PAKIRAMDAM ni Maxine ay nanginginig ang buong kalamnan niya. Kung kanina, kung anu-anong hinala lang ang basehan niya, ngayon ay alam niyang mas may dahilan na siya para magalit. Boses mismo ni Agatha iyon. Hindi ito makakapagkaila.
Sinaid niya ang orange juice na para bang mahuhupa niyon ang galit na nararamdaman niya. Ilang pagbuga ang ginawa niya para makapagtimpi pa siya. Ga-hibla na lang ng sinulid ang pasensya niya. Naglabas siya ng pera at ibinaba iyon sa mesa.
“Hello, Agatha,” lapit niya sa mga ito. Kitang-kita niya kung paano tila natuka ng ahas ang naging ekspresyon ng babae. Lalong nawalan ng kulay ang maputlang kulay nito. Nakaawang lang ang mga labi nito pero hindi nakuhang magsalita ga-pantig man.
“Hindi mo na kailangang magsalita,” kalmanteng sabi niya bagaman nasa mga mata niya ang pinipigil na paghulagpos ng galit. “Narinig ko naman ang pinag-usapan ninyo, eh. Okay na iyon,” pauyam na wika niya.
“Sino ka?” anang lalaki na kasama nito.
“Kilala ako ni Agatha,” matabang na baling niya dito. “Agatha, kung may malasakit ka man lang kay Xanderr kahit katiting lang, maging tama sana ang desisyon mo. At gusto ko lang ipaalala sa iyo, napakabuting tao ni Xanderr para lang makasal sa kagaya mong iba naman pala ang totoong mahal.”
Iyon lamang at umalis na siya. Pagbalik niya sa kanyang kotse ay para siyang mauupos na naupo doon. Hindi niya agad nagawang magmaneho. Sinapo niya ng dalawang palad ang kanyang mukha at saka humagulgol.
Hindi siya nagsisisi sa ginawa niyang eksena. Sa paniniwala niya ay tama lang iyon. Ni hindi nga siya nag-eskandalo. Kaya lamang ay lubha siyang nasasaktan para kay Xanderr at para sa kanyang sarili. Parang hindi patas ang buhay. Totoo, mabuting tao si Xanderr. Mapagmahal. Pero bakit ang lahat ng babaeng minamahal nito ay hindi ito magawang mahalin ng kagaya ng pagmamahal ni Xanderr sa mga ito?
At eto naman siya, lihim na nagmamahal sa matalik niyang kaibigan. Bakit hindi na lang mangyari na siya ang mahalin ni Xanderr? Tiyak na tiyak siya, higit pa sa kayang ibigay ni Xanderr ang pag-ibig na iuukol niya dito.
Biglang tumunog ang kanyang telepono. Ayaw sana niyang sagutin iyon sa isip na baka si Agatha ang tumatawag sa kanya pero nang hindi iyon tumigil ay sinagot na rin niya.
“Hello? Sino ito?” sagot niya habang pinatatatag ang tinig.
“Max, si Keith ito. Remember, iyong buddy ni Xanderr sa office?”
“Yeah, bakit?”
“Nandito kami sa Manila Pen. Sinorpresa namin si Xanderr ng stag party, eh. Kaso, kauumpisa pa lang ng highlight mukhang malakas na ang tama.”
“Pinainom ninyo?” pabiglang wika niya. “Mahina iyan sa inom!” halos bulyaw niya dito.
“Oo nga, eh. Tumatawag kami sa bahay niya, walang sumasagot. Naisip ko, ikaw na lang ang tawagan. Baka hindi na magawang magmaneho nito pauwi. Pakisabi mo na lang sa mommy niya, baka umagahin na ito dito. Nandito naman ako. Sasamahan ko siya kung magbabaklasan na ang tropa.”
“O-okay. Sige, salamat.” Pinatay na niya ang cellphone at tinuyo ang mukha. Ilang beses siyang huminga upang pakalmahin ang sarili.
Nang binuhay niya ang makina ng sasakyan ay binuksan din niya ang stereo. Kailangan niya ng kaunting ingay upang mas paano ay mabawasan ang iniisip niya kahit habang nagmamaneho man lang.
Kaya naman ganoon na lang ang pait ng pag-iling niya nang marinig ang kantang pumailanlang.
Narito lang ako, kasama mo buong buhay mo, ang kulang na lang, mahalin akong lubusan…
Sa halip na patayin ay hinayaan niyang matapos ang kantang iyon. Iyon ang theme song niya para sa kamartiran ng pag-ibig niya kay Xanderr.
“Kung ako na lang sana. Bakit hindi na lang ako, Xanderr?” malungkot na wika niya.
At saka siya mapaklang napangiti. Habang nasa isang hotel si Xanderr at binibigyan ng stag party, nasa ibang hotel naman si Agatha at kapiling ang ibang lalaki. Kaya kaya niyang sarilinin ang impormasyong iyon?
Kapag nanahimik siya, parang hinayaan na rin niya na gaguhin ni Agatha si Xanderr. Matatali ito sa isang kasal na wala naman palang kuwentasa simula pa lang.
Pero hindi rin naman niya agad na masasabi kay Xanderr ang alam niya. Sabi nga ng tumawag sa kanya, lasing na ito.
At nanlaki ang mga mata niya na tila natauhan. Lasing si Xanderr. At tiyak niya, wala itong kamalay-malay sa kung ano ang nagaganap sa sarili nito.
Tiningnan niya kung nasaan na siya. At nang matiyak kung anong ruta ang dadaanan niya, sa halip na umuwi ay dumiretso siya sa hotel. Maano ba kung mapagsabihan siya ng mga kaopisina ni Xanderr na nanggugulo sa stag party ng mga ito? Wala naman siyang balak na makialam sa palabas ng mga ito. Iuuwi lang niya ang binata kapag tapos na ang party.
Inabot niya ang cellphone at tinawagan si Keith upang itanong kung nasaan sa Manila Pen ang mga ito.
*****
NASALUBONG niya sa lobby si Keith at ang lima pang lalaking kasama nito.
“Si Xanderr?” tanong niya.
“Nasa itaas. Susunduin mo?” ani Keith.
“Kung tapos na ba ang party, eh,” sabi niya.
“Tapos na ang party naming lahat. Pero siya may private party pa,” wika ng isang lalaki, puno ng malisya ang mukha.
Kaswal lang siyang tumango. “Sige,” at nilagpasan na niya ang mga ito. Pinindot niya ang doorbell sa tapat ng hotel suite. Pag-awang pa lang ng pinto ay binati na siya ng matapang na amoy ng alak. Pero ang mas naka-shock sa kanya ay ang babaeng tumambad sa kanya. Maganda ito at makinis pero maaaninag sa mga mata ang trabaho nito. Obviously, ito ang regalo ng mga lalaki para kay Xanderr.
“Bakit?” mataray na tanong ng babae.
“Si Xanderr?” mas mataray namang tanong niya.
“Sino ka?”
Pikon na tinabig niya ito at pumasok sa loob. “Xanderr!”
“I’m here!” sagot ni Xanderr, hubad-baro ito na nakahandusay sa sofa at lasing na nga.
“Miss, ikaw ba ang bride to-be?” lapit sa kanya ng babae.
“Umalis ka na, please. Ako na ang bahala dito.” Nilapitan niya si Xanderr at tinapik-tapik ang mukha. “Xanderr, si Maxine ito.”
“Maxine?” ulit nito, walang rekognisyon sa tinig.
“Ako nga. Bakit ka uminom? Alam mo namang hindi mo kaya.” Sa sulok ng mga mata niya ay nakita niyang nakamasid ang babae sa kanila. “Sige na, umalis ka na,” taboy niya dito.
“Well, bayad na naman ako kahit hindi pa ako nagsisimula. Sorry, no refund. Kaya lang, sayang din sana iyong tip ko.”
Napailing siya. Kumuha siya ng pera at ibinigay dito. “Ayan, alis na. Bilis!”
Hinagilap niya ang damit ni Xanderr. Nalukot ang ilong niya nang matagpuan iyon na marumi sa mantsa ng pagkain at alak. Gayunman ay ibinihis pa rin niya iyon sa binata. Ibinangon niya ito subalit hindi pa man sila ganap na nakakatayo ay pareho din silang nabuwal dahil sa bigat nito.
Napailing siya. Inalalayan pa niya itong muli subalit nakailang hakbang lang sila ay bumigay na naman ito.
“Xanderr, ano ka ba? Pilitin mong lumakad. Uuwi na tayo,” inis na wika niya.
“Lasing nga, eh,” sagot nito. “Bakit uuwi? May show pa, di ba? Nasaan na ba iyong regalo sa akin?”
“Wala. Pinaalis mo na.”
“Ang ganda pa naman.”
Hindi na nakapagpigil na sinampal niya ito nang bahagya. “Mabuti pa iyong babae, kahit bayaran nagagawa mong makita ang ganda. Samantalang ako habang-panahong nasa tabi mo, lagpas-lagpasan lang ang tingin mo,” masaklap na sabi niya.
“Regalo ka rin ba sa akin?” ani Xanderr.
Nanlaki ang mga mata niya. “Hoy, Xanderr! Sasampalin na kita nang totoo!” At napailing na lang siya nang makitang wala na nga ito sa huwisyo.
Sumalampak siya ng upo sa tabi nito. Tinitigan niya si Xanderr at inisip kung ano ba ang gagawin niya dito.
“Kiss nga tayo,” sabi nito sa kanya.
“What?” gulat na sagot niya.
“Kiss. Like this.” At kinabig siya nito.
Mulagat na mulagat ang mga mata niya nang maglapat ang kanilang mga labi. Kung tutuusin, siya ang nasa tamang huwisyo at hindi si Xanderr pero kung ang halik na iyon ang susukatin ay parang siya ang wala sa huwisyo.
Parang maiiyak siya sa emosyong gumapang sa dibdib niya. Maaaring hindi aware ang binata kung sino ang hinahalikan nito pero para kay Maxine, isang gintong pagkakataon iyon sa kanya.
A dream come true.
Ginantihan niya ang halik na iyon. Kung iyon lamang ang tanging pagkakataon upang maranasan niyang halikan siya ni Xanderr ay sasamantalahin na niya. Naisip niya, mabuti na ngang lasing ito. At least, hindi nito matatandaan iyon. Walang magbabago sa dati na nilang samahan. There would be no awkward moment later.
Ipinikit niya ang mga mata at ninamnam ang tamis ng halik na iyon. Hindi bale nang lasang alak ang halik. Alam naman niya, ang mas nakakapagpaliyo sa kanya ay ang mismong mga labi ni Xanderr.
She never thought a kiss would be this wonderful. Madalas niyang marinig iyon mismo kay Xanderr. Ibang klase raw ang halik kapag mahal mo ang isang tao. At natuklasan niya, kapos ang mga ekspalanasyon ni Xanderr. Kapos ang mga salita upang mapantayan ng eksakto ang ligayang nararanasan niya ngayon.
“You’re so sweet, honey,” wika ni Xanderr at lalo pang pinalalim ang halik.
Nagpaubaya si Maxine. Nang yakapin siya nito ay niyakap din niya ang binata. Pinangahasan niyang damahin ang katawan nito. At ganoon din naman ang ginagawa ni Xanderr sa kanya.
Nang mahubad ang kanyang damit, katiting mang pagtutol ay walang mababakas sa kanyang mukha. Magkatulong pa sila ni Xanderr na tinanggal ang mga saplot nila sa katawan.
She knew she was going too far. Lasing man si Xanderr ay matino naman ang pag-iisip niya. Pero mas malakas ang hatak ng tunay niyang damdamin dito. At kakampi niya ngayon ang pagkakataon upang kahit sa sandali man lang na iyon ay maranasan niyang makapiling ang binata.
“Oh, God!” wika ni Xanderr nang magkadikit ang mga hubad nilang katawan.
Yakap siya nito at muli ay hinahaplos ang buong katawan niya. Alipin si Maxine ng sigaw ng kanyang puso at katawan. Kumilos siya upang simulan na ang kaganapan.
“Xanderr, make love to me,” buong tapang na sabi niya dito.
“Yes, honey. Yes.”
Ipinikit niya ang mga mata at hinintay na angkinin siya ni Xanderr. Dumagan ito sa kanya at nakagat ang ibabang labi sa labis na nerbyos. Subalit walang-wala siyang balak na umurong pa.
Lumipas ang mga segundo subalit wala ang inaasahan niyang pag-angkin.
Napakunot ang kanyang noo. At lalo na nang bumaba sa tabi niya si Xanderr.
“s**t!” wika nito.
And then she knew. He lost his erection.
Hindi niya alam kung tatawa o manghihinayang.
Kumilos siya upang takpan ang kanilang mga kahubdan. Hindi niya matanaw kung saan umitsa ang maliliit nilang saplot kaya naman inabot na lamang niya ang throw pillow at iyon ang ipinantabing sa kanilang katawan.
“Xanderr?” tawag niya dito at bahagyang tinapik ang mukha. Nakapikit na ito. Ilang beses pa niya itong tinawag saka niya natiyak na nakatulog na ito sa kalasingan.
Napailing na lang siya. Dumukwang siya dito at dinampian ng halik ang mga labi. “I love you, Xanderr. I love you so much.”
Nahiga siyang muli at umunan sa braso nito. Wala siyang balak na tapusin agad ang gabing iyon. Kahit na may panghihinayang sa kanyang puso, alam niyang hawak pa rin naman niya ang pagkakataon. Gusto pa niyang maranasang katabi si Xanderr kahit ganito lang.
Tinitigan niya si Xanderr. Bawat bahagi ng katawan at mukha nito ay wala siyang pinalampas. Kahit na kabisado na niya ito, hindi pa rin siya nagsasawang pagmasdan ito. At alam niya baka hindi na maulit ang ganito.
Naalala niya si Agatha. Ang totoo, hindi naman siya ganoon kasigurado sa desisyon ni Agatha. Maaring pabor iyon sa kanya o hindi. Kung pipiliin ni Agatha si Xanderr, masasaktan siya subalit hindi mapapahiya si Xanderr sa mga tao. Pero alam niya, unfair din iyon kay Xanderr sapagkat ibang lalaki ang totoong mahal nito.
At kung pipiliin naman ni Agatha ang lalaking iyon, tiyak na masasaktan si Xanderr. At kapag nakita niyang nasasaktan ang binata, ramdam na ramdam din naman niya ang sakit na iyon.
Hinaplos niya ang mukha ni Xanderr. “I love you, Xanderr. Kahit na anong mangyari, nandito lang ako.”
Sumiksik siya sa tabi nito at pumikit. Gusto niyang namnamin pa ang sarap ng pakiramdam na ganito kalapit dito.
Kahit sa hiram na sandali lang.