Chapter 8

1209 Words
UMUSBONG ANG mga haka-haka sa bayan na iyon sa pagbibigay ng interes ng mga estudyanteng naligaw lamang sa isang bayan ng Davao. Wala silang kamalay-malay na sila ang susi para mabago ang tradisyon na nakasanayan. Bagama't nalaman nila ang kaunting impormasyon mula sa mga Obalagi ay lalo silang nagiging uhaw na malaman ang buong katotohanan. Sa katunayan ay halos kalahati na ang nalalaman nila at sadyang ang misteryong itinatago ng bayang iyon ay sadyang hindi makatwiran at labag sa batas. Mag-iisang linggo na ang nakalipas magmula nang marating ng mga estudyanteng sina Kitch, Fudge, Loise, Siobe, Daizy at Devee ang bayan na iyon. Hindi nila napapansin iyon sapagkat naging abala sila sa pagtuklas ng misteryong itinatago ng bayang iyon, kung saan ay isang patunay na ang nakasanayan nitong tradisyon ay kailangan nilang mabago sa pamamagitan ng isang dokumentaryo. Sa panibagong araw na dumating ay naging palaisipan pa rin kay Kitch ang kakaibang tingin sa kanila ng matandang lalaking kausap ni Lola Esma kahapon. Hindi niya alam kung ano ang tumatakbo sa isipan nito pero nakasisiguro siyang hindi ito mapagkakatiwalaan. Kahit pa normal na tao lang din ang pustura nito ay ayaw niyang basta na lamang magtiwala, lalo na't biglang sumagi sa kaniyang isipan na may kakaibang kakayahan ang mga Obalagi. "Bakit tahimik ka?" Napalingon siya sa boses na iyon habang tanaw-tanaw ang mga kakahuyan sa kagubatan. "Fudge," pagbigay pansin niya rito. Tumabi ito sa kaniya sa inuupuan niyang tinapyas na punong kahoy. Habang maririnig sa paligid ang paghuni ng mga insekto. "Naisip ko lang na habang tumatagal tayo sa bayang ito, ay mas bumababa ang chance na matapos tayo ayon sa itinakdang petsa," wika ulit niya. Pero sandaling sumilay ang ngiti ni Fudge na medyo nagpagaan ng kaniyang kalooban. "Isang buwan naman ang ibinigay sa ating palugit para sa pagri-research at pagsu-shooting. Sigurado akong hindi tayo aabutin ng isang buwan dito." Napaangat siya ng tingin kay Fudge na kinakitaan niya ng munting pag-asa. "Pero wala pa sa kalahati ang nalalaman natin at maging si Lola Esma ay tikom ang bibig sa pagsabi ng buong katotohanan. Tapos, nasa kamay pa ng mga Obalagi sina Loise at Siobe." Hindi maiwasang mawalan ng pag-asa ni Kitch sa nangyayari. Kung p'wede lang sana na maibalik ang araw kung saan ay papunta pa lamang sila at hindi na niya ginustong sa Davao magsagawa ng pananaliksik. "Alam mo, Kitch, hanga nga ako sa katapangan mo, e. Saka ngayon pa ba tayo susuko kung kailan nasa kalagitnaan na tayo?" wika ni Fudge na nagpalingon sa kaniya sa kawalan. Saglit siyang napabuntong hininga bago pa man magsalita, "Hindi naman sa gusto ko nang sumuko, pero sa totoo lang ay ano ba namang laban natin sa mga Obalaging iyon? E, isa lang naman tayong hamak na mga estudyante na naghahangad na makabuo ng isang makabuluhang dokumentaryo." Naramdaman niya ang pagtapik ni Fudge sa kaniyang balikat na kahit papaano'y nagpagaan ng kaniyang kalooban. Ngunit maya-maya pa'y nakarinig sila ng isang malakas na ugong. Wala silang ideya kung saan iyon nanggaling pero mula sa hindi kalayuan ay natanaw nila ang mga Obalagi na paparating at katulad nang una nilang pagkakita sa mga ito ay naglalakihan ang mga katawan nito habang may dala-dala itong mga armas. Kaya naman sa takot na makita silang dalawa ay mabilis silang nakapagtago sa likod ng puno. Doo'y natanaw din nila na napasilip sa may bintana ng bahay kubo si Lola Esma kasama sina Devee at Daizy habang tinatanaw ang paglalaban-laban ng mga Obalagi. Kitang-kita sa mga nito ang tanda ng katapangan sa pakikipaglaban gamit ang kani-kanilang espada. At sa gitna ng magandang sikat ng araw ay nasaksihan nila ang pagdanak ng dugo ng ilan sa mga nasawing Obalagi. Napatakip sila ng bibig habang nanatiling kuryosidad sa kanilang isipan ang pangyayari. "Naku, ngayon nga pala ang araw ng pista sa bayan na ito!" wika ni Lola Esma na nagpalingon sa kanila. "Pista? Pero bakit po sila nagpapatayan?" tanong ni Fudge. "Iyan ay parte rin ng tradisyon, Fudge, at kung anumang dahilan no'n ay dapat n'yo rin 'yong alamin. Tiyak na malaki ang parte nito sa inyong magiging dokumentaryo." Pagkasabi no'n ni Lola Esma ay pumasok na rin silang dalawa sa loob at doo'y nakahain na pala ang kanilang almusal na nilagang saging. "Kumain na kayo at kailangan ninyong maghanda ngayong araw, mga hija, dahil ngayon ang araw na mas marami kayong matutuklasan," wika ulit ni Lola Esma na nagbigay lalo ng matinding kuryosidad sa kanila. "Masasagot na po ba ang ilan sa mga katanungan namin?" Pormal na humarap sa kanila si Lola Esma at sumagot, "O-oo," nauutal na wika nito. "Pero bakit ka po parang kinakabahan, Lola Esma?" tanong ni Kitch habang kumakain. "Hindi n'yo pa maiintindihan sa ngayon, pero palagi ninyong iisipin na kakampi n'yo ako kahit anong mangyari," may misteryong tugon nito na nagpa-isip sa kanila kung ano ba talaga ang nakasanayang pista sa bayang iyon. Kaya naman hindi pa man natatapos ang araw ay panay na sila sa pananaliksik gamit ang internet. At dahil ayaw nilang makarating kay Lola Esma na kukuha sila ng impormasyon mula roon, dahil nga sa bawal nitong sabihin ang buong katotohanan ay isinagawa nila iyon nang sila lamang apat ang natira sa bahay kubo na iyon. "Pero paano natin malalaman ang pangalan ng lugar na ito? Tiyak na hindi natin ito mahahanap sa internet, lalo na't napupuno ito ng misteryo," wika ni Devee. "Hindi, sigurado akong may taong naglaan ng oras para ilagay sa internet ang history ng bayang ito," opinyon ni Kitch. "Pero paano nga natin malalaman?" tanong naman ni Daizy. "Ganito na lang, i-upload natin 'yung isang litrato na nakuhanan sa camera at baka sakaling may mag-match na litrato sa internet," suhestyon ni Kitch "P'wede, sige, subukan natin," pagsang-ayon naman ni Fudge. Kaya naman agad silang kumuha ng litrato kung saan ay ang unang kinuhanan ni Kitch bago pa man nila pasukin ang bayang iyon. At ilang minuto lang ang lumipas ay halos mapatalon sila nang may lumabas na ka-match na litrato. "Ayos!" masayang wika pa ni Fudge. Ginalaw pa niya ang scroll down button ng mouse para makita ang ilang suggested photos at nakita nila na halos kapareho ng litratong kanilang nakuha ang litratong nakita. "Bayan ng Mumayta?" hindi siguradong sabi ni Fudge. At doo'y napasilip na rin sa monitor ng laptop sina Devee ay Daizy. At anong munting saya habang itine-take down notes ni Kitch ang lumabas na impormasyon mula sa internet. "Tama nga ang lumabas, Mumayta ang tawag sa bayan na ito," wika ni Kitch. At sa sandaling iyon ay hindi sila nag-aksaya ng oras para magsaliksik pa sa internet mula sa bayang iyon. Pero nakapagtataka dahil wala nang lumabas na ibang impormasyon mula roon. "Alam ko na kung bakit walang lumalabas na impormasyon," wika pa ni Kitch. "At bakit kaya?" dudang tanong ni Fudge. "Dahil tayo, tayo ang magdadagdag ng impormasyon tungkol sa bayan na ito," sagot ni Kitch na nagpa-isip sa kanila. "Kung ganoon ay malaki ang maitutulong ng mailalagay nating impormasyon sa bayang ito, sa tulong ng ating dokumentaryo? Para na rin sa susunod na henerasyon?" pagbibigay ng konklusyon ni Daizy. "Exactly, Daizy," pagsang-ayon na tugon ni Kitch. "Kaya, katulad nang sinabi kanina ni Lola Esma ay maghanda tayo, dahil masasagot na ngayong araw ang ilan sa ating mga katanungan."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD