JUNE 2000, mabilis magpalit ang taon naaalala ko parang kailan lang noong tumatakbo pa akong nakapaa sa pasilyo ng bahay-ampunan. Umaakyat sa punuo ng mangga malapit sa simbahan at nagtutungo sa itaas ng kampanaryo para lumanghap ng sariwang hangin. Kinakarga ko pa si Lily at tinuturan ang mga batang mas maliit pa sa akin. Walang araw na hindi ko sila inaalala, miss na miss ko na silang lahat. Ngayon, 3rd year high school na ako at ang dami nang nagbago. Pinagmamasdan ko ang sarili ko sa salamin, hindi na nga ako ang munting daga noon.
"Mouse, tara na mahuhuli na tayo!" Kumatok sabay pumasok sa loob ng kuwarto si Ashley.
Humarap din siya sa salamin at pinagmasdan namin ang aming mga sarili. Lalo pang tumangkad si Ashley, pinagpala talaga ang lahi nilang matatangkad. Nagsusuot na siya ng b*a samantalang ako, baby b*a pa rin. Sabi ni Mrs. Drew baka late bloomer lang daw ako. Na-i-insecure ako kapag nakikita ko sa iba ang katangiang wala ako.
Binago nan i Ashley ang ayos ng buhok ko, masyado na raw kasing pambata kapag naka-pony sa magkabilang gilid kaya ang ginawa niya, half pony tail saka nilagyan niya ng ribbon sa likod. Mukhang mas maganda nga kumpara noon ang style nito.
"Ang cute mo, Mouse."
"'Di hamak na mas maganda ka, Ashley."
"Pareho tayong maganda."
Sabay kaming natawa sa harap ng salamin.
Naghihintay sa amin si Theo, sa ibaba inip na inip siya sa tuwing hinihintay kami. Masyado raw kaming matagal mag-ayos. Gano'n talaga gusto kasi namin palagi kaming maganda sa mata ng iba.
Hanggang sa paglalakad papasok sa eskwelahan hindi maalis ang tingin ko kay Theo. Nauuna siyang maglakad sa amin ni Ashley. Hindi ko maiwasang hindi maalala ang pagliligtas sa akin ni Theo. Ewan ko ba, sa tuwing naaalala ko iyon pakiramdam ko tumataas ang init sa loob ng katawan ko.
"Mouse, ayos ka lang ba? Ba't parang namumula 'yang mukha mo?"
"Ha? O-okay lang ako. T-tara bilisan na natin!" Hinawakan ko ang kamay ni Ashley saka kami mabilis na naglakad papasok. Malinaw pa sa mga alaala ko ang hitsura ni Theo habang nakasandal at natutulog sa kubo. Sa mga oras na iyon napagmasdan ko ang maamo niyang mukha para tuloy akong baliw na napapangiti.
Pagkarating namin sa gate ng eskwelahan napansin ko ang isang lalaki nakatayo sa gilid malapit sa guard house. Pamilyar ang mukha niya, si—
"Jack!"
"M-Mouse?"
Nagulat siya nang makita ako, ganoon rin naman ako sa kanya. Graduate na kasi siya at kasalukuyang nasa 2nd year college na lalo siyang gumwapo at tumangkad!
"Kumusta na?" bati ko.
"Ayos lang ikaw? Dalagang-dalaga ka na, a."
Nang mapako ang tingin ni Jack kay Ashley.
"Sila nga pala sina Ashley at Theo kambal sila," pakilala ko sa dalawang kasama ko.
Hindi kasi kami nagkaroon ng pagkakataong magkasama ni Jack dahil busy siya sa pag-aaral noon.
"H-hi! Jack nga pala," nahihiyang pakilala ni Jack.
"Nice to meet you Jack, Ashley nga pala." Nahihiya rin si Ashley.
Parang ang tagal yata ng pagkakamay nilang dalawa, a. Bigla namang pumagitnaan si Theo sa dalawa. Aba! Defensive na kapatid. Nangiti lang si Jack sa approach ni Theo sa kanya.
"Mauna na pala ako sa inyo, Mouse."
"Aalis ka na kaagad?"
"Oo, may kinuha lang ako sa office. Heto nga pala ang telephone number ng dormitoryong tinutuluyan ko." Kumuha ng kapirasong papel si Jack sa loob ng bag saka kumuha ng panulat.
"Tawagan mo ako kapag kailangan mo ng kausap."
Ibinigay ni Jack ang kapirasong papel na may telephone number. Matapos ko itong ibulsa, nagpaalam na ng tuluyan si Jack sa amin.
***
MAKALIPAS ang ilang buwan dumating ang isa sa pinakahihinay na event ng lahat ang foundation day. Tatlong araw ang itinatagal ng event na ito at isa ito sa pinaka-pinagkakaabalahang araw ng lahat. Bawat section ay may partisipasyon sa event last year nag-maid café ang section namin. pero, ngayon iba naman. Napagpasyahan ng buong klase na ang gagawin namin ay isang musical play.
Napagbotohan namin na 'Beauty and the Beast' ang gagawin namin. Nagbunutan kung sino ang mga gaganap sa iba't ibang karakter sa istorya. Naghiyawan ang lahat nang mabunot ang pangalan ni Theo bilang si Beast. Maraming nanalangin na sana sila ang mabunot bilang Bell. Nang basahin ni class president ang pangalan ko nagtinginan silang lahat sa akin sabay naghiyawan.
"Congrats! Bagay na bagay kayong dalawa!" asar ng kaklase kong lalaki.
"Kamo, bagay kay Theo ang maging beast," natatawang sabi ng isa ko pang kaklaseng lalaki.
Nagtawanan silang lahat, inisnab lang sila ni Theo. Totoo naman ang sinabi nila bagay talaga sa kanya ang gumanap na si Beast masungit kasi. Pero, ako bilang si Bell? Parang hindi yata bagay.
"Pwedeng iba na lang ang gumanap na bell?" nahihiya kong suhestiyon.
"Sigurado ka?" tanong ng kaklase kong babae.
"Kung ayaw ni Mouse, ako na lang!" sigaw naman ng isa ko pang kaklaseng babae.
Kanya-kanya silang taasan ng kamay para sila ang maka-partner ni Theo. Natuon ang atensyon naming lahat nang tumayo si Theo, lumapit siya sa tapat ng pinto masungit na nilingon kami.
"Kung hindi lang din si Mouse ang makakapareha ko iba na lang din ang kunin n'yo na gaganap bilang Beast!" Tumalikod siya sabay lumabas ng silid-aralan.
Naghiyawan nang malakas ang mga kaklase ko tinukso nila ako nang tinukso kay Theo.
"Uy! Siya talaga ang gusto!" tukso ng mga kaklase ko.
Maging si Ashley ay napapangiti lang din sa pang-aasar nila sa akin. Tahimik akong bumalik sa upuan ko. Sinubsob ko ang mukha ko sa ibabaw ng desk, ramdam ko ang pamumula ng pisngi ko sa panunukso nila.
"Oh, wala nang atrasan, Mouse. Ikaw na ang gaganap bilang si Bell," pagkumpirma ng class president namin.
Naging maingay ang buong klase habang ako…tahimik na pinapakalma ang nararamdaman kong kaba.
***
NAKAAYOS na ang lahat pati ang ibang cast member okay na rin. Kailangan na lang namin magpraktis at gumawa ng props na gagamitin sa play. Tulong-tulong kaming lahat mula sa maliit na detalye hanggang sa pagpapraktis ng kakantahin namin. Pinahiram kami ni Mrs. Drew ng video tape nang nasabing pelikula. Mabuti na lang at adviser pa rin namin siya tinutulungan din niya kami para mapaganda ang play namin.
May eksena sa play na kakanta kaming magkasama ni Theo. Isa ito sa highlight ng play ang pagkanta namin ng 'Tale as old as time' habang sumasayaw.
Nasa loob kami ng basketball gym, lunch break kaya nagpapraktis kami. Habang ang iba ay abala sa paggawa ng props at pagkakabisa ng linya nila ako naman napapakamot sa ulo hindi kasi ako marunong sumayaw ng waltz.
"Ilang beses mo bang tatapakan ang sapatos ko?" Nakataas ang isang kilay ni Theo. Kanina pa siya naiinis sa maya't maya kong pagtapak sa sapatos niya.
"Sorry naman, hindi talaga ako marunong sumayaw," nakanguso kong sagot.
Natigil ako sa pag-pa-practice namin. "Ayoko na! uupo na lang ako rito at magpapahinga!"
"Para kang sira, bahala ka kung ayaw mong mag-practice! Tsk!" Inihagis niya sa mukha ko ang hawak niyang papel saka naglakad palayo.
"Kailangan talaga may kasamang paghagis sa mukha ko?" Pinulot ko isa-isa ang mga papel.
Napansin ako ni Ashely at tinulungan ako sa pagdampot nito. Pinagtapat ko sa kanya na hindi ako marunong sumayaw at nahihirapan ako sa eksena namin ni Theo. lumapit siya at may ibinulong siya sa akin.
"Magaling sumayaw si Uncle Finn, subukan mong magpaturo sa kanya sa bahay."
"Eh? Gusto mong magpaturo ako kay, Mister Finn?"
"Kung gusto mo lang naman…"
Bigla akong nahiya sa narinig ko mula kay Ashley. Kay Mister Finn, magpapaturo ako ng sayaw sa kanya? Iniisip ko pa lang na magkakahawakan kami ng mga kamay umuusok ang mukha ko sa sobrang hiya! Hala! Ang bilis ng t***k ng puso ko, marinig ko lang ang pangalan niya kinakabahan na ako! Tapos, magsasayaw pa kami? Parang hindi ko kaya!
***
KINABUKASAN araw ng Sabado kinapalan ko rin ang mukha ko at nagtungo sa kuwarto ni Mister Finn. Ikinuwento ko sa kanya ang tungkol sa musical play namin. Tumawa siya nang tumawa nang malaman na ilang beses kong naapakan ang paa ni Theo sa practice. Tahimik lang ako habang nakaupo sa malambot at magkaharapang sofa sa loob ng kuwarto niya. Tumayo si Mister Finn, nagtungo sa pinto patungo sa silid-tulugan. Sobrang laki nitong kuwarto may division para sa tulugan at maliit na salas. Pagkabalik niya galing sa loob ng silid may bitbit na siyang cassette tape? Kinuha niya ang cassette player at isinalang ang tape sa loob. Tumugtog ang pamilyar na kanta, Tale as old as time?
"Halika Mouse, tuturuan kitang sumayaw," magiliw niyang paanyaya.
"T-talaga po?"
"Kaya ka nga narito para magpaturo 'di ba?"
Iniabot niya ang kamay niya sa harap ko, nanginginig ko itong inabot. Hindi ako mapakali panay ang tingin sa ibang dereksyon parang ayokong tingnan siya sa mga mata baka malusaw ako sa mga tingin niya.
"Lumapit ka pa, paano kita matuturuan niyan?" Bigla niya akong kinabig palapit sa kanya. "Oh, dito mo ilagay ang isang kamay mo sa balikat ko at ilalagay ko naman ang isang kamay ko sa be—"
"Mouse!" Biglang pumasok sa loob ng kuwarto si Theo.
Napansin niyang nakahawak sa bewang ko si Mister Finn. Ewan ko, para siyang pumuputok na bulkan at nakabusangot ang mukha nang makita kami. Kaagad siyang pumagitna at pinaghiwalay kaming dalawa ni Mister Finn. Hinawakan niya ang isang kamay ko sabay hinatak ako pasunod sa kanya.
"Sumama ka, ako'ng magtuturo sa 'yo!"
"A-ano?"
"Pagtitiyagaan kitang turuan kahit ilang beses mo pang apakan ang paa ko!" mariin niyang pahayag sabay hatak sa kamay ko.
"Sandali lang!" Hinawakan din ako sa kabilang kamy ni Mister Finn.
Pareho nilang hawak ang magkabilang kamay ko. Litong-lito ako kung kanino sasama sa dalawa. Pareho silang nakatingin sa isa't isa. Tumaas ang tensyon sa loob ng kuwarto, pakiramdam ko naiipit ako sa dalawang nag-uuntugang bato!
"Partner ko siya, ako ang magtuturo sa kanya!" giit ni Theo.
"Sa akin siya lumapit kaya ako'ng magtuturo sa kanya," sabi naman ni Mister Finn.
Nagtitigan silang dalawa parang may lumalabas na kuryenteng nagpapatama sa isa't isa. Napaigtad ako sa higpit nang pagkakahawak ni Theo sa kamay ko. Napabitaw siya ganoon din si Mister Finn, hindi naman nagpatinag si Theo, muli niyang hinatak ang kamay ko at tuluyan na akong napasunod sa kanya. Hindi na ako nagawang sundan ni Mister Finn, bumaba kami ng hagdan, doon huminto ako at nagpumiglas.
"Ano ba kasing problema mo?"
"Masyado ka kasing obvious! Nakakinis! Tsk!" singhal ni Theo.
"Hindi talaga kita maintindihan!" Umatras ako nang kapiraso. "Akala ko…okay na tayo…"
"M-Mouse…"
Nakahawak siya sa hawakan ng hagdan habang nakaikom ang palad ng isang kamay. Hindi ko talaga ma-gets kung bakit siya nagagalit? At ako masyadong obvious?
Biglang dumating si Mrs. Lewis nakita niya kami sa hagdan, tinawag niya ako at kaagad naman akong lumapit sa kanya. Nakita ko ang pag-alis ni Theo, lumabas siya ng mansyon hindi ko alam kung saan siya pupunta. Tinapik ako ni Mrs. Lewis at sinabing hayaan ko na lang daw muna si Theo, pumasok kami sa loob ng kuwarto ng matanda.
Noong una tahimik lang ako at hindi umiimik hanggang sa bumuntong-hininga si Mrs. Lewis.
"Narinig kong nagpapaturo ka raw sumayaw?" tanong ng matanda.
"O-opo, para po sa musical play namin," nahihiya kong sagot.
"Kung ganoon ako ang magtuturo sa 'yo! Ipapatawag ko si Ashley siya muna ang makakapareha mo!"
"Talaga po?"
"Oo! Para hindi ka naman magmukhang kahiya-hiya."
"Salamat po, Mrs. Lewis!"
At iyon nga ang nangyari, wala kina Theo o Mister Finn ang nakapagturo sa akin sumayaw. Si Mrs. Lewis at Ashley ang matiyagang nagturo sa akin sumayaw ng waltz buong gabi. Hanggang sa bumalik ako sa kuwarto at nahiga sa malambot kong kama. Hindi ko pa rin maalis sa isip ang mga sinabi ni Theo. Para siyang nagseselos na ewan. Pero, malabong mangyari iyon, dahil wala naman siyang dapat ikaselos. Hay!
Nang maalala ko naman ang sandali namin ni Mister Finn, bigla akong kinilig ramdam ko pa rin ang kamay niyang nakahawak sa baywang ko.