16

1490 Words
NAKAUWI na si Maxine pero hindi pa rin siya mapakali. Dapat ay kanina pa siya nakatulog dahil bukod sa late na ay nakainom din siya. Karaniwan nang tulog na agad siya kapag ganoon. Pero gising na gising ang diwa niya. Hindi maalis sa isip niya ang nakakaintrigang regalo ni Devi kay Agatha. Bakit hotel key? Accomodation? Para saan? Para kanino? Hindi siya makumbinseng para iyon kina Agatha at Xanderr. Sabay silang umuwi ni Xanderr at bago iyon ay si Agatha muna ang inihatid nila. Hindi niya makita ang sense na magkasama uli ang dawala kung inihatid pa muna nito ang babae. Bumangon siya at natanaw na bukas pa rin ang ilaw sa kuwarto ni Xanderr. Bingo. Nasa bahay nga si Xanderr. Mabilis niyang dinampot ang telepono at tinawagan ito. “Bakit hindi ka pa natutulog?” tanong niya dito. “Hindi ako antukin, eh,” tugon nito. “Bumaba ka. Magpahangin muna tayo sa labas.” “Sure!” kagyat na sagot niya. Parang nag-evaporate ang lahat ng ispiritu ng alak na nainom niya. Napalitan ng excitement ang hindi-mapakali niyang pakiramdam. Dati na nilang ginagawa iyon ni Xanderr. Noon pa, kapag pareho silang hindi makatulog, lalo at maalinsangan ang gabi ay lumalabas sila. Kung hindi man sila maglagi sa swing nila ay umaakyat sila sa bubong ng bahay nina Xanderr. Hindi na rin siya nagbihis pa. Suot ang ternong pajama ay lumabas na siya ng bahay. Naghihintay na sa kabilang bakod si Xanderr. Hubad-baro ito. Malamang ay naka-shorts lang nang manipis gaya ng nakasanayan na nitong isuot. “Saan tayo?” nakangiting tanong nito. “Ikaw na lang ang lumipat dito,” aniya at nagpatiuna nang tinungo ang swing nila. Maliwanag naman ang mga streetlights kaya iyon na ang nagsilbing tanglaw nila. Nakaupo na siya sa swing nang lumapit si Xanderr at tumabi ng upo sa kanya. Pagyuko pa lang nito, naamoy na niyang amoy-alak ito. “Uminom ka?” gayunman ay tanong pa rin niya. Nasa himig niya ang disgusto. Sa kanilang dalawa, siya pa ang may mas mataas na tolerance sa epekto ng alkohol sa katawan. Si Xanderr, kaunting alak lang ay malalasing na ito. At ang masaklap pa, nawawala ito sa tamang huwisyo kapag umepekto na ang alkohol. “Kaunting-kaunti lang,” anang binata. “Para magpapaantok lang sana.” Tumango siya. Kungsabagay, wala naman sa itsura ni Xanderr ang lasing na. “Bakit nga pala hindi ka makatulog?” Ikinibit nito ang balikat. “Nothing.” “Puwede bang wala? Ikaw itong madikit lang sa higaan, naghihilik na agad.” Napangiti ito. “Talagang kilalang-kilala mo ako, ‘no?” Tumaas ang kilay niya. “Kailangan pa bang i-memorize iyan?” Pumihit ito ng upo at humilig sa balikat niya. At dahil kabisado niya ito, mayamaya lang, alam niyang dadausdos ito at uunan sa kandungan niya. “Siguro, iniisip mo iyong kasal mo,” aniya. At gaya nga ng inaasahan niya, bumuwelo lang si Xanderr at umunan na nga ito sa mga hita niya. Mabuti na lang at malaki ang swing. Kahit nakabaluktot si Xanderr, napagkakasya pa rin nila ang sarili nila doon. Basta naman kasi nandoon sila, walang may gustong pumwesto sa kaibayong upuan ng swing. Mas gusto pa nilang magsisiksikan doon. “Siyempre. Puwede bang hindi ko isipin iyon? Mula nang magdesisyon akong magpakasal, walang araw na hindi ko inisip iyong tungkol doon.” Inabot nito ang kamay niya at inilagay sa sentido nito. “Masahehin mo nga, Max. Nakaka-relax iyan, eh.” Tumalima naman siya. Nagsimulang gumalaw ang daliri niya sa ulo nito. “Kahit… kahit na minsan ba, hindi ka nag-alala na baka hindi matuloy ang kasal mo?” “Iyong totoo?” “Alangan naman hindi totoo ang isagot mo?” papilosopong tugon niya. “Well, kung sarili ko ang concern, imposible iyon. Hindi ko naman iniisip na umatras. Pero siyempre, may worry din. Kasabihan nga ng matatanda, iyon daw malapit nang ikasal, lapitin din ng disgrasya. Para ngang nakakapraning kapag naiisip ko, paano kung maaksidente ako? O kaya, si Agatha? Baka hindi na matuloy ang kasal namin.” “Ganoon lang?” “Yeah, bakit?” “Wala. Naitanong ko lang naman.” “Mag-asawa ka na rin, Max. Para hindi ka na magtatanong ng tungkol sa mga wedding jitters.” Umungol siya. “Bakit ba pati ako, idadamay mo pa? Ang sarap ng buhay ko.” “Mas masarap ang buhay kapag in love.” “I know.” Bigla kumilos si xanderr upang magtama ang kanilang mga mata. “You know? Bakit, na-in love ka na ba?” Saglit siyang napipilan. “O-oo naman.” “s**t, Max! How come I didn’t know that?” Umarko ang kilay niya. “Marami ka naman talagang hindi alam, Xanderr,” mahinang sagot niya. Bumangon si Xander. “And what do you mean by that? Buong buhay natin halos magkasama tayo tapos marami pa pala akong hindi alam? Ibig sabihin, marami kang secret sa akin?” puno ng pagtatampong sabi nito. “Kasi naman, Xanderr. Hindi naman puwedeng lahat sasabihin ko sa iyo, di ba?” “Hindi ba ako importante sa iyo?” he asked. “Hindi mo na dapat tinatanong iyan. Alam mo na dapat ang sagot.” “s**t!” anito, halatang pikon na. “Lahat-lahat sa buhay ko, kabisado mo. Pagkatapos, ikaw ang dami mo palang itinatago sa akin?” “I’m sorry, Xanderr.” “Just like that?” tila galit na wika nito. Hindi siya kumibo at umiwas lang ng tingin. “s**t! You’re so unfair,” wika ulit ni Xanderr at padarag ang mga yabag na iniwan siya. ***** LALO NANG hindi nakatulog si Maxine. Nang bumalik siya sa kuwarto, inabot na siya nang umaga na hindi man lang nakaidlip. Sa halip na magkaroon ng kapayapaan ang kalooban ay lalo pa siyang naligalig. Nang sa palagay niya ay hindi na masyadong maaga upang mambulahaw, tinawagan niya si Eve. “Nakakaabala ba ako?” nahihiyang tanong niya. “Wala pang alas siete.” Narinig niya ang mahinang tawa ni Eve. “I can sense na may kailangan ka. Hindi ka naman tatawag nang ganito kaaga kung walang dahilan. Okay, Maxine. What is it? Don’t feel guilty. Kanina pa naman ako gising.” Hindi niya alam kung saan at kung paano siya magsisimula pero nasalita na rin siya. “You know, Maxine, iniisip ko nga minsan, baka may kasalanan din ako sa iyo bilang kaibigan,” wika ni Eve matapos siyang marinig. “I mean, inaayos ko ang kasal nina Xanderr at Agatha pero alam kong nasasaktan ka. Wala naman akong balak na guluhin mo ang kasal ng dalawa pero naisip ko lang din, ganoon na lang ba iyon? Hahayaan mong makasal si Xanderr na hindi niya nalaman kung ano ang damdamin mo sa kanya? Bakit hindi ka sumugal, Maxine? Bakit hindi mo sabihin kay Xanderr ang totoong feelings mo sa kanya?” “Ngayon pa ba, Eve? Kung noon, nagsawalang-kibo ako, ngayon pa ba ako magsasalita kung kailan dalawang araw na lang at kasal na nila?” “Well, kung ganyan ang katwiran mo, wala akong magagawa. Remember iyong madalas sabihin ng mga pari kapag nagkakasal sila? Kung sino ang tumututol ay magsalita na o kaya ay huwag nang magsalita magpakailanman.” Isang buntong-hininga ang isinagot niya doon. “N-nagtiis na ako dati. Kaya kong magtiis.” “Martir,” wika nito sa kanya. “Sigurado ka? Kaya mong manahimik? Alam mo pag mahal mo nag isang tao, hindi mo iyang habang-buhay na maitatago. Sisingaw at sisingaw iyan.” “Paano nga pala ang gagawin ko kay Agatha?” sa halip ay tanong niya. “Hindi ako mapakali doon sa regalo sa kanya ni Devi?” ungkat niya uli sa isa pang bagay na itinawag niya dito. “Baka naman walang ibang kahulugan iyon. Umiiral lang ang pagiging protective mo kay Xanderr kaya nag-iisip ka ng negative. All right, para matahimik ka, ask Xanderr. Malay mo niregaluhan lang sila ng hotel accomodation?” “Eh, bakit sa bridal shower ibinigay? Kapag bridal shower, di ba para lang sa bride iyon? Saka di ba kung naka-release na sa guest ang susi ibig sabihin, naka-check in na ang guest?” “Eh, iyong mga lingerie na inireregalo kapag bridal shower, hindi ba’t for honeymoon purposes ang mga iyon? Baka ganoon din ang ibig sabihin ng susi na iyon.” “Eh, bakit nga on-hand na ang hotel key? Puntahan ko kaya iyong hotel?” “Mag-iimbestiga ka?” “Hindi naman sa ganoon,” depensa niya. “Curiosity lang.” “Tumigil ka, Maxine. Baka sorpresa iyon, ma-spoil mo pa. Kung ako sa iyo, kay Xanderr ako magpo-focus. Pag-isipan mong mabuti kung desidido ka nang habambuhay na kimkimin iyang nararamdaman mo. At kung sa palagay mo, pagsisisihan mo ang pananahimik, then go to Xanderr and tell him the truth.” “Ang daling sabihin, ‘no?” mapaklang wika niya. “Hindi ko iyang kayang gawin.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD