Chapter 9

2227 Words
Chapter 9 ANG BAYAN ng Mumayta sa lalawigan ng Davao ay sadyang may misteryong lingid pa sa karamihan. Kung saan, ang grupo ng Obalagi ay nagkakaisa para sa kanilang nakasanayang tradisyon. Gayunpaman, ang tradisyong iyon ay walang sapat na batayan para ipalaganap sa buong lalawigan ng Davao. Saksi ang ilang tao sa bayan ng Mumayta sa kanilang kaunting nalalaman tungkol sa tradisyon. Ang mga taong iyon ay 'di hamak na nakaranas ng masamang pagtrato sa kanila lalung-lalo na sa mga kababaihan, subalit ang kanilang pagkakamali ay ang manatiling tikom ang bibig sa mga nangyayari at sa takot na rin sa nakaambang parusa. Kaya naman walang naglalakas loob na baguhin ang nakasanayang tradisyon sa bayan na iyon. Sa malaking kweba na itinuturing na kaharian kung saan namamalagi ang mga Obalagi ay hindi nagiging hadlang ang kakulangan nito ng kuryente upang maisakatuparan ang kanilang mithiing maging karaniwan sa lahat ang ganoong klaseng paniniwala. Subalit, lingid sa kanilang kaalaman ang unti-unting paglutas din ng grupo nila Kitch, kung saan ay mayaman sa pananaliksik, lalo na nang dumating ang isang pinakamahalagang araw para sa mga Obalagi, ang pista, kung saan ay kailangang may dumanak ng dugo sa kanilang grupo upang gawing basbas para sa kapangyarihan ni Pinuno Magallon. Subalit hindi lang iyon ang kanilang ipinagdiriwang tuwing kapistahan at iyon ang sinusubukang tuklasin ng grupo nila Kitch. Sa kalagitnaan ng araw ay kataka-taka silang hindi pa rin bumabalik si Lola Esma. Wala rin itong pagkain na inihanda para sa tanghalian kung kaya't may naisip si Fudge. "Kitch, Devee at Daizy! May nakita akong puno ng papaya sa may likuran, iyon na lang ang ulamin natin," ani Fudge na nakangiting bumungad sa kanila mula sa labas. Sabik namang lumapit si Kitch at maging sina Daizy at Devee sa kaniya. "Masarap 'yon igisa sa itlog halika at kumuha na tayo!" pang-aaya ni Devee. Nagkatanguan sila at pagkarating nila sa likuran ay masaya silang nakakuha ng bunga ng papaya. At nang makarating sa munting kusina ni Lola Esma ay nakaabang doon ang mga gamit pangluto. Nakatutuwang isipin na hindi na kailangang bilihin ang mga pagkain doon dahil marami kang p'wedeng iluto sa paligid, may tanim din kasi roon sa bakuran na sibuyas, bawang, kamatis at kalamansi. May palay din sa may bukirin at nagsisilbi iyong kabuhayan ng matanda. Kaya naman walang problema sa pagkain, lalo na at masipag mangitlog ang alagang inahin ni Lola Esma. Wala rin naman kasi silang nakitang nakatayong tindahan sa bayan na iyon at kung mayroon man ay doon pa iyon sa karatig bayan. Inumpisahan iyong balatan at hiwain ni Fudge habang si Kitch naman ay binabalatan na rin ang sibuyas at bawang. "Masarap sana iyan sa sardinas, 'no? Kaso ay wala namang sardinas," sabi ni Devee habang pinapagmasdan ang dalawa sa ginagawa. Sinulyapan niya rin si Daizy na nagpaparingas na rin sa kahoy para magsaing. "Wala ba akong gagawin?" "Okay lang 'yan, Devee nang makapag-relax ka naman, o 'di kaya ay matyagan mo ang pagdating ni Lola Esma," wika ni Fudge habang ngingiti-ngiti lang si Kitch. "O, bakit nakangiti ka, Kitch?" "Naisip ko lang na kung hindi lang sana ganito ang bayang ito ay tiyak na maraming negosyante ang p'wedeng magtayo rito ng negosyo dahil sa yaman nito sa mga pananim, hindi na ako magtataka kung bakit pinili pa rin ni Lola Esma na manatili rito kahit delikado, lalo na't mag-isa na lamang siya sa buhay." Hindi na rin maiwasang mapangiti ng tatlo habang sinasabi niya 'yon. Ngunit sandali silang napaisip sa winika ni Daizy, "Speaking of Lola Esma, nasaan kaya siya at bakit hindi pa bumabalik?" At magsasalita pa sana si Kitch nang biglang dumating si Lola Esma, kapansin-pansin ang matamlay na awra nito na nagbigay sa kanila ng awa. "Lola Esma, ayos ka lang po ba?" wika agad ni Devee pagkasalubong sa matanda. "Tubig po?" At dahan-dahang napatango ang matanda. Umupo ito sa silyang gawa sa narra. "Salamat," wika nito matapos makainom. "P-pasensya na kayo at naging abala lang ako para sa selebrasyon ngayong araw. Kayo na muna ang bahala sa kusina, hah, at ako'y magpapahinga muna," anito saka tumayo habang inaalalayan ito ni Devee. "Sige po, Lola Esma, tawagin ka na lang po namin kapag kakain na," masiglang pagkakasabi ni Kitch. At habang abala sina Kitch at Fudge sa pagluluto ng ulam ay may binuksan na namang usapin si Devee, "Alam n'yo napansin ko lang, a, parang hindi naman pista ngayon rito. Parang normal na araw nga lang, e." "Alam mo, Devee, napansin ko rin 'yan, e. Parang wala namang ka-excite-excite, kagulat-gulat pa nga ang nangyari kaninang umaga, e," wika ni Daizy. Ang tinutukoy niya ay ang pagdanak ng dugo ng ilan sa mga Obalagi. Ilang sandali pa ay nakisali na rin sa kanilang usapan sina Kitch at Fudge. "Tama ka, Devee. Pero napansin n'yo naman ang bayang ito, 'di ba? Na hindi dikit-dikit ang bahay. At iyon ang ipinagtataka ko noong una pa lang, sa tanda ni Lola Esma ay bakit mas gugustuhin niyang manatili sa bayang ito sa kabila nang nakasanayang tradisyon, kung p'wede naman siyang magsumbong sa batas at alagaan sa orphanage para sa matatanda," saad ni Fudge. Hindi nila alam na naririnig ni Lola Esma ang kanilang usapan kung kaya't hindi nila inaasahan ang biglang paglabas nito ng kuwarto. "Lola Esma? Akala ko po ba ay nagpapahinga kayo?" takang tanong ni Devee. "Hindi ko lang naiwasang marinig ang usapan ninyo, pinag-uusapan ninyo ako?" paniniguro nito. "Ah, opo, Lola Esma. At kagaya nga po nang sinabi ni Fudge, nagtataka lang po kami kung bakit mas gusto mo pong manatili rito sa kabila ng hindi makatarungang paniniwala ng bayang ito?" tanong ni Daizy. Bahagyang napangiti si Lola Esma at kataka-takang mabilis na sumigla ang pangangatawan nito kumpara kanina. "Dahil dito na ako nasanay, mga hija, at kahit ganito ang bayang ito ay hindi ako nakaranas ng gutom dahil sa mayaman ito sa mga pananim." "Naisip ko na nga po 'yan, e," wika ni Kitch na ikinalingon ng tatlong sina Fudge, Devee at Daizy. Samantala'y malapad ang ngiti ni Lola Esma na ipinagtaka nila at hinayaan itong makapagsalita, "Pero alam n'yo ba ang kagandahan kapag pista?" Sandaling napaawang ang kanilang mga labi habang patuloy sa pakikinig sa matanda. "Doon lang nagiging malaya ang mga tao rito. Kung saan ay walang pakialam ang pinuno dahil abala ito sa pagsasaya sa kaniyang kapangyarihan." "Ano pong ibig mong sabihin, lola?" tanong ni Devee. "Mga hija, kagaya nang sinabi ko ay marami kayong matutuklasan ngayon at p'wedeng ako ang maging susi no'n," wika ng matanda na nagbigay ng munting saya sa kanila. Mabuti na lamang at naluto na ang ulam at kanin kung kaya't naging abala na lamang sila sa pakikinig kay Lola Esma. Umupo silang apat sa harap ng matanda at hinayaan itong makapagsalita. "Ngayon ang araw kung saan ay walang tainga ang lupa kung kaya't malaya kong maipapahayag sa inyo ang aking nalalaman tungkol sa bayang ito, tungkol sa itinatagong misteryo." Hindi nila maiwasang ma-excite kung kaya naman nanatili lang silang nakikinig habang naghanda si Kitch ng ballpen at papel. Doo'y napangiti si Lola Esma at hindi na nila pinalampas ang impormasyong makukuha nila rito. "Tutal naman ay nakita n'yo na ang mga marka nila, nais n'yo bang malaman kung ano ang ibig sabihin no'n?" Napatango sila bilang kasagutan sa sinabi ni Lola Esma habang nakangiti ito at kasabay niyon ang paghanda ni Fudge ng camera. "Lola Esma, maaari ka po ba namin makuhanan ng video habang sinasabi mo ang nalalaman mo tungkol sa grupong iyon?" ani Fudge na sinang-ayunan naman nina Daizy at Devee subalit-- "Sandali, hindi kaya makasama sa iyo Lola Esma ang pagsasabi ng ilang impormasyon sa amin? Kahit na malaya ka ngayon?" tanong ni Kitch. "Walang problema sa akin, ang mahalaga ay makatulong ako sa inyo," sagot ni Lola Esma kaya sumang-ayon na lang din si Kitch. Nagsimula nang buksan ni Fudge ang camera at inilagay iyon sa tripod. Samantala'y nakahanda na rin ang hawak ni Kitch na ballpen at lapis habang hawak ni Devee ang recorder. Sumenyas naman ng go signal si Daizy at doon nagsimulang magsalita si Lola Esma, "Ang mga Obalagi ay matagal nang nananatili sa malaking kweba na kanilang nagsisilbing kaharian.. ang markang "X" sa likuran ay tanda ng kanilang pagsasalin-lahi. Ito rin ang nagsisilbing tanda na parte ka ng kanilang grupo." "Maaari mo po bang bigyan ng patunay ang iyong nalalaman tungkol sa grupong iyon?" tanong ni Fudge. "Fudge.." pagsaway ni Kitch subalit sumenyas si Lola Esma na ayos lang. "Aaminin kong nasaksihan ko ang tradisyon na kanilang nakasanayan sa mahigit apatnapung taon.. dahil naging biktima rin nila ako.." naluluha nang tugon ni Lola Esma. Pero sandali itong napatingin sa camera at bahagyang napangiti. "Lola Esma.. ayos ka lang ba?" tanong ni Fudge habang isini-save ang video. Napatango ang matanda kahit lingid sa kanilang kaalaman ang maaaring sapitin nito. Napangiti silang apat matapos ma-i-save ang video. "Maraming salamat po, Lola Esma.." sabi nilang apat. Subalit nasa ganoon silang sitwasyon nang matigilan sila sa malakas na boses ng lalaki mula sa labas. "Aleng Esma! Aleng Esma!" walang tigil na pagtawag nito. Sandali pa silang sinulyapan ni Lola Esma bago pa ito lumabas at harapin ang lalaki. "Bakit, Rogelio?" pagtatakang tanong ni Lola Esma, gayunmapa'y ang kaniyang pangamba sa maaaring ibalita nito. "Ang mga Obalagi--" Sandali itong natigilan at sinundan ni Lola Esma ng tingin kung saan ito nakatingin. At nakita niya mula sa bintana ang apat na nakadungaw. Hindi akalain ni Lola Esma na magagawang magpakita nila Kitch sa ganoong pagkakataon. Pero sumenyas si Lola Esma na manatili ang mga ito sa loob dahil ayaw nitong madamay ang apat. Gayundin ang kawalan nito ng kaalaman sa kaniyang koneksyon sa mga Obalagi. "Anong nangyayari?" mahinahong tanong ni Lola Esma para hindi marinig ng apat ang kanilang pinag-uusapan. Subalit hindi maiwasang mangamba ni Kitch sa matandang lalaking kausap ngayon ni Lola Esma, dahil katulad nga ng kaniyang paniniwala ay mukha itong hindi mapagkakatiwalaan. "Hindi ko lang maintindihan kung bakit ganoon ang ibinungad kay Lola Esma ng matandang lalaking iyon, anong koneksyon niya sa mga Obalagi?" wika ni Kitch na nagpa-isip din sa tatlo. "Iyan din ang naisip ko, Kitch. Hindi ba't kausap lang siya ni Lola Esma kahapon?" wika naman ni Fudge. "Oo, at siya 'yung matandang lalaki na nakakita sa amin doon malapit sa kuweba. At kung magkakilala nga sila ni Lola Esma, tiyak na pareho silang may koneksyon sa mga Obalagi," konklusyon ni Kitch. Kaya naman mula sa bintana ay mas nilakasan pa nila ang kanilang pandinig at kagulat-gulat ang impormasyong narinig nila. "Lulusob sila mamayang gabi rito sa ating bayan.. at hindi ka maniniwala dahil.. may mahalaga silang imumungkahi tungkol kay Pinunong Magallon," kinakabahang sabi nito bagama't hindi nila batid na lihim silang pinakikinggan ng apat. "Rogelio.. paumanhin pero ayoko na munang humarap sa kanilang pinuno.." kalmado muling sabi ng matanda para hindi marinig ng magkakaklase. "At bakit? Gusto mo bang mamatay ka?" "H-hindi sa ganoon.. handa naman akong mamatay, e, p-pero--" natigilang sagot ni Lola Esma. "Aleng Esma naman, matagal na tayong nagiging espiya ng Pinunong Magallon, ngayon ka pa ba aatras?" kunot noong sabi nito. Gayunpaman ay ang labis na pagkabigla ng apat sa narinig. At hindi nila inaasahan ang susunod na maririnig, "Basta, lumabas ka mamaya at dalhin mo ang alay mo," anito at sandali pa itong lumingon mula sa bintana kung saan ay nakita nito ang apat na magkakaklase bago pa ito umalis. Nang makaalis si Mang Rogelio ay kinakabahan namang pumasok ng bahay kubo ang matanda at hindi niya inaasahan ang ibubungad sa kaniya ng magkakaklase. "Sinungaling ka!" sigaw ni Kitch sa harap ng matanda. "Nililinlang mo kami, ano ang gusto mong mangyari? Ang i-alay kami sa pinunong iyon?" mataas sa tonong pagkakasabi ni Kitch habang pinipigilan siya ng tatlo. Animo'y ang ilang impormasyong kanilang nakalap ay unti-unti nilang napagsama-sama upang magawan ng sariling konklusyon. Subalit, hindi nila batid ang tunay na hangarin ni Lola Esma, kundi ang tulungan sila na mabago ang tradisyon. "Kitch, hayaan muna nating makapagpaliwanag si Lola Esma," wika ni Fudge. Pero hindi pa rin mabawasan ang galit na nararamdaman ni Kitch. Kaya binalikan nito ng tingin ang matanda. "Ano? Hindi ka makapagsalita? Tama ako, 'di ba? Kakampi ka rin ng mga Obalagi!" mariing pagkakasabi ni Kitch habang ayaw magpatalo ng luha sa kaniyang mga mata. Gano'n din sina Fudge, Daizy at Devee na napapahagulgol na rin sa pag-iyak. "Pasensya na kayo.. h-hindi ko kagustuhan ang ilihim ito sa inyo pero wala akong ibang hangad kundi ang matulungan kayo.." naluluhang sabi ng matanda. "Hindi totoo 'yan!" mariin muling tugon ni Kitch. "Espiya ka, 'di ba? Kakampi ka nila 'di ba? Kaya-- paano mo nasabing kakampi ka namin? Paano namin paniniwalaan na tutulungan mo kami?!" naiinis na tugon pa ni Kitch. "Lola Esma, pinagkatiwalaan ka namin.. p-pero bakit ganoon? Wala na ba kaming karapatan na malaman ang totoo? Wala na ba kaming pag-asa na makaalis dito?" naluluhang tugon naman ni Fudge. Napapailing na lang si Lola Esma sa mga sinabi nito at hindi na sila nakapagsalita pa sa isinagot nito, "Hindi totoo ang iniisip ninyo.. kakampi ninyo ako at handa kong talikuran ang tradisyon na nakasanayan at ibuwis ang sarili kong buhay alang-alang sa kaligtasan ninyo.." Unti-unting nahabag ang kanilang mga puso habang patuloy sa pagbagsak ang luha. Hindi nila akalain na mali ang kanilang naging interpretasyon sa narinig. Ngunit, ang kanilang malaking katanungan, tunay nga kayang mapagkakatiwalaan pa ang matanda?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD