Chapter 14

2360 Words
Isang buwan. Ganoong kabilis ang lumipas na mga araw mula ng huli kaming magkita ni Matteo. Wala man lang akong alam kung okay lang ba siya. Kung kumakain ba siya o kaya ay kung nakakatulog ba siya ng maayos. Ang alam ko lang, pumapasok at lumalabas siya ng opisina. Pagkatapos noon, uuwi na siya kay Eloira. Saan pa ba siya pupunta? Di doon lang sa babae niya. Alam ko namang nasaktan siya sa nangyari sa anak nila ni Eloira. Pero hanggang ngayon, taas noo ko pa ring sasabihin na wala akong kasalanan at wala akong ginawang masama. Ngunit alam ko rin naman na kaya hindi siya umuuwi sa akin ay ako pa rin ang kanyang sinisisi sa lahat ng nangyari. Napakaswerte ni Eloira, siya ang may mali pero siya pa rin ang inuuwian. Paano naman ako? Inosente ako sa lahat ng nangyari pero ako ang labis na nagdurusa. Humugot ako ng hangin at muling inabala ang sarili sa panggagantsilyo. Sa panahong hindi ako inuuwian ni Matteo ay ang panahon din na wala akong sapat na tulog. Hindi ko alam, pero parang ang kapanatagan ng puso at isipan ko ay pag nasa palagid ko lang si Matteo, kahit alam kung galit ito. Dahil maaaring sa muli niyang pag-uwi sa bahay na ito hihiwalayan na niya talaga ako. Iyon yata ang dahilan ng pagiging balisa at hindi ko pagkatulog ng maayos. Nawala ako sa aking pag-iisip ng makarinig ako ng katok sa pintuan. Kahit papaano ay napangiti ako. Isa lang naman ang kakilala kong bigla na lang susulpot at mangangatok sa bahay ko. Mabilis akong tumayo at pinagbuksan siya ng pintuan. "Good morning, Sella," masaya nitong bati na ikinailing ko na lang. Mula ng magkita kaming muli ay yon na ang naging tawag niya sa kin. "Magandang umaga Gavino. Ang aga natin ah," balik bati ko sa kanya na ikinanguso niya. "At bakit naman ganyan ang nguso mo. Pwede ng pagsabitan ng ulinging kaldero?" "Sella naman. It's Gavin, not Gavino. Parang tawag pa iyon sa brief ng mga kanunu-nunuan ko ah," reklamo nito. Habang ako naman ay hindi ko maalis ang ngisi sa aking labi. "Ayaw mo noon? Palagi mong naaalala ang kanunu-nunuan mo. Para ka ng isang aristokrato, historian, ganoon." "Hindi iyon ganoon at kahit na. I'm not Gavino, it's Gavin." "Okay, panalo ka na. Gavino," sagot ko na ikinahalakhak ko rin. "Bahala ka na nga!" Padabog itong pumasok sa loob ng bahay at nagtuloy sa kusina. Ako naman ay nagsara muna ng pintuan bago ito sinundan. "Ay ano nga ang dahilan at narito ka ng ganitong kaaga? Parang hindi ka galing dito nang isang araw ah." Kita ko ang kanyang pagbuntonghininga, bago naupo. "Bakit gising ka na rin ng ganitong kaaga? Hindi ko man lang narinig na nagbukas, sara ang pintuan dito sa loob ng bahay mo. Higit sa lahat after ng pagkatok ko sa pintuan ay siyang pagbukas mo. Wala ka ba talagang balak alagaan ang sarili mo? Hindi ka ba napapagod? Minsan gusto na rin kitang isumbong sa mga magulang niya. Bilang kaibigan mo nag-aalala na ako sa maaaring mangyari sa iyo. Mabuti si Matteo, alam kong maayos lang siya kahit may pinagdadaanan siya. Pero ikaw. Hindi ko masabi." "Doon ba siya talaga tumutuloy kay Eloira?" Hindi ko mapigilang tanong. Ngumiti siya at umiling. Naguguluhan ako. "I'm not sure kung saan tumutuloy si Matteo. Pero isa lang ang sigurado ko. Hindi man siya umuuwi sa iyo. Pero mas lalong hindi siya napunta sa bahay ni Eloira." "Paano mo nalaman?" "Nagtanong lang ako sa mga tao sa subdibisyon doon malapit sa bahay ni Eloira. Mga isang buwan na ring hindi nila nakikita si Matteo doon," anito na ikinatango ko na lang. Hindi ko alam kung ano ba talaga ang dapat kong maramdaman. Ngunit nakahinga ako ng maluwag sa nalaman, kahit papaano. Pinagmasdan ako ni Gavin. Malungkot ang mga mata nitong nakatitig sa akin. Alam ko namang mukha akong puyat, at iyon naman ang totoo. Kaya lang ano bang magagawa ko kung kay ilap ng antok ngayon sa akin. Halos ayaw nga akong dalawin. Hindi ko na rin nagagawang kumain ng maayos, pero kahit papaano kumakain naman talaga ako. "Miss ko na siya Gavin," pag-amin ko. "Alam ko. Pero miss ka ba ng namimiss mo? Inaalala ka ba ng inaalala mo. Kahit ako ay hindi ko kayang sagutin ang sinasabi ko sa iyo. Kaya lang kung oo, bakit hindi ka man lang niya mapuntahan dito? Bakit isinisiksik niya ang sarili niya sa kaibigan mo? Oo nga at wala rin siya kay Eloira ngayon. So, ano ang nais niyang iparating na, he is fair enough, sa ginawa niya. Kasi pareho niya kayong hindi pinupuntahan? Siguro nga bulag ang pag-ibig. Pero kaya nga mas mataas ang pwesto ng utak kaysa puso at mga mata. Dahil dapat sa panahong bulag ka sa pag-ibig, gamitin naman ang halaga niya." "Wala rin naman akong masabi o maisagot sa iyo." "Hay Sella. Pakatatag ka, pero sana naman alagaan mo ang sarili mo." "Thank you Gavin. Hindi lang naman dahil sa pagmamahal ko kay Matteo kaya narito pa rin ako. Dahil mahal ko rin ang mga magulang niya. And speaking of mommy and daddy, bakit ka nga pala ulit narito? Huwag mong sabihin na dahil nagdala ka lang ng pagkain. At huwag mo ring sabihin sa akin na trip mo lang. Ano ang dahilan?" tanong ko sa kanya ng muli kong maalala kung bakit na naman siya naririto. Hindi naman sa ayaw kong narito siya. Nakakapagtaka lang sa pagiging parang bantay ko na siya. "Parang nakakahalata na sina Tita Lean at Tito Agustin na hindi maayos ang pagsasama ninyong dalawa ni Matteo. Kaya palagi niya akong pinapapunta dito. Lalo na noong sakto naabutan kitang nakahiga sa sahig at walang malay ay naitawag ko iyon sa kanila. Tapos ay wala pa si Matteo nang araw na iyon." Naalala ko na naman ang pangyayari sa aming dalawa ni Matteo isang buwan na ang nakakalipas. Nang makaalis ang sasakyan noon ni Matteo, ay wala na akong alam sa nangyari. Nangising na lang ako sa ospital. Umasa pa ako noon na si Matteo ang nagdala sa akin doon at binalikan niya ako. Ngunit si Gavin ang pumasok sa silid ko sa ospital. Doon niya ipinaliwanag kung paanong siya ang nagdala doon sa akin. Nasa ilang minuto na raw siyang kumakatok sa aming pintuan ngunit walang sumasagot. Hanggang sa mapansin niyang bukas iyon. Pagpasok niya ay agad niya akong napansin na nakahandusay sa sahig. Puno ng natuyong luha ang pisngi habang namamaga ang mukha. Ilang beses din niyang sinubukang gisingin ako. Ngunit wala talaga. Kaya napagpasyahan niya akong isugod sa ospital. Nang magising naman ako, ay ipinaliwanag ko sa kanya ang buong pangyayari. Nagalit din siya sa kaibigan. Ngunit ako na rin ang nakiusap kay Gavin na hayaan lang si Matteo na makapag-isip-isip. Mas kailangan ni Matteo ang mga taong makakaintindi sa kanya sa panahong iyon. At hindi ang mga taong magbabato lang din dito ng galit. Nakiusap rin ako kay Gavin na huwag ipaalam sa mga magulang ni Matteo ang totoong nangyari. Ginawan na lang namin ng kwento ang pagkakabigla ni Gavin na masabing, natagpuan niya akong walang malay na nakahandusay sa sahig. Ayaw kong magalit sila sa anak nila. "Hindi pa naman sila uuwi di ba? Gusto ko munang makausap si Matteo. Ayaw kong gumawa ng desisyon na pagsisisihan ko o pagsisisihan niya sa bandang huli." "Sinaktan ka na at harapang ginagago pero bakit mahal mo pa? Ganyan ba talaga ang pag-ibig nakakatanga?" Walang prenong saad ni Gavin na sinang-ayunan ko naman. "What!?" Gulat nitong bulalas. "Parang ayaw ko ng magmahal. Bulag na nga nakakatanga pa. Hindi na lang ako magmamahal," dagdag pa nito kaya mas lalo akong natawa. "Grabe kung makareact. Hindi naman sa lahat ng pagkakataon. Alam mo iyong love at first sight. Wala eh ang tindi ng tama sa akin ni kupido. Isa pa kung talagang mali ako, sa pagkakaalam niya, bakit hindi pa niya ako ipinapakulong? May ebidensya raw siya. Ay iyong ebidensya niya, galing din naman sa kabit niya." "Ayan ang gusto ko sa iyo eh. Mukhang pabebeng hindi. Dapat talaga sumagot ka at hindi magpatalo. Ikaw ang legal kaya ikaw ang may mas karapatan. Pero kung sobra na, sumuko ka naman." "Pero paano kung pagbalik niya ay maisip niyang subukan na maayos ang relasyon namin?" "Umasa ka naman?" "Hindi ah. Pero paano nga?" "Alam mo ang sagot Sella sa tanong mo. Sa lahat ng desisyon mo narito lang ako." "May gusto ka ba sa akin? Bakit parang ang bait-bait mo? Imagine isang buwan pa lang mula ng magkita ulit tayo sa hindi pa magandang tagpo, mula nang ikasal kami ni Matteo. Tapos iyong pag-aalala mo, iba eh. Parang hindi normal." Hindi na ako nahiyang itanong iyon kay Gavin. Assuming lang kung assuming. Mas maganda na iyong malinaw. Seryoso niya akong tinitigan. Pinasadahan pa niya ako ng tingin mula ulo hanggang paa. Ilang beses pabalik-balik bago ito bumuntong-hininga. "Gusto ko mang sabihin na may gusto ako sa iyo Sella pero wala akong makapa sa puso ko," seryoso nitong pag-amin. Kaya naman medyo nahiya ako ng slight sa mga pinagsasasabi ko sa kanya. "Pero may dahilan ako kung bakit ko ginagawa ang bagay na ito para sa iyo. Bagay na hindi ako sigurado. Pero nakikita ko siya sa iyo." "Sinong siya? Don't tell me girlfriend mo 'yong sinasabi mo?" "Okay. I don't tell you." "Hindi nga. Para naman itong tanga. Ano nga? Huwag mong sabihin na patay na iyang sinasabi mo? Ihalintulad ba ako sa patay. Tapos si Matteo halos patayin ako. Magkaibigan nga kayo." "Hindi ah. Buhay na buhay ito, at sana. Okay ganito kasi iyon. May katulong kami dati sa bahay, sa tingin ko nasa seventeen or eighteen lang siya noon kung tama ang memory ko. Nagmakaawa siya kay mommy na tanggapin siya sa trabaho. Tapos habang tumatagal napansin ni mommy na buntis siya. Umamin naman siya na nabuntis daw siya ng boyfriend niya. Bali usapang matanda iyon at five lang ako noon." "Ang aga mo namang maging tsismoso," putol ko sa kwento niya. "Huwag ka ngang si sabat. Nagkukwento ang tao eh." "Sige na, tuloy." "Ayon na nga. Hanggang sa makapanganak siya. Lumaki ang batang babae sa poder namin at ako palagi ang nagbabantay sa kanya. Nagkaroon ako ng kapatid sa katauhan ng batang babae na iyon. Hanggang sa dumating ang ama ng bata at kinuha ang mag-ina. Nakakalugkot lang dahil umalis na sila." "Bakit hindi mo pinigilan?" "Bata pa nga ako. Ang kulit. Itutuloy ko pa ba?" "Sorry, nakalimutan ko. Ngayon ka nga lang pala tumanda," sagot ko sa kanya na naka peace sign pa. Kahit seryoso kasi ang kwento niya. Parang gusto ko pa ring maging magaan ang sitwasyon. Kaya hindi ko mapigilan ang sarili kong sumabat. "Ito na talaga, isa pa hindi ko na itutuloy." "Oo na nga. Sorry na." "Ayon nga, ilang buwan ang lumipas, bumalik ang nanay ng bata para humingi ng tulong. Nawawala raw ang kanyang anak. Hindi alam kung saan dinala ng asawa niya. Dahil sa labis na depresyon, namatay ang nanay ng bata." "Nakakalungkot naman," hindi ko mapigilang bulalas. "May mas nakakalungkot pa dyan. Nakulong at namatay din ang tatay niya. Kaya mula noon, sinabi ko sa sarili kong hahanapin ko ang bata. Bibigyan ng maayos na buhay at ituturing kong parang tunay na kapatid. Kaya lang napakatagal na noon. Pero hindi ako nakakalimot sa pangako ko. Kaya noong nakita kita, naramdaman kong parang ganito ang pakiramdam ko noong kasama ko pa ang batang babae. Medyo matagal na rin kaya hindi ko maalala ang pangalan noong babae pati ang anak niya. Iyon talaga ang nakakalugkot." "Nakakalungkot nga iyan. Ang haba ng kwento mo, pero sa halip na matuwa ako, parang gusto ko na lang umiyak. Imagine kung ako nga ang batang babae na iyon, ang saklap ha. Ulilang lubos na pala talaga ako. Baka kaya sa ampunan na ako lumaki." "Maybe yes. Maybe no. Pero kung ikaw o hindi man ang batang iyon, pwede mo akong ituring na kuya. But don't call me kuya. Gavin is the enough." Hindi ko alam kung bakit parang, may parte ng puso ko ang biglang sumaya. Parang nagkaroon ako ng pamilya sa katauhan ni Gavin. Nilapitan ko siya at mabilis na lumuhod sa harapan niya, para mayakap siya. "Thank you Gavin. Wala akong masabi. Basta naiiyak ako." "Iiyak mo lang ang lahat ng sakit. Pagkatapos mong umiyak, bangon lang ulit. Pag sobrang sakit na magpahinga. Pahinga kung kaya pa, pero kung hindi na tumigil na." Makahulugan niyang saad na ikinatango ko na lang. Ilang minuto rin kami sa ganoong posisyon, ng alalayan na niya akong tumayo matapos ang aking pag-iyak. "Okay ka na?" tanong nito na ikinatango ko na lang. "Dahil okay ka na, maghahayin na ako. Lumamig na itong breakfast na binili ko oh. Bakit kasi, nagkwentuhan muna tayo, bago kumain. Pero hindi bali, masarap naman yan kahit malamig." Pinaupo ako ni Gavin sa silya at siya na ang naghayin ng pagkain. Naging masarap ang aming agahan kahit mas marami pa ang drama na aming napag-usapan. Masaya rin naman talaga akong malaman na isang kapatid lang ang turing sa akin ni Gavin. At least doon, hindi ako mawawalan ng kakampi. Sigurado na ako ngayon at hindi na ilusyon, tulad ng naranasan ko kay Eloira. Hapon na nang umalis si Gavin. Inilaan niya ang mahaba niyang oras para samahan ako. Ilang beses ding tumawag sa kanya sina mommy at daddy para siguraduhing maayos lang talaga kami ni Matteo. Hindi naman tumawag sa akin si mommy para masiguradong hindi daw kami maaabalang dalawa. Mabuti na lang kahit papaano ay naniwala sina mommy at daddy sa mga palusot naming dalawa. Ang alam kasi nila ay nakabantay lang si Gavin. Ngunit hindi nila alam, magkausap na kaming dalawa mismo. Kahit saan mang tingnan, hindi man ako mahal ni Matteo ay mahal ko siya. Mahal ko rin ang mga magulang niya. Kaya hanggat may magagawa ako, gagawin ko. Hanggat maiitago ko, itatago ko ang sitwasyon naming dalawa. Huwag lang magkaroon ng alitan sa pagitan nina Matteo at ng mga magulang niya. Huwag lang silang magalit sa anak nila. Iyon lang ang maiisukli ko sa kabutihan at pagmamahal na ipinaparamdam sa akin ng mag-asawa.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD