CHAPTER 16: TRUST

1416 Words
"Bakit hindi mo pinagtapat kay Ma'am Dalisay ang totoo?" Nasa tono ni Hiraya ang pagkadismaya. Naisip niya kasi na kung magagawa ni Kenjie na magtapat o humingi ng tulong sa iba ay mas magiging madali ang misyon niya sa panahon na ito. Alam din niyang makakatulong si Dalisay, lalo pa't masyadong maselan ang abusong natitikman ng lalaki. "Wala akong tiwala sa kanya," malamig nitong tugon na hindi nakatingin sa kanya kundi sa bintana ng classroom. Nakakrus at nakasandal doon ang dalawang braso ng binatilyo. Humigpit ang pagkakahawak ni Hiraya sa walis. Tinitimpi niya ang nararamdamang panggigigil. Silang dalawa na lamang ang nandito sa silid-aralan. Ang iba nilang kasamahan sa paglilinis ay nagsiuwi na. Pinili nilang maiwan upang pag-usapan nang masinsinan ang tungkol sa naganap kanina. "Mabuting tao si Ma'am Dalisay!" Kunot-noong sambit niya. "Kung sinabi mo sa kanya ang totoo, sigurado akong matutulungan niya tayo. Sinayang mo ang pagkakataon. Bakit hindi ka marunong humingi ng tulong?" "Tingin mo ba hindi ako humingi ng tulong!" Lumakas ang boses ni Kenjie at napalingon sa kanya. Nakababa rin ang dalawang kilay nito senyales ng pagkairita sa usapan nila. "Aya, humingi rin ako ng tulong dati pero wala silang ginawa. Wala akong tiwala sa mga nakakatanda dahil mga sinungaling sila!" "Anong ibig mong sabihin? Sino ang nilapitan mo noon? May sinabihan ka ba dati?" may kuryosidad na tanong niya. Muling ibinaba ng batang lalaki ang paningin at itinuon ito sa sahig. Napabuntong-hininga muna ito bago tumugon. "Isang araw, may sinama si Mama sa bahay na isang lalaking nakilala niya sa pinakamalapit na bar. Gumamit muna sila ng pinagbabawal na gamot bago tinuro ni Mama ang kwarto ko sa ikalawang palapag ng bahay. Nakakandado ang pinto pero sinipa at pinukpok ng lalaki ang kandado hanggang tuluyan itong mabuksan. Isa siya sa mga naging kasintahan ng nanay ko. Isa rin siya sa mga lalaking gumamit sa akin." Nagimbal muli si Hiraya sa narinig ngunit hindi siya nagsalita. Hinayaan niyang ipagpatuloy ni Kenjie ang kwento. "Pagkatapos no'n, hindi ko na kinaya ang pang-aabuso sa akin, Aya. M-Muntik na akong mamatay. T-Tinali ako ng lalaki sa upuan at nilagyan niya ako ng sako sa ulo habang may ginagawa siya sa katawan ko..." Nangangatal ang boses ni Kenjie habang sinasabi niya ang mga pangyayari na para bang bumabalik siya sa malagim na nakaraan. "H-Hindi ako makahinga. Ilang beses akong nawalan ng malay. Pagkatapos ng pangyayaring 'yon, nagbihis ako at tumakas sa bahay. Takot na takot ako dahil pakiramdam ko ay papatayin na ako ni Mama at ng lalaki na 'yon. Nagawa kong makatakas at dumiretso ako sa istasyon ng pulis." "A-Anong nangyari?" "Nagsumbong ako, Aya... pero hindi nila ako pinaniwalaan. Wala silang ginawa para tulungan ako. Batang yagit ang tingin nila sa akin at pinagkamalan pa akong miyembro ng mga rugby boys sa kalsada. Kilala nila ang lalaking sinumbong ko. May kapit siya sa kinauukulan ng baranggay hall, nagsisimba tuwing Linggo sa parokya, at palaging nagbibigay ng donasyon sa paaralan. Natural lang na ang tao na 'yon ang paniwalaan nila. Sino naman ako, 'di ba?" Hindi maipinta ang ekspresyon sa mukha ni Hiraya. Labis na pagkasindak ang nararamdaman niya sa dibdib dahil ito na yata ang pinakamalalang pang-aabuso na narinig niya sa tanang buhay niya. "Sa huli, bumalik ako ng tahanan na parang walang nangyari. Wala akong mapuntahan kundi ang impyernong binuo sa akin ng magulang ko," pagtatapos nito ng kwento . Wala pa ring imik si Hiraya na nagbawi lamang ng tingin. "Hanggang sa napagod na akong humingi ng tulong. Napagtanto kong ako lang ang makakatulong sa sarili," anito, "Wala talaga silang pakialam. Nagpapanggap lang sila na mayroon." Hindi pa rin makapagsalita si Hiraya dahil nangangamba siyang mapahagulgol dahil sobra siyang nasasaktan, nagagalit, at naaawa sa sinapit ng batang lalaki. Tila pinipiga ang puso't isipan niya. Kung ganito ang epekto sa kanya ng kwento, paano pa kaya sa taong mismong nakaranas nito. Nararamdaman niyang namumuo ang mga luha sa gilid ng mga mata. This explains everything that will happen in the future. She realizes that many criminals are victims of circumstances. "Kasalanan ko ba lahat ng nangyari sa 'kin? Kasi sabi ni Mama, ginusto ko naman ang ***," pagpapatuloy ng batang lalaki. "No!" Maagap na tanggi niya. Nabitawan niya ang walis at sinugod ng yakap ang kaibigan. "Bata ka pa, Kenjie. Wala ka pa sa hustong edad para maintindihan ang mga nangyayari. Wala kang kasalanan! Biktima ka, Kenjie. Hindi mo ginusto ang lahat ng ito." Hindi niya namalayang tumulo na pala ang kanyang mga luha at malaya itong dumaloy sa magkabilang pisngi. "Totoo bang may Diyos? Kasi ilang beses na akong nanalangin sa Kanya pero wala namang nagaganap." "T-Totoong may Diyos." Kumalas siya sa pagkakayakap at tinitigan ito. "Totoo Siya Kenjie at pinadala Niya ako rito para sa 'yo." "Napapasa ba ang ****** sa pamilya? Natatakot ako na baka balang-araw kung magkaroon man ako ng anak, magawa ko sa kanya ang ginawa sa akin ni Mama. Na baka pagdating ng araw na malaki na ako.... ako naman ang gumamit ng ibang tao. Dahil dito!" Sinapo niya ang puso. "Dahil dito sa galit na nararamdaman ko! Baka mabaliw na ako, Aya." "Huwag mong isipin 'yan!" Umiling siya. "Gusto kong maghiganti, Aya. Galit ako pero hindi ko alam kung kanino ko ibubunton." Napasapo ang dalawang kamay nito sa sentido, tila sumasakit ang ulo. "Pakiramdam ko... malapit na akong mabaliw." At hindi hahayaan ni Hiraya na umabot sa ganoong punto ang kaibigan. Nandito siya para pigilan ang pag-usbong ng isang demonyong papatay sa marami pang buhay. Hinawakan niya ang magkabilang pisngi ni Kenjie at pinaharap sa kanya ang mukha ng binatilyo. Nagkatinginan silang dalawa. Saka lamang napansin ng lalaki ang mga mata niyang nalulunod na sa luha. "Look at me," bulong niya kasabay ng paghikbi at pagtagaktak ng mga butil ng pasakit sa kanyang pisngi. "Please, look at me." Nakita niya ang malasakit at pag-aalala sa mga mata ni Kenjie. Mukhang ayaw nitong makita na umiiyak si Aya dahil importante rito ang batang babae. Kaya naisip ni Hiraya na gamitin ang damdamin na umuusbong sa puso ng binatilyo. "Kapag pakiramdam mo nawawala ka na sa katinuan, alalahanin mo ang mukha ni Aya. Alalahanin mo ang mga luha ni Aya para sa 'yo." Ngunit sinabi ni Hiraya ang mga katagang iyon kahit ang tunay na lumuluha ay hindi si Aya kundi siya. Sa kaisipan ay humihingi rin siya ng tawad sa tunay na Aya, sapagkat alam niyang mababago ang kinabukasan at personal na buhay nito dahil sa kanya. Ngunit isasawalang-bahala muna niya ang tungkol doon. Sa ngayon, ang tanging pokus lamang niya ay matulungan ang lalaking nasa harap. Sa unang pagkakataon ng buhay niya, ngayon lamang siya nakaramdam ng masidhing damdamin na sagipin ang isang tao. "Tandaan mo na kahit may mga masasamang nilalang sa mundo, may mga mabubuti pa rin na natitira. Huwag kang mawawalan ng pag-asa. Magagawa mong makatakas. Maniwala ka nang buo sa sarili mo. Pagkatapos ng lahat ng ito, Kenjie. Ikaw naman ang magsasagip sa ibang tao." Walang tinugon ang batang lalaki at nanatili lamang na nakatingin sa kanya. "Lagi mo sanang maalala ang mukha na 'to. Nawa'y ito ang maging simbolo ng kabutihan sa paningin mo." Nilapit niya ang mukha at inilapat ang noo sa noo ng batang lalaki. Hindi niya alam kung bakit ngunit gusto niyang ibuhos ang lahat ng pagmamalasakit na nasa loob niya. Gusto niyang ipadama na nandiyan siya palagi sa tabi nito. Hindi niya ito iiwan o pababayaan. Hindi siya nangangako dahil tutuparin niya iyon. Ipinikit nito ang mga mata at dinama ang pagkakalapit ng mga katawan nila. Mukhang kumalma na rin sa wakas ang isip ni Kenjie at nabura agad ang trauma na dala ng alaala't karanasan. "Ikaw lang ang tanging tao sa mundo na pinagkakatiwalaan ko nang lubos, Aya. Wala nang iba. Ikaw lang." Hinaplos nito ang kanang kamay niyang nakahawak sa pisngi. Nang imulat nito ang balintataw upang itutok sa kanya ay napansin niya ang lambot at lambing sa ekspresyon ng mga mata nito. Napagtanto ni Hiraya na may damdamin nga si Kenjie para sa kanya. Musmos man ang isip nito ay may sinseridad pa rin ang puso. "Kung pag-ibig ang makakapagligtas sa 'yo, bakit hindi?" naisip niya. Nadama niyang humigpit ang yakap sa kanya ni Kenjie at sinubsob nito ang mukha sa balikat niya. Huminga ito ng malalim na para bang nakontento at napakalma dahil sa simpleng yakap. Pinaikot niya ang mga braso sa binatilyo at pumikit. "I'm sorry Aya, alam kong ginugulo ko ang buhay mo pero wala akong maisip na ibang paraan."  ***
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD