Mahigit isang buwan na rin ang mabilis na lumipas mula ng makalabas ng ospital si Matteo. Mula noon ay wala na rin akong balita pa sa binata.
Higit pa roon ay naramdaman ko ang pagbabago sa amin ni Eloira. Parang nagkaroon ng hindi nakikitang harang sa pagitan naming dalawa.
Naging iwas si Eloira sa akin at hindi na ako pinapansin. Ipinaghahanda pa niya ako ng pagkain noon. Pero mula ng makilala naming dalawa si Matteo, nagbago na ang lahat.
Gusto ko mang kausapin si Eloira, pero hindi niya ako binibigyan ng pagkakataon. Sumasagot kung may tanong ako. Nagtatanong kung may kailangan siya. Bukod doon, nawala na ang dating kami na masaya, at palaging nagkukulitan. Higit sa lahat parang nawala ang pagmamahal niya sa akin na hindi lang parang kaibigan, kundi parang tunay na kapatid.
"Aalis ka na?" tanong ko kahit kitang-kita ko naman na aalis na siya talaga. Parang gusto ko lang na may masabi para may mapag-usapan.
"Sa tingin mo?" Pabalang niyang sagot.
Napahugot na lang ako ng hangin at hindi na pinatulan ang kanyang pagmamaldita. "Kumusta na kayo ni Matteo?" tanong ko kahit wala akong kasiguraduhan kung may ugnayan pa sila. Pero bigla rin akong nagsisi dahil halatang may komunikasyon pa nga ang dalawa. Base na rin sa pagliliwanag ng mukha ni Eloira.
"Nagkakausap naman kami." Iyon lang ang kanyang itinugon at tuluyan ng lumabas sa apartment na aming tinitirahan.
Nakatanaw na lang ako sa paglabas ni Eloira. Dati, huwag lang sobra akong late ay hinihintay niya ako papasok sa trabaho. Pero ngayon napakaaga pa, pero paalis na siya.
"Alas syete y media pa lang," nasabi ko na lang nang mapatingin ako sa sarado pang harang ng pintuan ng grocery. Naroon na rin ang ilan ko pang mga katrabaho. Pero si Eloira, wala dito. Ilang beses ko pang inilibot ang aking paningin, pero wala talaga.
Hanggang na dumating na ang sekretarya ni Mr. Go para magbukas ng tindahan. Papasok na sana ako sa loob ng may isang mamahaling sasakyan ang huminto malapit sa pwesto ko. At mula sa driver seat ay bumaba ang lalaking akala ko ay hindi ko na muling makikita pa.
"Bago na ulit ang kanyang sasakyan. Mabuti naman at okay na siya," hindi ko mapigilang saad sa aking sarili. Sa totoo lang sobrang saya kong makita siyang muli. Lalo na sa maayos na kalagayan.
Ngunit ganoon na lang ang panlulumo ko ng mula sa passenger seat ay pinagbuksan nito ng pintuan si Eloira. Bumaba ang babae na may malawak at matamis na ngiti para sa lalaki.
Pero akala ko, iyon na ang masakit. Ang sinabi ni Eloira na nagkakausap pa silang dalawa. May mas sasakit pa pala. Nang lumapat ang labi ni Matteo sa pisngi ni Eloira. Ang best friend ko, at ang lalaking unang nagpatibok ng puso. Sila na. Sigurado ako doon, dahil na rin sa kilos nila. Sinong lalaki ang hahalik sa pisngi at babaeng magpapahalik sa pisngi kung wala silang relasyon. At ako? Heto bigo na sa pag-ibig. Nawawalan na nga ng kaibigan at nag-iisang kapamilya. Tapos ay wala pang alam ang lalaking mahal niya ay basted na.
Bago pa nila ako makita ay mabilis na akong pumasok sa loob ng grocery. Alam kong wala naman akong karapatan. Wala rin akong dapat ipagdamdam. Pero nasasaktan ako. Sa unang pagkakataon nainggit ako.
"Selle, ayos ka lang?" Nabaling ang aking paningin sa isa sa mga katrabaho ko. Si Bernard. Matagal na siyang nanliligaw sa akin. Ngunit wala naman akong nararamdaman para sa kanya. Hindi ko naramdaman iyong pakiramdam na gusto ko siyang makasama ng higit pa sa pagiging magkaibigan. Walang ganoon. Kaya hindi ko siya binigyan ng kahit kaunting pag-asa.
Ang alam ko ay hindi talaga dapat narito si Bernard. Sa pagkakaalam ko rin ay may kaya ang pamilya niya. Pero dahil sa sinasabi niyang nakuha ko raw ang puso niya at kaluluwa. Ayon nag-aapply para maging empleyado dito sa tindahan ni Mr. Go.
"Oo naman. May dahilan ba para maging hindi?" Sinabayan ko pa iyon ng pagtawa.
"Para kasing napakatamlay mo. May alitan ba kayo ni Eloira? Noong nakaraan ko pa napapansin na hindi kayo nagpapansinan. Higit sa lahat wala na iyong sulyapan ninyo na kayo lang dalawa ang nakakaalam pagnariyan si Mr. Go at nanunubok ng petiks."
"Hindi naman sa ganoon. May boyfriend na kasi si Eloira. Syempre need niya ng privacy. Sige na. Lumayas ka na nga sa tabi ko. Pag ako talaga nabengga ni Mr. Go. Ipupukpok ko sa iyo itong isang bar na sabon sa ulo mo!" banta ko pa sa kanya.
"Ang harsh mo naman. Pero love pa rin kita. May boyfriend na pala si Eloira. Bakit ikaw hindi pa rin magboyfriend? Narito lang naman ako. Buong puso at kaluluwa iaalay sa iyo. Nanginginig pa."
Hinagip ko ang bareta ng sabon na kapapatong ko lang sa lalagyan at akmang ihahampas kay Bernard ng tumakbo ito palayo habang tumatawa. Nailing na lang ako ng makalayo sa tabi ko si Bernard. Kahit ilang beses ko ng nireject. Ayon at makulit pa rin.
Mabilis na lumipas ang maghapon at hindi ko napansin ang oras. Kung hindi lang ako muling nilapitan ni Bernard ay hindi ko malalamang uwian na pala.
Mabilis ko na lang na inayos ang mga gamit ko at tuluyan ng lumabas ng tindahan, at nag-abang ng sasakyan.
"Alam mo Selle, hindi mo man sabihin nararamdaman kong malaki ang problema. I'm all ear to hear what you want to share. Here," tinapik pa nito ang sariling balikat. "Here is my shoulder. Ready ng maging sandigan mo kung ano man ang problemang bumabagabag sa iyo."
Nagulat na lang ako ng marinig kong nagsalita si Bernard sa tabi. Sa lalim yata ng iniisip ko ay hindi ko man lang siya napansin at naramdaman. Tinitigan ko lang siya ng masama. Kung tutuusin ay wala naman talagang problema. Puso ko lang ang problema. Bakit ba hindi ako makamove-on ay wala namang kami? Na in love lang ako ng walang hinihintay na kapalit. Ang masakit lang bakit naman sa dami ng babae sa mundo, kay Eloira pa nagkagusto ang lalaking gusto ko.
Napahugot na lang ako ng hininga. "Paano mo naman nasabi na problemado ako. Siguro nga, at tama ka. Pautangin mo na lang kaya ako." Nakangising saad ko na lang kay Bernard. Alam ko namang hindi magandang tingnan para sa isang babaeng nililigawan ang manguntang. Parang bigla na lang iyon ang pumasok sa isipan ko para tigilan na rin ako ni Bernard.
"Magkano ba? Ten thousand lang itong pera ko dito eh. Hindi pa kasi araw ng sahod ko doon sa online job ko. Higit sa lahat sa isang araw pa ang sahod natin dito kay Mr. Go. Kaya heto tanggapin mo na. Hindi mo yan kailangang bayaran. Dahil basta ikaw, kahit na ano pa yan, nanginginig pa."
Nawalan ako ng sasabihin. Parang biglang tumigil ang braincells ko dahil sa ginawa niya. Ang plano ko ma-turn-off siya sa akin. Pero parang natuwa pa ito nang mahingan ko ito ng pabor.
"Hoy! Biro lang."
"Selle, it's my job as your suitor to give what you needs and what is the best for you. Hindi naman mabigat sa bulsa ang ibinibigay ko sa iyo. Sa katunayan kaya ko pa iyang dagdagan. Ayaw ko lang may masabi sina mommy at daddy na ang galing kong manligaw, tapos sa kanila rin lang naman pala ako aasa. At least ayan galing sa sarili kong bulsa. Mula sa aking dugo at pawis. Just take it. Pero mas mabuti sana kung isasama mo na rin pati ang puso ko."
Hindi ko malaman kung tatawanan ko ba si Bernard sa mga pinagsasasabi nito o mamamangha ako sa lalaki dahil sa tingin ko, at nararamdaman ko rin naman na mabuti talaga siyang tao.
"Joke lang talaga iyon Bern--." Hindi ko naituloy ang aking sasabihin ng biglang magsalita si Eloira sa tabi ko. Hindi ko naman siya napansin kanina habang naghihintay ako ng tricycle.
"Huwag ka ng mahiya kay Bernard, Raselle. Alam ko namang kailangan mo ng pera dahil hindi man halata alam naman nating maluho ka. Isa pa naiintindihan ko kung bakit ilang buwan ng ako ang nagbabayad sa apartment natin. Pati sa tubig at kuryente. Kasama pa ang pagkain. Pero huwag ka ng mahiya. Tinulungan ako ni Matteo sa lahat ng pangangailangan ko. Right? Hon."
Doon ko lang napansin na nasa tabi pala ni Eloira si Matteo. Napalunok na lang ako sa mga titig ng lalaki. Bakit ba parang ang sama kong tao sa mga salitang lumalabas sa bibig ni Eloira? Parang hindi kami naging magkasanggang dikit noon.
"How about the reward I gave to her?"
"A-about that," halata namang nauutal si Eloira. Alam niyang hindi ko tinanggap ang perang ibinigay ni Matteo. Para saan? Hindi ko naman kailangan. Matipid kaya akong tao. At kasinungalingan ang mga sinasabi ni Eloira. Ako nga itong dalawang buwan ng nagbayad ng lahat. Okay siya ang nagluluto at nag-aasikaso sa akin noon. Bago dumating si Matteo. Pero wala akong utang sa kanya. Siya pa nga ang may utang sa akin kung tutuusin.
"Anong tungkol doon Eloira?" may diin kong tanong sa kanya.
"Hindi mo ba naalala ang naging utang mo dahil nalululong ka sa online games? Dahil magkaibigan tayo, ako na lang ang umasikaso at nagbayad sa mga tindahan na nautangan mo. My God naman Raselle. Kung hindi lang kita mahal, baka pinabayaan na kita. Pero kahit anong mangyari, palagi lang akong narito para sa iyo. Kahit naging ganyan ka at nagkakamali minsan. Alam kong magagawa mo rin ng tama ang lahat at maaayos mo ang buhay mo. O baka naman si Bernard naman talaga ang makakapagpatino sa iyo."
Awang ang aking mga labi sa mga pinagsasasabi ni Eloira. Saan naman niya nakuha ang kwentong iyon? Ako lulong sa online games. Wala nga akong alam sa ganoon. Tinitipid ko pa nga ang load ko, at pag emergency ko lang ginagamit. Isa pa, pang one month na kaagad ang pinapaload ko pag may pera rin lang ako. Para hindi maghagad sa transaction. Sayang din ang limang piso. Tapos ngayon? Isa na akong busayak? What the big F!?
"Hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko Hon," ani Matteo habang hawak ang kamay ni Eloira. "Kundi napakabuti mong tao. Don't worry pag naayos ko na ang lahat ipapakilala kita sa mga magulang ko," wika pa ng lalaki kay Eloira, bago bumaling sa akin. "And for you Raselle, sana maging maayos ang buhay mo. Hindi lahat ng taong makakasalamuha mo ay kasing bait ng kaibigan mo. She is rare and hard to find. Paano na lang pag-umalis na siya sa poder mo. Hindi habang-buhay masasamahan ka niya. Magkakaroon din siya ng sariling buhay. Kaya habang maaga pa, ayusin mo ang sarili mo."
"Huh? T-teka lang. M-mali ang--." Hindi ko na naituloy ang sasabihin ko. Dahil matapos sabihin ni Matteo ang mga katagang iyon ay tinalikuran na nila ako at sumakay sa sasakyang alam ko namang kay Matteo. Hindi ko alam kung paano ko na lang basta tinanggap ang mga sinasabi nila tungkol sa akin na wala namang katotohanan. Nagulat na lang ako sa tapik sa balikat na aking naramdaman. Narito pa nga pala si Bernard. Nakalimutan ko na kasi siya.
"Ano 'yon? Bakit naguguluhan ako sa mga sinasabi ni Eloira? At sino ang lalaking iyon?"
"Hayaan mo na sila. Wala rin namang saysay para sa paliwanag. Mahirap makipag-usap sa taong bulag habang ang kausap ay pipi." Napabuntonghininga ako at nginitian si Bernard. "Nga pala, joke lang talaga ang pangungutang ko. Kasi nakakaturn-off kaya iyong wala pa kayo sa isang relasyon, pero may money involved na sa inyong dalawa. Kaso sa halip na ma-turn-off ka, natuwa ka pa yata. Pambihira."
Napangiti ako ng mapakamot ng ulo si Bernard na tila nahihiya. Pero mali naman ang reaksyon niya. Ako dapat ang mahiya dahil sa mga walang kwentang pinagsasasabi ni Eloira. Kahit papaano gumaan ang pakiramdam ko dahil kay Bernard.
"Eh kasi, mali ba? Baka iyon kasi ang maging unang hakbang para nagustuhan mo rin ako eh."
"Sira, mali talaga. Dapat turn-off hindi iyong lalo kang nahuhulog."
"Pero ano iyong mga sinasabi ni Eloira? Si Eloira ba talaga iyon?" Kahit naman ako hindi makapaniwala sa malaking pagbabago ni Eloira.
"Hayaan mo lang siya. Huwag mo ng intindihin. O ayan na pera mo. Itago mo na iyan. And promise hindi ko kailangan ng pera. May pera pa talaga ko. Matipid kaya ako. O ayon may tricycle na."
"Pwede ba kitang ihatid?"
"Ay naku hindi na. Babye na." Hindi ko na hinayaang makapagsalita pa si Bernard at mabilis na akong sumakay sa tricycle pauwi.
Habang binabaybay ng aking sinasakyan ang daan pauwi. Isang desisyon ang mabuo sa akin. Hindi maaaring siraan lang ako ni Eloira sa kahit na sino. Magkaibigan kami at hindi naman ako mang-aagaw. Kung siya ang gusto ni Matteo kahit totoong na in love ako doon sa tao ay wala namang problema. Ayaw ko lang makakarinig ng paninirang puri tungkol sa akin. Kahit wala naman akong ginagawang masama.