MATTEO
"Hon!"
Napakunot noo ako ng marinig ko ang boses ng babaeng sumigaw. Ilang linggo ko na rin siyang hindi nakikita. Sinabihan ko na rin naman siyang huwag na munang magtungo dito sa kompanya. Pero hindi nga niya ako pinuntahan sa opisina. Kaya lang inabangan naman ako dito sa parking lot ng kompanya.
Hindi ko alam kung bakit sa halip na excitement ang maramdaman ko, ay nakaramdam ako ng pagkairita.
"What is it Eloira? Nag-usap na tayo di ba? At tulad ng pangako ko, hindi kita pinapabayaan. Lahat ng kailangan mo, ng gusto mo binibigay ko lahat sa iyo."
"But I need you Matteo. Ikaw ang gusto ko."
"Napag-usapan na natin ito di ba? Gusto kong pagbigyan ang mga magulang ko. Nais kong ayusin ang kasal namin ni Raselle na noon pa lang dapat ginawa ko na."
"Paano naman ako? Mahal kita Matteo. Hindi naman kasi mahalaga sa akin ang pera mo. Ikaw ang gusto ko. Nakalimutan mo na ba ang ginawa niya. Nawala ang baby natin dahil sa kanya. Walang kasing sama si Raselle. Inagaw ka niya sa akin."
Nakaramdam naman ako ng habag kay Eloira ng mapansin ang pagpatak ng mga luha sa kanyang mata.
Wala naman talagang ibang dapat sisihin kung bakit magulo ang sitwasyon ko ngayon, kundi ako. Kung hindi nangyari ang lahat masaya sana kami ni Eloira na magkasama at hindi ganito.
Inaayos ko ang pagsasama namin ni Raselle dahil sa kanya ako kasal. Habang nasasaktan si Eloira, dahil sa mas inuuna ko si Raselle kaysa kanya. Gayong mas malaki ang utang na loob ko sa kanya.
"I'm sorry Eloira. Dahil sa akin nasasaktan ka."
"Wala kang kasalanan Hon. Kasalanan itong lahat ni Raselle," anito, habang patuloy lang sa pag-iyak.
Nilapitan ko si Eloira at niyakap. Isinama ko na rin siya papasok sa loob ng aking opisina. Nakita ko pa ang aking sekretarya na nakatingin sa aming dalawa. Ngunit wala naman itong sinabi maliban sa bumati ng magandang umaga.
Hinayaan ko na lang munang magpahinga si Eloira. Inalalayan ko ito hanggang sa makaupo sa mahabang sofa sa opisina. Hindi pa rin tumitigil sa pag-iyak si Eloira hanggang sa ilang sandali pa ay maging pantay ang kanyang paghinga. Nakatulog siya.
Matapos kong ayusin sa pagkakahiga si Eloira ay napansin kong hawak nito ang cellphone nito. Kaya naman kinuha ko iyon.
Ipapatong ko na sana sa table sa harap ng sofa ang cellphone niya ng makatanggap ito ng mensahe galing sa isang kaibigan nito. Hindi naman ako nakikialam ng gamit nang may gamit. Ngunit nakuha ang aking atensyon ng mabasa ang pangalan ni Raselle.
Message from a friend:
Hey sissy, guess what. Alam mo bang nakita ko dito sa hotel ang ex freny mo. Si Raselle. May kasamang lalaki at hindi ang boyfriend mo.
Para akong binuhusan ng malamig na tubig. Hindi ko alam kung totoo ang sinasabi ng nagpadala ng mensahe. Muli akong bumaling sa natutulog na si Eloira. Wala itong kaalam-alam na nababasa ko na ang mensahe ng kaibigan nito.
Hindi ko alam kung paano nangyari na nagtipa ako gamit ang cellphone ni Eloira. Gusto kong malaman ang totoo. Gusto kong siguraduhing mali ang sinasabi ng babaeng kaibigan ni Eloira.
Oo nga at wala sa bahay si Raselle. Ngunit nasa grocery lang siya at bumibili ng stock namin sa kusina at ng yarn niya. Hindi totoo ang sinasabi nito.
Matapos kong mareceive ang reply, kung saang hotel at anong room number ay iniwan ko na si Eloira na natutulog sa sofa. Hindi ko na rin nagawang magpaalam sa sekretarya ko. Ang nais ko lang ang makarating sa lugar na sinasabi ng kaibigan ni Eloira.
Ngayon lang ako natuliro ng ganito. Hindi ko alam, pero gulong-gulo ako. Kung totoong may lalaki si Raselle, iyon na ang hudyat para maghiwalay kami. Wala ng hahadlang. Kahit mga magulang ko ay magigising na rin sa kahibangan nila na mabait si Raselle.
Pero sa kaalamang iyon, parang may kung ano sa dibdib kong hindi ko maipaliwanag. Parang pinipiga ang puso ko dahil sa nararamdaman kong sakit. Nasasaktan ako pero bakit? Alam kong hindi ko siya mahal. Kaya nagtataka ako sa nararamdaman ko.
Hindi ko na naipark ng maayos ang aking sasakyan. Mabilis akong pumasok sa lobby ng hotel. Hindi rin naman ako napansin ng receptionist. Tuloy-tuloy lang ako sa paglalakad hanggang sa makarating ako sa hotel room na sinabi ng kaibigan ni Eloira.
Ilang beses pa akong humugot ng paghinga. Hindi ko alam kung ano ba ang gagawin ko? Kung kakatok pa ba ako o sisirain ko na lang ang pintuan. Wala akong pakialam sa damage, kaya ko iyong bayaran. Hanggang sa napagpasyahan ko na lang na kumatok.
Ilalapat ko na sana ang aking kamao nang mapansin kong hindi nakalapat ang pintuan. Hinawakan ko ang door knob. Oo nga at nakalock iyon. Pero dahil hindi nakalapat kaya unti-unti ko na lang iyon na itinulak.
Hanggang sa bumungad sa aking mga mata ang isang kama at dalawang tao sa hindi magandang tagpo.
Nakakubabaw ang lalaki sa nakahigang babae. Oo nga at nakadamit pa ang babae, pero ang cardigan nitong suot ay nakakalat na sa sahig. Habang ang lalaki ay wala ng suot na pang itaas.
Hinahalikan ng lalaki ang leeg ng babae. Narinig ko ang pag-ungol nito na ikinainit ng ulo ko. Bigla na lang nagdilim ang aking paningin.
"Tarantado ka!" Sigaw ko dahilan para magulat ang lalaki. Hindi ko siya binigyan ng pagkakataon para makapagsalita at inundayan ko na siya kaagad ng suntok. Dahilan para mahulog siya sa kama.
Nanginginig ako sa galit. Hindi ko matanggap ang nakita ko. Para akong hindi ako sa aking nararamdaman. Gusto kong patayin ang lalaking nasa aking harapan.
"Sino ka ba? Tama na!" Sigaw nito, ngunit bingi ako sa pakiusap niya. Hindi ko rin siya binigyan ng pagkakaton para makaganti. Lintik lang talaga ang walang ganti sa kababuyan nila.
"M-Matt," nauutal na sambit ng babaeng dahilan kung bakit ako galit na galit sa mga oras ma ito.
Lupaypay ang lalaking kanina lang ay hayok na hayok sa paghalik sa aking asawa. Kaya ng marinig ko ang boses ni Raselle ay nahimasmasan ako at tinigilan ko na ang pambubugbog sa lalaki.
Tiningnan ko siya ng masama. Bakas sa mukha niya ang takot. Tama, matakot talaga siya. Ako, sumubok akong gumawa ng paraan para maayos ang kasal namin. Tapos ito lang ang isusukli niya.
"Paano mo ipapaliwanag ang bagay na ito? At talagang nagpahatid ka pa sa akin sa grocery para lang makipagkita dito sa lalaki mo!"
"M-Matt, wala akong alam. Hindi ko siya kilala. Nasa grocery lang talaga ako at namimil-!"
Pinutol ko ang kanyang sinasabi. "Fvck you Raselle! Grocery? Sa tingin mo ba nasa grocery ka sa mga oras na ito! Kung hindi ako kaagad dumating, siguradong mas malala pa ang tagpong naabutan ko. Kailan mo pa ako niloloko ha! Gaano mo ng katagal akong iniiputan sa ulo!" Galit kong sigaw sa kanya.
Kahit galit na galit ako ngayon, tumupad ako sa pangako ko sa kanyang hindi ko na siya sasaktan ng pisikal. Huwag lang niya talaga akong pupunuin.
"M-Matt, maniwala ka naman sa akin oh. Nasa grocery lang talaga ako kanina. Tapos biglang sumama ang pakiramdam ko. Tapos hindi ko na alam ang nangyari. At ito na. Narito ka na, narito ako at hindi ko kilala ang lalaking iyan. Paniwalaan mo naman ako Matteo."
"Huling-huli ka na, tinatanggi mo pa. Sinubukan kong maging mabuting asawa sa iyo. Sinabi kong babawi ako sa iyo, ginawa ko. Tapos ito lang ang isusukli mo! Kung hindi ka pa nakita ng kaibigan ni Eloira na may kasamang ibang lalaki, dito sa hotel, ay hindi ko malalaman ang panlolokong ginagawa mo. Pinagmumukha mo akong tanga!"
"Matteo naman. Wala akong alam, inosente ako. Hindi ko alam kung paano ako napunta dito. Wala akong ginagawang masama. Pakiusap maniwala ka naman sa akin," umiiyak nitong saad. Pero hindi ako nakakaramdam ng awa kay Raselle. Bagkus ay napupuno ako ng galit, dahil sa kanyang ginawa.
Maya-maya pa ay nagtama ang aming paningin. Nanlilisik pa rin ang aking paningin sa galit sa kanya, nang bigla siyang magsalita.
"Anong sinabi mo? Nakita ako ng kaibigan ni Eloira na may kasamang ibang lalaki dito sa hotel."
"Bakit hindi ba totoo? Huling-huli ka na di ba? Ayon ang lalaki mo!" Itinuro ko pa ang lalaking dumurugo ang ilong sa tindi ng pagkakasuntok ko sa kanya. Hanggang ngayon ay wala pa ring malay.
"Hindi ko nga siya kilala at hindi ko alam kung paano ako nakarating dito. Kung kaibigan ni Eloira ang nagsabi, ibig sabihin magkasama kayo ni Eloira. Akala ko ba hindi na kayo nagkikita. Tapos ngayon magkasama pala kayo."
"Huwag mong ibintang sa akin Raselle ang bagay na ikaw ang gumagawa."
"Wala nga akong ginagawang masama Matteo."
"Nagkamali ako. Iniwan ko si Eloira para lang ayusin ang kasal natin na ikaw din naman pala ang sisira. Kung sinabi mo na sana sa akin noon hindi ka makontento sa isa. Sana matagal na tayong hiwalay."
"No! No! No! Matteo. Makinig ka, mali ang iniisip mo. Maniwala ka naman sa akin oh."
"Nakita ko na ang dapat kong makita. Nalaman ko na ang dapat kong malaman," naisagot ko na lang si Raselle at tinalikuran ko na siya.
Malapit na ako sa pintuan ng hotel room na iyon ng yakapin niya ako mula sa likuran.
Ramdam ko ang init ng katawan niya. Ang pagyugyog ng kanyang balikat dahil sa labis na pag-iyak. Ngunit hindi ko alam kung ano ang dapat kong maramdaman. Blangko ang aking pakiramdam. Para akong isang papel na punong-puno ng sulat tapos ay biglang nabura ang lahat.
"M-Matt, pakinggan mo naman ako oh. Mahal kita. Mahal na mahal, makinig ka naman," pakiusap ni Raselle. Pero wala akong panahon na makinig.
Hinawakan ko ang dalawang braso niyang nakayakap sa akin. Dahan-dahang kong inalis ang pagkakapulupot noon sa aking katawan. Bago ako humarap sa kanya.
"Hayaan mo muna akong makapag-isip-isip. Palamigin muna natin ang sitwasyon. Baka hindi ko mapigilan ang sarili ko at may magawa akong hindi maganda sa iyo ngayon. Inintindi at inunawa kita. Sinubukan kong mahalin ka, pero ito lang ang gagawin mo sa lahat ng ginawa ko. Alam kong gago ako Raselle. Pero itong gaguhin mo pa ako lalo, hindi ko matanggap."
Itinulak ko siya. Wala akong pakialam kung masaktan man siya sa ginawa ko. Mas masakit ang malamang ginagago niya ako ng patalikod. Akala ko noon, nagkamali ako ng pagkakakilala kay Raselle. Mali pala, dapat talaga mas pinaniwalaan ko pa si Eloira.
Bawat hakbang ko, habang papalayo sa hotel room na iyon ay naririnig ko ang malakas na pag-iyak ni Raselle. Dinig na dinig ko ang pagtawag niya sa pangalan ko. Pero wala akong balak na balikan siya.
Muli akong bumalik sa aking sasakyan. Inilayo ko lang ng ilang metro sa hotel na iyon ang kotse ko at dinala sa kanto kung saan wala gaanong dumaraan. Doon ko iginilid ang aking sasakyan.
Hindi ako iyaking tao, pero sa pagkakataong ito, hindi ko na napigilan ang mga luha ko. Hindi ko alam kung para saan kung bakit ako umiiyak.
Kung tungkol ba sa panggagagong ginawa sa akin ni Raselle. O dahil sa mas pinaniwalaan kong totoo ang sinasabi niyang mahal niya ako, pero isang kasinungalingan lang pala ang lahat.
Hindi ko talaga alam ang dahilan. Ang alam ko lang mabigat ang puso ko at gusto kong ilabas lahat ang nararamdaman ko.
Nang mahimasmasan ako, ay muli akong nagmaneho. Gusto kong mapag-isa. Gusto kong pag-isipan ang lahat ng desisyon ko. Sa ngayon magpapalamig muna ako. Kailangan kong maging kalmado bago ko muling harapin si Raselle.
THIRD PERSON
Mula sa aking pagkakahiga ay dahan-dahan akong bumangon. Hindi ko mapigilan ang pag-alsa ng aking ngisi ng mabasa ang mensaheng kanina ko pa hinihintay.
Naghintay pa ako akong ilang minuto bago muli tumunog iyon.
"Yes, hello."
"Finally, ikaw na iyan," sagot ng tumawag sa akin. "Akala ko ay hindi pa ikaw eh. So kumusta?"
"He's on the way."
"Okay update na lang kita. Ilang minuto lang naman ito eh, mula dyan. Oi wait-wait. Si flash ba ito? Ang bilis," komento nito na mas lalo ko lang ikinangisi.
"Sige, sundan mo lang," utos ko sa kanya. Narinig ko naman ang kanyang paglalakad. Marahan, parang may sinusubok.
"Satisfied?" tanong nito na ikinatango ko kahit hindi naman niya ako nakikita.
Matapos kong marinig ang dapat kong marinig ay mas lalo lang lumawak ang aking ngiti. Hindi ko akalaing ganoong kabilis lang ang lahat. Kung naisip ko lang kaagad ang bagay na iyon, sana ay matagal ng tapos ang problema ko.
Habang pinapakinggan ko ang kanyang pagtangis ay parang nakakaramdam ako ng kakaibang saya. Hindi ko alam kung bakit bigla akong nagbago. Nagbago ba talaga ako, o ito lang talaga ang tunay na ako.