CHAPTER 19: POLICE STATION

1348 Words
Sinamahan siya ni Mama Mela sa pinakamalapit na Police Station upang ihain ang reklamo nila sa ina ni Kenjie. Sa totoo lamang, hindi pa rin siya mapakali at 'di pa rin lumilisan ang pag-aalinlangan sa kanyang puso. Kahapon pa niya nararamdaman na parang mayroon siyang nagawang mali ngunit hindi niya alam kung ano. Habang naglalakad sa kahabaan ng kalsada, hinawakan niya ang mga kamay ni Mela. Napatingin sa kanya ang ginang. "May problema ba? Nanlalamig ang kamay mo." "Kinakabahan lang po ako," wika niya at tumingala upang salubungin ang mga mata nito. "Tama po ba ang pasya ko, Mama? Nag-aalala ako na baka may mangyaring hindi maganda dahil sa gagawin natin. Paano kung balikan tayo ng nanay ni Kenjie? Paano kapag nalaman ito ni Kenjie at kamuhian niya ako?" "Aya, hindi ba napag-usapan na natin 'to kahapon? Tama lang ang ginawa mo. Kung hindi mo 'to sasabihin sa nakatatanda, walang mangyayari. Hindi mo matutulungan ang kaibigan mo," simpleng sagot nito. Hindi na siya nagsalita pa at napabuntong-hininga na lamang. Maya't-maya pa ay narating na nila ang tapat ng istasyon. *** "Hindi n'yo po ba huhulihin ang babaeng 'yon?!" Nais magdabog ni Hiraya sa harap ng pulisya at napatayo siya dahil sa pagkairita. Siniko siya ni Mela at sinenyasan na manahimik. Pinaupo siya muli ng babae sa tabi nito. Natauhan naman siya at medyo napahiya dahil sa inasal na kawalang-galang. Nanatiling nakatingin lamang sa kanila ang babaeng record officer ng istasyon. Matapos nilang sabihin ang hinaing ay ini-record lamang nito ang paratang at pinapirma sila sa logbook. "Kung gusto n'yo magdemanda ng kaso, sa piskal kayo lumapit. O maaari kayong dumiretso sa imbestigador. Police blotter lamang ang magagawa namin dahil allegations lang naman ang mga ikinuwento ninyo at walang mga evidence," paliwanag nito sa kanila. Natahimik si Hiraya, napayuko at napaisip. "I'm very frustrated pero ano bang magagawa ko? Ito ang batas at tama rin naman ang sinasabi nilang wala kong maihahain na ebidensya." Naikuyom niya ang palad dahil sa pagkainis. Mahinahon na tumayo si Mela at hinila siya upang tumayo rin. "Maraming salamat po, ma'am. Mauna na po kami dahil may pasok pa po ang anak ko," huling sabi ng ina bago kinuha ang dalang bag at tumalikod. Sumunod siya kay Mela. Hila-hila pa rin siya ng babae sa kamay hanggang makalabas sila sa istasyon ng pulis. Naglakad sila nang tahimik. Hinintay muna nilang makaalpas sila sa lugar bago bumaling sa isa't isa. "Hindi ka dapat gano'n umasta, Aya. Ginagawa lang nila ang trabaho nila." "Pero wala naman silang naitutulong! Ano naman ang silbi ng blotter na 'yon? Hindi naman pala nila aaksyunan!" Nakalimutan na ni Hiraya na magsalita ng po at opo dahil sa inis. "Ganito talaga ang batas. Hintayin na lamang natin kung may gagawin nga silang imbestigasyon tungkol dito." "Alam mo pala ang tungkol sa sistema nila, Mama! Pero bakit nakapagdesisyon ka pa rin na magsumbong sa pulis!" "Atleast may police blotter na siya. Sa ngayon, ito muna ang maitutulong natin dahil wala naman tayong ebidensya na pinanghahawakan." Iniwas niya ang tingin. "Pero naniwala ka sa 'kin kahit wala akong ebidensya." "Syempre naman. Anak kita e'. Alam kong hindi ka magsisinungaling tungkol sa mga ganyang bagay. Gusto ko lang makatulong na malinis ang konsensya mo. Gusto ko lang makatulog ka nang mahimbing sa gabi." Parang may palaso na tumama sa puso niya. Masyado na naman siyang nagiging demanding, samantalang tinutulungan na nga siya ng babae. Muli siyang nagbuga ng malalim na hininga. Pero ano bang dapat kong gawin? Hindi pa rin ako makakatulog nang maayos nito. Walang maitutulong ang police blotter. Nalilito pa rin si Hiraya. Binabagabag pa rin siya ng konsensya at pag-aalinlangan. Sinisisi niya ang sarili dahil wala siyang maayos na plano kung paano pababagsakin ang ina ni Kenjie. Hindi niya napaghandaan ang mga hakbang na gagawin. Sumasabay lamang siya sa agos ng mga pangyayari. Hindi dapat ako nagpadalos-dalos. Dapat pinag-isipan kong maigi. Dapat nagplano ako ng gagawin. Akala ko may maitutulong si Mama Mela at ang mga pulis pero mukhang wala rin pala! *** Bumiyahe silang mag-ina patungo sa paaralan. Naisipan pa rin niyang pumasok ngayon upang makita si Kenjie. At tutal, kasama rin niya ngayon si Mela, nais nitong makausap nang masinsinan ang guro nila. Malapit na ang oras ng recess nang makarating sila sa classroom. Natigilan si Dalisay sa pagliligpit ng mga papel sa teacher's table at binaling ang tingin nito sa kanila na naghihintay sa pinto. "Mela." May ngiti sa labi na lumapit sa kanila ang guro. "Magandang hapon po, Ma'am Dalisay," may paggalang naman na bungad ng babae. "Pwede po ba kayong makausap nang saglit?" Natigilan si Dalisay at tila napaisip muna. "Aya, pumasok ka muna." Iginiya muna nito si Hiraya papasok sa kwarto upang masinsinan na makausap si Mela. Dire-diretsong pumasok si Hiraya sa loob ng silid-aralan. Sinusundan siya ng tingin ng mga kaklase pero wala siya sa mood upang pansinin ang mga ito. Matamlay na umupo siya sa tabi ni Kenjie na mataman siyang tinititigan. "Okay ka lang, Aya?" Ito ang unang bumati. "Nakakapanibago na sa 'ting dalawa, ikaw ang unang namansin ngayon," biro niya. "Huwag ka ngang magbiro. Akala ko hindi ka na papasok. Nag-alala ako at naisip na inatake ka ng sakit mo." Dahil sa sinabi nito ay napatitig siya ng diretso rito. "Kaya ba nandito ngayon ang Mama mo dahil ganoon nga ang nangyari sa 'yo?" Naisip niyang tumango na lamang. "Parang ganoon na nga." Nakita niya ang lungkot sa mga mata ni Kenjie. Lalo siyang nakonsensya. Puno ng katapatan at sinseridad ang binatilyo kapag nakikipag-usap sa kanya. Kabaliktaran niya na malihim sa damdamin at katotohanan. Dumako ang mga mata niya sa gawi nina Dalisay at Mela, nasa labas na ang dalawa at masinsinang nag-uusap. Ano kayang magiging reaksyon ni Kenjie kapag nalaman niyang sinabi ko sa iba ang sikreto niya? Hindi niya maiwasang mangamba. "Kenjie, hindi ka ba magagalit sa akin kapag nalaman mong hindi ako tumupad sa usapan?" "Ha? Bakit naman ako magagalit sa 'yo? Ikaw lang ang tanging tao sa mundo na pinagkakatiwalaan ko. Hindi ako magagalit sa 'yo kahit ano pang gawin mo." "Pero paano nga kung...." Nahinto siya sa pagsasalita. Naging mailap ang mga mata niya at nag-isip muna. Natatakot ako. Paano kung sa halip na ako ang maging dahilan kung bakit magiging mabuti si Kenjie, ako pa ang maging dahilan kung bakit siya magiging masama sa future? Kumunot ang noo ni Kenjie at nagtatakang tinitigan siya. "Anong problema, Aya?" Bumalik ang tingin niya rito. May sasabihin pa sana siya ngunit sumabat na sa kanila si Mayumi na nasa likurang upuan. "Aya, ba't ngayon ka lang pumasok? Sobrang late mo na," sabi ni Mayumi sa mahinang tinig dahil ayaw makuha ang atensyon ng mga kaklase at ng guro. "Oo nga. Nag-alala kami sa 'yo. Naisip namin na binalik ka ulit sa Children's Hospital," si Oscar. Pilit siyang ngumiti sa dalawang kaibigan. "OA n'yo. May emergency lang kanina pero maayos na ako ngayon!" Pinakita pa niya ang muscle sa kanang braso. "Nakakalungkot kapag uma-absent ka, Aya," dagdag ni Mayumi. "Biyernes pala ngayon. Dalawang araw tayong hindi magkikita, maglaro ulit tayo sa playground mamayang hapon." "Alam ninyong hindi ako makakasama," sabi agad ni Kenjie na tumalikod sa mga kaibigan. Napasimangot silang tatlo ngunit naiintindihan naman nila ang sitwasyon ni Kenjie. "Mag-cutting class na lang tayo after recess," suhestiyon ni Oscar. "Bright idea!" sang-ayon agad ni Mayumi. "Napaka-bad influence ninyo kay Kenjie," sabi naman ni Hiraya. Napabungisngis na lamang sila ngunit natigilan nang sitahin sila ni Dalisay. "Huwag kayong maingay, class!" Bumalik na pala ito sa loob ng silid-aralan at pinagpatuloy ang pag-aayos ng mga papel sa teacher's table. Muling bumaling ang mga paningin nila sa harap ng blackboard. Namataan ni Hiraya na sumilip si Mela sa pinto ng classroom, kumaway ito sa kanya at sumulyap kay Kenjie. Sumenyas pa ito sa kanya na uuwi na raw ito sa bahay. Tumango lamang siya. Nag-iwan muna ito ng matamis na ngiti bago tuluyang umalis. "Ano kayang napag-usapan nila?" tanong niya sa isipan ngunit hindi na niya mahahabol pa si Mela upang magtanong. "Pagkauwi ko na lang sa bahay, kakausapin ko siya."  ***
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD