CHAPTER 4 : BACK TO THE YEAR 2000

1811 Words
Back-skip... Back-skip... Back-skip... "Back-skip, kung kailan mas kailangan, hindi naman dumadating... Ang Ate Loti ko... Gusto kong iligtas ang ate ko..." Ito ang mga nasa isip ni Hiraya habang nakahilata roon sa malambot na kama. "Kama?" usal niya nang maramdaman iyon at mahawakan ng mga palad ang bed sheet. Nahihirapan man pero minulat niya ang mga mata. Ang nakasisilaw na liwanag ng flourescent lamp ang tumambad sa kanya. Pinikit-pikit niya ang paningin upang malaman kung siya ba'y namamalikmata. Totoo ba itong nakikita niya? Tumingin siya sa kinalalagyan at napatunayan nga na nakahiga siya sa puting kama. Nakakumot din siya ng puting tela. "What the hell?" bulong niya. Napaupo siya mula sa pagkakahiga at itinaas ang puting uniporme para tingnan ang tiyan. Nagtaka siya nang makitang wala siyang sugat. Lalo pa siyang nagtaka nang mapansin ang suot. "Ano ito? Bakit nakasuot ako ng ibang school uniform?" Napansin niya agad ang kulay ng uniporme. Hindi rin ito long-sleeve at parang.... parang ang liit! Tinignan niya ang mga daliri. Tiningnan ang likod ng kamay at mga palad. Sinuri niya ang katawan at may napagtantong kakaiba. Bakit pakiramdam niya ay parang lumiit siya? Inilibot niya ang paningin. Hindi siya pamilyar sa lugar. "Nasaan na ako? Ano bang nangyayari?" naguguluhan niyang tanong. Puro puti ang nakikita niya at may divider ang bawat kama na para bang nasa loob siya ng hospital. Ngunit mas maliit ito kumpara sa hospital at may mga nakadikit na educational posters sa dingding tulad ng multiplication table, alphabets, at mukha ng mga national heroes. Saka lang niya napagtantong nasa loob siya ng isang School Clinic nang makita ang label nito sa itaas ng pinto. Halos magsalubong ang kilay niya sa pagtataka. Nalilito na siya sa mga nagaganap. Sa pagkakatanda niya ay pinasok sila ng masamang tao sa bahay, pinatay ang kapatid niya at... "Oo, tama si Ate Loti!" bulaslas niya at tinanggal ang kumot na nakapatong sa kanya. Sa susunod na lang niya aalamin kung ano ang nangyari at kung paano siya napunta sa lugar na ito. Kailangan muna niyang makauwi sa bahay at makita si Loti. Tumayo siya at naglakad sa pinto. Nagtaka siya nang mapansing parang nag-iba yata ang height niya nang abutin ang doorknob. Nagulat siya nang kusang bumukas ang pinto at nagkatinginan sila ng babaeng akmang papasok. Batay sa suot nito, isa siyang nars. "Aya, gising ka na pala!" sabi nito at ngumiti na tila natuwa nang makita siya. Napaatras siya at nakanganga lamang na inulit ang narinig. "Aya?" pagtataka niya. Pumasok ang nars sa loob ng clinic. Isinara muli ang pinto. Tapos, tinungkod nito ang mga palad sa tuhod, yumuko, at nakangiti siyang kinausap. "Nag-alala kami kasi bigla kang nahimatay sa klase. Ano na ang nararamdaman mo ngayon?" "What?" Hindi pa rin niya maintindihan kung anong sinasabi nito. "Anong pinagsasasabi mo?" Binale-wala na lamang niya ang babae at nilagpasan. "Aya!" tawag nito sa kanya pero hindi niya pinansin. Pinihit niya ang door knob at lumabas. Naglakad siya sa hindi pamilyar na hallway pero batay sa kulay ng mga pader at kwarto, nahulaan niya na nasa loob siya ng isang public elementary school. "Aya!" Lumingon siya nang makita ang nars na hinahabol siya. Nang makalapit ay hinila nito ang braso niya para ibalik siya sa clinic. "Ano ba, miss?! Bitaw!" pakikipaglaban niya. Pilit niyang hinahablot ang mga braso ngunit mas malakas ang babae kumpara sa kanya. "Aya, nagiging bastos ka na sa nakatatanda ah! Kailangan mong manatili sa loob ng clinic habang hindi ako nakakasiguradong maayos ka na!" nanenermon nitong sabi; sinusubukang maging istrikta. "Ha?" Napanganga na lamang siya. Wala pa rin siyang naiintindihan sa mga sinasabi nito at walang ideya sa kung ano ang nangyayari. Bakit siya nito tinatawag na Aya? Wala naman siyang ibang nickname at lahat ay tinatawag siyang Hiraya. "Tara na." Sinamantala ng nars ang kanyang katahimikan. Hinila siya nito pabalik sa klinika. Wala siyang nagawa kundi sumunod. Habang naglalakad pabalik, nakita niya sa gilid ang isang malaking salamin na malapit sa pinto ng girl's comfort room. Nanlaki ang mga mata niya nang makita ang reflection niya sa salamin. Tumigil siya sa paglalakad at marahas na hinila ang brasong hawak ng nars. "Aya!" Natigilan ang nars nang makawala siya. Hindi niya ito pinansin at nagmamadali siyang lumapit sa salamin upang tingnan ang kanyang sarili. Tinakasan ng kulay ang kaniyang mukha. Pinagpawisan siya dahil sa takot. Nakanganga lamang siya habang nakatitig sa sariling repleksyon. Hindi ang mukha niya ang nakikita niya. Sa halip, nakikita niya sa repleksyon, ang mukha ng isang batang babae. Nakasuot ng pang-elementaryang uniporme. Mahaba ang tuwid na buhok na umabot sa puwitan. Napaka-kyut ngunit may kaliitan. Hinawakan niya ang magkabilang pisngi at hinaplos-haplos iyon. Sino ito? Napagtanto niyang wala siya sa sariling katawan. Nananagip ba ako? Sinampal niya ang sarili. Nasaktan lang siya pero hindi naman siya nagising sa bangungot. Nandito pa rin siya sa harap ng salamin at nakatitig sa repleksyon ng batang babae. "Aya!" Lumapit ang nars sa likod niya na halatang nagtataka na rin sa kinikilos niya. Hindi niya ito pinansin at tumakbo siya patungo sa pinakamalapit na bintana. "Aya!" Humabol muli ang nars sa kanya. Dumungaw siya sa labas ng bintana at lalong nagimbal sa nasaksihan. Ang takot at pagkalito ay naghalo sa kanyang isipan. "Nasaan ako?! Anong nangyayari?!" naguguluhan niyang sambit. "Aya, ano ka ba? Ano na naman bang nasa isip mo?" usisa ng nars na tumabi sa kanya ngunit wala siyang sinagot dito. Nanatili lamang siyang nakatingin sa school ground at malalim na nag-iisip. Kapwa silang natigilan at napakislot sa gulat nang may magsalita mula sa kanilang likuran. Sabay silang napalingon sa bagong dating. "Nurse Anji," tawag ng butihing babae. Malumanay ang kanyang boses at may maaliwalas na ngiti sa mga labi. Maamo ang mukha at mukhang mabait. "Bakit kayo nandyan?" Napanganga siyang nakatitig lamang sa babaeng lumapit sa kanila. Sa lahat ng mga nakita niya rito, ito lang ang pamilyar sa kanya. Hindi siya nagkakamali. Nakita rin niya ang itsura nito sa mga larawang nakadikit sa family photo album. Ngunit sa pagtataka niya'y walang guhit ang mukha ng babae, at mas bata itong tingnan. Kung ganoon, ito pala ang itsura ng kanyang Lola Dalisay noon... "Ma'am Dalisay, si Aya po kasi, gustong tumakas," sagot ni Anji na tila nagmakaawa ang mga mata. "Aya." Bumaling ang mga mata ng babae sa kanya. " Huwag mo nang pahirapan ang Ate Anji mo. Ginagawa lang n'ya ang trabaho n'ya. Hindi ba sinabi ko na sa 'yong huwag kang makulit?" Hindi siya nakasagot. Nagtataka pa rin siya sa mga nakikita. "Lola Dalisay...." "Ha?" Ang kanyang Lola naman ang nagtaka. "Ano 'yon, Aya?" Hindi niya alam kung anong sasabihin. Ang emosyon ay naghalo-halo sa kanyang kalooban. Sa mga nakalipas na taon, sobra siyang nangungulila sa kanyang Lola at ngayon nasa harap na niya muli ito, nag-uumapaw ang damdamin sa kanyang puso. Napasapo siya sa bibig. Pakiramdam niya'y maduduwal siya dahil sa kakapigil niya sa pag-iyak. "Aya?" Nag-alala ang kanyang Lola nang makita ang reaksyon niya. "I-I'm sorry, I need to go to the rest room!" bulaslas niya at tumakbo muli para pumunta sa pambabaeng palikuran. "Aya!" Hahabol sana ang nars ngunit pinigil siya ni Dalisay. Nagtatakang napatingin na lang ito sa matanda. "Ma'am Dalisay?" Umiling lamang ang babae. "Huwag mo na s'yang sundan, Nurse Anji. Babalik din si Aya rito kaya hintayin mo na lang siyang lumabas. Huwag kang mag-alala." Nakapagdesisyon ang nars na sundin ang sinabi ng kausap. *** Dire-diretso si Hiraya sa lababo ng banyo at panay ang pagsuka roon kahit wala namang lumalabas sa kanyang bibig. She knows she's panicking. Nang mahinto siya sa kakaduwal, inayos niya ang buhok na nakaharang sa mukha at naghilamos. Muli siyang tumingin sa repleksyon ng salamin at tinitigan ang mukha ng batang babae. "Aya ang tawag nila sa 'kin. Ibig sabihin, Aya ang pangalan ng batang babaeng 'to. Pero paano ako nalipat sa katawan ng batang ito? At hindi ko rin siya kilala." "Kung nandito si Lola Dalisay, ibig sabihin ay napunta ako sa nakaraan. Ano bang nangyayari? Dinala ako ng Back-Skip ko sa ibang panahon. Kadalasan ay 5 minutes before the incident ako binabalik ng Back-Skip pero grabe ang oras at panahon na inurong ko. Paano ito nangyari?" Malalim siyang napaisip. Inalala niya ang mga pangyayari bago siya mapunta rito. "Naalala ko ang sinabi sa akin ni Ate Loti. Mas tumitindi ang kapangyarihan kapag malapit na itong mawala. Back in 2022, isang linggo na lang 18 yrs old na ako..." Bumalik ang mga mata niya sa salamin. "Kung ganoon, ganito katindi ang kapangyarihan ko. Pero hindi ko maintindihan... ang gusto ko lang naman ay masagip ang buhay ko at ang buhay ng kapatid ko... anong kinalaman nito sa kahilingan ko? Bakit dito?" Bumaling ang atensyon niya sa grupo ng mga babaeng estudyante na pumasok sa loob ng banyo. Nagtatawanan sila at nagkwekwentuhan. Base sa suot na I.D, nabasa niyang mga grade 6 students ang mga bata. "Excuse me girls," tawag niya at napahinto ang mga ito sa paglalakad saka tinitigan siya. "Anong petsa na ngayon at oras?" "September 25, 2000," sagot nito at tumingin sa wrist watch na Hello Kitty. " 8:26 na." "s**t!" mura niya sa isipan. "Nag-back-skip ako ng 22 years. Hindi pa kami pinapanganak ni Ate Loti nang panahon na ito." "Salamat," sabi niya sa mga bata bago siya lumabas sa banyo. Wala siyang ideya kung bakit siya napadpad sa ibang panahon at kung bakit siya nasa katauhan ng ibang tao. Gayunman, alam niyang mahahanap niya ang kasagutan sa labas, sa piling ng kanyang Lola Dalisay. Naglakad siya pabalik sa kinaroroonan ng kaniyang Lola. Huminto siya sa tapat ng dalawa. "Okay ka na ba?" Ngumiti si Dalisay at tiningnan siya. "Kaya mo bang pumasok sa klase? Kung hindi ay tatawagan ko ang nanay mo para sunduin ka rito." Umiling siya. "Gusto ko pong manatili rito," iyon ang isinagot niya habang nakatingin nang diretso sa babae. "I see..." Tumango naman ito. "Sige, papayagan kitang bumalik sa klase kung 'yan ang nais mo. Pero kapag nakita kitang hindi pa rin maayos ay papauwiin na kita." "Maayos na po ang kalagayan ko. Masyado lang po akong nainitan kanina kaya ako nahimatay." Nag-imbento siya ng palusot. "Okay." Tumango lang ulit si Dalisay at bumaling naman kay Anji na nakikinig lamang sa kanila. "Nurse Anji, salamat sa pagbabantay kay Aya." Bumalik ang mga mata ni Dalisay sa kanya. "Aya, tara na. Let's go back to your classroom." Hinawakan nito ang mga kamay niya habang binabaybay nila ang kahabaan ng pasilyo. Hindi alam ni Hiraya kung ano ang mararamdaman. Para siyang maiiyak nang mahawakan muli ang mga kamay ng Lola Dalisay niya. Parang pinaghalo ang kasiyahan, kalungkutan, at kalituhan sa kanyang puso. "Hindi alam ni Lola Dalisay na ang apo niya sa hinaharap ay papasok sa katawan ng isang mag-aaral niya. At sino naman maniniwala sa kwentong ito? Panginoon ko, bakit ako napadpad dito at paano ako makababalik sa panahon ko?"
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD