CHAPTER 3: PANGALANG NAKATALAGA SA DILIM

1348 Words
Hindi agad sumagot si Matthew. Tumigil muna siya sa isang traffic light, ang pulang ilaw ay sumasalamin sa kanyang mga mata madilim, malalim, at puno ng lihim. “Isang lalaking sanay gumawa ng mga desisyong walang balikan,” sagot niya. “and you?” “Isang babaeng sanay maghintay,” mahina niyang sabi. “Hanggang sa mapagod.” Nagtagal ang katahimikan pagkatapos noon. Ngunit hindi ito mabigat. Para itong pahingang sabay nilang tinanggap. May mga pangalan na binibigkas nang may paggalang. May mga pangalang na binabanggit nang may galit. At may mga pangalang na binubulong, dahil sapat na ang bigkasin ang mga ito upang magdulot ng takot sa ibang nakakakita. Matthew Guardian ang pangalang nakatalaga sa dilim. Sa mundo kung saan ang batas ay binabayaran at ang awa ay kahinaan, ang apelyidong Guardian ay isang babala. Isang paalala na may mga lalaking hindi mo dapat banggain, bakit? dahil kapag ginawa mo, walang hukom, walang kulungan, at walang dasal ang makapagliligtas sa’yo. Makalipas ang ilang minuto, huminto sila sa harap ng isang tahimik ngunit elegante at modernong gusali. Mataas ang bakod, may mga ilaw na tahimik na nagbabantay. Hindi ito bahay na karaniwan. Ito ay tila isang kuta. “Dito ka muna,” sabi ni Matthew. “You'll be safe here” “Bakit mo ako tinutulungan?” tanong ni Marian, sa wakas ay nailabas ang tanong na kanina pa bumabagabag sa kanya. Sandaling tumigil si Matthew bago sumagot. “Dahil may mga gabing kahit ang mga lalaking tulad ko… ay pinapaalala kung ano ang nawala sa amin.” Hindi niya ipinaliwanag. Hindi rin siya humingi ng pasasalamat. At habang bumababa si Marian ng sasakyan, na hawak ang coat na ibinigay sa kanya, may isang katotohanang dahan-dahang sumisibol sa kanyang isip. Siya ang babaeng iniwan sa altar, pero hindi pa tapos ang kanyang kwento. At sa mundong papasukin niya ngayon, may lalaking handang baguhin ang tadhana, kahit kapalit pa nito ang kanyang sariling dilim. Pagdating nila sa Guardian Estate, muling bumalik ang realidad. Ang matataas na bakod. Ang mga armadong guwardiya. Ang tahimik ngunit nakakatakot na kaayusan ng lugar. Lahat ay bago para kay Marian, at sa kabila ng pagod, gising na gising ang kanyang pandama. Habang bumababa siya ng sasakyan, napansin niyang hindi siya iniwan ni Matthew. Hindi siya basta pumasok at iniwan ang responsibilidad sa iba. Sumabay siya sa kanya, parang sinisiguro na hindi siya mawawala sa lugar na iyon. “Dito ka muna,” sabi ni Matthew, binubuksan ang pinto ng guest room. “May malinis na damit sa loob. Don't worry, walang pumapasok dito nang walang pahintulot.” “Parang kulungan,” pabirong sabi ni Marian, ngunit walang ngiti sa labi. “Hindi,” sinabi ni Matthew “Kanlungan.” At sa salitang iyon, may kung anong gumalaw sa dibdib ni Marian. Habang naliligo siya, hinayaan niyang bumagsak ang luha kasabay ng tubig. Hindi dahil sa sakit, kundi dahil sa pagod. Pagod sa pagiging matatag. Pagod sa pagiging sapat para sa ibang tao. Paglabas niya, nakita niyang may tray ng pagkain sa mesa. Simpleng mainit na sopas, tinapay, at isang tasang tsaa. Sa kabilang banda, hindi alam ni Marian na habang siya ay kumakain, ay pinagmamasdan siya ni Matthew na nakatayo sa balkonahe. Malaki at malawak ang mansyon na ito. Ngunit ngayong gabi ay hindi niya inaasahan na ang sariling mundo na binuo niya sa ilalim ng dilim, dugo at bakal ay magsisimulang gumalaw. Tahimik ang Guardian Estate. Isang modernong mansion na nakatago sa likod ng matataas na pader at mahigpit na seguridad. Hindi ito lugar ng karangyaan para sa bisita, ito ay isang kuta. Isang lugar kung saan ang bawat sulok ay may mata, at bawat anino ay may baril. Nakatayo si Matthew sa balkonahe ng ikalawang palapag, hawak ang baso ng whiskey, habang ang ulan ay patuloy na bumabagsak sa hardin sa ibaba. Ang mga ilaw ay sumasalamin sa basang lupa, at ang hangin ay may dalang malamig na alaala. Hindi siya sanay magdala ng estranghero rito. Lalong hindi sa isang babae, at lalong hindi isang babaeng sugatan. “Boss,” mahinang sambit ni Rafael, ang kanyang kanang kamay, habang papalapit. “Nasa guest room na po ang babae. Binilinan ko ang mga tauhan. Walang lalapit nang walang permiso.” Tumango si Matthew, hindi inaalis ang tingin sa dilim. “Siguraduhing walang makakaalam na nandito siya.” Nagtaas ng kilay si Rafael. “Kahit si...” “Lalo na si Maurene,” malamig niyang putol. Tahimik na tumango ang lalaki at umatras. Kilala niya si Matthew nang sapat para malaman kung kailan hindi na dapat magtanong. Naiwang mag-isa si Matthew, ngunit ang isip niya ay hindi mapakali. Hindi ito ang unang beses na nakakita siya ng babaeng umiiyak. Hindi rin ito ang unang beses na may taong winasak ng pagtataksil. Sa mundo niya, ang pagdurusa ay parang alikabok, lagi itong naroon na hindi napapansin ng iilan. Pero si Marian Ariza ay iba. Hindi siya nagmakaawa, at hinding hindi siya humihingi ng awa. Kahit anong sakit pa ang kanyang nararamdaman ngayon, hinding hindi niya hahayaan na manipulahin siya nito. Tinanggap niya ito ng tahimik, diretso, at may dignidad. At iyon ang gumulantang kay Matthew. Lumaki si Matthew sa dilim. Ang kanyang ama ay isang alamat sa ilalim ng lupa, isang lalaking hindi kailanman umatras, hindi kailanman nagtiwala, at hindi kailanman nagmahal. Sa murang edad, natutunan ni Matthew na ang emosyon ay kahinaan. Ang pag-ibig ay luho. At ang mundo ay hindi patas sa mga mahihina. Sa edad na labing-anim, nakakita siya ng dugo sa unang pagkakataon, hindi bilang biktima, kundi bilang tagamasid. Sa dalawampu, siya na ang humahawak ng baril. Sa tatlumpu, siya na ang pinuno. At sa bawat hakbang pataas, may kapalit. Kaibigan. Pamilya, at sarili. Hanggang sa wala nang natira kundi ang kapangyarihan. Kaya nang pumasok sa mundo niya si Marian, walang baril, walang alyansa, walang pakay na tila may maling nota sa musikang sanay na siyang pakinggan. Dahan-dahan siyang bumaba sa hagdan patungo sa guest room. Hindi niya alam kung bakit siya pupunta roon. Hindi naman na kailangan, ngunit may hangin na tila nagtutulak sa kanya para dalawin ang kanyang bisita ngayong gabi. May mga tauhan siya para mautusan o papuntahin doon kung kinakailangan. Ngunit may kung anong humihila sa kanya, isang uri ng pagkamausisa na matagal na niyang inilibing. Marahang kumatok si Matthew sa pinto, tila natatakot na baka masira ang katahimikang bumabalot sa loob ng silid. “Come in,” mahina at bahagyang paos ang boses mula sa loob, isang boses na agad tumama sa dibdib niya. Dahan-dahang binuksan ni Marian ang pinto. At doon si Matthew natigilan. Nakita niya si Marian na agad tumalikod at umupo sa gilid ng kama, yakap ang sarili, suot ang isang simpleng robe na tila hindi sapat upang itago ang kanyang pagiging marupok sa sandaling iyon. Basa pa rin ang kanyang buhok, bahagyang kulot, ang mga hibla’y dumidikit sa kanyang pisngi at leeg. Ang kanyang mga mata’y bahagyang namumula, mga bakas ng luha na katatapos lamang pumatak. Ngunit ngayon ay tuyo na, parang pinilit niyang maging matatag. Sa isang iglap, parang tumigil ang mundo ni Matthew. Hindi ito ang ganda na nananakit sa mata, kundi ang uri ng ganda na tahimik na bumabalot sa puso. Ang lungkot sa mga mata ni Marian ay may kakaibang lambing, at ang katahimikan niya ay tila may hinahanap na pag-unawa. Ramdam ni Matthew ang biglang pagbilis ng t***k ng kanyang dibdib, isang damdaming hindi niya inaasahan, ngunit agad niyang nakilala. Ito ang sandali ng unang pagkikita. Walang palakasan ng loob. Walang malalaking salita. Isang tahimik na kilig lamang..banayad, inosente, at totoo. Parang may bahagyang init na gumapang sa kanyang dibdib, isang pakiramdam na nagsasabing may isang bagay na nagbago, kahit hindi pa niya maipaliwanag kung ano. Tumingin si Marian sa kanya, at sa sandaling nagtagpo ang kanilang mga mata, may kung anong kumislap, isang pag-usisa, isang pag-iingat, at isang damdaming pareho nilang hindi pa handang banggitin. Ngunit doon pa lamang, sa unang sulyap na iyon, alam na ni Matthew.. May espesyal sa kanya. At sa katahimikan ng silid, nagsimula ang isang damdaming hindi na niya kailanman makakalimutan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD