“MAXINE! Maxine!”
Tulirong dumilat si Maxine. Nang matambad sa kanya ang hubad na kabuuan ni Xanderr, napapikit siyang muli. “Oh, my God!” she breathed. Ang unang pumasok sa isip niya ay bumuka sana ang lupa at kainin na lang siya.
“Maxine! Anong ginagawa mo dito?” malakas na tanong sa kanya ng binata na para bang ang layo-layo nila sa isa’t isa.
Hindi siya sumagot at hinanap ang kanyang mga damit. Gusto man niyang magsisi ay huli na. Nang pumikit siya kagabi, hindi niya binalak na matulog. Gusto lang niyang mas maramdamang katabi si Xanderr.
At ngayon ay huli na ang lahat. At alam niya, hindi na rin niya kakampi ang pagkakataon. Kakailanganin niyang magpaliwanag.
Tila walang anumang tinungo ni Xanderr ang banyo na walang tabing ang katawan. Nang lumabas ito, nakatapis na ito ng tuwalya at isang roba ang iniabot sa kanya. “Here,” sabi nito.
Walang kibo na inabot niya iyon. Ngayon niya nararamdaman ang hiya. Nahalata iyon marahil ni Xanderr kaya tumalikod ito sa kanya. Ito ang pumulot sa mga damit nila na nagkalat sa buong silid.
“Mauna ka nang gumamit ng banyo,” anito.
Tumango siya. Nang pumasok sa banyo, ni tingin sa malaking salamin na naroroon ay hindi niya ginawa. Kahit siya mismo ay parang hindi niya magagawang tingnan ang sarili sa labis na hiya.
Minadali niya ang pag-aayos ng sarili. Nang lumabas na siya roon, hindi pa rin niya magawang tumingin kay Xanderr.
“Don’t leave. We’ll talk,” seryosong sabi ni Xanderr at ito naman ang gumamit ng banyo.
Sa sala siya naghintay. Kung gusto niyang takasan si Xanderr ay maaari pero alam niya, hindi naman ito titigil hangga’t hindi sila nag-uusap. At alam din niya, mas mahirap resolbahin ang sitwasyon nilang iyon kapag may nakaalam pang iba tungkol doon. Mas mabuti na ngang bago sila lumabas sa silid na iyon ay mag-usap na sila nang maayos.
Ipinako niya ang tingin sa kanyang kandungan habang naghihintay siya. Hindi niya magawang igala ang tingin sa paligid. Ngayon lang niya natanto kung gaano karumi ang paligid. Nagkalat ang bote ng alak pati pagkain. Sa mesita ay naninigas na ang mga tirang pagkain. Sa isang bahagi ay naroroon ang winasak na higanteng mock cake. Kung saan sa ganoong party ay karaniwang babae ang lumalabas.
She couldn’t believe she almost lost her virginity in a messy place like this.
Nagulat pa siya nang lumabas ng banyo si Xanderr. Bago ang poloshirt na suot nito, malamang ay inorder buhat sa boutique sa ibaba. Bagong ahit na rin. Katiting mang bakas ng kalasingan nito ng nagdaang gabi ay hindi na makikita dito. Iyon nga lang, nasa mga mata nito na hindi basta makakalimutan ang gabing iyon.
“Kumuha ako ng ibang kuwarto,” malamig na sabi nito. “Doon na lang tayo. Alam ko namang pareho tayong hindi makakatagal na ganito ang paligid.”
Tumango lang siya.
Isang silid lang ang pagitan ng silid na kinuha nila. Nang naroon na sila, lalo niyang naramdaman ang tensyon.
“First things first,” ani Xanderr. “What would you like for breakfast?”
“Xanderr, alam mong hindi ako makakakain kapag ganito ang sitwasyon.”
Tumikwas ang sulok ng bibig nito. “Nangyari na ba sa iyo ang ganitong sitwasyon dati?”
“Huwag kang pilosopo,” pabuntong-hiningang wika niya.
Dinampot ni Xanderr ang telepono at nagpaakyat pa rin ng dalawang continental breakfast. Nakaupo naman siya sa sofa. Ang mga kamay ay nakapatong sa kandungan na parang behaved pupil. Nakatingin lang siya kay Xanderr. Hindi niya alam kung alin ang mas matimbang sa kabog ng dibdib niya. Takot o kaba.
At hindi rin naman kumikibo ang binata. Nang dumating ang kanilang pagkain, ibinaba nito iyon sa mesita sa tapat niya.
“Kailangan ko ng kape para sa hangover ko.”
“I know,” aniya at nagkatinginan sila.
“Of course. Alam mo ang lahat tungkol sa akin,” may pasaring na wika nito. “Kumain ka na. Magugutom ka niyan. Maski naman paano, alam kong madali kang magutom. But now, mas sigurado akong madami pa pala akong hindi alam sa iyo.”
Pinili niyang huwag na lang patulan ang pasaring nito. Kinuha niya ang tasa ng kape at dinala iyon sa mga labi. Tahimik silang nag-almusal. Nang matapos sila, alam ni Maxine, hudyat na iyon upang mag-usap sila.
*****
“PAG-UUSAPAN natin ito nang maayos, Maxine,” wika ni Xanderr. “Paano kang napunta kagabi sa party?”
“Tinawagan ako ni Keith. Wala daw sumasagot sa inyo kaya sa akin tumawag. Ipapasabi lang sana niya na baka hindi ka makauwi dahil lasing ka.”
“And then?”
“Naisip ko, wala ka naman sa sarili mo kapag lasing ka. Pinuntahan kita. Lasing ka na nu’ng dumating ako. May babae kang kasama, itinaboy ko na.”
“Yeah, natatandaan ko pa iyon.”
“Eh, ako, hindi mo na alam na dumating ako?”
Umiling ito. At pagkuwa ay tinitigan siya. “What happened, Maxine?” banayad na tanong nito mayamaya.
Muli siyang nakadama ng hiya. Kaya ba niyang isa-isahin dito ang naganap sa kanila?
“Xanderr…” aniya at hindi na malaman kung ano pa ang idudugtong. Pakiramdam niya ay nag-iinit ang magkabilang pisngi niya.
“Lasing ka rin ba kagabi?” he asked again. “Pinilit ba kita?”
Marahan siyang umiling. “Xanderr, kasi…”
“Masama ang loob ko sa iyo noong isang gabi,” sabi nito. “Inamin mong marami kang sikreto sa akin. Tungkol rin ba iyon sa akin?”
Dahil sa hiya at tensyon napaiyak na lang siya.
“Maxine,” he said gently at tinabihan siya nito. “Mag-usap tayo.”
“N-nakakahiya, Xanderr,” iyak niya.
“Nakakahiyang mahalin ako?”
Napatingin siya dito.
“Kanina ko pa iniisip, Max. Paano puwedeng mangyari ang nangyari sa atin kung lasing ako at hindi naman kita pinilit? Tapos ay naalala ko, sa ating dalawa ay ikaw ang malihim. Maybe, you have crossed the borderline of our friendship. Maxine, it’s okay. Kilala mo naman ako na pipiliin kong intindihin ang mga bagay. If you really did, don’t feel so down. Hindi ako nagagalit.”
Napailing-iling siya. “H-hindi naman puwede, Xanderr. Lalo na ngayon, ikakasal ka na.” At napapikit siya nang mariin. Hindi pa nga pala niya nasasabi ang tungkol sa natuklasan niya kay Agatha. Hindi rin niya tiyak kung ito nag tamang pagkakaton para sabihin niya dito ang natuklasan niya. Paano kung hindi ito maniwala? At paano din kung malaman man nito ang totoo ay mas piliin pa rin nito si Agatha?
“Pero mahal mo ako?” arok nito.
Iyak ang isinagot niya.
“Maxine, look at me,” banayad na utos nito. “Gusto kong marinig mula mismo sa bibig mo ang totoo. Mahal mo ba ako?”
Ikinurap niya ang mga matang nanlalabo sa mga luha. Gusto niya kapag sinagot niya ang tanong na iyon ng binata ay makita nito kung gaano siya katotoo sa salitang bibitawan niya.
“Mahal kita, Xanderr. I have always been in love with you.”
Tinitigan siya nito at saka yumuko. Diniinan nito ng daliri ang pagitan ng mga mata. “Bakit hindi mo sinabi sa akin?” mahinang tanong nito nang muling mag-angat ng mukha.
“Hindi ganoon kadaling gawin iyon.”
Isang paghinga ang ginawa nito at saka tumango. “Let me embrace you.” At bago pa siya nakasagot ay nayakap na nga siya nito. “Mahal kita, Maxine. Buong buhay ko, sunod sa mga magulang ko ay ikaw na ang minahal ko. May mga pagkakataong inisip ko, kaysa sa tumitingin ako sa ibang babae, bakit hindi na lang sa iyo? Pero tama ka, hindi madaling gawin iyon. Nakakatakot sumugal na ang nakataya ay ang pinagsamahan natin buhat pa nang ipanganak tayo.” Bumitaw ito ng yakap at buong suyong hinaplos ang kanyang mukha. “Bakit kailangang ngayon lang ito mangyari, Maxine? Bakit kung kailan nakahanda na ang lahat para sa kasal ko?” malungkot na sabi nito.
“Alam kong si Agatha ang mahal mo, Xanderr. Nakikita ko naman iyon. Kaya nga nanahimik lang ako. Talagang itatago ko ang totoong nararamdaman ko, kaya lang, hindi ko akalain na aabot sa ganito. Kagabi, habang magkatabi tayo, ang balak ko sana ay pumikit lang. Pero nakatulog ako at—”
“Nauna akong nagising,” pagtatapos nito. “Iyon na siguro ang naging daan upang matuklasan ko ang lihim mo.”
“Galit ka ba sa akin?” she asked.
“Hell, no. Bakit ako magagalit sa iyo? You know me too well. Nagtatampo ako sa iyo paminsan-minsan pero hindi ko nagawang magalit sa iyo.”
Bahagya siyang napangiti. “Thanks.”
Gumanti lang ng ngiti sa kanya si Xanderr at tinitigan na naman siya. Mayamaya ay isang malalim na paghinga ang pinakawalan nito. Tila sa ganoong paraan idinadaaan ang mga salitang hindi magawang bitiwan ng mga labi.
“Nalilito ako ngayon, Maxine,” sabi nito. “Bukas na ang kasal ko.”
Naalala na naman niya si Agatha. Paano ba niya sasabihin ngayon kay Xanderr ang tungkol sa alam niya na hindi nito iisiping ginagawa niya iyon para maging pabor sa kanya?
“Kung… kung mahal ka rin ni Agatha. Kung liligaya ka sa piling niya, walang problema sa akin, Xanderr. All my life, nandito lang ako sa tabi mo. Pero kung kailangang lumayo ako para magkaroon kayo ng katahimikan, gagawin ko. Pero tiyakin mo lang na kay Agatha ka nga liligaya.”
“Mahal ko siya, Maxine. Pero mahal din kita. Magkaiba siguro ang uri ng pagmamahal na inuukol sa inyong dalawa pero ngayong nalaman ko ang tungkol sa totoong nararamdaman mo sa akin, bigla ay hindi na ako ganoong kasigurado sa sarili ko para magpakasal kay Agatha.”
“Xanderr, maiintindihan ko kung magpapakasal ka pa rin kay Agatha. Hindi ako tututol doon. Pero gusto ko lang makatiyak na mahal na mahal ka rin ni Agatha. Na… na walang ibang lalaki siyang mamahalin kundi ikaw lang.”
Kumunot ang noo nito. “Ano ang ibig mong sabihin?”
Naumid siya. Parang nawala ang kaunting lakas ng loob na mayroon siya kung sabihin na kaya niya kay Xanderr ang nalalaman.
Napailing na lamang siya. “Ang ibig ko lang sabihin, gusto kong maging maligaya ka sa magiging buhay mo. You deserve it, Xanderr. You’re such a good man. You deserve a happy married life.”
“Pero paano ka? Masasaktan ka kapag nagpakasal pa rin ako kay Agatha.”
Malungkot siyang napangiti. “Dati na akong nasasaktan, Xanderr. Sa tuwing mayroong ibang babae na pinag-uukulan mo ng pansin, nasasaktan ako. Nasanay na akong unti-unti. Masasanay pa rin ako hanggang sa maging manhid na ako.”
“Ganoon ka selfless ang pag-ibig mo sa akin? Handa kang magtiis na lang?”
“Why not? Kung sa ganoong paraan ay ikaw naman ang liligaya?”
Muli siyang niyakap ni Xanderr. “Oh, God, Maxine. I never thought you could love this much.”
“Sa iyo lang, Xanderr. Dahil ikaw lang naman ang kaisa-isang lalaking minahal at mamahalin ko.”
Sinapo nito ng magkabilang palad ang kanyang mukha at masuyo siyang pinagmasdan. “I’m so sorry, Maxine. Hindi ko sinasadya kung nasasaktan kita.”
“Wala kang kasalanan, Xanderr. Ako ang dapat sisihin. Pero hindi ko rin naman sinadyang mahalin ka. Basta naramdaman ko na lang.”
“I wish I had known about this sooner. Sana noong panahong hindi ako tila maiipit sa nag-uugpungang bato kagaya ngayon.”
“Don’t worry about me. I’ll get by.” At napaluha na naman siya.
“Ssshh,” alo nito sa kanya.
“Kiss me, Xanderr,” samo naman niya. “K-kahit ngayon lang.”
Pinagbigyan naman siya ng binata. Ang mga labing dumampi sa kanya ay puno ng ingat at suyo. Tila hindi na niyon ninanais na dagdagan pa ang sakit na nararamdaman niya.
Punong-puno na naman ng iba’t ibang emosyon ang kanyang dibdib. It was bittersweet. Sapagkat habang nararanasan niya ang halik nito, gaano man kasarap iyon ay alam niyang iyon na marahil ang huling pagkakataon. Gumalaw ang kanyang mga labi upang tuguhin ang halik nito. Ang halik na iyon ang maiiwan sa kanya kapag lubusang mawala ito sa kanya.
“I love you, Xanderr. I love you so much,” umiiyak na anas niya nang matapos ang halik.
Isang masuyong halik ang itinugon nito sa kanya at saka siya niyakap.