TEASER I
MADILIM ang kalangitan. Bumubuhos ang malalaking patak ng ulan, sinasabayan ng hanging tila umiikot sa buong paligid. Maraming tao ang naglalakad, sumusuong sa baha sa kalsadang halos hindi na madaanan ng mga sasakyang nakapila.
Basang-sisiw akong patakbong pumasok sa café-bakeshop. Nakahinga ako nang maluwag nang abutan itong bukas at punô pa ng mga taong naghihintay humina ang ulan. Pinagpagan ko ang sarili, tiniklop ang payong, at inilagay sa gilid.
“Welcome to Friendship Café-Bakeshop!” masiglang bati ng cashier.
Lumapit ako, ngumiti, at binalingan ang naka-display na mga cake sa loob ng salamin.
“Good evening,” bati ko saka itinuro ang Chocolate Cake sa gilid. “Isa nito, please. Pakilagyan na rin ng candle.”
“Para sa inyo po, ma’am?” tanong ng cashier habang abala sa pagtipa ng screen. “May 15th Anniversary promo po kami—Buy 1 Take 1 para sa mga birthday celebrant. Available lang po sa may Loyalty Card. Meron po ba kayo? Pati na rin ID.”
Tumango ako. “Yes, wait.” Hinalungkat ko ang bag, saka inabot ang hinihingi.
“Upo po muna kayo, ma’am.” Ibinigay niya pabalik ang ID matapos tipahin ang order. “Ihahanda lang po namin.”
Umikot ang tingin ko sa paligid. Marami pang kumakain at may ilan ding nagpapatila ng ulan. Bumalik ang atensyon ko sa cashier.
“Magsasara na ba kayo?”
“Hindi pa po, ma’am. Marami pa pong customer,” mabilis na sagot.
“A-ah, okay. Paki-serve na lang ng cake at palagyan ng plates.”
Habang inaasikaso ng staff ang order ko, dumako ang tingin ko sa bakanteng mesa sa sulok—sakto, malayo sa atensyon ng iba. Papunta na sana ako roon nang marinig ko ang baritonong boses sa likod.
“Excuse me, meron pa kayong Chocolate Moist Cake?”
“Pasensya na po, sir. Last na po ang kay ma’am,” sagot ng cashier.
Lingon ako—nagtagpo ang tingin namin ng lalaki, pero agad din siyang umiwas.
“Ah, okay. Thanks,” may panghihinayang sa boses niya.
Lumapit ako at tinanguan ang cashier. “Sa kaniya na lang ang isa.”
“No—”
“Sige na,” putol ko. “Hindi ka naman susuong sa ulan at traffic kung hindi mo kailangan niyan. Besides, hindi ko rin mauubos.”
Nag-aalangan siyang tumingin. “Are you sure? I’ll pay for it na lang.”
Umiling ako. “Hindi na. Buy 1 Take 1 naman.”
Napakamot siya ng batok. “Okay… coffee in exchange?”
Ngumiti ako. “Hindi na.”
Naglakad ako papunta sa mesa, at dahil puno na ang iba, wala siyang choice kundi sumunod.
“Thank you,” sabi niya.
“No worries,” tugon ko.
Biglang kumulog nang malakas, kasabay ng matinding pagkidlat na nagpayanig sa paligid. Nagtilian ang mga tao sa loob. Mariin kong ipinikit ang mata, pinipigilan ang kaba.
“Okay ka lang?” tanong ng lalaki.
Huminga ako nang malalim. “Okay lang. Nagulat lang.”
“Sigurado ka? Namumutla ka,” puna niya.
Tumango ako. “Oo. Galit na galit ang langit.”
“Totoo. Mula kaninang umaga, walang tigil ang ulan,” dagdag niya.
Dumating ang waitress dala ang order.
“Ms. Renee Yam,” basa niya. “Happy birthday!”
“Salamat.” Nginitian ko siya at agad binuksan ang cake, inilagay ang kandila.
“Birthday mo?” tanong ng lalaki.
Tumango ako. “Oo. Eto na rin pala ang sayo.” Inusog ko ang isang box ng cake sa harap niya.
Napatingin siya pero saglit na nanahimik. “Wala na akong ibang pupuntahan,” mahina niyang sabi.
“Ha? Hindi ba may birthday kang pupuntahan?”
Umiling siya. “Hindi. Para ito sa kaibigan ko…” Saglit siyang tumigil. “She’s dead.”
Nanlamig ako. Pero nagpatuloy siya, may pait sa ngiti.
“I promised her na every birthday niya, bibilhan ko siya ng paborito niya. That’s why I’m here.”
Hindi ko alam ang sasabihin. “Sorry,” bulong ko.
“It’s okay. Salamat dito.” Tinaas niya ang kahon ng cake.
At bago pa muling lamunin ng katahimikan, ngumiti siya.
“Can I celebrate with you? Mas masaya kung may kasama. Besides, stranded din naman tayo pareho.”
Nag-alinlangan ako, pero seryoso siya. Kaya tumango na lang ako. “Okay lang.”
Kinuha niya ang lighter, sinindihan ang kandila, at mahina pang kumanta. “Happy birthday to you…”
Natigilan ako. Matagal na mula noong may nag-celebrate kasama ko. Hinipan ko ang kandila matapos ang isang simpleng wish.
“Kain na,” alok ko. “Pasensya na, cake lang ang meron.”
Ngumiti siya. “No worries. Pero—” itinaas niya ang kamay para tawagin ang waitress. Ilang minuto lang, sunod-sunod na dumating ang apat na klase ng pagkain sa mesa.
“Pasasalamat sa cake,” sabi niya.
“Hindi ka na sana nag-abala.” Nahihiya akong napakamot.
“Too late,” biro niya.
Habang kumakain, tahimik naming pinagmamasdan ang ulan.
“Bakit ikaw lang mag-isa ang nagce-celebrate ng birthday mo?” basag niya sa katahimikan. “Walang ni isa sa mga kasama mo sa trabaho?”
Binaba ko ang tinidor. Bumuntong-hininga. “Walang gustong makisama sa araw na ’to. Sanay na ako.”
“Bakit?”
Tumitig ako sa labas, saka bumaling sa kanya. “Dahil sa araw na ito… namatay ang papa at kapatid ko.” Huminto ako sandali. “…Dahil sa akin.”
Natigilan siya. Tahimik, pero bakas sa mata ang pagkagulat.
“Ang sama ko, ’di ba?” Mapait akong natawa. “Nakukuha ko pang magdiwang kahit ito rin ang araw ng kamatayan nila.”
“Hindi,” mariin niyang sagot. “Hindi ka masama. Oo, nagdiriwang ka, pero halatang may bigat sa puso mo. Kita sa mga mata mo.”
“Salamat,” mahina kong tugon. Hindi ko alam kung bakit, pero sa unang pagkakataon matapos ang pitong taon, may taong naupo sa harap ko, kumanta, at kusang sumama sa akin.
Muling bumalik ang katahimikan. Kaya ako na ang nagsalita.
“Ang swerte ng kaibigan mo. Tinupad mo ang pangako mo sa kanya kahit umuulan.”
Ngumiti siya, may lungkot. “Walang sinuwerte sa mga kaibigan ko. Sa totoo lang, pakiramdam ko malas pa nga ako sa kanila.”
“Huwag mong sabihin ’yan. Malay mo, sakto lang ang lahat.”
Umiling siya. “Kung alam mo lang…” Saka nagbago ang usapan. “Kanina pa tayo nag-uusap pero hindi ko pa rin alam pangalan mo.”
“Renee Yam. Ikaw?”
“Nice name.” Inilahad niya ang kamay. “Lucas.”
“Nice to meet you, Luke.”
“Nice to meet you, Yam.”
“Ihh… huwag mo ’kong tawagin niyan.” Umusog ako na nakanguso, pareho kaming natawa.
Hindi ko na namalayan ang oras. Siya man ay estranghero, pero ang gaan ng loob ko sa kanya—parang matagal ko na siyang kilala.
Mag-a-ala-una na nang makauwi ako. Inalok niya pa akong ihatid, pero tumanggi na ako. Kahit masarap siyang kausap, hindi ko pa rin maitatangging hindi ko siya kilala.
Malaki ang ngiti ko pag-uwi. Dala ko ang natirang cake. Bumuga ako ng hangin sa kawalan. “Siguradong nasa sugalan na naman ’yon,” bulong ko tungkol sa tiyuhin kong hindi ko na inabutan.
Matapos kong ayusin ang mga timba at planggana sa ilalim ng butas sa bubong, nahiga ako. Kinuha ang cellphone—may message mula sa unknown number. Si Lucas. Nagpalitan kami ng number kanina.
Hindi ko siya mareplyan, wala akong load. Ipininid ko ang mga mata, nilasap ang malamig na hangin sa kabila ng kagat ng mga lamok.
---
Hidden Scene
Hindi alintana ng lalaki ang malakas na buhos ng ulan. Hawak ang itim na payong, tuyo ang bawat hakbang niya.
“Good evening, sir!” bati ng cashier.
Tumango lang siya at napatingin sa isang mesa. Doon, nakita niya ang pamilyar na likod ng isang lalaki—masayang nakikipagtawanan sa isang dalaga.
Hinugot niya ang cellphone, itinaas, at kinuhanan ng litrato ang dalawa. Pagbalik ng tingin ng cashier, nagtataka itong nakatingin sa kanya.
“Chocolate Moist Cake, please,” malamig niyang sabi.
“Pasensya na po, sir. Wala na po.”
“Café latte na lang,” tugon niya, saka iniabot ang bayad.
Umupo siya sa mesa, hindi kalayuan sa dalawa. Saktong layo para marinig ang usapan nila.
“Yam—yummy?” nang-aasar na biro ng lalaki.
Hinampas siya ng dalaga, sabay tawa. “Huwag mo nga ’kong tawagin ng ganyan!”
Hindi nila namalayan ang lalaking nasa likuran nila. Nakakuyom ang kamao, nangdidilim ang mga mata. Hinugot muli ang cellphone at tumawag.
“I want to know everything about her.”