Dahan-dahan kong iminulat ang aking mga mata. Nakatingin lang ako sa kisame. Nakatulala at pinapakiramdaman ang aking sarili.
Hindi ko alam kung totoo o panaginip lang ang lahat. Pero alam kong kasama ko siya mula pa kahapon, hanggang sa magdamag.
Wala mang nangyari sa pagitan naming dalawa, pero totoong magkasama kami sa iisang kama. Nakatulog akong nakayakap siya sa akin. Habang ako, sobrang himbing ng tulog. Dahil ngayon lang ako nagising.
Biglang nagbaling ang aking tingin sa kabilang bahagi ng kama. Naroon na naman ang mabilis na t***k ng aking puso nang mapansin kong wala na akong kasama sa higaan.
Hindi ko na nagawang mag-ayos ng sarili at mabilis na bumaba sa kama. Patakbo kong tinahak ang pintuan. Nang buksan ko iyon ay isang malakas na lagabog ng nahulog na bagay ang aking narinig. Kaya naman tinahak ko kaagad ang papuntang kusina kung saan nanggaling ang tunog.
Habol man ang aking hininga ay nakaramdam ako ng kaginhawahan. Narito pa rin si Matteo sa bahay. Hindi siya isang panaginip. Totoo siya.
Tipid na ngiti ang bumungad sa akin ng makita niya ako. Nagkakamot pa siya ng batok na wari mo ay nahihiya.
"Nagising ba kita? Sorry, hindi ko sinasadya," anito at tiningnan pa ng mabuti ang nahulog na takip ng kaserola sa sahig.
"Hindi naman ako nagising. Gising na talaga ako nang makarinig ako ng pagkahulog ng kung ano dito sa kusina."
"Mabuti naman kung ganoon. Sorry ulit. Akala ko kasi ay hindi pa mainit ang takip ng kaserola. Nais ko kasing dyan magluto ng nilaga, para mainitan ang sikmura mo sa umaga. At hindi lang basta init na mula sa kape. Kaya lang mainit na pala ng maalala kong kailangan kong ilagay ang sibuyas sa tubig. Ayon nabitawan ko, hindi na kasi ako gumamit ng pot holder."
Hindi ko alam kung paano ko pipigilan ang aking pagngiti. Napakacute ni Matteo habang nagpapaliwanag. Mas lalo lang akong naiinlove sa kanya sa mga oras na ito.
"M-may dumi pa ako sa mukha?" tanong nito kaya naman nagulat ako.
Hindi ko naman kasi akalaing matutulala ako sa kanya. Hindi pa rin nagbabago ang epekto ni Matteo sa akin. Mahal ko pa rin siya sa kabila ng lahat ng sakit na ipinaramdam niya.
"Wala. Thank you Matteo," nasambit ko na lang. Hindi ko na napigilan ang aking sarili na yakapin siya ng mahigpit. Ito ang panahon na pinakahihintay ko. Ang makasama si Matteo na walang iba, kundi ako lang at siya.
Naramdaman ko na lang na niyakap niya ako pabalik. Kaya naman mas isiniksik ko ang aking sarili sa kanyang dibdib. Ramdam ko rin ang ilang patak ng halik niya sa aking ulo. Bago niya muling ipinagpatuloy ang pagluluto.
Matapos kumain ay ako na ang nagdayag. Si Matteo naman ay nag-ayos na ng sarili papasok sa opisina nito. Dahil maiiwan na naman ulit ako dito sa bahay ay aabalahin ko na lang ulit ang aking sarili sa panggagantsilyo.
Pagkalabas ni Matteo ng aming silid ay natigilan ako. Nakakapagpatigil talaga ng mundo ang kagwapuhan niya. Hindi lang ako sigurado kung ganoon rin ba ang epekto ng aking asawa sa iba. O dahil in love na in love ako sa kanya. Hindi ko rin alam.
Nagulat na lang ako ng halikan ako ni Matteo sa pisngi. Napatitig na lang ako sa kanyang mukha ng ngitian niya ako.
"Pasok na ako sa opisina. Uuwi ako kaagad pagnatapos ko na ang lahat ng trabaho ko. Hmm. Huwag ka ring magpakapagod ng sobra sa panggagantsilyo. Magpahinga ka rin. Aalis na ako."
Hindi ko na nagawang sumagot ng lumabas na ng tuluyan si Matteo sa may front door. Kasunod noon ay narinig ko na lang ang pagkabuhay at pag-alis ng sasakyan nito.
Napahawak ako sa aking dibdib. Sa tagal ng panahon na hiniling ko ang bagay na iyon, parang nangyayari na ngayon. Sana ay magtuloy-tuloy na. Sana lubusan na niyang makalimutan si Eloira.
Masaya akong itinuloy ang panggagantsilyo. Magaan ang aking pakiramdam. Para tuloy akong nasa alapaap. Habang nakahiga sa ibabaw ng mga ulap.
MATTEO
Natigilan ako ng paglabas ko ng kwarto namin ni Raselle ay nakatingin siya sa akin. Ilang beses pa akong napalunok ng madako ang tingin ko sa mapupula at nakaawang niyang labi.
Hindi ko masasabing ako ay isang lalaking uhaw sa halik. Dahil tuwing magkasama naman kami ni Eloira ay hindi ko naman siya ganoong kadalas halikan. Madalas ay ang dalaga pa ang nangungunang halikan ako.
Ngunit pagdating kay Raselle ay may kung anong init ito na ipinaparamdam sa akin. Itong tipong titig pa lang, kahit wala namang malisya ay nagkakaroon ng ibang kahulugan.
Bigla ko na lang naalala ang bawat mainit na tagpong aming pinagsaluhan na dalawa. Bigla akong nauhaw. Nakaramdam din ako ng kakaibang pagbabago sa gitnang bahagi ng aking mga hita.
Bago pa mapansin ni Raselle ang mga nangyayari sa akin ay mabilis ko siyang nilapitan. Ang plano ko lang ay halikan siya sa pisngi. Pero mabuti na lang at hindi niya naramdaman ang mabilis na paglapat ng aking labi sa labi niya. Ang halik ko sa pisngi niya ang nagtagal. Kaya ayon lang ang alam niya.
Nagpaalam na ako kay Raselle. Kung hindi pa ako magmamadali ay baka talagang hindi na ako makapasok at talagang iba ang aking mapasok.
Pagdating ko sa opisina ay bumungad kaagad sa akin ang aking sekretarya.
"Yes, Janine," tanong ko ng harangin niya ako.
"Sir, may bisita po kayo. Nasa opisina po ninyo ang girlfriend po ninyong si Ms. Magsino. Hindi ko po sana papasukin, kaya lang po mapilit po ang kasintahan ninyo."
Tumango na lang ako bilang sagot bago ko iniwan si Janine. Napahilot na lang ako ng sentido. Tama, ang alam pa rin ng lahat ay girlfriend ko si Eloira. Ang alam ng nakakarami ay nagkaroon lang ng hindi pagkakaunawaan kaya hindi natuloy ang kasal namin ng dalaga. Pero hindi iyon ang totoo. Kasal ako kay Raselle. At tama rin si Raselle sa lahat ng sinasabi nito. Dahil inilihim ko at ng pamilya ko ang kasal namin naming dalawa. Walang nakakaalam sa bagay na iyon.
Sa makakakita third party si Raselle. Sa nakakaalam, alam na ang sagot kung ano ang pwesto ni Eloira sa sitwasyon namin. Ayaw ko lang aminin.
Humugot muna ako ng hangin bago ko tuluyang binuksan ang opisina. Maaliwalas na mukha ni Eloira ang aking nakita. Parang sa loob ng isang buwan naming hindi pagkikita ay hindi man lang ito nagkaroon ng pagkakataong magluksa sa nawala naming anak. Higit sa lahat ay parang naging blooming pa, na labis kong ipinagtataka.
"I miss you Hon. Bakit hindi ka na umuwi sa akin? Miss na miss na kita. May nakapagsabi sa aking umuwi ka sa bahay ni Raselle. Bakit sa kanya ka umuwi, kung ako ang mahal mo? Asawa mo lang naman siya sa papel di ba? Hon uwi ka na sa bahay," paglalambing pa ni Eloira habang nakayakap sa aking braso.
"Bitaw ka muna Eloira. I need to discuss you something." Hindi naman nagmatigas si Eloira. Bumitaw na ito kaagad sa pagkakahawak sa braso ko.
Naupo ako sa aking swivel chair, habang si Eloira ay naupo sa visitors chair. Kung saan ko itinurong doon muna siya maupo.
"Bakit dito? Miss na kita Hon. Gusto kitang mayakap," paglalambing pa nito. Ngunit umiling lang ako. Hindi ako makakapagpaliwanag ng maayos sa kanya, kung guguluhin niya ako habang nagsasalita.
"Ano ba kasi iyon?" Ramdam ko ang tampo sa boses ni Eloira. Ngunit kailangan kong itama ang dapat noon ko pa ginawa.
"I'm sorry Eloira. Dapat noon ko pa ito--."
"Wait!" Pigil ni Eloira sa sasabihin ko. "What did you call me? Eloira? Nasaan na ang Hon?" May lungkot sa boses niya. Ako man ay ayaw ko ng masaktan pa siya. Ngunit kung hindi ko ito gagawin lalo lang siyang masasaktan.
"Alam kong mali ako. Blame me. Pero ito lang ang alam ko para maging tama ang lahat."
"Para maging tama? Anong plano mo? Iiwan mo ako para sa Raselle na iyon! Nakalimutan mo na ba kaagad na siya ang dahilan kaya nawala ang baby natin. Tapos babalikan mo lang s'ya? Anong sinabi niya sa iyo? Pinagbantaan ka ba niya? Ikaw naman nagpapadala ka sa babaeng iyon. Sinabi ko na sa iyo di ba na magaling magmanipula ang babaeng iyon. Ganoon din siyang kagaling na magpaawa," umiiyak na saad ni Eloira, ngunit hindi ko magawang magsalita.
Hindi ako minanipula ni Raselle, dahil wala naman itong ibang sinabi o hiniling sa akin. Desisyon ko ang bigyan ng pagkakataon ang kasal namin. Naguguluhan ako.
"Makinig ka Hon, huwag kang maniwala sa mga sinasabi niya."
"Eloira, walang kinalaman si Raselle sa desisyon ko. Sarili kong kagustuhan na ayusin ang dapat ayusin."
"Sige balikan mo siya. Pero alam kong babalik ka pa rin sa akin. Ako ang mahal mo, ako lang dapat Matteo. Dahil utang mo sa akin ang buhay mo," ani Eloira at padabog na lumabas ng aking opisina.
Hapon na at hindi ko pa rin alam ang gagawin ko. Madami akong trabaho, ngunit wala akong nasimulan mula nang maabutan ko si Eloira sa opisina, hanggang sa makaalis ito.
Nagpasya na lang akong umuwi. Sana lang ay magkaroon ako ng katahimikan sa loob ng bahay.
Pagkabukas ko pa lang ng pintuan ay naamoy ko na kaagad ang sarap ng aroma ng niluluto sa kusina. Hindi ko na naman kailangan alamin kung sino iyon. Dahil iisa lang naman ang babae dito sa bahay. Si Raselle.
Pagkapasok ko pa lang sa kusina ay bumungad kaagad sa akin ang maaliwalas at nakangiting si Raselle.
"Hungry? Paluto na rin ito. Hindi ko kasi akalaing ganito ka kaagap. Sorry hindi pa ako tapos magluto."
Hindi ko mapigilan ang mapangiti. Ewan ko ba. Kahit ka uuwi ko pa lang ulit dito sa bahay ni Raselle. Parang nagkaroon na ako kaagad ng katahimikan. Maliban kanina sa opisina sa pagkikita namin ni Eloira, ay tahimik ang buhay ko.
Narinig kong pinatay na ni Raselle ang kalan. "Maghahayin lang ako, relax ka lang dyan ha," wika pa nito, habang may pagmamadali sa pagkilos.
Tapos na sana si Raselle sa ginagawa ng bigla nitong mabitawan ang isang pitchel ng malamig na tubig at tumapon sa aking damit.
"Wooh!" Hindi ko mapigilang saad ng maramdaman ko ang lamig ng yelo sa aking katawan.
"M-Matt, I'm sorry. Hindi ko sinasadya," natataranta pang saad ni Raselle. Gusto kong mainis, ngunit hindi ko iyon maramdaman sa puso ko sa pagkakataong iyon.
Kumuha ng paper towel si Raselle, at mabilis na pinunasan ang basa kong damit. Habang paulit-ulit na humihingi ng tawad. Wala naman siyang kasalanan para matakot at paulit-ulit na humingi ng tawad. Ngunit hindi ko magawang pigilan si Raselle sa pag-aalala nito sa akin, dahil nabasa ako. Wala lang parang ang gaan lang sa pakiramdam.
Hanggang sa pareho naming hindi namalayan kung saan na napunta ang kamay ni Raselle, habang patuloy sa pagpupunas sa basa kong damit.
"Stop!" Mariin kong saad. Habang hawak ko ang isa niyang braso. Parang pag-ipinagpatuloy pa ni Raselle ang ginagawa ay may magawa akong labag sa kanya.
"B-bakit? G-galit ka ba? M-Matt, hindi ko naman kasi sinasad--."
"Sshh," tugon ko kay Raselle. Ang isang hintuturo ko naman ay nasa kanyang labi. Napalunok ako ng tumitig sa akin si Raselle. Hindi ko alam kung bakit napapatahimik ni Raselle ang pagkatao ko sa pamamagitan lang ng pagtitig. Ngunit wala akong balak aminin sa kanya ang bagay na iyon.
Mali itong nararamdaman ko. Napabuga na lang ako ng hangin. Hanggang sa maalala ko bigla ang sitwasyon. Gusto ko nga pa lang ayusin ang mayroon sa aming dalawa.
"Raselle," sambit ko sa pangalan niya.
"B-bakit?" Ramdam ko pa rin na kinakabahan siya. Hindi naman talaga ako galit.
"Magagalit ka ba kung may gawin akong hindi mo magugustuhan?"
"Huh?" Inosente niyang sagot. Hindi ko alam kung bakit bigla na lang napatid ang pisi ng aking pagtitimpi.
Sinakop ng aking labi ang nakaawang na labi ni Raselle. Wala na akong pakialam kung magalit siya. Pero hindi ko na mapigilan ang aking sarili. Uhaw na uhaw ako sa labi niya.
Akala ko ay mahihirapan akong humingi ng tawad kay Raselle sa aking nagawang kapangahasan. Ngunit hindi ko na napigilang ngumiti ng maramdaman kong tinugon ni Raselle ang halik na hindi ko mapigilang gawin sa nang-aakit niyang labi.