Ilang linggo na rin ang nakakalipas mula nang makita kong muli si Matteo. Mula noon ay inihahatid sundo na nito si Eloira sa grocery at sa bahay.
Nang magkaroon ako ng pagkakataon ay tinangka ko ng kausapin si Matteo. Hindi ko naman nais manggulo sa kanilang dalawa ni Eloira. Nais ko lang naman talagang maipaliwanag. Gusto kong linisin ang pagkatao ko sa hindi magandang sinasabi ni Eloira, na mali ang lahat ng masamang sinasabi ng kaibigan ko tungkol sa akin. Kung totoong kaibigan ang turing niya sa akin. Pero parang hindi ganoon ang tingin niya.
Ngunit wala na yata talagang pagkakataon para malinis ko pa ang pagkakakilala niya sa akin. Parang kahit kaunting paglapit ko pa lang sa kanya umiiwas na kaagad siya. Daig ko pang may nakakahawang sakit. At iyong girlfriend nga niya, parang hindi ako naging kaibigan. Minsan, naiisip ko na ngang lumipat ng matitirahan. Ayaw ko lang na may masabi si Eloira. Dahil mula naman noon hanggang ngayon. Siya pa rin ang iniisip ko. Ang mararamdaman niya, at ang iisipin niya. Kahit hindi na kaibigan ang tingin niya sa akin.
Nasundan ko ng tingin si Eloira ng umalis ito sa tabi ni Matteo na nakaupo sa sofa sa salas, habang patungo ito sa banyo. Hindi niya siguro ako napansin habang papasok sa loob ng bahay.
"Hi!" tipid kong bati kay Matteo. Kahit ayaw niya sa akin ay masaya na akong masulyapan siya. Napagod na rin naman akong gumawa ng paraan para magpaliwanag, kaya hindi ko na ipinagpilitan ang aking sarili. Para saan ang pagpapaliwanag ko, kung maniniwala rin lang naman siya sa kaibigan kong, hindi na ako itinuturing na kaibigan.
Lalampasan ko na sana si Matteo ng bigla niya akong alukin ng meryenda. Napatingin na lang ako sa nakahayin na pagkain sa center table. Pizza, cupcake at orange juice. Paborito namin iyon ni Eloira.
"Salamat na lang. Baka makita pa ako ni Eloira. Magalit pa iyon sa akin."
"Di ba may sasabihin ka sa akin noon?"
Ngumiti na lang ako ng tipid sa kanya. "Gusto ko lang magpaliwanag tungkol sa mga bagay na sinasabi ni Eloira. Hindi ko gustong siraan si Eloira. Gusto ko lang linisin ang sarili ko. Hindi ako busayak tulad ng sinabi niya sa iyo. Alam kong matagal na at wala na rin namang saysay kung magpapaliwanag pa ako. Pero ito sinasabi ko pa rin. At ang tungkol sa isang milyon na sinabi mong reward mo sa pagkakaligtas ko sa iyo. Hindi ko iyon tinanggap. Ibinalik ko iyon kay Eloira. Sa palagay mo ba mapapalitan ng isang milyon ang takot na nararamdaman ko noong makita kitang duguan. Masaya na akong malaman na ligtas ka. Kahit ang buong pasasalamat mo ay napunta sa iba." Napansin ko ang kanyang paglunok, na wari mo ay naguguluhan. Maguluhan na talaga siya. Kasi sa isang panig lang naman siya nakikinig at hindi sa katotohanan. "Isa pa." Pahabol ko pa. "Hindi ako lulong sa online games. Hindi nga ako marunong noon."
"Pero sabi niya?"
"Itanong mo na lang ulit sa kanya. Pero kung tinanggap ko ang isang milyon sa palagay mo makokontento na lang ako sa damit kong paulit-ulit na isinusuot. Siguro ay bibili ako kahit damit man lang para magmukhang presentable man lang ako kahit tindera lang ako. Isa pa baka nga hindi na ako pumasok sa trabaho. At itong cellphone ko." Inilahad ko sa kanya ang cellphone kong ilang taon ko na ring gamit. "Baka naman kahit cellphone sana, nakabili na ako ng latest."
"Hindi naman ganoong kahalaga ang isang milyon. Kaya ayos lang kung saan na iyon napunta." Napangisi na lang ako sa sinabi niya. Malamang ay ayaw niyang pag-usapan. Syempre girlfriend niya iyon.
Mabilis ko siyang tinalikuran nang mapansin ko ang pag-awang ng pintuan ng banyo. Narinig ko pang tinawag ni Matteo ang pangalan ko, ngunit hindi ko na iyon binigyan ng pansin. Tama talaga ako. Wala naman pa lang saysay ang paliwanag ko, ay bakit pa siya nagtanong? Lalo lang niya akong sinasaktan. Kahit hindi niya alam.
MATTEO
Nasundan ko na lang ng tingin si Raselle ng pumasok ito sa loob ng sariling silid. Hindi ko alam kung ano ang mararamdaman ko ng makita ko ang lungkot sa kanyang mga mata. Kalungkutang hindi ko malaman kung saan nagmumula.
Habang ipinagtatanggol ni Raselle ang kanyang sarili ay hindi ko maunawaan kung bakit pakiramdam ko ay nagsasabi siya ng totoo. Pero alam kong hindi magsisinungaling sa akin si Eloira. Ano naman ang mapapala ni Eloira kung magsisinungaling ito? Girlfriend ko na siya at lahat naman ng gusto niya ay naiibigay ko. Hindi ako nagkukulang. Kaya alam kong walang lugar para magsinungaling siya sa akin.
Kaya lang hindi maalis sa isipan ko, at ang labis na ipinagtataka ay ng sabihin ni Raselle ang tungkol sa pagliligtas niya sa akin. Hindi ba at si Eloira ang gumawa noon? Eloira ang pangalang sinabi ng doktor. Kaya hindi na ako nagtanong pa. At hindi na rin ako nagduda.
"Hon," tawag ng isang malambing na tinig kaya naman sa kanya nabaling ang aking paningin. "Anong tinitingnan mo dyan?" Turo pa nito sa nakasaradong silid ni Raselle.
"Ah, wala. Dumating na ang kaibigan mo."
"Ganoon ba? Mabuti naman, kasi nag-aalala na talaga ako kay Raselle. Hindi ko nga alam kung paano kami naging magkaibigan na dalawa. Alam mo iyon, bigla na lang siyang nagbago. Mula ng sabihin ko sa kanyang nililigawan mo na ako. Higit sa lahat sinabi ni Raselle na tatapusin na niya ang pakikipagkaibigan sa akin pagnaging tayo."
Napakunot noo naman ako sa sinabi sa akin ni Eloira. "Kaya ba ganoon na lang katagal bago mo napagpasyahang ihatid kita sa trabaho mo at ipaalam sa kanya."
"Yes hon. Akala ko nga aalis na siya dito sa apartment namin. Pero sa tingin ko, dahil wala naman siyang magiging tagapagbayad kaya siguro napag-isip-isip ni Raselle na huwag na lang umalis. Kasi kung narito siya, makakatipid siya sa poder ko. At magagawa pa niya ang lahat ng nais niya, gamit ang buong sweldo niya," nakasimangot na saad ni Eloira.
Gusto kong paniwalaan si Eloira sa sinasabi niya. Ngunit may kung anong damdamin sa puso ko ang ayaw maniwala. Hindi ko man kilala si Raselle. Pero iyong saglit na pagpapaliwanag niya kanina, nararamdaman kong totoo at hindi basta nanlilinlang lang.
"Ganoon ba talaga ang ugali niya?"
"Hindi naman sa ganoon. Syempre pareho kaming galing sa ampunan at palaging ang nais ni Raselle lahat ng gusto ko, mayroon din siya. Kaya natatakot akong baka pati ikaw makuha niya. Mahal na mahal kita Matteo. Hindi dahil sa mayaman ka o dahil gwapo ka. Kundi dahil iyon ang nararamdaman ko. May yaman man o wala. Ikaw pa rin ang pipiliin."
Bigla naman akong nakaramdam ng habag para kay Eloira. She is my girlfriend, pero nagawa kong pag-isipan siya ng hindi maganda.
"I'm sorry hon."
"For what?" Nagtatakang tanong nito, kaya naman hinawakan ko ang kanyang kamay.
"I'm sorry, kasi bigla kitang napag-isipan ng hindi maganda. Hindi na mauulit. Siguro ay naawa lang ako kay Raselle. Paano kung wala ka sa tabi niya. Kung hindi niya aayusin ang sarili niya. Sino pa ang tutulong sa kanya pag kasal na tayo?"
"Pakakasalan mo talaga ako? Pero hindi pa naman tayo nagtatagal? Baka naman nabibigla ka lang?" Napangiti na lang ako. Sa dami kong sinabi, iyon lang talaga ang napansin niya. Ang cute niya talaga.
"Syempre naman, pakakasalan kita. Kung hindi dahil sa iyo ay wala na ako. Alam kong walang makakapansin kaagad sa sasakyan ko noon. Maaaring isipin ng iba na matagal ng nangyari ang pagkakabangga ko sa poste kaya hindi na nila papansinin ang sasakyan ko. But, because of you, narito ako, buhay at humihinga. Kung hindi ka kaagad humingi ng tulong, sa palagay mo ay nasaan na ako ngayon. Kaya huwag kang mag-isip ng kung anu-ano. Isa pa mahal kita kaya pakakasalan kita. Kahit pa sabihin ng iba na napakabilis ng relasyon natin. Two months is enough to know you better. To be my wife."
Napangiti na lang ako ng bigla na lang akong yakapin ni Eloira. Naramdaman ko pa ang pagyugyog ng kanyang katawan. Agad din namang nabasa ang aking balikat.
"Why you're so crying baby?"
"Pinapaiyak mo kasi ako." Reklamo nito na ikinatawa ko na lang. "Alam mo namang mahirap lang ako at lumaki sa ampunan. Kaming dalawa lang ni Raselle ang lumaking magkasama. Oo, pangarap kong bumuo ng sariling pamilya, at kahit ganoon si Raselle ay mahal ko siya. Na kahit mag-asawa na ako, gusto kong kasama ko pa rin siya para magabayan ko siya. Parang kapatid ko na si Raselle. Kaya ni minsan ay hindi ko inisip na pabayaan ko siya."
Mas lalo ko lang niyakap ng mahigpit si Eloira. Tama ako ng desisyon na pakasalan ko siya. One in a million, ka lang makakakilala ng babaeng katulad ni Eloira. Kaya masasabi kong napakaswerte ko na makilala ko siya. Hindi lang basta maganda si Eloira, dahil napakabait din niya. Masasabi kong lahat ng hinahanap ko sa isang babae ay nasa kanya na.
RASELLE
Para namang pinipiga ang puso ko sa aking mga narinig. Paanong nagawa ni Eloira na baliktarin ang lahat? Paano niya inangkin ang katauhang ako naman dapat. Dahil lang ba sa mahinhin at mas pino ang kilos at pananalita niya? Dahil lang ba sa mas maganda siya at ako hindi man lang marunong mag-ayos na katulad niya.
Hindi ko mapigilan ang aking mga luha. Hahayaan ko na lang si Eloira sa pagpapanggap niya. Kahit naman ano ang sabihin ko, hindi ako si Eloira. Kaya paano ako paniniwalaan.
Total naman pag-ikinasal sila ako na lang ang maiiwan dito. Sasama na siya sa asawa niya, para mabuhay ng masaya at masagana. At ako ganito pa rin. Maghihintay, hanggang sa mawala ang sakit dulot ng unang pagkabigo sa pag-ibig. Ang saklap lang talagang magmove-on, kahit walang kami.
"Tapos na?" nasambit ko na lang ng wala na pala akong mailuha. "Mukhang naubos rin."
Matapos kong punasan ang aking pisngi at masiguradong hindi na mahahalata ang aking pag-iyak ay lumabas ako ng kwarto.
Halata ko ang gulat sa mukha ni Eloira. Ngunit agad ding napalitan ng pagngisi. Ang bruha ipinakita pa talaga sa akin na hinalikan si Matteo. As if iisipin kong iyon lang ang halik na pinagsaluhan nila. Baka nga mas higit pa doon. Lalo na at nagpaplano na ang lalaki na pakasalan siya.
"Aalis ka?" malambing nitong tanong bago tumingin sa labas ng bahay. "Gabi na ah? Baka mapahamak ka pa. Kung nagugutom ka ay magluluto muna ako kaysa lumabas ka pa. Alam mo namang palagi akong nag-aalala sa iyo."
"Ang plastic naman talaga. Ampota. Tangna!" hindi ko mapigilang anas sa aking isipan. Nagpapasalamat na lang talaga akong nakisama ang bibig kong hindi bumukas.
"Tama si Eloira. Kung lalabas ka pa para lang bumili ng pagkain ay hintayin mo na lang siyang makaluto. O kaya naman, magpadeliver na lang ako. My treat," sabat naman ni Matteo.
Gusto ko silang irapan na dalawa. Magsama sila. Isang santasantita na bruhilda at isang mabait na mayaman na ubod ng gwapo. In love nga ako di ba. Pero medyo may pagkatanga. Akalain mong hindi man lang makahalata sa tunay na ugali ng girlfriend niya. Sabagay naman nga, ako man ay hindi ko inasahan na masama ang ugali ni Eloira. Akala ko kasi talaga, santa siya. Hindi pala. Kasi maling akala ko lang pala ang lahat.
"Hindi na, kaya ko na ang sarili ko. Enjoy lang kayo. Ikaw Eloira ingatan mo 'yang boyfriend mo. At ikaw naman," turo ko kay Matteo. "Palagi kang mag-iingat. Baka mauntog ka, tapos marealize mong isang bluff lang pala ang lahat." Napangisi ako ng biglang magkulay papel ang mukha ni Eloira. Habang si Matteo ay mahahalata mo ang labis na pagtataka.
Hindi ko na sila hinintay pang magsalita at mabilis na akong lumabas ng bahay. Hindi ko alam kung saan ako pupunta. Isa lang ang gusto ko sa mga oras na iyon. Gusto kong mapag-isa.