"Ayoko. Hinding-hindi ako papasok sa lugar na 'yon," matigas kong pagtanggi.
"Tigilan mo 'ko, Renee. Madali lang naman ang magiging trabaho mo sa bar na 'yon—kailangan mo lang gumiling at mang-akit. Kapag nagawa mo 'yon nang maayos, siguradong kikita ka pa nang higit sa isang buwan mong sahod d'yan sa trabaho mo," wika niya bago humithit ng bagong bukas na sigarilyo.
"Hindi ko kaya ang gusto mong mangyari, Ma. Hinding-hindi ko ipagpapalit ang puri ko kahit gaano pa kalaking halaga ang iharap sa akin."
"Eh di kung hindi ka ba naman gaga!" bulyaw niya. "Anong gagawin mo d'yan sa sinasabi mong 'puri' kung lubog ka naman sa utang at kumakalam ang sikmura?"
"Hinding-hindi niyo 'ko mapipilit sa bagay na 'to. Hindi ko pinakikialaman ang pangungutang niyo—ang walang tigil na pagwawaldas ng perang pinaghihirapan ko. Pero hindi na ako makakapayag sa gusto mo ngayon, Ma." Umiling ako bago mariing dinugtungan, "HINDI."
"Oh, kailangan ko pa palang magpasalamat at magkaroon ng utang na loob sa iyo, gano'n ba? Iyon ba ang gusto mong iparating, huh?" singhal niya saka itinapon sa lababo ang paubos na sigarilyo. "Baka nakakalimutan mo, Renee, anak kita. Ako ang nagluwal sa'yo sa mundong ito, kaya ako ang masusunod sa lahat kahit ayaw mo."
"Pero hindi na po tama ang gusto niyong mangyari!"
"At kailan mo pa nalaman ang tama, huh? Nang ginawa mo ang bagay na 'yon dati—naisip mo ba ang tama't mali para sabihin mo sa akin 'yan ngayon?!" Nag-uusok ang ilong ni Mama, kasabay ng pagguhit ng lungkot sa kanyang mga mata.
"Sinira mo ang pamilya natin, sinira mo ang buhay ko! Dahil sa'yo nagkaganito ako. Masisisi mo ba 'ko, huh, Renee?! Ikaw! Ikaw ang pumatay sa asawa ko—sa ama mo at kapatid mo! Kaya ngayon, sabihin mo sa akin: kailan mo pa nalaman ang tama't mali, sabihin mo!" Malakas ang hiyaw ni Mama kasabay ng pagbagsak ng luha sa kanyang mga mata.
Hindi ako nakapagsalita, natuod ako sa kinatatayuan ko habang nakatitig kay Mama na umiiyak. Ang sakit sa dibdib, tagos sa buong pagkatao ko.
"Bumabawi naman po ako, 'di ba? Pinagsisihan ko na ang nangyari."
"Maibabalik ba ng pagsisi mo ang buhay ng Papa at kapatid mo?" Sarkastikong tumawa si Mama saka pinunasan ang luha. "Hindi, 'di ba?! Wala nang magagawa ang pagsisi mo. At kahit anong gawin mong pagbawi, hinding-hindi mo mababago ang katotohanang sinira mo ang pamilya natin."
Napayuko ako at kinagat ang ibabang labi, pinipigilan ang pagtulo ng mga luhang namumuo sa aking mata. Hindi na ako nagsalita at hinayaan si Mama sa kanyang mga masasakit na salita.
"Alam mo, isang bagay lang ang pinagsisihan ko sa buong buhay ko..." Sandali siyang tumigil bago nagpatuloy. "Ang binuhay ka sa mundong 'to."
At sa huling anim na salita, tuluyan nang bumagsak ang pinipigilan kong luha. Kahit patayin ko pa ang sarili ko sa trabaho, gumawa ng mabuti, at bumawi kay Mama, hindi pa rin nun mababago ang katotohanang hindi ko maibabalik ang buhay nina Papa.
"Sige, kung ayaw mo, huwag mo. Magtiis ka sa trabaho mo na kakarampot ang sahod. Ang sabi nila, matalino ka pero hindi mo ginagamit ang utak mo. Tandaan mo, Renee, kahit magtrabaho ka ng bente-kuwatro oras, hinding-hindi ka makakakuha ng malaking halagang makukuha mo lang sa isang gabi sa trabahong 'yon," usal niya bago nang-aasar na umiling.
"Tingnan mo 'yang naka-pormal na suot, maganda nga at mukhang kagalang-galang sa paningin ng iba, pero ang mga bulsa niyan, walang laman!" Nakangisi siyang tumawa at umiling-iling. "Iyang mga nag-aral ng apat na taon sa kolehiyo, gumastos ng malaking halaga para makapagtapos, pero tingnan mo, ang sahod—minimum! 645! Saan ka dadalhin ng ganyang kaliit na halaga ngayon?" dagdag pa nito.
Nanatili akong walang imik.
"H-hindi ko po kaya ang g-ganong trabaho."
"Isipin mo na lang, kapag pumasok ka sa inaalok ni Monica, mabilis mong mababayaran ang utang natin. At balita ko, tinubos mo si Jessica sa Parreñas, na ngayon ay isinugod sa ospital. Saan ka kukuha ng pera?" pilit nitong pangungumbinsi.
"Hindi lang 'to para sa'yo kundi para na rin sa kapatid mo. Aba'y kung magpapa-iy*t ka na lang rin, doon ka na sa magkakapera ka," kaswal niyang tugon, tila walang pakialam kahit nabanggit ang pangalan ni Jessica.
Hindi ako sumagot hanggang sa nagsawa si Mama at umalis ng bahay kahit umuulan. Napatitig ako sa kawalan. Kahit kailan, hindi magbabago ang katotohanang ako ang dahilan.
Inayos ko ang mga hugasin, nagligpit ng kalat, bago pumasok sa kwarto para magpahinga. Tulala lang ako sa kisame, paulit-ulit na umuukit sa isip ko ang boses ni Mama at ang malungkot niyang mukha.
Hindi ko namalayan na tumulo na ang luha ko. Ilang taon na ang lumipas mula nang mangyari ang aksidente—matagal na rin mula nang mawala sa amin si Papa at ang nag-iisa kong kapatid na lalaki. Lahat 'yon ay kasalanan ko.
Kung sana, sa simula pa lang, ay tumanggi na ako. Kung sana ay nagtiwala akong kaya akong tanggapin at patawarin ng mga magulang ko. Kung sana ay pinanindigan ko ang ginawa ko, hindi sana naging ganito ang lahat. Sana buo pa rin ang pamilya namin.
Sana noon pa, inisip ko na ang tama at mali. Wala sana akong dinadalang konsensya at pagsisisi.
Patuloy ang pagtulo ng luha ko, hanggang sa unti-unting pumikit ang mga mata ko at tuluyan na akong binalot ng antok.
“Pagtapos mong kumain ay magpahinga ka na para makabawi ka ng lakas,” paalala ko habang isa-isang inihahanda ang pagkain niya.
“Ate… s-sorry.” Nilingon ko siya; nakayuko siya. “Imbis na tulungan kita, dinagdagan ko pa ang problema.”
“Huwag mong isipin ’yan. Hindi natin maiiwasan ang magkasakit. Basta sa susunod ay mag-ingat ka para hindi na maulit.”
“Hindi ba puwedeng sa bahay na lang ako magpahinga? Mahal ata dito. Ate, wala tayong pambayad,” nag-aalala niyang usal.
Bumuntong-hininga ako, maliit na ngiti ang sumilay sa aking labi bago hinaplos ang ulo niya. “Ako na ang bahala humanap ng solusyon sa bagay na ’yon. Basta ang intindihin mo lang ay ang magpagaling nang makalabas ka na agad dito.”
“S-sorry, ate.”
“Ano ka ba! Huwag ka ngang sorry nang sorry diyan. Kumain ka na at magpahinga,” suway ko sa kanya.
Hindi siya umimik. Tahimik siyang nag-umpisang kumain ng hinanda kong pagkain. Nakatingin lang ako sa kanya hanggang sa matapos siyang maglinis ng sarili at bumalik sa pagpapahinga.
Mahimbing na ang tulog ni Jessica nang abutin ko ang cellphone at lumabas sandali ng kwarto. Ilang pindot bago ko tinawagan ang nag-iisang taong maaari kong lapitan sa ganitong sitwasyon.
“Oh, Renee, napatawag ka?” bungad ni Claudine sa kabilang linya. “Kumusta na si Jessica? Nabalitaan ko na isinugod siya sa ospital nung nakaraang araw.”
“Medyo maayos-ayos na ang pakiramdam pero nanghihina at namumutla pa rin siya. Kakailanganin pa rin naming mag-stay dito hanggang sa tuluyan na siyang maging maayos,” paliwanag ko saka sunod-sunod na bumuntong-hininga.
“Mabuti naman kung gano’n,” sagot niya.
“Dine, tumawag talaga ako para manghiram ng pera. Walang-wala na kasi talaga ako. Huli na ’yon, binayad ko na ang sixty thousand nung nakaraan—hindi ko na alam kung saan ako kukuha ng pambayad sa ospital,” diretsong pahayag ko.
“Pasensya na, beshy, walang-wala talaga ako ngayon. Alam mo namang may sakit din si Mama kaya ubos na ubos rin ako,” nahihiyang tugon niya. “Puwede naman kitang hiramin sa ibang tao kaso nga lang ay papatong ang tubo at kailangan mong bayaran buwan-buwan.”
“Gano’n ba? Ayos lang. Hmm… pag-iisipan ko muna kung mangungutang sa iba. Pero kung wala talaga, okay lang ba na gamitin ko ang pangalan mo?”
“Oo naman! No worries. Basta sabihan mo ’ko kung kailangan mo na. Pasensya na ulit,” ani niya.
Nagpasalamat ako at pinatay ang tawag. Sakto ang pagdating nina Kuya Erwin kasama ang asawa niya, may dalang prutas sa plastic.
“Oh, Renee, ba’t andito ka sa labas?” nagtatakang tanong ni Kuya Erwin saka sumilip sa loob. “Hindi pa rin ba gumigising ang kapatid mo?”
“Gumising na po siya kanina, pinagpahinga ko na lang ulit,” sagot ko saka nagmano sa mag-asawa. “Kayo po? Hindi ko po alam na magpupunta kayo ngayong araw.”
“Oo, wala naman kaming ginagawa sa bahay at wala rin ang anak namin kaya naisipan naming puntahan ka rito,” paliwanag ng asawa ni Kuya Erwin saka iniabot sa akin ang prutas.
“Maraming salamat po,” pasasalamat ko. “Pasok po muna kayo sa loob. Katutulog pa lang po ni Jessica—mukhang mamaya pa ’yon gigising.”
“Okay lang, hindi naman kami nagmamadali,” sagot ng matanda.
“Kuya, Ate, puwede po bang maiwan ko muna kayo dito sa loob? Baba lang po ako at may titignan sandali,” paalam ko.
“Oh siya, sige,” pagsang-ayon ni Kuya Erwin.
Nagpasalamat ako at dali-daling bumaba. Dumiretso ako sa treasury area at hiningi ang kasalukuyang bill ni Jessica.
Bentemil. Dalawampung libo sa loob lang ng isang araw, at hindi malabong madagdagan pa sa mga susunod.
Tulala akong naupo sa gilid. Hindi ko alam kung saan ako kukuha ng ganoong kalaking halaga. Sigurado akong walang may gustong magpautang sa akin matapos ang hindi pagbabayad ni Mama nang maayos sa kanila. At ang sahod ko, sakto lang para makabayad ng utang at sa pang-araw-araw na gastusin.
Hinilamos ko ang aking mga kamay. Hindi ko na alam kung paano ko lulusutan ang lahat ng ito—ang dami ng problema at sabay-sabay pa silang dumating. Si Mama na may malaking pagkakautang kay Ate Diding. At ngayon, ang bill sa ospital na kailangan ni Jessica.
Paano ko ito lulusutan? Kahit saan ako magpunta, alam kong wala akong patutunguhan. Parehas na buhay ng dalawang taong pinakaiingatan ko ang kailangan kong protektahan. Ayaw kong makulong si Mama at mas lalong ayaw kong mawala pa ang nag-iisa kong kapatid.
Maliban na lang kung…
Kinuha ko ang cellphone sa bulsa at may pagdadalawang isip na tinawagan ang numerong kahit kailan ay hindi ko naisip na tatawagan.
“Monica… pumapayag na ’ko.”
G.R.🌻