Chapter 22:
Pinagmamasdan lang ni Zac ang itim na portal sa loob ng silid. Imbis na lumakad papasok ay lumakad siya palabas ng silid, bumaba siya para puntahan sa labas ang bandidong naghihintay sa kaniya.
Ang kaninang mga gintong barya na nakuha niya sa mga bandido ay nailagay niya na sa loob ng kaniyang singsing.
Habang naglalakad ay kinuha niya ang pouch na walang laman at nilagyan ito ng isang daang gintong barya.
Pagbukas niya ng pinto ay pumasok sa kaniyang paningin ang nasa tabi pa rin na bandido na parang estatwang nakatayo.
Mukhang nakatayo lang ang bandido sa panlabas pero sa kaloob-looban nito ay sobrang nerbyos siya at kung may mangyaring kahit anong kakaibang bagay sa loob ng bahay ay mabilis itong lilisan para makatakas.
Nang marinig ng bandido ang pagbukas ng pinto ay muntik na siyang mapatakbo palayo sa kaba. Ilang oras na niyang kasama ang binata kaya kabisado niya na ang tunog ng yapak ng mga paa nito, nang mapansin niyang galing ang tunog sa binata ay nagawa niyang pigilan ang sarili sa pagtakbo.
"M-master! Maayos naman ba ang naging pag-uusap ninyo?" Tanong niya agad ng makita si Zac.
"Mn. Maayos naman." Dagdag pa ng binata,"Gusto mo bang sumama sa taas?"
"Sang taas Master?" Naguguluhang tanong ng bandido at inisip niya kung anong taas ang posibleng tinutukoy ni Zac.
"HAA? H-hindi ako pwede master! Hindi ako tatagal ng kahit na isang minuto sa ika-pitong palapag." Halos mangiyak niyang sagot sa binata. Unti-unting namuo ang takot at parang nagmamaka-awa ang mga mata niya na tila handa itong lumuhod para lang hindi siya isama ng binata.
Kilala niya si Zac at sa loob ng ilang oras na nakasama niya ang binata ay naintindihan niya agad na walang puso ang binata. Isa pa, wala siyang magagawa kung pi-pwersahin siya ni Zac na sumama sa kaniya dahil sa magkakaroon siya ng silbi sa binata kapag umakyat sila sa taas.
Sigurado rin siya na kapag nawalan na siya ng silbi sa binata ay a-abandunahin lang siya nito.
"Kalma. Hindi kita pipilitin kung ayaw mo." Saad ng binata na ikinagulat ng bandido.
Ang kaninang nagdilim niyang mundo ay biglang nagliwanag, ang binatang mukhang Prinsipe ng mga demonyo sa paningin niya ay naging parang isang inosente at maunawaing tao, at nakahinga na rin siya ng maluwag.
M-maaawain nga talaga ang mundo! Hindi ko na makakasama ang Prinsipe ng mga demonyo.
Kinuha ni Zac ang pouch na naglalaman ng isang daang gintong barya at inihagis ito sa direksiyon ng bandido.
Kahit na medyo lutang ang isip ay nasalo pa rin ng bandido ang pouch. Tinignan niya ang laman nito at halos maluwa siya sa tuwa. Sobrang saya niya ay may namumuo sa isipan niya na parang gusto niyang sundan ang binata at paglingkoran ito.
Hindi pwede! Huwag kang magpapaakit sa binigay ng Master! Prinsipe siya ng mga demonyo kaya imposibleng ginawa niya ito dahil sa gusto niyang suklian ang mga naitulong ko. Gusto niya lang akong linlangin!
Tsk! Prinsipe ka nga talaga ng mga demonyo! Muntik mo na ako maakit na sundan ka sa taas! Pero nagkakamali ka kung sa tingin mo ay sapat na ang isang daang ginto para maaakit ako.
"Kung gusto mong sumama sa'kin sa taas ay mas marami kapang matatanggap." Sambit ni Zac.
"M-marami pang matatanggap?"
"Kung tatansiyahin ko ay baka maging maliit na halaga na para sa'yo ang isang libong gintong barya kapag sinundan mo ako sa taas." Dagdag pa ni Zac.
Biglang lumakas ang t***k ng puso ng bandido ng marinig niya ang mga huling sinabi ni Zac. 'Isang libong gintong barya.'
Kahit rank 3 siyang bandido ay aabutin ng ilang taon bago siya tuluyang makaipon ng isang libong ginto, kaya naman talagang natuwa siya ng bigyan siya ni Zac ng isang daang ginto ng ganun-ganun nalang.
"Isang libong gintong barya." Wala sa sariling saad ng bandido habang may tumutulo-tulo pang laway sa bibig niya.
Naging bandido siya para sa ginto, kaya naman sobrang naaakit siya sa alok ni Zac.
"Isang libong ginto ay magiging maliit na halaga para sa'kin kapag sumama ako sa Prinsipe ng mga demonyo." Pabulong na sabi ng bandido. Narinig ito ni Zac at napataas siya ng kilay, pero sa huli ay hindi niya nalang ito pinansin at hinintay ang sagot ng bandido.
Kung totoo nga na may siyudad ng mga bandido ang ika-pitong palapag ay kakailanganin niya ng tauhang kagaya ng bandidong ito. Masunurin siya at ginagawa ang bawat utos ni Zac ng walang pag-aalinlangan dahil sa takot, kaya naman kapag inalok niya pa ito ng benepisyo ay malaki ang tiyansa na sasama ito sa kaniya.
Sandali! Huwag kang magpapaakit Shi! Prinsipe ng mga demonyo ang kausap mo, may posibilidad na niloloko kalang niya at balak gulangan. Kapag nawalan ka na ng silbi ay aabandunahin ka niya. Kaya wag kang papayag!
Tama! Ang isang demonyo na kagaya ni Master ay imposibleng walang binabalak na masama. Hindi ako sasama!
"M-master, sala--." Tatanggi na sana ang bandidong si Shi ng makita niya ang malamig na tingin ni Zac. Mga tingin na siguradong ikamamatay niya kapag hindi nagustuhan ng binata ang sagot niya.
"S-sasama nga ako Master hehe! Isang malaking karangalan ang masundan ang isang kagalang-galang at magiting na kagaya mo Master! Isang mangmang lang at hindi kayang tumingin kung ano ang mga magagandang bagay na pwedeng makamit kapag sumama sa'yo ang hindi papayag na sumama!" Magalang at sinserong saad ni Shi na parang tuwang-tuwa talaga siya sa karangalang mapaglingkuran ang binata.
'AHHHH! Sinasabi ko na! Walang magandang hangarin ang prinsipe ng mga demonyo! Tinanong niya pa ako kungwari pero sa huli ay p-pwersahin niya rin pala ako!
"Kung ganoon ay tara na sa taas." Lumakad na papasok ang binata at umakyat sila sa ikalawang palapag kung saan nakatayo ang portal patungo sa taas.
....
Ang ika-pitong palapag ng dungeon ay parang isang maliit na mundo lang. May mga puno, bundok, at lawa na kagaya lang ng sa mundo. Ang isang bagay lang na pinagkaiba nito ay walang buhay ang mga ito.
Ang mga punong dapat puno ng sanga at buhay ay mga patay. Mga lawa na imbis na malinis at malinaw ang tubig ay kulay itim at mukhang malalason ang sino mang magbabalak na uminom o maligo dito.
Ang kalangitan ay natatakpan ng itim na ulap na wari'y may malakas na ulan ang babagsak. Ngunit ito lang talaga ang normal na kulay ng kalangitan.
Kung unang beses ka palang nakapunta dito ay mapagkakamalan mo talaga na napunta ka sa ibang mundo, sa mas madilim at nakakatakot nga lang na mundo.
Napunta si Zac sa harap ng malawak at patag na halos itim lang ang makikita sa paligid dahil sa mga maliliit na patay na mga damo. Sa tabi ng patag na'to ay may gubat kung saan nakatayo ang mga patay na puno, madali rin mapapakiramdaman na delikado ang gubat na ito.
"Master saan tayo pupunta?" Tanong ni Shi. Sa hangin palang ay ramdam na niya ang delikadong paligid kaya naman todo guwardiya siya sa sarili, mamaya ay may biglang halimaw na sumulpot sa harap niya.
"Pupunta tayo sa isang maliit na siyudad." At kagaya ng lagi niyang ginagawa ay lumakad na siya ng hindi hinahayaang makasagot pa si Shi.
'Tsk! Pagdating natin sa siyudad na sinasabi mo ay siguradong hihingi ka rin ng tulong sa'kin. At tignan natin kung sino ang 'di papansinin!'
Sinundan niya ang binata habang nakatingin sa likod nito na parang gusto niya siyang atakihin.
"Medyo malayo ang siyudad dito na sinabi ng matanda. Kung didiretso tayo ng daan dito at iikot pa sa gubat ay baka abutin tayo ng ilang araw. Kaya sa gubat na tayo dumaan para mas mapadali ang paglalakbay natin." Paliwanag ni Zac at nagtungo sa direksiyon ng gubat.
"H-ha? Master babalik nalang ako sa baba. H-hindi ko kakayanin ang pumasok sa loob ng gubat na iyan." Napalunok si Shi at lalakad na sana pabalik sa portal na pinanggalingan nila.
Napahinto si Zac at nagsalita ng hindi lumilingon. "Ikaw ang bahala. Kung sa tingin mo ay hahayaan kang mabuhay ng matanda pagkatapos ng ginawa ko sa kaniya, sige bumalik ka." Itinuloy niya na ulit ang paglalakad papasok ng gubat.
Ahh! Sinasabi ko na! Hindi dapat ako nagtiwala sayo! Pero, kung hindi naman ako pumayag ay siguradong may gagawin kang hindi maganda!
AHHH! Bakit ganito? Ginawa ko lang naman ay manguha ng ilang ginto sa iba at takutin ang ilang bandido na mas mahina sa'kin. Kaya bakit kailangan kong magdusa sa kamay ng prinsipe ng mga demonyo?
Bakas sa mukha ni Shi ang stress at napasabunot rin siya sa kaniyang buhok. Makalipas ang ilang sandali ay nakita niya nang pumasok sa gubat si Zac at unti-unti nang naglalaho ang pigura nito sa paningin niya.
"M-master sandali!" Sigaw niya at mabilis na humabol sa binata.
Medyo matagal siyang nakatayo lang sa tabi kanina. Ang agwat nilang dalawa ay medyo malayo na kaya hindi sinasadya ni Shi na gamitin ang buong lakas niya sa pagtakbo, idagdag pa ang sobrang presyur na nararamdaman niya.
Nang makarating siya sa likod ni Zac ay naglakad siya kasabay nito habang hinahabol ang hininga.
'Kung dito kami dadaan ay isang araw lang at mararating agad namin ang siyudad. Kaso, ang gubat na ito ay puno ng mga halimaw na nagtataglay ng antas ng lakas na rank 4.' Kahit kalmado ay nakaramdam pa rin ng kaunting presyur si Zac.
Ang evil form niya ay hindi pwedeng basta-basta nalang gamitin, hindi pa nga siya sigurado kung nalaman ng matandang tinawag na mayor ni Rodger kanina sa ikatlong palapag ang evil form niya ng patayin si Red at ang bandido.
Kapag nalaman ng mga bandido dito ang tungkol sa pagiging evil niya ay siguradong mabilis itong kakalat at lalamunin ng pagkagahaman ang bawat isa sa kanila na magiging katapusan ni Zac.
Rank 4 na siya at kahit gamit niya ang evil form ay kaya niya lang makipagsabayan sa mga rank 4 peak stage.
Isang rank 4 peak stage, kung may dalawang rank 4 peak stage na naakit sa evil blood niya ay hindi siya makakaligtas, kahit ang maraming rank 4 early stage na nasa siyudad ay sapat na para magresulta sa kamatayan niya.
Tahimik ang gubat. Ilang oras na ang lumipas simula ng pumasok sila sa gubat, palalim sila ng palalim sa gubat at ang delikadong pakiramdam sa paligid ay mas lalo pang lumalakas.
Maingat na naglalakad ang dalawa ng biglang yumanig ng kaunti ang tinatapakan nila. Sa 'di kalayuang lugar ay may naririnig din silang malakas na yabag ng paa, kung pakikinggang maigi ay mapapansin na tumatakbo ang pinanggalingan ng tunog.
"M-master?" Tanong ni Shi sa kasama pero sinenyasan lang siya nito na lumayo.
Sa pagyanig ng inaapakan nila at ang papalapit na tunog ng mga yabag ng paa palang ay malaking senyales na, na may papalapit sa kanila. Kung kahit na ganitong sitwasyon ay hindi niya maintindihan ay siguradong hindi siya magiging rank 3 at matagal ng nahulog sa kamay ng iba.
Tumakbo si Shi palayo at nagtago sa isang patay na puno.
Bawat segundo na lumilipas ay palakas ng palakas ang pagyanig. Nang makarating na sa harap ni Zac ang pinanggagalingan ng mga pangyayari ngayon ay isang higante ang bumungad sa harap niya.
Ang kaunting liwanag na galing sa madilim na kalangitan ay natakpan ng aninong nasa harap ngayon ni Zac. Isang kulay itim na oso ang nakatayo na parang tao sa harap niya ngayon at ang laki nito ay halos limang metro.
Ang katawan ng itim na oso ay puno ng mga sugat na naging dahilan para lalo itong magmukhang nakakatakot.
Sa katawan ng halimaw ay nararamdaman ni Zac ang aura ng isang rank 4 early stage. Ngunit kahit parehas sila ng ranggo ay normal na kaalaman ng lahat ang pagiging mas malakas pisikal ng mga halimaw sa tao.
Itinaas ng itim na oso ang higanteng kamay nito at iniharap sa binata na tila dudurugin niya ang isang maliit at mahinang insekto.
Tumalon si Zac paatras. Kahit kilala sa taglay nilang lakas ang mga itim na oso ay mayroon pa rin silang isang kahinaan, ang kanilang bilis.
Kung ang katapat nila ay mas mababa ng isang ranggo, magiging kapantay lang nila ang bilis nito, pero kung kaparehas nila o mas mataas pa ng kahit na isang stage ang ranggo sa kanila, kahit anong gawin nila ay mahihirapan silang mapantayan at makasabayan ang bilis ng mga ito.
Kaya karamihan sa mga adventurer o bandido ay pinipili nalang na layuan ang mga itim na oso.
Inatake ulit ng inatake ng itim na oso ang binata. Sa kasamaang palad ay kahit na anong gawin niya, hindi niya ito matama-tamaan kaya may namumuong galit sa mga mata ng oso.
"Itim na oso? Ano kaya ang kahinaan nito?" Saad ng binata habang umiilag sa mga pinapakawalang atake ng oso.
Lahat ng nilalang ay may kahinaan. Kahit ang kaniyang undying body ay siguradong may kahinaan din, ngunit hindi niya pa natutuklasan ang mga kahinaang ito.
Hindi niya alam baka ang lason pala ang pwedeng kahinaan nito, o kaya naman ay kapag sinunog siya ng buhay at hindi pinatay ang apoy ay maaari rin siyang mamatay.
Marami pang bagay at misteryo ang hindi niya natutuklasan sa mundong ito. Kaya malaki ang posibilidad na may kahinaan ang kaniyang undying body ngunit hindi pa lang niya ito nakakaharap.
Kaya kung ang undying body nga niya, na parang perpekto ay siguradong may kahinaan, siguradong ang halimaw na ito ay may kahinaan din.
Pinagmasdan niya ang bawat galaw ng itim na oso. Maraming puno na ang nawasak dahil sa mga atake. Bawat minuto na itinatagal ng laban ay mas lalong dumarami ang mga nawawasak.
Itinaas ulit ng itim na oso ang kanang kamay nito at inatake si Zac.
"Bakit laging kanang kamay ang ginagamit niya?" Tanong niya sa sarili at habang pabagsak ang kanang kamay ng oso sa kaniya ay nakita niyang nakatago sa gilid nito ang kaliwang kamay na parang itinatago ito ng oso.
Tuwing umaatake ang oso ay gumagamit ito ng walang kapantay na lakas, kaya kapag nakikita niyang uma-atake ang oso ay ang pag-ilag agad ang unang pumapasok sa isip niya.
Umilag si Zac sa kaliwa ng oso at tinignan ang kamay nito. Kung ikukumpara sa kanan ay mas maliit ito ng sobrang kaunti na halos hindi na ito halata.
Sinuntok niya ang kaliwang braso ng oso. Nakalubog sa sahig ang kanang braso ng halimaw kaya hindi agad ito nakagalaw para umilag.
Nang tumama ang kamao ni Zac sa oso ay halos mapatalon ito sa sakit.
"GROAAAAAR!" Galit na ungol nito. Ang suntok ni Zac kapag hindi ginamitan ng mana ay may lakas lang na kagaya ng sa mga rank 3 at ang itim na oso ay rank 4 kaya ang naging reaksyon nito sa suntok ni Zac ay parang hindi kapani-paniwala.
(Finished)