“WHAT NOW?” tanong ni Maxine sa sarili nang makauwi na. Sabay silang umuwi ni Xanderr subalit hindi sila nag-uusap habang nasa biyahe. Tila okupado sila ng kani-kaniyang iniisip. Kahit nang maghiwalay sila sa pag-uwi, bahagyang tango lang ang tangi nilang naging komunikasyon sa isa’t isa.
Hindi niya alam kung magsisisi siya na pinalampas niya ang pagkakataon na hindi sinabi kay Xanderr ang tungkol sa pagkakaroon ni Agatha ng ibang lalaki. Alam niya, may pagkakataon pa rin naman siya. Ang hindi lang niya alam ay kung magkakaroon pa siya ng lakas ng loob upang sabihin iyon.
Napaigtad pa siya nang marinig ang ring ng kanyang telepono. Dinampot niya iyon at nakitang si Agatha ang tumatawag.
“Hello?” sagot niya.
“Maxine, this is Agatha,” pakilala pa rin nito. “Gusto ko sanang malaman kung nagsumbong ka kay Xanderr.”
Gusto niyang tarayan ito subalit sa tinig ni Agatha ay mukhang mas natatakot ito.
She sighed. “Gustong-gusto kong gawin iyan, Agatha. Pero sa palagay mo, alin ang mas tama? Ang magsumbong ako o ikaw ang mismong magtapat sa kanya?”
“Napakabait ni Xanderr, Maxine. Kapag tumalikod ako sa kasal namin, masasaktan siya. Kapag naman nagpakasal ako sa kanya, unfair din sa kanya. At hindi rin titigil si John hangga’t hindi ako nababawi kahit magpakasal ako kay Xanderr.”
“Utang-na-loob, Agatha. Ngayon pa lang ay magdesisyon ka na. Huwag mo nang paabutin ang oras kung saan gagawin mong mukhang tanga si Xanderr sa simbahan sa paghihintay sa iyo pagkatapos ay hindi ka rin naman pala darating.”
“Pero parang hindi ko naman magagawang saktan ng ganoon si Xanderr. Alam kong mahal niya ako.”
“Pero sinasaktan mo na rin siya ngayon. Dahil may iba ka namang mahal,” prangkang sabi niya. “Hindi kita didiktahan kung ano ang dapat mong gawin, Agatha. Ang pakiusap ko lang sa iyo, maging tapat ka sa sarili mo. Kung magpapakasal ka pa rin kay Xanderr, siguruhin mo lang na siya ang talagang mamahalin mo at kakalimutan mo ang ibang lalaki.”
Nang matapos ang kanilang pag-uusap ay nanlulumong napaupo na lamang si Maxine sa paanan ng kanyang kama. Gusto na niyang magalit sa kanyang sarili. Bakit hindi na lang niya deretsahin si Agatha na iwan na nito si Xanderr para siya naman ang magkaroon ng pagkakataon sa binata?
Pero hindi nga niya iyon masabi. Sapagkat alam niyang ito ang mahal ni Xanderr. And Xanderr was only sorry for her. Nag-aalala lang ito sa damdamin niya pero sa pag-uusap nila, hindi niya narinig na aatras ito sa kasal nito para lang sa kanya.
“Maxine, anak,” katok sa kanya ng mommy niya. “Tingnan mo nga ang cake na ginawa ko. Baka may suggestion ka pa sa finishing touches. Tawagan mo rin si Agatha. Baka gusto niyang makita ang wedding cake nila bago ko ipa-pick up sa magke-cater.”
Lalong bumigat ang loob niya sa narinig. “Sige, Mom. Lalabas na ako.”
At ngayon niya na-realize, kung sakaling aatras si Agatha sa kasal nito kay Xanderr, hindi lang mismong si Xanderr ang masasaktan. Kasali pati ang pamilya nito at pamilya niya. At malaking damage iyon sa kahihiyan ni Xanderr.
Pero paano ang panghabambuhay na kaligayahan ni Xanderr?
At siya? Tuluyan na ba siyang mawawalan ng pag-asa sa pag-ibig ni Xanderr?
*****
“OH, MY God!” bulalas niya nang makita si Xanderr.
Nasa workroom si Maxine at doon piniling magkulong upang hindi na siya abalahin ng ina. Nahihirapan siyang magkunwari kapag kaharap ito kaya nagpaalam siya at idinahilang naghahanda siyang mabuti ng kanyang mga camera. Pero nang si Xanderr ang kumatok sa kanya, hindi siya nagdalawang-isip na pagbuksan ito.
At ganoon na lamang ang gulat niya nang tumambad ito sa kanya.
Mapulang-mapula ang mga mata ni Xanderr, kung hindi galing sa pag-iyak ay tila nagpipigil na umiyak.
At talagang mag-aalala na siya nang husto kung hindi lamang ito ngumiti at niyakap siya. “Hindi na matutuloy ang kasal, Max.”
Napatda siya. Hindi niya alam kung dinadaya lamang siya ng pandinig subalit dama niya sa timbre ng tinig nito na may kasamang saya ang salitang binitiwan nito.
“Nitong nakalipas na mga oras, ikaw ang laman ng isip ko. Kung anu-anong senaryo ang nabubuo sa isip ko tungkol sa iyo. Paano kung hindi mo pala kaya na magpakasal ako sa iba? Paano kung ikaw din pala ang nasa isip ko habang iba naman ang pinakasalan ko? And suddenly, I realized that I love you too. I mean, I’m also in love with you. Siguro, natabunan lang iyon ng marami pang klase ng pagmamahal na iniukol ko sa iyo mula’t mula pa. But now, I know that I love you. At hindi na ito iyong pagmamahal na parang sa isang kapatid o kaibigan. Maxine, kaysa kay Agatha, ikaw ang mas gusto kong pakasalan.”
Sa dami ng narinig niya, hindi niya alam kung matutuwa siya o malulungkot. Naisip niya, bakit ba balintuna ang buhay kung minsan? Kung kailan narinig na niya kay Xanderr ang mga salitang pinakaaasam-asam niya ay saka naman parang hindi pa niya magawang magdiwang.
“Nag-usap na ba kayo ni Agatha?”
Tumango ito.
Napahugot siya ng paghinga at itinulak ito upang magkahiwalay sila ng yakap. “Huwag mo akong gawing panakip-butas, Xanderr. Hindi dahil mahal kita, papayag akong maging panakip-butas lang. Martir ako pero ganyan ka-martir.”
“What?!” gulat na reaksyon nito. “Anong sinasabi mong panakip-butas? Hindi ko gagawin iyon sa iyo. Of course not!” malakas na sabi nito. “Ano ka ba? Kanina, umiiyak ka habang parang ipinagtutulakan mo ako na magpakasal pa rin kay Agatha. Ngayong nagdesisyon ako, hindi ka rin masaya?”
“Desisyon mo lang iyan? Akala ko ba, nag-usap kayo ni Agatha?”
“Maxine, desisyon ko ito. I know, hindi ito madaling sabihin kay Agatha pero unfair naman sa kanya na magpakasal kami pero ikaw pa rin ang magiging laman ng isip ko. Galing lang ako sa kanya kanina. I told her about you. Iyong feelings ko sa iyo ngayon. Ipinagtapat ko sa kanya na mas mahal pala kita.”
“Ganoon?” aniya, parang natatakot pang maniwala. Unti-unti nang umaahon ang kaligayahan sa dibdib niya pero nais pa rin niyang pigilin iyon.
“Yes, ganoon. Ano ang sinasabi mong gagawin kitang panakip-butas?”
Tiitigan niya ito. “Walang sinabi sa iyo si Agatha?”
Lumalim ang gatla ng noo nito. “May dapat ba siyang sabihin sa akin?”
“Kung wala siyang sinabi sa iyo, then, hindi niya siguro naisip na dapat pang sabihin iyon.”
Lalo nang kumunot ang noo nito. “Why don’t you just tell me?”
Umiling siya. “Kung si Agatha mismo, hindi sinabi sa iyo, bakit ko pa sasabihin?” at pagkuwa ay siya na ang muling humakbang palapit dito. “Ano na nga uli iyong sinabi mo kanina? Na ako na ang mahal mo ngayon? Puwede pong pakiulit?” malambing na sabi niya.
“Nakalimutan ko, makulit ka nga rin pala. All right, Maxine, I love you. I love you, I love you, I love you. Puwede na po ba iyon, honey?”
Napabungisngis siya sa kaligayahan. “Honey ka diyan.”
“Bakit, ayaw mo?
“Hmm, gusto! Hindi mo ba ko iki-kiss, honey?”
Natawa si Xanderr. Pero sandaling-sandali lang iyon at pinagbigyan agad ang hiling niya. Sa sandaling naglapat ang mga labi nila, pakiramdam niya ay idinuyan siya sa alapaap. Gusto niyang maiyak sa kaligayahan. Xanderr’s kisses was becoming deeper. Yumakap siya dito at gumanti din ng kasing-init ng halik nito.
“Alexander! Maxine! Ano ang ibig sabihin niyan?” high blood na wika ng mommy niya na nagpagulat sa kanilang dalawa. Nakatayo ito sa may pintuan ng workroom niya at nakapamaywang pa.
Pero hindi sila nagawang paghiwalayin ng presensya nito. Sa halip, pumihit lang sila upang makaharap ito. At bago magsalita si Xanderr, hinapit pa siya nito sa bewang.
“Tita Myrna, may nagbago po, eh. Puwede po bang tawagin ko na rin kayong Mommy?”
Halos mag-abot ang dalawang kilay nito sa sobrang pagkakakunot ng noo.
“Hindi na po kami magpapakasal ni Agatha. Si Maxine po pala ang mahal ko,” diretsong saad ni Xanderr at bumaling sa kanya saka siya nginitian. “At mahal niya rin pala ako.”
Unti-unting umaliwalas ang mukha nito at saka napangiti nang maluwang. “After all this time, ngayon ninyo lang nalaman iyan?”
“Hindi pa naman po huli, di ba?”
“Well, tawagin mo si Rebecca at kami ang mag-uusap. Kayo talaga,” naiiling na sabi nito pero bakas na bakas naman ang approval sa buong ekspresyon.
Nang matalikod ang mommy niya, pumihit uli sa kanya si Xanderr. “Magpapakasal din tayo agad, honey. Hindi na kailangang pagtagalin pa na panindigan ko ang pananagutan ko sa iyo.”
Tumaas ang kilay niya. “Anong pananagutan?”
“May nangyari na sa atin, di ba?”
Natawa siya. “Wala, Xanderr.”
Gumuhit sa mga mata nito ang pagtataka. “Anong wala?”
“Walang nangyari. Hindi natuloy kasi…”
“Ah, alam ko na. Oo nga pala. Nakainom kasi ako.” Tila nahiya ito.
“Xanderr, baka kaya ka lang umatras sa kasal ninyo ni Agatha dahil ang iniisip mo pala ay may nangyari na sa atin?”
“Kasali iyon pero hindi lang iyon ang dahilan. We’ll still get married.” At lumuwang ang ngiti nito. “Ang suwerte ko naman. I’ll have a virgin bride.”
*****
NALAMAN din ni Xanderr na may sariling dahilan si Agatha kaya maluwag sa dibdib nitong tinanggap ang pag-atras ng binata sa kasal. Ngayon, busy sila ng binata upang tawagang isa-isa ang mga inimbitahan nila at ipaalam na walang matutuloy na kasal. Si Eve, naging abala rin sa pagkakakansela ng mga dapat kanselahin. Nag-offer din si Xanderr na babayaran na lamang ang perhuwisyo nito kay Eve subalit hindi na ito naningil pa ng dagdag na bayad.
“It’s okay. At least, maligaya na ngayon si Maxine. Hindi na kailangang magbayad ng danyos,” sabi pa ni Eve nang tawagan nila ito.
“Thanks, Eve. Hayaan mo, sa kasal namin ni Maxine kahit maningil ka ng sobra, okay lang.”
“Libre pa rin ang service ko basta para sa mga wedding girls ko. Basta, siguruhin mo lang na kapag si Maxine, tuloy na tuloy na ang kasal.”
“Of course! And that will be soon.” At nagpaalam na si Xanderr.
“Magpapakasal na tayo, honey?” malambing na tanong niya sa binata at yumakap pa dito.
“Oo naman. Bakit pagtatagalin pa?”
“Hindi mo na kailangan pang mag-isip?”
“Kung nu’ng si Agatha nga ang inalok ko ng kasal, hindi na ako masyadong nag-isip, ngayon pa bang ikaw ang pakakasalan ko? Wala nang atrasan ito, Maxine. Kung si Mommy Myrna, hindi ako gigilitan ng leeg, ang mommy ko, tiyak na tatadtarin ako nang pinong-pino kapag hindi kita pinakasalan.”
“Ganoon?” irap niya.
Gaya ng narinig niya noong nag-usap dati ang mag-best friend, gusto ng mga ito na sila ang magkatuluyan. Iyon nga lang, hindi nito ginawang makialam sa mga damdamin nila. Pero ngayong inamin na nilang mahal nila ang isa’t isa, ito pa ang mas masaya nga kaysa sa kanila. Excited na excited ang mga ito. At ganoon din ang mga daddy nila.
“Siyempre, mahal kita kaya kita pakakasalan. Saka this time, siguradong-sigurado na ako sa sarili ko. Alam mo ba, hindi ko pala kaya na mawala ka sa buhay ko? We belong to each other, honey. I love you, Maxine.”
“I love you, too.”
*****
“I CAN’T believe it,” wika ni Eve sa mga wedding girls. “Mag-organize ng kasal ang trabaho ko. Pero dito kay Xanderr, nabagong bigla. Nag-dis-organize ako ng kasal!”
Grand meeting iyon ng mga wedding girls para paghandaan naman ang kasal ni Maxine. Kumpleto ang labing-dalawang wedding girls. Ang ibang mga sanggol pa ang anak ay kasama rin ng mga ito. Kaya naman ngayon pa lang, lalo nang na-excite si Maxine para sa kanyang kasal. Napag-usapan nila ni Xanderr na magkaanak na agad. Dahil kung hindi, hindi rin naman sila titigilan ng mga expectant lolos and lolas.
“Hindi bale, at least, si Maxine naman ang pakakasalan pala kaya iniurong iyong una,” sagot ni Dindin.
“May itinatago ka palang gorgeous boyfriend, Maxine,” sabi ni Lorelle.
Ipinakilala niya si Xanderr sa mga ito ay gaya ng pagtanggap nila sa mga naging asawa ng ibang wedding girls, mainit din ang naging pagtanggap ng mga ito kay Xanderr.
“Well, well, well, ngayon, isa na lang ang natitira,” sabi ni Shelby at lahat ay tumutok ang tingin kay Julianne.
“Please lang, tigilan ninyo ako. Kuntento ako sa buhay ko. Wala pa akong balak mag-asawa.”
“Sinabi rin namin iyan dati!” halos chorus na sabi ng wedding girls.
“All right, let’s get down to business first,” sabi ni Eve at pinag-usapan nila kung paano mapapaganda nang husto ang kasal nina Maxine at Xanderr.
Tahimik naman sila ni Xanderr habang magkatabing nakaupo. Kuntento na silang magkahawak lang ang mga kamay. Hinayaan ni Maxine na magkagulo ang mga wedding girls sa pagpaplano ng kanyang kasal. Tiwala naman siya sa mga ito lalo na kay Eve na siyang magma-materialize ng mga ideas. Wala na siyang balak na makialam pa sa mga detalye. Basta siya, maligayang-maligaya nang sila ni xanderr ang magpapakasal.
“Sana next month na bukas,” bulong sa kanya ni Xanderr.
“Bakit?”
“Para kasal na natin?” malambing na sagot nito. “I can’t wait to have you, honey.”
“Ako rin,” amin niya.
“I love you,” he said.
“I love you, too,” tugon niya.
Dumukwang si Xanderr at ginawaran siya ng halik sa mga labi. Tinanggap naman niya iyon. Walang pakialam kung makaagaw man sila ng atensyon sa ibang wedding girls na nagpupulong.
Wakas