CHAPTER 15: FIRST LOVE

1643 Words
Pagkatapos ng masinsinang pag-uusap ay iginiya niya si Kenjie papasok sa klase. Ganoon na lamang ang pagkagulat sa mukha nina Oscar at Mayumi nang masilayan ang mukha ng batang lalaki. Ngunit hindi ito makatingin sa kanila nang diretso. "Anong nangyari sa 'yo?" gitlang sambit ni Oscar na mukhang mas nag-aalala pa kaysa kay Mayumi. Umiling lang si Kenjie at sumagot, "Wala. Nadapa lang ako kahapon pag-uwi." "Nadapa? Sigurado ka?" Halata sa boses ni Oscar na hindi siya naniniwala. Hindi sumagot si Kenjie na nakatingin sa ibang bahagi o sahig ng classroom. Napansin din niya sa gilid ng kanang mata ang dalawang babaeng kaklase na pasimpleng sumulyap sa kanya at nagbulungan. Lalo siyang nailang dahil sa mga matang nakatingin sa kanya kaya muli niyang isinuklob ang hood sa ulo. "Kenjie, ano ba talagang nangyari?" usisa rin ni Mayumi. Ngunit bago pa humaba ang usapan nila ay sabay-sabay na napalingon ang mga bata sa guro nilang pumasok sa pinto. "Umupo kayong lahat, class," sita agad ni Dalisay sa mga estudyanteng may kanya-kanyang ginagawa. Sumunod naman ang mga ito at nagsiupo. Madalas na napapasulyap si Hiraya sa kabilang panig ng upuan. Nag-aalala siya kung ano ang nasa isip ngayon ng seatmate na si Kenjie. "Kung may kakayahan lang akong malaman ang iniisip ng tao tulad ng Spiritual Gift ni Ate Loti, hindi sana ako mag-aalala nang sobra. Anong nasa isip mo ngayon, Kenjie?" Napabuntong-hininga na lamang siya. Dumako ang linya ng paningin niya sa unahan at nakita si Dalisay na nakatingin sa kanya. Kumunot ang noo niya. "Bakit ako tinitignan ni Lola?" Pumaling naman ang mga mata ng Ginang sa katabi ni Hiraya. Mataman nitong tinitigan ang batang lalaki na para bang kinikilatis. Ngunit nakayuko lamang si Kenjie at tila nahihiyang tumingin sa lahat ng tao sa classroom. "Kenjie Venancio." Umangat na rin ang mukha ng batang lalaki nang tawagin siya ni Dalisay. "Before recess, we need to talk," anito, "Puntahan mo ako sa Faculty mamaya." Napamaang si Hiraya, ganoon din ang reaksyon ni Kenjie. Nagkatinginan pa silang dalawa dahil pareho silang nagtaka. Nagkibit-balikat lamang si Hiraya. "Gustong kausapin ni Lola Dalisay si Kenjie. Maybe she's aware of whats happening," pagkausap ni Hiraya sa sarili. "Kung magagawa ni Kenjie na humingi ng tulong kay Lola Dalisay, mas mapapadali ang misyon ko. Sigurado akong tutulungan siya agad ni Lola." *** Naiilang si Kenjie na lumabas sa classroom. Wala siya sa mood na makipag-usap pero kailangan niyang magtungo sa faculty room ng mga guro para kay Dalisay. Wala siyang ideya kung bakit gusto siya nitong makausap. Basta, pumunta lang siya roon upang malaman. Nang makarating siya sa faculty room ay naabutan niya ang babae na nakadungaw sa bintana at pinapanood ang ilang mga batang naglalaro sa labas. "Ma'am?" Pinukaw niya ang atensyon nito at agad naman itong napatingin sa kanya. "Upo ka, iho." Ngumiti ito at tinuro ang silyang katapat ng lamesa. Tahimik lamang na umupo si Kenjie sa bakanteng upuan. Pumwesto na rin si Dalisay sa office chair at mataman muna siyang tinitigan. "Humihingi ako ng tawad sa 'yo," simula ng ginang at diretso siyang napatingin dito. "Ano po?" "I'm sorry, Kenjie." Nasa mukha nito ang awa, ang sinseridad at ang lungkot. "Bakit po kayo humihingi ng tawad? Wala naman po kayong ginawang mali sa akin?" Kunot-noo na tanong niya sa babae. Hindi niya maintindihan ang pinupunto ng kausap. Napabuntong-hininga muna si Dalisay bago pinagpatuloy ang pagpapaliwanag. "Pakiramdam ko, hindi ako naging mabuting guro sa 'yo. Nagbubulag-bulagan ako sa mga bagay na napapansin ko sa 'yo. Binale-wala ko ang mga pambubully nila sa 'yo. Hindi ko binigyang pansin ang mga paghihirap mo gayong ako dapat ang unang tumulong sa 'yo dahil ako ang pangalawa mong magulang." Wala siyang sinabi na nagbawi ng paningin. "Kaya nga humihingi ako ng tawad sa 'yo. Patawad dahil isa rin ako sa mga tumawag sa 'yo na Banoy. Hindi ako aware na ayaw mo pala sa nickname na 'yon. Ngayon, gusto kong itama ang mga pagkakamali ko bilang guro. Hindi ko na babalewalain ang mga napapansin ko at nakikita tungkol sa 'yo." pagpapatuloy nito. "Kenjie, kailangan mong maging tapat sa 'kin. Kailangan mo ba ng tulong?" Napatingin siya muli sa mga mata ng babae. Dumaan ang ilang minuto na parang natulala siya. Nabigla siya sa tuwirang tanong ni Dalisay. Gayuman, hinintay nito ang magiging sagot niya. Umiling siya. "H-Hindi po, ma'am." "Sigurado ka?" Hindi ito naniniwala. "Kanino galing 'yang mga sugat mo?" Napalunok si Kenjie at hindi pa rin makatingin nang diretso na tumugon. "Nadapa lang po ako kahapon." "Nadapa?" Hindi rin naniniwala si Dalisay sa palusot niya. "Sigurado ka ba? Hindi ka ba nagsisinungaling?" "Opo. Iyon po talaga ang nangyari, ma'am." "Kenjie, kung may problema ka sabihin mo sa 'kin." "W-Wala naman po akong problema, ma'am." Pero malakas ang pakiramdam ni Dalisay. Alam nitong may tinatago at dinadala siyang mabigat na suliranin. Pagkuwa'y naramdaman niya ang isang palad ng babae na pumatong sa kaliwang kamay niya. Napasulyap siya roon at itinaas ang linya ng paningin upang salubungin ang mapagmalasakit na mga mata ni Dalisay. "Kenjie, huwag kang matatakot na magtapat sa 'kin. Kung may problema ka, nandito lang ako. Handa akong tumulong sa 'yo." Pamilyar... Pamilyar na mga salita... Saan nga ba huling narinig ni Kenjie ang mga ganoong pangako? Isang nakakagimbal na alaala muli ang bumalik sa kanyang isipan. Isa na namang bangungot ang sumagi sa kanya na naging dahilan mismo ng pagkawala ng tiwala niya sa mga tao. Humingi rin siya ng tulong dati. Pero naging kabaliktaran ang lahat ng inaasahan niya. Hindi na siya magpapaloko ngayon. Hindi na siya magtitiwala sa mga matatanda na nangangako ng mga salitang mapapako. Nadala na siya. Puro lang sila kasinungalingan. Binawi niya ang mga kamay na hinawakan ni Dalisay. Napaawang ang bibig ng huli at nagtatanong ang mga matang tinitigan siya. Hindi pa rin siya komportable na nagsalita. "Wala po akong problema." Halata sa tono ng pananalita niya na wala siyang balak na magtapat at gusto na niyang umalis sa presensya ng guro. "Ganoon ba?" Pinilit ni Dalisay na pasiglahin ang tinig. "P-Pero kung may problema ka, sasabihin mo sa 'kin, ha?" Tumango lamang siya. Hindi pa rin mapirmi ang kalooban ni Dalisay. Nababagabag pa rin ang guro ukol sa batang lalaki. May gumugulo pa rin sa kanyang kalooban ngunit wala siyang magagawa kung ayaw magtapat ng estudyante. Napagdesisyunan ng guro na hayaan na lamang ulit si Kenjie. Alam ng babae na hindi niya matutulungan ang isang tao na ayaw magpatulong. "Pwede na ba akong umalis?" Si Kenjie na ang nagsuhestyon na tapusin ang usapan. Ayaw pa sana ni Dalisay na paalisin ang batang lalaki ngunit wala na itong maitanong o masabi. "S-Sige. Kumain ka na ng pananghalian." Tumayo na siya mula sa pagkakaupo at walang lingon o huling tingin na dumiretso palabas ng faculty room. Nararamdaman pa rin niya ang mga mata ni Dalisay na sinusundan siya ng tingin. Subalit, walang balak na humingi ng tulong si Kenjie sapagkat nadala na siya ng karanasan at para sa kanya, wala nang solusyon pa ang bigat ng kanyang pasanin. Walang makakatulong sa kanya at alam niyang dadalhin niya ito maging sa pagtanda. *** Bumalik siya sa loob ng silid-aralan. Mistulang namatayan ang kanyang itsura habang mabagal na naglalakad pabalik sa kwarto. Oras na ng recess. Kaunti na lamang ang mga estudyante sa loob at karamihan ay piniling lumabas dahil nakakabagot sa classroom. Nakayuko siyang naglalakad ngunit napahinto nang makita ang desk ng upuan. Kapag ganitong oras ay nililipasan lamang niya ang bawat minuto sapagkat wala naman siyang salapi para bumili ng makakain. Ngunit sa pagkakataon na ito, may isang lunchbox, tetra pack juice at biscuit na nakapatong sa desk niya. "Kanino 'to?" bulong niya saka lang niya napansin sina Mayumi, Oscar at Aya na nakatingin sa kanya. May ngiti sa mga mukha ng tatlo. "Para sa 'yo. Kanina ka pa namin hinihintay. Anong sabi ni Ma'am Dalisay? Bakit ka niya kinausap?" usisa ni Oscar na hindi niya nagawang sagutin. "Nagbaon talaga ako ng extra meal para sa 'yo," singit bigla ni Mayumi sa kanila, "saka diet din naman ako. Nagbabawas na ako ng timbang kaya sayo na 'yan." "Para mabilis kang gumaling kailangan mong kumain," wika rin ni Aya habang mabilis na nilalamon ang baon na cupcake. Hindi makapaniwala si Kenjie na nakatingin lamang sa tatlo. Hindi siya sanay na pinagmamalasakitan ng ibang tao. Hindi niya alam kung paano tutugon sa kabutihan na binibigay sa kanya. "Umupo ka na," yaya ni Aya na tinapik ang tabi, "Kabilang ka na sa grupo namin kaya hindi ka namin pababayaan na magutom. Simula ngayon, hindi ka na nag-iisa." Hindi niya alam kung ano itong nararamdaman niya kapag nakikita niya si Aya. Tumatalon ang kanyang puso sa saya. Sa paningin niya'y ang babae ay mistulang isang liwanag, isang pag-asa at isang pangarap. Natutulala siya kapag kausap ito at bawat minutong dumaraan na kapiling niya ito ay hinihiling niya na sana habambuhay niya itong makasama. Sa bawat araw na dumadaan ay lalo siyang napapalapit sa babae. "Kenjie, what's wrong?" untag nito sa kanya. Nag-aalala na naman ang mga mata. "Wala." Umiling siya at may mahiyaing ngiti na tumabi kay Aya. "S-Salamat sa inyo." "Nako, walang anuman! Basta ubusin mo lang 'yan!" tudyo ni Mayumi na hinampas siya sa balikat at malakas na tumawa. "Nakakatawa ka talaga, Kenjie. Lagi kang natutuliro sa ganda ng bestfriend kong si Aya!" "Mayumi!" saway agad ni Oscar na nakaramdam na naman ng pagkairita. "Huwag mo na nga silang tuksuhin!" "Selos ka na naman ba?" balik-asar ng matabang babae. At katulad ng dati ay nag-asaran na naman ang dalawa. Natatawa na lamang si Aya habang pinapanood ang magkaibigan. Hindi napansin ng babae ang mga mata ni Kenjie na nakatingin lamang sa kanya, punong-puno ng paghanga at pagsamba. Sinubukan ni Kenjie na pigilan ang paglaki ng ngisi niya ngunit hindi niya nagawa. Kasabay ng matamis na ngiti niya'y namula rin ang magkabila niyang pisngi. ***
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD