At dahil sa kawalan ng tanong, biglang bumigat ang kanyang dibdib.
“Hindi siya dumating,” bigla niyang sabi, mahina ngunit malinaw. Parang sinubukan niyang patunayan sa sarili na totoo nga ang nangyari.
Bahagyang gumalaw ang mga daliri ni Matthew sa manibela, ngunit hindi siya nagsalita.
“Akala ko,” patuloy ni Marian, “kapag sapat kang naghintay, kapag sapat kang nagmahal… darating din siya..” Napangiti siya, isang ngiting walang saya. “Mali pala.”
Sa salamin sa unahan, bahagyang nagtagpo ang kanilang mga mata. Isang segundo lamang. Ngunit sapat na iyon para maramdaman ni Marian ang lalim ng titig ni Matthew, hindi mausisa, kundi parang may binabasa.
“Pitong taon,” dagdag niya. “Pitong taon kong inayos ang buhay ko para sa kanya. Tinanggap ko ang lahat, ang pagiging late niya, ang pagiging tahimik niya, ang mga gabing mas inuuna niya ang trabaho kaysa sa akin. Sabi ko sa sarili ko, "Darating din ang araw.’”
Huminto siya. Lumunok. Bumalik ang mga alaala, parang alon na walang pakundangan.
Pitong taon ang nakalipas—
Unang beses niyang nakilala si Gilbert Magsimuno sa isang maliit na cafe malapit sa unibersidad. Siya ang baristang laging nakangiti, laging may kwento, laging may oras. Siya ang tipo ng lalaking marunong makinig, o marunong magpanggap na nakikinig. Bata pa si Marian noon, puno ng pangarap, at handang ibigay ang lahat para sa pag-ibig.
Naging mabilis ang lahat. Mabilis na ligawan, mabilis na pangako, mabilis na mga salitang “ikaw na ang para sa akin.” At naniwala siya.
Dahil sino ba naman siya para magduda sa isang lalaking araw-araw pinipili kang tawagan, hatiran ng kape, at sabihing ikaw ang pahinga niya?
Unti-unti, siya ang nag-adjust. Siya ang nag-ipon. Siya ang nagplano ng kasal. Siya ang nagtiis nang mag-isa habang si Gilbert ay “nagiging abala.” Kapag nagtatanong siya, laging may paliwanag. Kapag nasasaktan siya, laging may pangakong babawi.
At naniwala siyang sapat na iyon.
Hanggang sa dumating ang araw ng kasal—
Nakaayos ang lahat. Ang simbahan. Ang mga bisita. Ang singsing. Ang kinabukasan. Nakahanda ang puso ni Marian, bukas, buong-buo, handang ibigay.
Ngunit hindi dumating si Gilbert.
Hindi sa tamang oras. Hindi sa huling oras para humabol. Hindi kailanman.
Bumalik sa kasalukuyan—
“May pinalit siya sa akin,” mahina ngunit nanginginig na sabi ni Marian. “Pinsan mo.”
Sa pagkakataong iyon, huminto ang sasakyan.
Dahan-dahang tumabi si Matthew sa gilid ng kalsada. Ang ulan ay patuloy na bumabagsak, ngunit ang katahimikan sa loob ay naging mas mabigat. Dahan-dahan siyang lumingon, ngayon ay buong-buo nang nakaharap kay Marian.
“Maurene,” malamig niyang sabi.
Tumango si Marian. “Alam mo?”
“I know her.. but I didn't know her flaws,” sagot niya. May kung anong dumilim sa kanyang mga mata, isang aninong hindi na bago sa kanya, ngunit ngayon ay may ibang kulay. Galit. Hindi para sa sarili. Para sa babaeng kasama niya.
“Hindi ko alam kung kailan nagsimula,” patuloy ni Marian, tila binubuksan ang sugat na matagal nang tinahi. “Pero sa araw na dapat ay kasal ko… siya ang pinili. Hindi man lang ako hinarap. Hindi man lang nagpaalam.”
Napayuko siya. “Parang wala lang ako.”
Tahimik na inilabas ni Matthew ang kanyang coat at marahang inilapag sa balikat ni Marian. Hindi niya hinawakan ang balat nito. Hindi niya inangkin ang espasyo. Isa lamang itong simpleng kilos... ngunit sa gabing iyon, iyon ang unang beses na may gumawa ng isang bagay para kay Marian nang walang kapalit.
“Hindi siya kawalan," mariin niyang sabi. “At ang ginawa niya… dapat may kapalit.”
Napatingin si Marian sa kanya. “Hindi ko kailangan ng ganti,” bulong niya. “Gusto ko lang… maintindihan kung bakit.”
Isang sandali ng katahimikan ang lumipas bago muling umandar ang sasakyan. “May mga taong nagsasabi na hindi nila kayang panindigan,” sabi ni Matthew. “At may mga taong iniisip na ang pagtakbo ay mas madali kaysa sa pananatili.”
“Masakit pa rin,” sagot ni Marian.
“Masakit talaga,” tugon ni Matthew, tapat. “Pero ang sakit ay hindi nangangahulugan ng katapusan.”
Hindi alam ni Marian kung bakit, pero naniwala siya.
May mga sandaling hindi natin namamalayan kung kailan tayo tuluyang tumawid, mula sa dating mundo patungo sa isang bagong realidad.
Para kay Marian Ariza, ang sandaling iyon ay hindi nangyari sa simbahan, ni sa bahay na tinawag niyang tahanan. Nangyari iyon sa loob ng isang itim na sasakyan, sa gitna ng ulan, katabi ng lalaking ang pangalan ay sapat na upang magbukas ng pintuan… o maghukay ng libingan.
Mabagal ang takbo ng sasakyan habang nilalamon ng gabi ang lungsod. Ang mga ilaw sa labas ay dumaraan na parang mga bituin, malapit ngunit hindi mahawakan. Natahimik si Marian, ang katawan ay pagod, ngunit ang isip ay gising na gising. Parang ayaw siyang tantanan ng mga tanong, ng mga “paano” at “bakit” na walang kasagutan.
Sa kanyang tabi, tahimik si Matthew Guardian. Ang kamay niya ay naka-steady sa manibela, ang mga mata ay nakatutok sa daan, ngunit ang isip ay malayo. Hindi niya alam kung ilang minuto pa ang lilipas bago muling magsalita si Marian.
“Hindi ka ba natatakot?” biglang natanong ni Marian, halos pabulong.
Bahagyang nagtaas ng kilay si Matthew. “For what?”
“Sa pagkuha ng estranghero sa gitna ng gabi,” sagot niya. “Baka kung sino lang ako.”
May bahagyang ngiti sa labi ni Matthew.. na hindi masaya, at hindi rin mapanukso. "If I had any reason to be afraid, I would have been dead a long time ago.”
Napatulala saglit si Marian. "Kanina mo pa ako ine-english. Sa amerika ka ba lumaki?"
Nagpakita si Matthew ng kaunting pag-ngiti ngunit hindi siya lumingon para tumingin sa mga mata ni Marian.
Pero sa loob ni Marian, aminado siya na may kung anong bigat sa sagot na iyon, isang katotohanang hindi niya lubos maintindihan, ngunit ramdam niya.
“You don't have to trust” dagdag ni Matthew, mas mababa ang boses. “You just need to rest.”
Napahugot ng isang malalim na paghinga si Marian. Sa unang pagkakataon, gumuho na nga ang kanyang mundo, may nagsabi pa sa kanya ng isang bagay na hindi paguutos, hindi tanong, kundi isang pahintulot.
"Magpahinga?" bulong niya sa sarili.
Ipinikit niya ang kanyang mga mata, ngunit hindi siya nakatulog. Sa halip, bumalik ang mga alaala, parang pelikulang ayaw tumigil.
Naalala niya ang unang beses niyang sumakay sa sasakyan kasama si Gilbert. Maliit na kotse, amoy kape at pangarap. Masaya siya noon. Buo at in love.
At ngayon, narito siya sa isang mamahaling sasakyan, kasama ang lalaking hindi niya kilala, papunta sa isang lugar na hindi niya alam. Ngunit kakaiba... hindi man lang ito natatakot.
“Matthew,” bigla niyang sambit ni Marian.
Napalingon ang lalaki. “Yes?”
“Bakit mo ako tinanong kung saan ako pupunta… kung dadalhin mo rin pala ako sa lugar mo?”
Sandaling natahimik si Matthew bago sumagot. “Dahil mahalaga pa rin ang pagpili,” sabi niya. “Kahit sa mga panahong pakiramdam mo’y wala ka nang kontrol.”
May kung anong kumurot sa dibdib ni Marian. Ilang taon na ba mula nang may nagpaalala sa kanya na may karapatan pa rin siyang pumili?
“Pwede ba akong magtanong?” aniya.
“Pwede.” sagot ni Matthew.
“Anong klaseng tao ka?