Chapter 23

2186 Words
Chapter 23 Ang madilim na paligid ay lalo pang dumilim bawat paglipas ng oras. Pitong oras na silang naglalakbay papasok sa kagubatan. Kasalukuyang may naglalaban sa kagubatan. Ang isa ay halimaw at ang isa naman ay isang tao na nakasuot ng puro gasgas na armor mula ulo hanggang paa. "M-master! Isang tama lang at siguradong pisak ang katawan ko!" Pagmamaka-awa niya sa nasa tabi ng puno na si Zac. Madalas ay si Zac ang humaharap sa mga itim na oso kaya naman naging magaan ng kaunti ang kanilang paglalakbay para sa bandido. Nagulat nalang siya ng sabihin ni Zac na kailangan niyang patayin ang itim na osong pasugod ngayon, sinabi rin nito na hindi niya siya tutulungan kahit na namatay siya sa harap niya. "Hindi ba at sinabi mong isang karangalan ang masundan ang kagaya ko? Kung gano'n ay kailangang patunayan mo ang sarili mo na karapat-dapat ka para paglingkuran ako." Ang sinabi ng binata na hindi niya masagot. Kung alam niya lang na dahil sa sinabing iyon ay mapapalaban siya sa isang rank 4, hindi niya na sana binola pa ang binata. Puro atras at ilag lang ang ginagawa ni Shi. Ang bilis nila ng oso ay pantay lang kaya kailangan niyang gamitin ang buong lakas niya para ilagan ang bawat atake nitong kahit isang beses lang tumama ay ikakamatay niya. Tumingin siya sa direksiyon ni Zac at nakita ito na sa ibang direksiyon nakatingin na wari'y may malalim na iniisip. Tsk! Prinsipe nga talaga ng mga demonyo! Ni hindi man lang siya nag-aalala sa tauhan niyang kasing brilyante ko! Paano kung tumakbo ako sa direksiyon niya habang malalim ang iniisip niya? At kapag nakita ng itim na oso ang nakatulala niyang pigura ay siguradong aatakihin niya ito haha. Sandali. H-hindi kaya ako papatayin ng prinsipe ng demonyo kapag ginawa ko 'yon? Habang nag-iisip ng kung ano-ano ay hindi napansin ng bandido na nasa harap niya na agad ang oso. Kanina pa galit na galit ang itim na oso dahil sa kahit napakahina ng nasa harap niya, hindi niya agad ito mapatay-patay. Kaya ginamit ng halimaw ang buong lakas niya at sumulpot sa harap ni Shi. At saktong may iniisip pa siya kaya lalong hindi niya napansin ang napakadelikadong sitwasyon na kinakaharap niya ngayon. Itinaas ng oso ang malaki nitong braso at ibinagsak sa direksiyon ni Shi. Nang bumalik sa katinuan ay doon niya lang napansin ang peligrong kinakaharap niya. Tumalon siya paatras para ilagan ang atake ng oso pero biglang nanlaki ang mga mata niya ng maramdaman ang isang bagay na nakaharang sa likod niya. Dahil sa kaba at takot ay hindi na napansin ng bandido ang kaniyang pinag-aatrasan. Nasa likod niya pala ay isang malaking puno na pipigil sa kaniyang pag-atras. Patama na ang kamay na tatapos sa kaniya ng biglang bumalik ang pakiramdam niya bilang isang bandido. Ang mga mata niya ay naglabas ng pagkahayok sa dugo at tumalon pakaliwa. Ngunit kahit na mabilis ang ginawa niyang pagtalon, nahuli pa rin siya ng kaunti at nadali ng oso ang kanang kamay niya. Napangitngit ng ngipin si Shi habang nasa ere. Nakita niya sa halimaw ang brasong nasakmal nito. Imbis na ngumawa sa sakit ay ininda niya ito at binunot ang espada gamit ang kaliwang kamay. Isinaksak niya ito sa kaliwang braso ng oso gamit ang buong lakas niya. Lumubog ng ilang pulgada ang espada na lumikha ng matinding sakit sa katawan ng itim na oso. Ngunit hindi kagaya ng mga osong nilabanan ni Zac na hindi nagagawang tiisin ang sakit, ang oso na ito ay nagawa ito. Kagaya ng mga tao na may magkakaibang talento ay ganoon din ang mga halimaw. Ang ilan sa kanila ay mas talentado, mas kayang uminda ng sakit at ang iba pa nga ay mas mautak. Nakita ng itim na oso na kapag nakawala pa sa kamay niya ang tao, unti-unti siya nitong tatalunin dahil nasaksak niya ang pinakamahinang parte ng katawan niya. Umikot ang itim na oso at kasalukuyang nasa ere pa rin si Shi. Ilang pulgada nalang ay makakatapak na siya sa sahig para makatakbo ng mabilis palayo. Ngunit bago siya makatapak ay nakaharap na sa kaniya ang galit na pigura ng itim na oso. Inihawi nito ng malakas ang kanang kamay niya sa katawan ng bandido. Nang tumama ito sa dibdib niya ay lumikha ito ng tatlong malaking hiwa na naging daan ng dugo para tumulo palabas sa katawan niya. Tumalsik din sa lakas ng pwersa ang bandido at tumama siya sa isang puno. Bumagsak sa sahig padapa ang bandido at ang malaking sugat niya sa dibdib ay tuloy-tuloy na naglabas ng dugo. Ang sahig ay basa na ng dugo at dire-diretso pa rin ang pagtulo nito. Nang mabaling sa bandido ang tingin ni Zac ay nakita niyang naliligo sa dugo ang kasama. Ang itim na oso naman ay mabagal na naglalakad palapit sa bandido, kahit ang halimaw ay mahina na, ilang oras nalang ang itatagal nito. "Hindi na masama. Kung normal na itim na oso siguro ang nakalaban mo ay magwawagi ka sa laban." Napabilib si Zac sa nakamit ng bandido. Isang rank 3 na muntik na makapatay ng rank 4 na halimaw? Kapag nalaman ng iba ang balita na 'to ay siguradong iisipin nila na isang henyo sa pakikipaglaban ang rank 3 na ito at marami itong makakamit sa hinaharap. Isang metrong patalim na yelo ang namuo sa kamay ni Zac. Kasing kapal lang ito ng nakakuyom niyang kamao. Inihagis niya ito na parang sibat sa ulo ng itim na oso. Sa sobrang hina ay hindi na napansin ng oso ang papalapit na patalim na yelong tatapos sa buhay niya. Lumikha ng mahinang pagyanig sa kalupaan ang bumagsak na katawan ng oso. Nilapitan ni Zac ang bandido at iniharap ang katawan nito sa kaniya. Ang suot na helmet ng bandido ay ginawa para pwede siyang makakain at makakita kahit na hindi ito tinatanggal. Kaya kahit hindi tinanggal ni Zac ang helmet nito ay pwede niyang gawin ang balak niya. Ang mga mata ng bandido ay dahan-dahang nawawalan ng buhay. Tahimik lang siyang nakatingin sa binata habang pinuputol nito ang kaliwang kamay niya. Wala na marinig ang bandido at hindi pa nagsasalita si Zac. Kaya naguguluhan siya. 'Ano ang ginagawa mo?' tanong niya sa binata na hindi niya mailabas sa bibig dahil sa sobrang hina. 'Bakit ka nasa harap ko?' 'Ang itim na oso. Papatayin ako ng oso. Tulong.' Hindi mailabas ng bandido ang kaniyang mga nais sabihin kaya na-asar siya. Hindi niya maigalaw ang katawan kaya nang ibaba ni Zac ang hiniwa niyang kamay para durugin ito ay hindi niya nakita. Makalipas ang ilang sandali ay natapos na si Zac sa ginagawa niya at ipinakain sa kaniya ang hiwa-hiwang kamay. Kahit ang dugo ng kamay niya ay inilagay din sa bibig niya. Ang evil blood at kamay na may kapangyarihang gumaling ay para matanggap niya ang kakayahang gumaling ng katawan sa mga sugat ng walang iniinom na pill o potion, ang isa naman ay para magamit niya ang Ruler skill niya bilang isang low ranked evil. Kagaya ng nangyari kay Kaito ay nakaramdam ng matinding pananakit ng lamang loob sa katawan si Shi. Sa sobrang panghihina ay hindi na kinaya pa ang sakit at nawalan siya ng malay. Binuhat niya ang walang malay na bandido sa balikat at nagpatuloy na sa paglalakad ang binata. .... Patay naba ako? Tapos naba talaga ang aking paglalakbay para maging pinakamayaman sa buong mundo? Ni-hindi ko pa nagagawang lumangoy sa kumpol-kumpol na mga ginto. Kaya bakit? Bakit kailangang mamatay agad ako! Hindi matanggap ng bandido ang inakala niyang pagkamatay kaya parang naiiyak siya. Sa matitinding laban ay hindi siya umiyak kahit na minsan, isa pa, kilala siya bilang tahimik na halimaw. Hindi siya nakikipag-alitan sa iba at wala pang nakakakita sa kaniyang galit, kaya ang iba ay pinipiling lumayo sa kaniya at hindi bigyan ng problema ang bandido. Dahil sabi nga ng iba, ang ibang taong tahimik ay pasensiyado pero kapag sinagad mo ang kanilang pasensiya ay makikita mo ang mga bagay na hindi mo gugustuhing makita. Kung makikita ng ibang bandido ang ekspresyon niya ngayon na parang paiyak na dahil sa inakalang hindi niya matutupad ang pangarap, siguradong hindi sila maniniwala. Bakit!? Gusto ko lang namang maging pinakamayaman. Ganoon ba kahirap ang maging pinakamayaman? Paano nalang ang mga inagawan ko ng ginto? Siguradong kamumunghian nila ako kapag nalaman nilang namatay ako ng hindi man lang nagiging pinakamayaman. "A-aray!" Iyak ng bandido nang maramdaman niyang biglang bumagsak sa sahig ang katawan niya. Iminulat ng bandido ang mga mata niya at nakita sa harap ang likod ng naglalakad palayo na si Zac. Nang mapansin ni Zac na may malay na ito ay brutal niyang inihagis pababa ang katawan nito. "H-ha? Ang prinsipe ng mga dem--." Bago matapos ay bigla niyang tinakpan ang bibig. Na-realize niya na hindi pa talaga siya patay. 'Muntik na ako! Kung hindi ko napigilan ang bibig ko ay siguradong tutuluyan na talaga ako ng demonyo.' "Ha? Ang itim na oso?" Inilibot ng bandido ang tingin niya sa paligid. Mas maliwanag na ang paligid ngayon kumpara sa kahapon, wala rin ang itim na osong muntik ng kumitil sa buhay niya. 'Iniligtas ba ako ng Master?' kahit siya ay hindi na mapigilang tawaging master si Zac imbis na prinsipe ng mga demonyo. Kahit sino ay makakaramdam ng utang na loob kapag iniligtas ng iba ang kanilang buhay. Ang puro takot na nararamdaman ni Shi sa binata ay nadagdagan ng utang na loob at dedikasyon para suklian ang nagawa nitong kabutihan sa kaniya, na para bang gusto niyang paglingkuran ang binata. "Ha? Iniwan nanaman ako?" Ngunit ang kaunting inis na nararamdaman niya sa kaniyang master ay unti-unti nanamang bumalik. Tumakbo siya at humabol sa binata. .... Ilang oras pa ang lumipas at tuluyan na nga silang nakalabas sa kagubatan. Nakarating na sila sa harap ng kanilang destinasyon, ang maliit na siyudad ng mga bandido. Nababalot ng nagtataasang pader na gawa sa semento ang siyudad. May isang watch tower sa tabi ng tarangkahan at sa taas nito ay may isang bandido ang nakabantay. Sa tarangkahan naman ay may dalawang bandido ang nagbabantay sa paligid. Bawat isa sa guwardiya ay naglalabas ng rank 4 mid stage na aura, kahit ang mga itim na oso ay matatakot sa dalawa at hindi maglalakas loob na umatake. Nagk-kwentuhan ang dalawang guwardiya at nang maramdaman nila ang aura ni Zac at Shi na papalapit ay agad nabaling dito ang atensyon nila. Walang umaatake sa siyudad na ito at kahit ang mga mamamayan dito ay hindi aabot ng limampo, kaya kilala at alam ng mga guwardiya ang aura ng bawat bandido na naninirahan dito. Ang magpatayan sa loob ng siyudad ay hindi pinahihintulutan ng mga namumuno. Ngunit kung may alitan talaga at hindi na nila mapipigilan ang magpatayan ay pwede silang humingi ng pahintulot para makalaban o makipag-duelo sa nasabing kaalitan hanggang kamatayan. Tumayo ang dalawang guwardiya sa inuupuan nila. Nilapitan nila si Zac at sinenyasan itong huminto. "May permiso kaba ng matanda?" Tanong ng isang guwardiya. Ang matanda ang daan para magkaroon ng permisong makapasok sa siyudad, kung walang permiso ng matanda at pwersahang umakyat sa ika-pitong palapag ay hahabulin siya mismo ng mga mamamayan at guwardiya hanggang sa mamatay siya. Nasabi ng matanda na ang siyudad sa ika-pitong palapag ay pinamumunuan ng dalawang rank 5 na bandido, ang isa ay nananatili dito at ang isa naman ay laging wala. Ngunit kahit laging wala ang isa ay hindi naglalakas loob ang mga malalaking faction sa Edo na atakihin sila. Nabanggit din na ilang daang taon na ang nakalipas simula ng maitayo ang siyudad na ito, kaya ang kanilang mga resource ay hindi dapat maliitin. Ipinakita ni Zac ang card na binigay sa kaniya ng matanda. "Titignan ko muna kung tunay ito." Sambit ng guwardiya at kinuha sa binata ang card. Ginamitan niya ng mahika ang card at nang mawala ang liwanag ay wala namang nagbago dito. "Lehitimo ang card na ito." Ibinalik ng guwardiya ang card kay Zac at binigyan sila ng daan para makapasok na. "Maraming salamat." Pasasalamat ni Zac sa dalawang guwardiya at lumakad na papasok. .... Maliit lang ang siyudad at halos tatlong oras lang ay nalibot na nila ito ng buo. Ang ikinagulat ni Zac ay may building din na maikukumpara sa adventurer's guild ang siyudad na ito. Nakatayo siya sa harap ngayon ng building na ito. "Master, hindi mo paba talaga alam ang mga kalakaran sa mundo ng mga bandido?" Naguguluhang tanong ni Shi sa kaniya. Nang malaman ni Zac sa bandido na kailangang hanapin nila ang Bandits Building para kumuha ng misyon at kumita ng mas malaki ay bumakas sa mukha ng binata ang gulat. 'Hindi kaya? Hindi bandido ang Master? Pero ang pagiging walang awa niya ay nasa ibang antas na at kung paano niya ninakawan ang mga bandido ay parang normal lang iyong gawain sa kaniya.' "Titignan ko muna ang loob." Hindi na pinansin ni Zac ang tanong ng bandido. Binuksan niya ang pinto at papasok na sana ng bigla siyang makarinig ng boses sa kaniyang isipan, boses na hindi siya pamilyar. 'Tulungan mo ako! Kapag tinulungan mo akong makawala ay tutulungan kitang...' (Finished)
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD