"Malia!"
Mula sa pagbubunot ng damo sa mga alaga niyang bulaklak ay napalingon si Malia sa kanyang Lola Margarita nang tawagin siya nito.
"Bakit po Lola?" Tanong niya.
"Itigil mo muna yang ginagawa mo at may bisita ka," anunsyo nito.
Huminga siya ng malalim bago pinagpag ang kanyang mga kamay na may lupa. Pinanganak kasi siyang mahilig sa mga bulaklak kaya naman may mga sarili siyang tanim sa bahay nila at bukod pa doon, sa isang malaking flower farm din siya nagtatrabaho. Tuwing rest day niya, saka lang niya inaasikaso ang mga alaga niya. Kahit gaano man kapangit ang araw niya, nawawala iyon basta kaharap niya ang mga halamang bulaklak.
"Sandali lang po Lola," aniya at tumayo na saka nagpunta sa likod-bahay para maghugas ng kamay.
Nang pumunta na siya sa harapan ng bahay nila ay nakita niya ang nakangiting mukha ni Corazon, ang kanyang matalik na kaibigan. Nakaupo ito sa kawayang papag habang naghihintay sa kanya. May katabi itong basket na sa tingin niya ay pagkain ang laman.
"Corazon. Nandito ka pala," masaya niyang sambit bago umupo sa tabi ng babae.
"Binisita talaga kita dahil pupunta na ako ng Maynila bukas," malumanay nitong tugon.
Napanguso siya. "Talaga? Lilisanin mo na pala itong lupang kinalakihan natin?"
Malungkot naman itong ngumiti. "Yun kasi ang gusto ni Terrence eh," tukoy nito sa asawa.
Noong nakaraang linggo lang ay nagpakasal ang kaibigan niya sa lalaking matagal na nitong nagusgustuhan. Isa si Corazon sa pinakamayaman sa buong Santa Catalina pero kahit sa angkin nitong ganda at yaman, kailanman ay hindi naging mapagmataas ang babae kaya kahit mahirap lamang siya, naging matalik na magkaibigan silang dalawa.
"Doon na talaga kayo titira?" Tanong pa niya.
Nakangiting tumango si Corazon kaya napangiti na rin siya. Alam niyang matagal ng pangarap ng kaibigan niya na mahalin ito ni Terrence. Hindi paman nangyayari yun dahil sa ipinagkasundo lang ang dalawa, naikasal naman sila.
"Ikaw ba, kailan ka ba magboboyfriend, Malia?" Tanong nito sa kanya.
"Wala akong balak pumasok sa ganyan," nakasimangot niyang tugon.
"Bakit naman? Marami ka namang manliligaw dito sa Santa Catalina ah. Wala ka bang nagugustuhan kahit na isa?"
Umiling siya bilang sagot. Hindi naman sa ayaw niyang makipagrelasyon. Sadyang wala pa lang talaga siyang nakikitang lalaki na nagpapatibok ng puso niya. Isa pa ay masyado siyang abala para pagtuunan ng pansin ang pag-ibig. Matanda na ang Lola niya na siyang nag-alaga sa kanya kaya todo kayod din siya para mabuhay sila.
Sa loob ng dalawampu't tatlong taon, ang kanyang lola ang mag-isang bumubuhay sa kanya. Namatay kasi ang nanay niya pagkapanganak sa kanya at hindi rin niya kilala kung sino ang tatay niya. Isa lang naman ang sigurado sila, banyaga ang kanyang ama dahil sa kulay asul niyang mga mata. Wala naman kasing ibang lahi ang kanyang ina.
"Ano kaya kung si Nicolo nalang ang gawin mong kasintahan?" Tukoy ng babae sa kaibigan nila.
Agad siyang napaingos. "Ayoko ano! Hindi nga mapirmi sa isang lugar ang lalaking iyon."
Natawa si Corazon sa narinig. "Oo nga no. Si Tyrone nalang kaya?" Tukoy nito sa kapatid ng asawa nito.
Mahina siyang natawa. "Hindi rin pwede. May ibang nagugustuhan yun."
Agad na tumaas ang kilay ni Corazon. "Talaga? Bakit hindi ko alam? Kilala mo ba?"
Napailing siya. Kung pwede lang sana niyang sabihin na ito ang gusto ni Tyrone kaso nangako siya sa lalaki na wala siyang pagsasabihan para hindi masira ang pagkakaibigan nito at ni Corazon.
"Hindi ko alam. Hindi niya sinabi," aniya bago nahiga sa papag.
Tumabi na rin ng higa sa kanya si Corazon. Magkasabay nilang pinanood ang unti-unting pagbabago ng kulay ng araw sa dapit-hapon habang panay ang kwentuhan nila ng kahit ano.
"Dito ako matutulog ngayong gabi," anito habang naghahapunan sila.
"Hindi ba magagalit ang asawa mo na hindi ka uuwi sa inyo?" Ang Lola niya ang nagtanong.
Tipid na ngumiti si Corazon bago umiling. "Hindi naman po, Lola. Nagpaalam na ako. Isa pa mamimiss ko si Malia dahil hindi na ako madalas na makakauwi dito.
"Oh siya, ihahanda ko nalang ang silid mo."
"Wag na po Lola. Tabi na lang kami," singit niya.
Pagkatapos ng hapunan nila ay muli silang humiga sa papag sa labas ng luma niyang bahay. Maganda ang panahon. Maliwanag ang buwan at marami ring bituin sa langit.
"Alam mo ba kung nasaan si Abbie, Malia?" Tukoy ni Corazon sa isa pa nilang kaibigan.
"Sa pagkakaalam ko nasa bayan siya. Nagsasawa na daw siya sa buhay dito sa bukid," malungkot niyang turan.
"Ikaw ba hindi ka nagsasawa sa buhay mo dito?"
Matamis siyang ngumiti bago umiling. "Hindi. Balita ko magulo daw sa syudad. Maraming sasakyan at maraming tao. Alam mo namang ayoko sa ganun. Mas gusto ko dito. Tahimik at sariwa ang kapaligiran."
Nagpakawala ng isang malalim na buntong hininga ang kaibigan niya. "Ako man din. Mas gusto ko parin dito lalo na at nasa malapit kalang."
Nilingon niya ito. Kahit na sabihing masaya ito, bakas parin ang lungkot sa mga mata ni Corazon. "Ayos ka lang ba?" Nag-aalala niyang tanong.
Hindi lingid sa kaalaman niya ang mga nangyayari sa buhay nito. Alam niya rin na unang araw ng kasal nito ay nilayasan ito ng lalaki dahil ayaw makipagsiping kay Corazon.
"Magiging maayos din ako, Malia. Ang importante kasal na kami ni Terrence. Pagsisikapan ko nalang na makuha ang loob niya."
"Bakit hindi mo sabihin sa kanya na ikaw ang nagligtas sa kanya at hindi iyong mapagpanggap mong pinsan na siyang minahal niya? Baka magbago ang pagtingin niya sa iyo," suhestyon niya pero umiling ito.
"Hindi na. Basta sigurado ako na mapapaibig ko rin siya."
Napailing narin siya. Hindi niya talaga maintindihan ang pag-ibig. Masyadong magulo. Kung siya ang tatanungin, ayaw niyang magmahal kung magiging kagaya lang siya ni Corazon na nasasaktan imbes na magsaya.
Nang gabing iyon ay doon nga natulog si Corazon. Halos hating-gabi na nga sila natulog dahil sa kwentuhan nila na animo ilang taon silang hindi nagkita. Kinaumagahan ay maaga naman itong sinundo ng sariling driver para makauwi.
"Mag-iingat ka doon, Corazon. Sulatan mo ako ha," bilin niya sa kaibigan.
Ngumiti naman ito pero halatang maiiyak na. "Bumili ka na kasi ng cellphone para magtawagan nalang tayo."
"May telepono naman. Tatawagan nalang kita," aniya bago ito niyakap.
Gumanti ito ng isang mahigpit na akap bago siya pinakawalan. Hinatid tanaw niya ang papalayo nitong sasakyan bago pumasok sa loob ng bahay para mag-almusal.
Nagluto ang kanyang lola ng fried egg at dilis kaya mukhang mapaparami ang kain niya. "Wow, ang bango naman!" Nakangiti niyang ani bago dumulog sa hapag. Pinaresan pa niya ng kapeng barako ang kanyang agahan.
"Kumain ka na para maaga kang makarating sa flower farm. Mukhang matatagalan ka pa naman sa paglalakad sa daan dahil maputik," ani Lola Margarita.
Napasimangot siya. Maganda naman ang panahon kagabi pero bigla nalang umulan. Babaybayin niya tuloy ang maputik na daan patungo sa farm.
"Salamat po sa masarap na breakfast Lola," aniya bago iniligpit ang kanyang pinagkainan.
Suot ang isang itim na t-shirt at maong na jumper ay lumabas na siya ng bahay. Hindi na siya nag-abala pang suklayin at hinayaan nalang na nakalugay ang kulay blonde at kulot niyang buhok. Isinuot niya ang kanyang peach na bota bago sumilip sa may pinto.
"Alis na po ako Lola!" Sigaw niya.
Dahil may katandaan na ito sa edad na eighty-five, medyo may pagkabingi na ang lola niya.
"Ingat ka apo!" Sigaw nito pabalik.
Nilisan niya ang kanilang bahay ng may ngiti sa labi at naglakad na patungo sa farm. Dumaan siya sa tubuhan na pag-aari nila Corazon. Abala na ang mga tauhan ng kaibigan niya dahil harvest season na.
Hindi nagtagal ay natapat siya sa maputik na bahagi at may tubig na daan. Eksakto namang may kasalubong siyang isang motorsiklong pampasahero. Mabilis ang takbo nito at mukhang walang balak na tumigil. Kapag tumapat ito sa kanya ay sigurado siyang maliligo siya ng putik. At kahit pa umatras siya, maabutan parin siya ng motor.
"Sana makarma siya at siya ang maligo ng putik! Mukhang mabaho pa naman yan," mahina niyang usal.
Tumalikod nalang siya nang tumapat na sa kanya ang motor. Gaya ng inaasahan niya nagkandaputik ang kanyang jumper pero nang lingunin niya ang motor na may angkas ay natumba ito at lumangoy sa putik!
Pinanood niyang bumangon ang mga ito. Nauna ang driver at tinulungan naman nito ang lalaking sakay na may malaking bag na dala.
"What the f**k! Dísgusting shít!" Malakas nitong mura.
"Pasensya na po Sir. Nadulas yung gulong eh," kamot ulo namang sambit ng driver.
Hindi niya napigilan ang sarili na mapaismid. Ayan! Mayabang kasi! Nagmukha tuloy undin!
"Hindi ka kasi nag-iingat! Look what you've done! Nagmumukha na akong taong grasa," pagalit nitong asik.
"Sabi ko naman kasi sa inyo Sir, wag kayong malikot dahil maputik! Kasalanan niyo rin naman eh. Bayaran niyo nalang ako at bahala na kayo sa buhay niyo," galit ring ani ng driver.
Napasuklay ng buhok ang lalaking pasahero bago lumingon sa gawi niya at nagtama ang mga mata nila.
Hala! Ang gwapo pala! Mukhang Afam!
Kaya lang ay napuro putik ang katawan nito maging ang buhok, damit at mukha. Sa kaisipang iyon ay hindi na niya napigilan pa ang sarili na bumahaglit ng tawa. Kahit anong pigil niya ay hindi niya talaga kaya. Natigil lang siya sa pagtawa nang maglakad ang lalaki papunta sa gawi niya habang naniningkit ang mga mata.
"Excuse me? Pinagtatawanan mo ba ako?"