MATTEO
Hindi ko mapigilang ang galit na aking nararamdaman nang makompirma kong wala na ang anak ni Eloira. Ang anak naming walang kamuwang-muwang, ngunit siya anv nagdusa sa dalang galit ng mundo.
Gusto kong magwala. Gusto kong manakit. Ngunit hindi ko alam kung paano sisimulan.
Natutulog na si Eloira nang lapitan ako ng doktor na siyang sumuri sa dalaga. May nakain o nainom itong pampalaglag kaya nangyari ang bagay na 'yon. Matindi ang epekto ng gamot, kaya naman wala ng nagawa pa ang mga doktor. Nawala ang anak namin.
Kung gaano kabilis nang malaman kong buntis siya, ay ganoon ding kabilis na mawala ang sanggol na dinadala niya sa sinapupunan niya.
Ipinaliwanag sa akin ng doktor ang mga posibilidad na dahilan kung paano nangyari kay Eloira ang masaklap na bagay na iyon. Isa lang ang alam kong may sala. Kaya hindi na ako nagdalawang isip. Umuwi ako sa bahay kasama ang doktor at ang team niya na siyang susuri sa mga pagkaing inihanda ni Raselle.
"Ang babaeng iyon! Magbabayad siya!" hindi ko na napigilang usal habang mabilis na nagmamaneho pauwi sa babaeng dahilan ng lahat.
Ngunit kahit anong pigil ko sa galit na aking nararamdaman ng makompirma kong ang gamot na hawak ni Raselle ang dahilan para malaglag ang bata sa sinapupunan ni Eloira ay nagdilim bigla ang aking paningin.
Naubusan ako ng kontrol. Nasaktan ko siya at dumating sa puntong halos mapatay ko si Raselle.
Bigla lang akong natauhan nang kahit hirap na hirap na siyang huminga, ay nakiusap siyang huwag kong dungisan ang mga kamay ko. Wala na akong pakialam sa sarili ko sa mga oras na iyon. Ngunit napakalma ako ng mga salitang niya. Sa lahat ng pananakit ko sa kanya, ako pa rin ang inaalala ni Raselle.
Doon lang nagsink-in sa akin ang lahat ng mga nagawa ko sa kanya. Hindi ko magawang lapitan si Raselle. Nakaramdam ako ng hiya sa aking sarili.
Kung totoong ginawa ni Raselle ang bagay na iyon ay malaki talaga ang kasalanan niya sa amin ni Eloira. Ngunit napagtanto kong, hindi mangyayari ang bagay na iyon, kung ako mismo ay wala rin sala.
Lumabas ako ng bahay at iniwan ang nanghihinang si Raselle. Hindi ko alam kung paano siya lalapitan. May kasalanan siya at may kasalanan din ako. Pero mas nanaig ang takot sa puso ko kung ano ang maaari niyang sabihin sa akin. Sa madaling salita. Naduwag ako.
Matapos ang ilang oras ay napakalma ko ang aking sarili. Muli kong binalikan si Raselle sa bahay. Ngunit hindi ko na siya naabutan. Hinanap ko rin kung nasaan siya. May nakapagsabi sa aking may lalaking nagtungo sa bahay. Hanggang sa nalaman kong nasa ospital si Raselle.
Nang malaman kong nasa maayos na siyang kalagayan ay umalis na rin ako. Panatag din naman akong hindi mapapabayaan si Raselle. Dahil si Gavin ang kasama niya. Kahit galit sa akin ang kaibigan ko. Alam ko namang hindi niya pababayaan si Raselle.
Lumayo ako kay Raselle, ganoon din kay Eloira. May inutusan akong magbantay kay Eloira habang wala ako sa tabi niya. Gusto kong mapag-isa. Hindi ko alam kung bakit ba ako nagkakaganito? Hindi naman talaga ako ito.
Matino akong tao sa pagkakaalam ko. May maayos na buhay. May matatag na negosyo. Habang ang mga magulang ko ay proud sa mga narating ko. Ganoon din ang nag-iisang best buddy ko.
Ngunit mula noong nangyari ang aksidenteng iyon, parang nagbago ang lahat. Naging magulo, at nawalan ng katahimikan ang buhay ko. Buhay kong hindi ko alam kung paanong nagkaganito.
Siguro nga ay mali ako. Ngunit hindi rin naman siguro kalabisan kung suklian ko ng pagmamahal ang dahilan kaya nadugtungan ang aking buhay. Ngunit iyong magulo, mas lalong nagulo nang ang kaibigan ng mapapangasawa ko, ang kasama ko magdamag sa iisang kama, walang saplot at may nangyari sa aming dalawa, nang gabi bago ang aking kasal.
Sa halip na si Eloira. Si Raselle ang aking pinakasalan. Ang babaeng inaangkin ang dapat raw ay kanya. Ang babaeng umaagaw sa pwesto ni Eloira. Hindi ko alam ang totoo. Hindi ko alam ang paniniwalaan ko.
Hanggang sa makita ko ulit si Gavin sa tapat ng bahay ni Raselle makalipas ang isang buwan. Wala namang mali sa aking nakita ko. Alam ko naman na siya ang nagligtas kay Raselle. Siya ang nagdala sa ospital, noong panahong sinaktan ko ang asawa.
Ngayon nasa harap na naman ako ng bahay ni Raselle makalipas ang huli naming pag-uusap para kausapin siya. Hindi ko na rin alam ang gagawin ko. Hanggang sa muli kong naalala ang pag-uusap namin ni Gavin noon.
Dalawang buwan noon matapos ang kasal namin ni Raselle ay pinuntahan ako ni Gavin sa opisina.
"Why are you here? Pinakiusapan ka ba nina mommy at daddy na kausapin ako. Para pakitunguhan ko ng maayos ang asawa ko?" Ipinagdiinan ko pa ang salitang asawa. Naiinis kasi talaga ako tuwing maaalala ko ang mga nangyari.
"Hindi mo ba talaga kayang turuan iyang puso mo na mahalin iyong tao? Sa kwento pa lang nina tito at tita ay mabait si Raselle."
"Kung mabait siya talaga. Bakit siya ang nasa sitwasyong laan para kay Eloira?"
"Hindi mo kasi binubuksan ang puso mo Matteo. Hindi ko pa nga nakakausap ang asawa mo ng matagal. Pero naniniwala ako sa kung anong tingin ng mga magulang mo sa kanya."
"Okay, sige. Mabait na kung mabait. Pero si Raselle ang dahilan kaya hindi natuloy ang kasal namin ni Eloira."
"Relax. Pero baka naman kasi, siya talaga ang laan sa iyo. Hindi mangyayari kung hindi iyon ang nakatadhana. Think about it."
"Ano yan? Makata ka na? Tadhana. Hindi iyon mangyayari kung hindi siya pabaya. Ano na ang nangyari ngayon? Siya na ngayon ang aking asawa sa halip na iyong kaibigan niya. Sa halip na tumanggi siya, sumang-ayon pa talaga sa kasal kasi gusto niya akong agawin kay Eloira."
"Pero bakit mo pinakialaman kung hindi naman siya ang gusto mo?"
"Hindi ko nga alam. Akala ko si Eloira siya. Akala ko nasa sarili ko akong silid. Mahirap bang intindihin ang side ko!"
"Napakahirap Matteo. Alam mo kung bakit? Dahil kung mahal mo, maaalala ng puso mo ang natural niyang bango!"
"What!? Anong natural na bango? Ano ka, aso? Kasi ako hindi."
"Hindi mo alam? Hindi pa ako na in love, pero alam ko ang bagay na iyan. Nalaman ko iyon sa mga magulang ko. And you know what? Palaging sinasabi sa akin ni daddy na kahit pikit siya kilala niya ang amoy ni mommy. Ganoon rin ang sinasabi ni mommy kay daddy. Kaya kung mahal mo talaga ang Eloira na ito, bakit hindi mo napansin ang bagay na iyon kay Raselle. Huwag mong ipagpilitan ang lasing ka. Dahil sabi ng mga magulang mo, lasing din si Raselle noong gabing iyon."
Hindi ko alam kung may katotohanan ba ang sinasabi ni Gavin. Ngunit naaalala ng isipan ko ang natural na bango ni Eloira. Ngunit ang puso ko, ang nakakaalala ng natural na bango ni Raselle. Hindi maari. Mali ang iniisip ko.
"Mali bang inakala ko talagang silid ko iyon. Bumukas gamit ang key card ko. Kaya wala akong kasalanan. Isa pa sino lang ba ang papasok sa sarili kong silid kundi ang aking mapapangasawa." Paglilinis ko na lang sa aking konsensya. Tama nakokonsensya rin naman ako sa ginagawa ko kay Raselle. Ngunit pag naiisip kong nasasaktan din naman si Eloira sa sitwasyon ay hindi ko mapigilan ang sarili kong ibunton kay Raselle ang lahat.
"Mali pa rin. Dahil nga hindi mo sariling silid 'yon. At hindi siya ang fiancée mo."
"Hindi ko alam kung paano magpapaliwanag sa inyo. Hindi ko rin alam kung paano ako nakarating sa silid na iyon. Bakit ba sarado ang utak ninyo sa paliwanag ko?"
"Dahil sarado rin ang puso mong tanggapin ang totoo. Wala kang ibang nakikita kundi ang nakikita ng sarili mong mga mata. Wala akong alam sa totoo. Ngunit nararamdaman kong isa sa kanila ang nagsisingungaling. Kung sino? Ikaw ang bahalang tumuklas, dahil ikaw din naman ang dahilan kung bakit naging magulo ang lahat. Sa iyo, kay Eloira, lalong-lalo na kay Raselle. At palagi mong pagkakatandaan Matteo. Bago mo isisi sa iba ang mga nangyayari sa buhay mo. Tanungin mo rin muna ang sarili mo kung ano ang maling nagawa mo."
Hindi na lang ako nagsalita. Siguro nga ay tama si Gavin. Ngunit hindi ko aaminin sa kanya ang bagay na iyon.
Dahil sa sagutan naming iyon, sa halip na maging maayos ay naging malabo pa yata ang pagkakaibigan naming dalawa.
Ngunit ngayon, mukhang naging baon ko pa ang huli naming pag-uusap. Kung hindi pa dahil sa mga binitawang salita noon ni Gavin at sa mga nangyari, baka wala pa rin ako dito ngayon. Kinain ko rin ang sinabi niya.
Hindi ko alam kung kakatok ba ako o basta na lang papasok sa loob. May susi naman akong dala.
Nasa isang oras din ako sa labas ng bahay habang pinag-iisipan ang aking susunod na hakbang. Totoong nasaktan ako sa nangyari kay Eloira at sa anak namin. Ngunit mas napag-isip-isip kong hindi mangyayari ang bagay na iyon kung hindi rin naman dahil sa akin.
Kung mas pinili ko na lang sana si Raselle ay hindi mangyayari ang bagay na iyon kay Eloira. Kaya naman heto muli ako. Kahit hindi niya ako kaagad patawarin. Gusto ko pa ring ayusin ang buhay ko na dapat noon ko pa ginawa.
Nakatulong ang mahigit isang buwan na hindi pakikipagkita kahit kanino man sa kanilang dalawa. Tuloy naman ang pagbibigay ko ng pera kay Eloira. Ganoon din kay Raselle.
Nakataas na ang aking kamay para kumatok ng biglang bumukas ang pintuan. Kitang-kita ko ang pagkabalisa sa mukha ni Raselle. Alam ko naman na ako ang dahilan. Sinaktan ko siya noon at halos mapatay. Sinong normal na tao ang hindi matatakot sa taong gumawa noon sa kanya?
"H-hi!" Wala eh, iyon lang ang lumabas sa bibig ko.
"P-pasok ka," anito. Hindi na rin naman ako nagpatumpik-tumpik pa at pumasok na sa loob ng bahay nang lawakan niya ang bukas ng pintuan.
Naupo na rin kaagad ako sa sofa. Doon ko lang napansin ang mga nagkalat na yarn na ginagamit sa panggagantsilyo. Muli ay tiningnan ko si Raselle. Nakabihis ito at may bitbit na bag.
"Aalis ka?"
Kiming ngiti naman ang itinugon sa akin ni Raselle bago ito nagsalita. "Oo sana. Bibili ako ng yarn. Kinulang kasi."
Napasulyap akong muli sa ginagantsilyo niya. "G-gusto mo bang samahan kita?" Hindi ko alam kung bakit ako nauutal. Siguro ay dahil na rin sa hindi ako sanay na kausapin siya ng ganito.
Mula nang ikasal kami ni Raselle, ni minsan ay hindi ako naging mahinahon sa kanya. Alam ko rin naman na nagtataka siya sa mga oras na ito.
"H-hindi na. Hindi na lang ako aalis," pagtanggi nito. "Ahm, bakit ka nga pala narito?" Kitang-kita ko ang panlalaki ng kanyang mga mata at napatakip ng bibig. "Sorry. Wala akong ibang ibig sabihin. A-ano kasi, 'yong---." Pinigilan ko siyang magsalita sa pamamagitan ng paghawak sa kanyang kamay. Kinakabahan siya, base na rin sa panlalamig ng kanyang palad.
"M-Matteo." Nanginginig ang boses ni Raselle. Ako man ay tinubuan ng awa para sa babae. Oo nga at may mali itong ginawa. Ngunit tama si Gavin. Bago ko isisi sa iba ang mga nangyayari sa buhay ko. Dapat tanungin ko rin muna sa sarili ko kung ano ang maling nagawa ko. Kaya iyon ang gagawin ko ngayon.
"I'm sorry Raselle," buong lakas-loob na sambit ko. Kahit hanggang ngayon ay naguguluhan ako. Siguro nga ay dapat ayusin ko na rin muna ang buhay ko. Ang buhay namin.
"Ha?"
"Alam kong nasaktan kita. Hindi lang emosyonal, dahil sinaktan din kita ng pisikal. Pinagbuhatan kita ng kamay. At noong gabing--," napayuko na lang ako. Hindi ko kayang isatinig ang bagay na muntik ko ng ginawa. Halos mapatay ko siya noon dahil lang sa galit ko. Pero siya pa rin ang dahilan para kumalma ako.
"M-atteo."
"Patawarin mo ako Raselle. Hindi man sa ngayon pero babawi ako. Hindi ko masasabing pababayaan ko na si Eloira. May utang na loob pa rin ako sa kanya. Ngunit pipilitin kong hindi siya makita. Mananatili ako rito sa tabi mo. Sa iyo ako uuwi. Hayaan mo akong itama ko ang lahat."
"B-bakit mo sinasabi ang mga iyan sa akin? Hindi ba ako ang sinisisi mo sa pagkawala ng anak ninyo. Kahit ilang ulit kong sinabi sa iyong wala naman akong ginagawang masama."
"Hindi ko pa rin matanggap ang pagkawala ng bata. Ngunit sa isang buwan na hindi ako umuwi dito. Wala rin ako sa tabi ni Eloira. Tinimbang ko rin ang aking sarili sa mga panahong iyon. Maniwala ka man o hindi, gusto kong subukan ang kasal na ito."
"Totoo?" Doon ko lang ulit napansin ang kislap sa mga mata ni Raselle. Iyong mga matang walang halong pagkukunwari. Mga matang walang itinatago.
"Susubukan ko Raselle. Ipapangako ko ring hindi na kita pagbubuhatan ng kamay. Alam kong mali ako sa parteng iyon. Asawa kita kahit hindi iyon ang kagustuhan ko. Pero kasal na tayo at wala akong magagawa pa sa bagay na iyon. Wala akong ibang choice, kundi ang subukan ang nariyan na."
"Thank you Matteo. Mahal na mahal kita." Nagulat ako ng bigla na lang akong yakapin ni Raselle. Hindi ako makagalaw. Maliban na lang sa kusa kong iniangat ang aking mga kamay para yakapin siya pabalik.
"I love you Matteo," saad pa ni Raselle dahilan para biglang manigas ang katawan ko.
Hindi ko alam kung anong isasagot ko. Bakit sa lahat ng nagawa ko sa kanya, ganoon pa rin siya? Parang walang nangyari. Naramdaman yata ni Raselle ang tensyon sa akin. Unti-unti nitong iniangat at ulo para magtama ang aming paningin.
"Huwag mong sagutin. Hindi naman ako nagmamadali. Hindi rin ako humihingi ng sagot. Hayaan mo lang akong mahalin ka. Hayaan mo lang akong iparamdam sa iyong mahal kita. Ako ito Matteo at hindi ikaw. Hindi kita pinipressure. Hayaan mo lang ako sa gusto ko. Pero hindi kita pipilitin sa bagay na ayaw mo," anito at binigyan ako ng matamis na ngiti.
Hindi ako makasagot. Tumango na lang ako. Hinayaan ko na lang siya sa pwesto niya. Muli ay isinubsob ni Raselle ang kanyang mukha sa aking dibdib. Mas lalo pa niyang hinigpitan ang kanyang yakap.
Kahit papano ay nagkaroon ako ng kapanatagan, sa isiping ganoong kabilis lang niya akong natanggap. Oo nga hindi pa niya ako napapatawad. Pero nararamdaman kong hindi rin naman iyon magtatagal.
Kaya naman isa lang ang tumatak sa aking isipan sa mga oras na ito. Ang ituwid ang lahat ng maling nagawa ko. Kay Eloira, lalong-lalo na kay Raselle. Babawi ako. Babawi ako sa asawa ko.