NAPAILING na lang si Maxine nang lumapat ang pinto matapos lumabas na doon si Xanderr. Alam niyang napikon ito pero sanay na siya doon. Saka ano nga ba ang magagawa niya? Kahit sakalin siya nito, hinding-hindi naman siya aamin. Hindi bale nang mag-imbento siya ng boyfriend. After all, may boyfriend naman siya talaga. Matagal na.
Si Xanderr mismo—sa kanyang ilusyon, sa kanyang mga panaginip. Ang binata ang kabuuan ng romantikong bahagi ng buhay niya.
Hindi niya alam kung kailan ang eksaktong panahon na tinubuan siya ng pagsinta kay Xanderr. Noong panahon na nagdadalaga siya at nagbibinata din ito ay hindi na mapirmi si Xanderr sa bahay dahil sa kabi-kabilaang panliligaw nito. Basta yata tsinita at magandang ngumiti ay liligawan na nito. Samantalang siya, kahit naman may mga nagpapahaging na noon sa kanya ay hindi siya nagkaroon ng interes sa kahit kaninong lalaki. Naiinis siya kay Xanderr kapag nagkukuwento ito ng mga escapades nito sa mga babae. At mas lalong nakakainis pag kitang-kita niya sa itsura nito ang kilig. Tuwang-tuwa naman siya kapag nalalaman niyang nababasted ito. Iyon nga lang, naaawa rin lalo na’t mukha itong lulugo-lugo kapag nabasted.
Akala niya’y simpatya lang iyon. O kaya naman ay natural lamang iyon bilang reaksyon niya dahil nagisnan na niyang sa kanya lamang ang atensyon ni Xanderr. O puwede rin naman na nakadarama siya ng pananaghili kapag nagbibigay ito ng atensyon sa iba. And lately, naiinis siya lalo dahil napakaraming tsinita na naging girlfriends nito. Bakit hindi siya nakasali sa mga tsinitang napansin nito? Bakit hindi siya ang tsinita na nililigawan nito?
Nang sumapit ang JS Prom at kinikilig ang lahat ng kaklase niya sa pagkuha sa mga crushes nito upang gawing escort, wala naman siyang ibang nasa isip kundi si Xanderr ang maging escort niya. Ang kaso lang, isang kaklase pala niya ang matindi ang crush kay Xanderr. Sobrang agap nito at nalaman na lang niya na ito ang pinaunlakan ng binata.
Hindi naman ito ang Prom Queen pero daig pa ang prom queen dahil ito ang may escort na pinaka-guwapo sa lahat.
Sobrang sama ng loob niya. Kahit na sabihin ng lahat na pinakamaganda ang gown niya nang gabing iyon, hindi pa rin maipinta ang mukha niya. Kung hindi nga lamang sa malaki ang nagastos ng mommy niya para sa gown na iyon, hindi na rin sana siya dadalo. Isa pa, pati si Tita Rebbie ay aligaga sa pag-asikaso sa paggayak niya.
“Ano ba namang ayos ang gagawin ko kay Xanderr, eh, kaya naman niyang magsuot ng Barong Tagalog? Hindi ko rin kayang lagyan ng gel ang buhok niya na kagaya nung ini-style niya. Kaya dito na lang ako sa iyo. Tutal para na rin naman kitang anak. Ikaw ang prinsesa namin, di ba? Noon pa namang maliit ka, ikaw na ang parang manika namin ni Myrna.”
At totoo naman iyon. Mas mahilig magpaganda si Tita Rebbie kesa sa mommy niya na mas hilig naman ay damit at sapatos. Kaya noong prom niya, balanse lang ang contribution ng dalawa para pagandahin siya. Ang mommy niya nag bahala sa wardrobe niya, at si Tita Rebbie, bukod sa nag-sponsor ito ng bayad sa make-up artist niya ay niregaluhan pa siya ng Clinique. Nagdadalaga na daw siya kaya dapat ay mayroon na siyang sariling kikay kit.
Kaya kahit na feeling prinsesa siya, masakit pa rin ang loob niya. Napilitan lang siyang umoo sa kaklase niyang inalok siyang date sa prom na iyon. Guwapo naman si Jonny. Napaka-gentleman pa lalo nang sunduin siya nito. Parehong aprubado ito kina Tita Rebbie at mommy niya. Ang kaso lang, si Xanderr ang tanging gusto niya.
Wala nang iba pa.
Tatlong araw niyang hindi kinausap si Xanderr dahil doon. Kahit si Tita Rebbie, na nagtataka kung bakit hindi niya pinapansin si Xanderr ay walang nagawa. Siyempre, hindi rin naman niya aaminin ang dahilan.
Lumambot lang ang puso niya kay Xanderr nang gisingin siya nito isang umaga na may dala sa kanyang isang pitsel ng taho.
Pero siyempre, kunwari ay galit pa rin siya. Kinuha niya ang taho at kinain iyong mag-isa. Sukdulang nagkakandasuka na siya dahil pinilit niya iyong maubos ay hindi niya inalok man lang ang tatakam-takam na si Xanderr. Pareho nilang paborito ang taho. Lumaki silang suki ang magtataho na awtomatiko nang tumatapat sa mga bahay nila tuwing umaga.
“Bati na tayo, ha?” malambing na sabi nito sa kanya.
“Bakit, magkaaway ba tayo?” Sinungitan niya ang tono.
“Hindi ko nga alam kung bakit ka ganyan, eh. Pero alam ko may tampo ka sa akin. Ramdam ko, eh.”
“Wow, kelan ka pa natutong makaramdam? Patay na lukan ka kaya.”
“Basta bati na tayo. Dapat nga ako na ang magtampo ngayon. Hindi mo man lang ako inalok ng taho. Para sa ating dalawa iyan, sinolo mo lang.”
“Peace offering mo, di ba? De, akin lang!”
“Sige na nga. So, bakit ka nga ganyan? Ilang araw ka nang may topak.”
“Naiinis kasi ako sa iyo. Dapat tayong dalawa ang partner nu’ng prom,” amin niya.
Tunay ang pagkagulat na bumadha sa mukha nito. “Malay ko ba naman kasing ako pala ang kukunin mong escort sa prom na iyon?” katwiran sa kanya nito. “Akala ko, iyong crush mo ang gusto mo, eh.”
“Bakit, sino ba ang crush ko?” angil niya dito.
“Aba, malay ko sa iyo. Alangan namang ako?”
Exagerrated ang reaction niya. “Ang kapal mo naman! Hindi ikaw. Ayoko sa iyo, negro.”
“Kayumanggi lang, sobra ka namang manlait. Ikaw nga, eh, sobrang puti mo. Mukha kang kokomban.”
Bumunghalit siya ng tawa. “Grabe ka, Xanderr. Nakakahiya, ang laki mo na, kokomban pa rin tawag mosa bond paper.”
“Eh, nilait mo iyong kulay ko, eh.”
Tiningnan niya ito nang masama. “Na-offend ka? Ibuhos ko kaya sa iyo itong taho?”
“Ooopps, bati na tayo. Tinanggap mo na ang peace offering ko na iyan.”
Napangiti si Maxine. Isa iyon sa mga away-bati episode ng buhay nila ni Xanderr. Sa tuwing maaalala niya ang mga iyon ay hindi uubrang hindi siya mapangiti. Pero minsan, nalulungkot din siya.
“May girlfriend na ako, Max! Sinagot na ako ni Kim.”
Kim. Siguro ay tsinita na naman iyon. Tuwang-tuwa si Xanderr, ang itsura ay mukhang naka-jacpot sa sweepstakes. Gusto man niyang mahawa sa tuwa nito, hindi niya magawa. Hindi niya maipaliwanag kung bakit sa halip ay lungkot ang namayani sa puso niya.
At kabaligtaran naman ng lungkot ni Xanderr nang pagkaraan ng dalawang linggo ay bulabugin siya nito, natuwa siya sa narinig.
“Break na kami ni Kim. Hindi naman daw niya ako talagang mahal.”
Naawa siya kay Xanderr pero gusto rin niyang magdiwang para sa kanyang sarili. Iyon nga lang, siyempre ay hindi niya puwedeng ipakita na natutuwa siya. Dahil siya man, nang mga panahong iyon ay hindi niya naiintindihan kung bakit ganoon ang nararamdaman niya.
Nagising si Maxine isang umaga at hindi niya alam kung bakit inuna niyang dumungaw sa bintana. Hindi pa siya naghihilamos man lang at ramdam niyang naglalangis ang kanyang mukha. Buhol-buhol pa ang buhok niya at sinuklay lang niya iyon ng kanyang daliri. Palibhasa ay kulot naman siya, hindi nya kelangang maghagilap ng suklay.
Si Xanderr ang nadungawan niya. Nasa garden ito at nagda-dumbbell. Nang mag-angat ito ng mukha at mapatingin sa kanya ay nginitian siya.
Hindi na bago iyon. Ang bago ay ang malakas na kabog na bigla na lamang niyang nadama sa kanyang dibdib. Hindi niya maintindihan kung sisinukin siya o parang mabibilaukan. The emotion that welled inside her was so strange. Bigla siyang tumalikod at tinungo ang banyo.
Sa salamin doon ay tinitigan niya ang kanyang sarili. There was nothing new in her physical being. Pero sa sarili niyang mga mata ay nabasa niya at nagising siya sa isang katotohanan.
She was in love with Xanderr.