2

1355 Words
“MAX! MAXINE!” Ni hindi tuminag si Maxine sa pagpupunas ng mga camera lens. Alam naman ni Xanderr kung saan siya matatagpuan. At ilang segundo lang ay bumukas na ang pinto ng workroom niya. “Paki-sara mo agad iyang pinto. Papasok ang alikabok,” sabi niya. Awtomatikong lumalabas sa mga labi niya ang linyang iyon kahit na sino ang pumasok doon. “Ang sungit naman. May PMS ka?” ngisi nito. “May paki naman a sinabi ko, di ba? Alam mo namang ayokong napapasukan ng alikabok ang kuwartong ito. Mahirap na. Magbabara ang alikabok sa mga gamit ko.” “Huh? Luminga ka nga sa paligid mo. Napaka-sterile na nitong kuwarto mo, Max! Para ngang puwede nang magpreform ng surgery dito, eh. Kapag nandito nga ako, pakiramdam ko, bawal ding huminga.” Umirap siya. “Eh, bakit ka nga ba nandito ka? Biyernes ngayon, ah? Wala ka bang pasok?” May posisyon ito sa isang malaking IT company. “Alam mo naman sa trabaho ko, kahit anong oras ko gustuhing pumasok puwede. Natapos ko nang maaga iyong project ko kaya free na ako.” “Kaya manggugulo ka na naman dito,” ungol niya. “Ang sungit-sungit naman,” kantiyaw nito at pinisil ang ilong niya. “Bakit wala ka sa mood? Wala kang pera?” Nagtaas siya ng kilay. “Excuse me. Mawawalan ka ng pera, ako hindi. May utang ka pa nga sa akin.” Sanay din siyang magsalito dito nang direkta. Hindi siya nangangamba kung maka-offend man siya. “Ouch! Kung may balak kang maningil, sa isang linggo na.” “Kahapon ang suweldo mo, ah?” “Oo nga. Kaya lang…” Tinitigan siya nito at saka ngumiti. “Nag-date kami ni Laura kahapon. Fine dining. Tapos nag-aya pang mag-bar hopping. Ayun! Ubos ang suweldo ko.” “Sixty thousand, inubos mo sa isang magdamag lang?” Magkahalo ang mangha at sama ng loob sa tinig niya. Buti pa ang babaeng iyon, pinagkakagastahan ni Xanderr. Samantalang siya, ganito lang. Binubuwisit palagi… at mas madalas ding inuutangan. Hindi naman niya ugaling maglista ng utang nito dahil bukod sa mabilis itong magbayad, palagi na ay sobra nag ibinabalik nito kahit na magpilitan pa sila sa pagbabalik niya ng sukli. “Hindi naman naubos. Siyempre may natira pa naman. Hindi ko nga lang maibabalik agad sa iyo iyong nahiram ko. Kulang na kasi. Alam mo naman kapag naghiram ako saiyo, gusto o buo. O kung kaya, may pasobra.” Umungol siya. “Sumahod ng sixty thousand kahapon tapos ngayon hindi na kayang makabuo ng fifteen thousand,” banggit niya sa halaga ng hiniram nito sa kanya. “Grabe. Naglustay ka ng more or less forty-five thousand.” “Palibhasa, hindi mo alam kung magkano ang isang gabi sa suite. Five start hotel iyon.” Nasamid siya. Nahiling niyang sana ay binatukan na lang siya nito kesa sa narinig niya mismo ang salitang iyon dito. Iyon na nga nag hinala niya. Na nag-check in ito dahil kung sa pagkain at bar lang, hindi nito malulustay ang ganoon kalaking pera unless bilmoko ang ka-date nito. “Masyado kang bulagsak. Hindi ka nag-iisip sa paggasta,” sermon niya dito nang makabawi. “Huwag kang maingay diyan, baka may makarinig sa iyo. Alam mo namang sa iyo ko lang inamin kung magkano ang kinsenas ko.” “Ibibisto kita kay Tita Rebbie. Gastador kang masyado. Palibhasa kapitan ng barko ang daddy mo kaya nasanay kang magaan lang ang pera. Ikaw na ba naman iyong may sustento galing sa daddy kahit na may beinte otso anyos na? At dollars pa!” Alam na alam din niya ang tungkol doon. Halos lahat naman yata sa buhay nito ay alam na niya. “Hoy, may ipon ako. Naitabi ko na roon iyong pang-savings ko saka iyong amortization ng condo unit na kinuha ko. Also, nabayaran ko na rin ang credit card dues ko. Zero outstanding amount due. Iyon namang padala ni daddy, hindi ko iyon ginagasta. Para sa future ko iyon. Ang ibig ko lang sabihin, iyong allowance ko sana for this week, iyon ang naubos kagabi. Hindi naman umabot sa forty-five thousand iyon.” “Kahit na. Biruin mo, isang gabi mo lang inubos iyong gagastusin mo sana sa loob ng isang linggo?” Nagkibit lang ito ng balikat. “Hindi bale, Max. Kapag sinagot ako ni Laura, ikaw ang una kong ililibre. Pupunta tayo sa Eastwood.” “Eastwood ka riyan. Wala ka namang ibang alam puntahan doon kundi Fazolli’s. palibhasa mura kumpara sa iba.” “Nililibre naman kita sa sinehan, ah? Mas mahal naman ang sine doon kaysa sa iba.” Nanulis ang nguso niya. “Kahit na nga ba, eh. Ni minsan, hindi mo man lang ako na-treat sa fine dining.” Nakakasakit talaga ng loob niya iyon. Pag sa ibang babae, bigay-todo ang binata sa paggasta. “One day, I will,” sabi ni Xanderr. “Buhay pa kaya ako nu’n?” eksaherado namang sabi niya. “Bakit naman hindi? Mabubuhay ka pa ng dalawang libong taon,” ngisi nito. “Ikaw na lang kung gusto mo,” pikon na sabi niya. “Baka sayad na baba ko noon sa lupa. And besides, wala namang taong nabubuhay ng dalawang libong taon.” “Maxine,” ani Xanderr na nagbago ang tono. Tila nagseryoso ang tinig. “Bakit?” angil naman niya. “Masaya ka ba diyan sa ginagawa mo?” “Maglinis ng lens? Oo naman. Saka dapat ko lang gawin ito. Dahil kung hindi, masisira ang gamit ko. Paano ako mabubuhay?” Elementary lang siya ay mahilig na siyang humawak ng camera. Nang mag-high school siya at isali ng guro sa photojournalism contest naging mas malalim ang interes niya sa photography. Natuklasan niyang iyong ang gusto niyang gawin. Nakatapos siya ng MassCom sa UP Diliman subalit ang mas pinagpursigihan niya ay ang photography. Kung anu-anong training at seminar ang dinaluhan niya upang mahasa doon. At nang matiyak niyang kaya na niya, ang naipon niyang pera ay ginamit niya upang maitayo ang Maxine De Lara Photography. Nang malaunan, pinag-aralan na rin niya ang videography. Kumuha siya ng tao na siyang in-charge doon sapagkat kahit na naging bihasa siya pagkuha ng video, mas gusto pa rin niyang still camera ang hawak. Isang taon na siyang nag-i-specialize sa wedding photo and video coverage nang magtagpo ang landas nila ni Eve sa isang wedding planners and suppliers exhibit. Pagkatapos nilang mag-usap at magustuhan ni Eve ang mga naunang trabaho niya, siya na ang kinuha nitong official wedding photographer ng Romantic Events. Maganda ang kita sa trabaho niyang iyon lalo na kung willing magbayad ang kliyente sa presyo niya. Kung hindi naman, kaya din niyang magbigay ng discount. Isa pa, nag-e-enjoy siya sa ginagawa niya. “I mean, hindi ka ba nabo-bored? Wala ka nang ibang naging hawak kundi camera,” tanong uli sa kanya ni Xanderr. “Masaya ako dito. Kahit minsan ba, narinig mo akong nagreklamo sa ginagawa ko?” “Hindi. Kaya lang, curious din ako. Wala kang social life.” “Hello! Anong wala? Madalas nga ako sa kasalan. Bukas lang, ikakasal iyong isang wedding girl. Sosyalan iyon.” “Pero nagtatrabaho ka pa rin.” “And so? Ang importante, Xanderr, masaya ako sa ginagawa ko.” “Kailan ka magbo-boyfriend?” Nasamid siyang bigla. Interesado na ba ito sa mas personal na bahagi ng buhay niya? “Malay mo naman kung may boyfriend na ako?” Tumawa nang malakas si Xanderr. “Hindi ako maniniwala.” “I have secrets, you know,” makahulugang sabi niya. Tinitigan siya nito. “Meron nga ba?” seryosong tanong nito. Ngumiti lang siya na may pa-mystery effect. Bumunot ng mabilis na paghinga si Xanderr. “Mukha namang hindi  ka in love.” “Magaling lang akong magtago.” “Wala ka palang kuwenta, eh. Tayo ang mag-best friend, hindi mo sinasabi sa aking may boyfriend ka na? Nasaan ang lalaking iyon? Hindi puwedeng makalampas sa akin iyon. Kakaliskisan ko.” “Walang pakialaman sa personal life,” supladang sabi niya. “Fine!” ani Xanderr na biglang napikon. Tumalikod na ito at diretsong umalis.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD