1
Heto ka na naman, kumakatok sa’king pintuan…
NAPABUNTONG-HININGA si Maxine nang marinig ang kantang iyon ni Bituin Escalante. Tumigil siya sa paglilinis ng mga camera lens at pinatay ang radio. Nang una niyang marinig ang kantang iyon ay napangiti siya nang mapakla. Pakiramdam niya, alter ego niya ang nag-compose ng kantang iyon.
But then, ang alam niya ay wala naman siyang alter ego. At wala siyang talento sa pagbuo ng kanta man o tula. Samakatwid, nagkataon lang talaga na tinatamaan siya sa tuwing maririnig niya ang kantang iyon.
Binalikan niya ang paglilinis ng favorite equipment niya. May trabaho siya bukas. At dapat, handang-handa ang mga gamit niya.
Kasal ni Faith bukas. Isa sa labing-dalawa sa kanilang grupo na tinaguriang wedding girls. Kagaya niya ay wedding supplier din ito ni Eve, ang wedding planner and coordinator na siyang may-ari ng Romantic Events. Pang-ilan na ba si Faith sa mga wedding girls na ikinasal? Pang-siyam sapagkat bale tatlo na lamang silang natitirang hindi pa nag-aasawa.
At tiyak niya, bukas sa reception kapag nagkasama-sama silang mga wedding girls, ang magiging paksa ay kung sino naman ang susunod na ikakasal. Maghuhulaan at magkakantiyawan. Halos lahat ay tumatanggi. Walang balak. Walang love life.
Kung alam lang sana nila. At kung puwede lang sigurong mahiling niya na siya na ang sumunod ay hihilingin niya.
Pero parang suntok iyon sa buwan.
Sapagkat hindi naman siya magpapakasal sa kahit na sinong lalaki lang. Iisa lang ang nais ng puso niya. Si Xanderr.
And as if on cue, nabaling ang tingin niya sa buffet table na umaapaw sa mga litratong nakakuwadro. Puro pictures niya iyon. Ang iba, kasama ang kanyang pamilya. Ang mas marami, si Xanderr ang kasama niya.
“s**t! Bakit ba sa iyo pa ako na-in love?” himutok niyang mag-isa.
Kababata niya si Xanderr. Hindi niya alam kung kailan ang eksaktong pagkakataon na nagtagpo ang landas nila. Basta ang alam niya, nang magkaisip siya, nandiyan na si Xanderr sa tabi niya.
College days pa ng mga mommy nila ay magkaibigang matalik na ang mga ito. Nang mag-asawa si Tita Rebbie, ang mommy ni Xanderr, nang sumunod na taon ay nag-asawa na rin ang mommy niya. At palibhasa ay ayaw halos magkahiwalay, nang kumuha ng hulugang bahay at lupa sa isang subdivision si Tita Rebbie, ginawan nito ng paraan na ang makuha ng daddy at mommy niya ang katabing bahay at lote.
Sabay ding nabuntis ang magkaibigan. Nang humilab ang tiyan ni Tita Rebbie para ipanganak si Xanderr, bago nag-hatinggabi ay ipinanganak na rin siya ng mommy niya kahit kulang pa sana siya ng dalawang linggo.
Siguro kung posibleng magkatabi sa delivery table ang mga mommy nila, baka hindi pa nagugupit ang mga pusod nila ay magkadikit na sila ni Xanderr.
Hindi kalabisang sabihin na bago pa man siya isinilang sa mundo, kakabit na niya si Xanderr sa buhay niya. May naka-kuwadrong picture pa sa bahay nina Xanderr na parehong buntis ang mga mommy nila. BBF. Buntis best friends.
Hindi lang tatlong dangkal ng mga photo album ang meron sila bukod pa sa sariling album ng Tita Rebbie niya sa pawang sila ni XCanderr ang magkasama sa larawan. Partida, hindi pa uso ang digital noon. Suki na ng photo center ang mga nanay na linggo-linggo yata ay rolyo-rolyong film ang pinapa-develop.
Siguro iyon ang impluwensya ng pagkahilig niya sa camera. Lumaki siyang maya’t maya ay may pumipitik sa paligid. Noong una, nag-e-enjoy siya na siya nag kinukuhanan ng picture. Nang lumaki na siya, mas naging interesado siya na siya nag humawak ng camera.
Simula first birthday niya hanggang sa mag-pitong taon siya ay sabay silang mag-celebrate ng birthday ni Xanderr. Para din silang kambal—at madalas sila talagang napagkakamalang kambal. Ipinagpapasadya pa sila ng mga damit para terno sila. Wala naman siyang pakialam kung anuman ang suot nila. Mas excited siya sa party nila mismo. Tuwang-tuwa siya kapag ganoon, palibhasa, punong-puno ang parke ng subdivision kung saan palaging ginaganap ang children’s party. Umaapaw ang regalo sa dalawang mesa. Akala niya, kanya lahat iyon. At kapag oras na ng pagbubukas ng regalo at mga panlalaki ang nabubuksan niya, umaatungal siya ng iyak.
Napakadami niyang candid shots bilang patunay na iyakin siya. Iyong sandamakmak na pictures nila sa bawat okasyon ng buhay nila ay sapat nang makapagkwento ng mga nakaraan nila. But of course, iba pa rin ang dating kapag ang nagsimulang magkuwentuhan ay ang mga mommy nila.
Pero hindi naman masungit si Xanderr—patunay din ang mga pictures na palaging tila ito nag may iniaabot sa kanya. Maliban na lamang kung briefs na may tatak ni Batman o Superman ang regalo dito, sine-share nito sa kanya ang lahat ng regalo nito. Kahit nga damit nito kung halimbawang T-shirt o shorts na puwede niyang isuot, ipinapasa nito sa kanya huwag lang siyang umiyak.
Nakalakhan na niyang ganoon si Xanderr sa kanya. Palagi itong generous at protective. Kahit na nga ba oras lang yata ang pagitan nang mauna itong isilang sa mundo, sa tuwina ay feeling kuya ito sa kanya.
Pagkatapos ipanganak si Xanderr, nagkaroon ng habitual abortion ang mommy nito. Kahit na anong ingat ang gawin ni Tita Rebbie kapag buntis ito ay nakukunan ito bago pa man tumuntong sa ika-apat na buwan ang kabuntisan nito. Ang mommy naman niya, talagang hindi na nabuntis uli pagkapanganak sa kanya.
Pero madalas niyang marinig sa dalawang babae na kahit na hindi nagkaanak pa uli ang mga ito ay kuntento na rin. Para nang may anak na lalaki ang mommy niya dahil kay Xanderr. At siya naman, kahit kailan ay hindi niya naramdaman na itinuring siyang iba ni Tita Rebbie. Basta nga ipina-shopping nito ng gamit si Xanderr ay hindi puwedeng hindi rin siya ibibili. Hindi kailangan ng espesyal na okasyon. Ordinaryo nang may iniaabot ito sa kanya kahit sa palengke lang ito manggaling.
Akala ng ibang nakakakita sa kanila ay kambal sila palibhasa ay halos hindi sila naghihiwalay. At may mga pagkakataon din na binibihisan sila ng mga mommy nila na terno ang kanilang mga damit, kahit hindi naman nila birthday.
Pero malayo ang itsura nila kaya kapag natitigan sila, nare-realize din ng tumitingin na hindi sila kambal. Nakuha ni Xanderr ang pagiging kayumanggi nito sa daddy nito. Siya naman, minana niya ang pagiging mestiza ng kanyang ina. Singkit siya samantalang bilugan ang mga mata ni Xanderr. Natural na kulot ang buhok niya samantalang unat na unat ang buhok ng binata. Kung meron man silang pagkakapareho ay nagkataon na matangos ang ilong nila. Pero kapag magkasama sila, marami ang nagsasabing magkahawig sila.
“Paanong hindi kayo magiging magkahawig, palagi kayong magkasama?” sabi palagi ng mommy niya. “Ganoon talaga, kahit magka-iba ang features ng mukha ninyo, sa kabuuan parang magkamukha na kayo. Kasi, unconsciously, na-adopt ninyo na iyong facial expressions ang mannerisms ng isa’t isa.”
“Saka malaki ang similarity ng ilong ninyo,” sasabihin naman ni Tita Rebbie. “Siyempre, nakasentro iyan sa mukha kaya pag iyan ang nakita, nahahatak na din iba pang parte ng mukha.”
Siguro nga tama ang mga ito. At hindi lang iyon. Minsa pati ugali, nagkakapareho na din sila. Madalas nga, bago pa matapos ni Xanderr ang sasabihin nito ay alam na niya ang kasunod. At hindi lang iyon. Madalas ding mangyari na kahit sa telepono lang sila magkausap ni Xanderr, hindi pa man ito nagsisimulang magsalita ay nahuhulaan na niya ang sasabihin nito.
At mas lalo na kapag magkasama sila. Alam na alam niya kung paano babasahin ang nasa loob ni Xanderr.
Kahit sa pagtingin nito sa babae ay kabisado na niya si Xanderr. Alam niya agad kapag may gusto ito sa isang babae. O kung minsan ay uuwi ito na isang tingin pa lang niya dito ay alam na niya kung may natipuhan ito. O masakit man sa kanya, alam din niya ang itsura nito kapag in love ito!
Na siya namang ipinagtataka ng binata. Hindi kasi ito makakapaglihim sa kanya. Puwede nitong itago kung kanino ito may gusto pero hindi nito magagawang itago sa kanya nag nararamdaman nito mismo. Iyon ang paminsan-minsan na isinusumbat nito sa kanya.
“Ang daya mo. Bakit ikaw, nahuhulaan mo ang nasa loob ko? Bakit ikaw, hindi ko alam kung ano ang nararamdaman mo?” Kahit na mula’t sapul ay magkasama sila, hindi naman nito kayang gawin sa kanya ang mga iyon.
“Ganito lang talaga ako. Gifted. Or siguro nga, woman’s instinct. Malakas ang kutob,” katwiran iniya.
Sa kanilang dalawa, siya ang mas malihim. Kapag mayroon siyang sikreto, hindi kayang hulaan ni Xanderr iyon maliban na lamang kung mismong aamin siya, Naminsan parang naiinis na din siya dahil hindi niya alam kung partay na lukan lang ba talaga si Xanderr o hindi lang ito interesadong basahin nag nasa loob niya.
At pabor na rin sa kanya iyon. Dahil kung nagkataong malakas din ang kutob ni Xanderr sa kanya, di matagal na nitong nabistong in love siya dito?
Hindi bale nang mabunyag ang maliliit na sikreto ng buhay niya huwag lang ang bagay na iyon. Baka mamatay siya sa hiya!