwi kaysa mahigit na isang oras siyang nakatayo rito. Malaki man ang gastos sa pamasahe pero agad naman siyang makakapagpahinga sa bahay. Aaminin niyang nabubugnot siya sa kapatid na babae. Lalo pa siyang nairita dahil sa bastos na busina ng motorsiklo nito. Hindi ordinaryong tunog ng busina ng sasakyan ang inilagay ng Ate niya sa motorsiklo. Isang tunog ng mahabang utot ang ginawa nitong vehicle horn! Ang kapatid lang niya kilala niya na may ganoong klaseng busina. Kapag naririnig niya iyon minsan ay natatawa siya, kadalasan ay nahihiya dahil naririnig ng mga tao. Lagi tuloy silang pinagtitinginan at pinagtatawanan. Ano pa bang aasahan niya sa pamilya niyang puro weirdo? Nakaupo ang Ate Loti niya sa motorsiklo, nakahawak sa clutch ng motor at nakasuot ng itim na jacket. "Ano ba 'yan? Sana bukas ka na lang dumating, maaga pa!" angal agad niya sa kapatid na dalawang taon lamang ang tanda sa kanya. "At hindi mo pa rin pinapalitan 'yang dramatic fart sound effect na busina mo. Sabi ko naman sa 'yo, palitan mo na 'yan dahil nakakahiya." Tinanggal nito ang helmet at bumungad ang magandang mukha ng Ate niya na may mapang-asar na ngiti. Nahulog ang mga hibla ng mahaba at tuwid na buhok nito sa balikat. May nginunguya pang bubble gum ang kumag at pinapalobo iyon sa tapat ng labing may bahid na itim na lipstick. Nakasuot na nga ng itim, nakakolorete pa ng itim na eye shadow at eye-liner. Goth. Iyan ang kadalasang unang impression ng mga tao sa kapatid niya. "Wala ka talagang humor, bunso!" nanunukso pa nitong sabi. As usual, binabale-wala na naman nito ang inis sa itsura niya. Burara pa nitong dinura ang bubble gum sa kalsada. Lalo siyang napikon. Sumama ang tingin at nakasimangot siyang sumagot, "Excuse me, Ms. Luwalhati Marahuyo, ako pa ang walang humor?" Ang Ate naman niya ang nawalan ng ngiti sa mukha. "Huwag mo nga akong tawagin sa pangalan na 'yan, Ms. Hiraya Marikit Mimosa! Ate Loti ang itawag mo sa 'kin!" At dahil binanggit din nito ang tunay niyang pangalan, lalo siyang nabuysit. "Huwag mo rin akong tawagin sa buong pangalan ko!" Lagi silang nagtatalo pero may isa silang pinagkakasunduan, ikinahihiya nila ang mga totoo nilang pangalan. Sinisisi rin nila ang kanilang mga magulang dahil dito. Pumayag kasi ang mga ito na ang kanilang Lola Dalisay ang magbigay ng pangalan sa kanila. Daig pa ni Maria Clara ang kanilang Lola Dalisay pagdating sa tradisyon kaya ito ang kinalabasan ng kanilang mga pangalan. "Halika na rito! Sumampa ka na, dami mo pang commercial," ganting tudyo ni Loti at umurong saka tinapik ang likuran ng motor. "Umupo ka na rito. Helmet mo." Kinuha nito ang nakasabit na helmet sa handle bar at iniabot sa kanya. Walang emosyon na kinuha ni Hiraya ang helmet at isinuot sa ulo. Pasadlak siyang umupo sa likod ng nakatatandang kapatid at humawak sa baywang nito. "Kumapit ka!" Lumingon ito sa kaniya bago biglang binuhay ang makina ng motorsiklo at humarurot sa daan. Napatili siya at mahigpit na kumapit sa kapatid. "Dahan-dahan naman! Gusto mo bang maaksidente tayo?!" "Nakakabalik ka naman sa oras, 5 minutes before the accident kaya okay lang!" biro nito kasabay ng pagtawa. Lalo pa nitong binilisan ang pagpapatakbo sa sasakyan para takutin ang nakababatang kapatid. "Tumigil ka, Ate Loti! I hate your dark humor!" reklamo niya ngunit pagtawa lamang ang sinagot nito. *** Naging tahimik ang byahe. Nakakunyapit lamang siya sa baywang ng kapatid habang nakatigil sila sa gitna ng trapiko. Paminsan-minsan ay sumusulyap sa kanya si Loti na para bang nababasa nito ang damdamin at isipan niya. Naninibago ang nakatatandang kapatid dahil sa kanyang labis na katahimikan. Kasabay ng tunog ng pinagsama-samang makina ng mga sasakyan sa kalye, napapansin ni Loti ang sunod-sunod na buntong-hininga niya. "Ang lalim ng iniisip mo, baka naman malunod ka na n'yan," biro nito na bumalik ang mga mata sa ilaw ng trapiko. "Tumigil ka na nga, Ate Loti!" Nanunudyong hinampas niya ito sa balikat. "Hulaan ko, nag-back-skip ka na naman ano?" Hindi siya agad nakasagot. Napaamang lamang ang kanyang bibig at napatingin sa kapatid. Pagkatapos, nagbaba siya ng paningin at malungkot na napangiti. "Sinabi mo sa 'kin, hindi ka na nakakabasa ng isip ng tao pero bakit parang mind-reader ka pa rin?" "Hindi mo naman sinasagot ang tanong ko, bunso." "Oo, ate..." pag-amin niya. "At sa totoo lang, madalas na nga ngayon..." "I see." Nagpatango-tango lamang ito. "Make sure you always look at the time. Sa kakayahan mong 'yan, napakahalaga ng oras." "Ganoon pa rin naman, Ate. Bumabalik ako, 5 minutes sa nakaraan bago maganap ang mga aksidente o p*****n. Wala namang nagbago sa haba ng minuto," pagkwekwento niya. "Wala palang nagbago, eh bakit parang malungkot ka? Hindi ka pa ba nasasanay? Ano bang iniisip mo?" usisa nito. Nagpalit ng kulay ang poste ng trapiko at nagsimula nang umusad ang mga sasakyan sa harap nila. Binuhay ni Loti ang makina ng motorsiklo at sumabay sa agos ng kalsada. Natahimik si Hiraya nang ilang saglit bago tumugon sa kapatid. "Ayaw ko na..." mahina niyang usal na parang ilong lang niya ang nakarinig. "Ayaw mo ng ano?" Ngunit narinig ni Loti. "Lagi na lang kasi...." Alam niyang hindi na niya kailangang ipaliwanag pa dahil naiintindihan ng kanyang Ate ang ibig niyang sabihin. "Huwag kang ganyan!" Sa halip na bigyan ng konsiderasyon ang kanyang damdamin, sinuway ng nakatatandang kapatid ang negatibo niyang pag-iisip. Bumaling ang mga mata niya sa likuran nito habang ang balintataw ng kaniyang Ate ay nakatuon lamang sa kalye. Anupa't ang buhok lamang nito na sumasabay sa hangin ang nakikita niya at humahampas sa kanyang mukha. "Hiraya, tandaan mo na Spiritual Gift 'yan! Regalo 'yan ng May-kapal sa pamilya natin. Namana natin 'yan sa 'ting mga ninuno. You are blessed to have that. It just means you can fix any mistakes you did. Hindi ka ba natutuwa na may mga nasasagip kang buhay because of that?" "Masaya naman ako. Mahirap lang..." tugon niyang muling nagbaba ng paningin. "Hiraya," tawag ng kanyang kapatid at bumalik ang mga mata niya rito. Saglit na sumulyap sa kanya si Loti at nakita niyang seryoso ang mukha ng kapatid. "Balang-araw maiintindihan mo rin ang kahalagahan ng Spiritual Gift mo." Bumalik ang mga mata nito sa harap. "Alam mo nang ka-edad mo ako, ganyan din ako. Ayaw ko sa kakayahan ko at gusto kong mabuhay nang normal. After my debut and I woke up without it, I realized how blessed I am to have it. Hindi ko napahalagahan ang mga taon na may kapangyarihan ako. Tignan mo ako ngayon, hinihiling ko na sana bumalik ang Spiritual Gift ko para lang mabasa kung ano ang nasa isip ng boyfriend ko. Malay ko ba, baka iba na ang kinakant*t ni Joriz, tapos sinisikreto lang n'ya." "Ate naman eh!" saway niya sa bastos na bunganga ng Ate Loti niya. "Oo nga! Seryoso ako, g*ga!" Minura pa siya nito. "Kung bumalik lang sana ang telepathy ko, malalaman ko kung totoo nga ang sinasabi ni Joriz na wala siyang ibang nilalandi! Malay ko ba, baka may iba nang kinakant--" "Tama na nga 'yang kabastusan mo, Ate." "OA mo naman, bunso. Pangit mong ka-bonding." Napairap na lang siya at napailing. Minsan mas mature pa siya kaysa sa Ate niya. "Pero balik tayo sa sinasabi ko, Hiraya," pagpapatuloy nito. "Malapit ka na ring magdise-otso. Isang linggo na lamang at mawawala na ang Spiritual Gift mo. Madalas mong maranasan ngayon ang Back-skip dahil mawawala na 'yan sa 'yo." Dahil sa sinabi nito, natahimik si Hiraya at muling napaisip. May punto ang sinasabi ng kanyang kapatid. Ang bawat miyembro ng pamilya nila ay nawawalan ng kapangyarihan kapag dumating ang ika-labing walo nilang kaarawan. Sa unang araw ng Oktubre ang kaarawan niya. Isang linggo na lamang at magiging normal na tao na rin siya tulad ng iba. Masaya ba siya na mawawala na ang kanyang Spiritual Gift? Gusto niya ng buhay na tahimik at malayo sa gulo. Iyon siguro ang dahilan kaya nasasabi niyang ayaw niya sa kakayahan. Lagi na lamang kasi siyang dinadala ng tadhana sa mga aksidente at krimen. Gayunman, dahil din sa biyaya na kapangyarihan, marami siyang nasagip na buhay. Matanda, bata, lalaki, babae, sanggol, o kahit sino pa man.... nagawa niyang iligtas sa kapahamakan dahil bumabalik siya sa oras bago maganap ang kamalasan. Humigpit ang kapit niya sa baywang ng kapatid at inihilig ang ulo sa balikat nito. She's looking for comfort. "Oo nga pala, bakit Back-skip ang tinatawag natin d'yan?" tanong bigla ni Loti sa kanya. Alam niyang may intensyon na naman ito na magpatawa. "Back-skip means skip-backward," simpleng sagot niya na napangiti. "Hula ko, na-discover mo lang ang salitang 'yan sa remote ng T.V," pang-aasar nito at hindi niya napigilan ang mapabungisngis. "Nag-e-emote ako rito, nang-aasar ka pa rin. Buysit ka talaga sa buhay ko, Ate Loti," balik-tudyo niya pero matamis na nakangiti. ***
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD