Noong unang beses na binuklat ni Hiraya ang Daily Journal wala naman siyang napansin na kakaiba. Dahil ang madalas lamang na isinusulat ni Aya sa talaarawan ay ang tungkol sa mga kaibigan nito.
Pero sigurado si Hiraya na kailangan niyang muling buklatin ang Journal ni Aya. "Hindi 'yon ordinaryong panaginip. Isa 'yong pangitain ng mga pangyayaring maaaring maganap. May gusto sa aking iparating ang kapangyarihan ko." Natigilan si Hiraya sa paglipat ng pahina nang may mabasang pangalan.
"Jamari."
Kumunot ang noo niya at matamang binasa ang tungkol sa lalaking nangangalang Jamari. Agad niyang napagtanto kung sino ang lalaki at kung ano ang kaugnayan nito kay Aya. Batay sa mga detalye, nahulaan niyang ito ang pangalan ng ama ng batang babae.
At hindi niya napigilan ang malungkot dahil sa mga nabasa. Napag-alaman niyang maagang pumanaw si Jamari dahil sa POEMS Syndrome, isang kakaibang sakit sa dugo na wala pang gamot.
"POEMS Syndrome?"
Hindi siya pamilyar sa katawagan ng sakit. Itinaas ni Hiraya ang damit na suot at tinitigan ang mga pasa sa kanyang tiyan at dibdib. "Kaninang umaga, dalawa lang ang pasa ko pero ngayon may dumagdag na naman na isa. Nakuha ko ba 'to nang mahulog ako sa kama?"
Pinagpatuloy ni Hiraya ang pagbabasa sa nilalaman ng pahina. Naramdaman niya ang mga hinanakit, sakit at mga dalangin ng batang babae para sa mga kaibigan at mga magulang na maiiwan nito.
Parang nadudurog ang puso ni Hiraya sa reyalisasyong tumambad sa kanya. Kumikirot at tila pinipipi ang kanyang puso.
Napagtanto niya kung gaano rin kabigat ang pasanin na dinadala ni Aya sa dibdib. Naghahabol din sa oras ang batang babae, katulad niya...
Sumulyap siya sa bote ng medisina na nakapatong din sa mesa. "Imatinib." Binasa niya muli ang nakalagay na label sa bote. "I'm sorry, Aya. Simula ngayon, aalagaan ko na ang katawan mo."
Parang walang natitirang lakas na bumagsak paupo si Hiraya sa gilid ng kama. Napabuntong-hininga na napasapo siya sa ulo. "Hindi lang si Kenjie ang gusto kong sagipin, gusto ko ring sagipin ang buhay ni Aya."
Napadako ang mga mata niya sa pinto ng kwarto. May naririnig siyang kaluskos sa labas. At batay rin sa liwanag na nakikita niyang tumatagos sa sulok ng pinto, napagtanto niyang bukas pa ang ilaw sa sala. "Gising pa si Mama Mela?" aniya at tumingin sa wall clock na nasa dingding. Pasado alas-dyis na ngunit gising pa rin ang ginang.
"Ano kayang ginagawa niya?"
Ilang minuto na nakatulala siya sa pinto na para bang mayroon siyang pinag-iisapan na bagong plano.
Hindi niya kakayanin nang nag-iisa ang pagresolba sa mga suliranin. Kung gusto niyang masolusyonan ang problema, kailangan niya ng tulong ng iba. Kahit pa, ayaw ni Kenjie na sabihin niya ito sa ibang tao lalo pa sa mga nakakatanda, alam ni Hiraya na impossibleng makamit ang misyon kung siya lamang ang kikilos.
***
Nahinto sa paghigop ng mainit na kape si Mela nang makita ang anak nitong lumabas sa silid.
"Aya? Bakit?" Nag-aalalang sambit na ibinaba ang hawak na tasa at libro sa katabing mesa. Nilapitan nito ang anak at hinawakan sa magkabilang-balikat. "Bakit gising ka pa?"
Imbis na sumagot sa tanong ay inihilig niya ang ulo sa dibdib ng babae at nangangatal na nagsabi ng "M-Mama Mela... H-Hindi ko na po kaya..."
"Bakit, Aya? Anong problema? Magsabi ka sa akin, anak." Nagtataka na hinimas nito ang kanyang likod at gumanti ng yakap.
Lumayo siya sa pagkakayakap bago tumitig nang diretso sa ginang.
"May ipagtatapat po ako sa inyo."
***
Hindi niya alam kung tama ba ang ginawa niya ngunit wala nang maisip na ibang solusyon si Hiraya kundi ang ipagtapat ang suliranin kay Mela. Sa una, ay lubos na nagitla ang ginang, napatulala nang ilang minuto na para bang nahintakutan. Ilang saglit ay nagbago ang emosyon nito, napaluha at nakaramdam ng matinding kalungkutan.
Habang nakaupo silang dalawa sa kama, ipinatong ni Mela ang isang kamay sa likod niya. "Aya, maraming salamat sa pagtitiwala sa akin. Salamat dahil pinagtapat mo ang tungkol dito. Gusto mong tulungan ang kaibigan mo, tama ba?"
Tumango siya. "Opo. Hindi ko po kasi alam kung paano siya tutulungan."
"Tama lang ang ginawa mong ipagbigay alam ito sa nakatatanda. Bukas, pwede tayong dumiretso sa istasyon ng pulis para sabihin sa kanila ng tungkol dito. Kakausapin ko rin ang guro ninyo."
Nanlaki ang mga mata niya at tinitigan nang diretso ang babae. "K-Kailangan po ba nating pumunta pa sa pulis?"
"Oo naman, 'nak. Sila lamang ang makakatulong sa sitwasyon ni Kenjie. Hindi rin naman pwedeng sumugod tayo sa bahay nila nang walang nakakalap na ebidensya. Nararapat na ipaalam ito sa pulis at sila ang magsimula ng imbestigasyon."
Naalala ni Hiraya ang mga ikinuwento sa kanya ni Kenjie. Walang tiwala ang batang-lalaki sa pulisya dahil walang tinulong ang mga ito nang araw na nagsumbong siya. Ibinaba niya ang paningin at muling nag-isip nang malalim. "Tama ba 'tong ginawa ko? Bakit pakiramdam ko ay pinalala ko lang ang sitwasyon? Paano kapag nalaman ito ni Kenjie? Baka magalit siya sa akin na hindi na niya ako kausapin. Masyado yata akong padalos-dalos ng kilos."
"Aya." Muli siyang napatingin sa babae nang tawagin nito ang pangalan niya. Naputol ang kaniyang pagmumuni-muni at pinakinggan ang sasabihin nito. "Sa gitna ng problema mo sa kalusugan, nagagawa mo pa ring isipin ang kalagayan ng iba. Napakabait mo talagang bata. Manang-mana ka sa Papa mo."
Nang banggitin nito ang tatay ni Aya ay kumunot ang noo niya. "Mabait po ba talaga si Jamari-ah! I mean... s-si Papa?"
Parang nagtaka nang kaunti si Mela ngunit agad din nitong binale-wala ang sinambit niya. "Ang Papa mo na yata ang pinakamabait na lalaki sa mundo. Sa sobrang bait nga niya, kinuha agad siya ni Lord." May halong biro nito at natawa.
Pero nasa isip ni Hiraya na ito na ang pagkakataon niya para maintindihan ang sakit na dala-dala ni Aya. "Ano po ba ang POEMS syndrome?"
Natigilan si Mela sa paghalakhak at biglang sumeryoso ang mukha nang tumingin muli sa kanya. Kitang-kita ni Hiraya ang lungkot na biglang lumabas sa mga mata nito ngunit pinilit pa rin nito ang ngumiti. "Ba't mo natanong?"
"Well..." Saglit siyang napatitig sa ibaba na tila pinag-iisipan pa ang isasagot. "Gusto kong malaman kung ano ba talagang nangyari kay Papa noon."
Napabuntong-hininga si Mela at iniwas ang tingin. "Paano ko ba ipapaliwanag ang tungkol sa sakit na 'yon? Paano ko ipapaliwanag sa paraan na maiintindihan mo? Sa totoo lang, kaunti lang din ang nalalaman ko. Nagsimula ang sakit niya sa edad na apatnapu. Ewan ko ba... ang tanging naaalala ko ay pangit na karanasan at masalimuot na paghihirap ng ama mo. Ayaw ko na sanang alalahanin pa ang sinapit niya. Ano bang magagawa ko noon? Kundi ang ipagpatuloy ang pag-aalaga sa kanya kahit alam ko na may taning na ang buhay niya..."
Nanatiling nakatitig siya sa mukha ni Mela habang nagkwekwento ang ginang. Nakaramdam siya ng guilt nang makita ang malungkot na ekspresyon nito. "Hindi ko na dapat tinanong..."
"Sobrang sakit nang tuluyan nang bumitaw at sumuko ang ama mo. Nasa tabi niya ako sa huling hininga ng buhay niya. At ipinangako ko sa kanya na hindi kita pababayaan. Apat na taong gulang ka pa lang noon at hindi mo alam kung gaano ka kamahal ng ama mo. Masakit na mawala siya pero mas masakit..."
Tumingin ito sa kanya at nakita ni Hiraya ang namamasang mga mata ni Mela ngunit patuloy pa rin na pagpipigil sa luha. Ang awa at lumbay sa mga mata nito na pinupukol sa kanya ay tila tumurok sa kanyang puso.
"Mas masakit nang malaman kong may Leukemia ka, Aya."
Mistulang tumigil ang oras at mundo nang sabihin ito ni Mela sa kanya. Natameme siya dahil ngayon lamang niya nalaman kung ano ang sakit na dinadala ng batang babae. "Leukemia..."
"Sinubukan kong ipasok ka sa children hospital hangga't hindi ka nakaka-recover pero napansin kong mas lumalala ang kalagayan mo roon. Marahil mas nakabuti nga sa 'yo ang paglabas. Mas masaya ka at nakakapaglaro pa rito. Pero aaminin ko... nangangamba pa rin ako na baka biglaan ka ring mawala sa 'kin katulad ng ama mo. Maipapangako mo ba na hindi mo ko iiwan, Aya?"
Natulala siya nang ilang segundo. Pinoproseso pa ng kanyang utak ang nalaman na impormasyon. Pagkuway mailap ang mga matang tumugon siya. "Opo, Mama. Pangako, hindi kita iiwan."
"Alam kong mahirap tuparin ang pangako pero ano bang dapat kong sabihin? Wala na akong maisip," aniya ni Hiraya sa sarili.
Kinabig siya ng babae palapit sa katawan nito at niyakap nang buong higpit. "Please, fulfill that promise anak. Pangako ko rin sa 'yo, tutulungan kita sa mga problema mo. Bukas, pupunta tayo sa istasyon ng pulis kaya magpahinga ka na ngayong gabi. Kailangan mo ng lakas bukas."
Hindi pa rin mapanatag ang loob ni Hiraya. Hindi niya alam kung bakit, pakiwari niya ay may nagawa siyang mali. Gayunman, tumango na lamang siya at inihilig ang ulo sa katawan ng babae.
***