KABANATA II

3065 Words
"Renee!" Huminto ako sa paglalakad at nilingon ang tumawag ng aking pangalan. Kumunot ang noo ko nang mapansin si Monica na tumatakbong palapit sa kinatatayuan ko, suot ang manipis na sando habang sumusunod ang pag-alog at pagtalbog ng lumuluwang s**o. "Sandali lang, Renee!" sigaw niya habang habol-hininga nang makalapit sa harapan ko. "Nagmamadali ka ba?" Tinaas ko ang kaliwang kamay at tiningnan ang oras bago siya sinagot. "Hindi naman. May sasabihin ka ba?" kalmado kong tanong na hindi iniiwas ang tingin sa kanya. "Nabalitaan ko ang nangyaring gulo sa inyo..." ani niya habang habol pa rin ang hininga. "Malaking halaga ang kailangan at ilang buwan ang gugugulin mo bago mo kitain ang ganoong halaga sa trabaho mo." "Huwag mo nang paikutin, ano ba talaga ang gusto mong sabihin?" kalmado kong tanong. Ang dami pang pasikot-sikot, hindi na lang idiretso ang sasabihin. "Kasi ganito... hiring sa club na pinagtatrabahuhan ko—dancer. Nang mapansin kita kanina, naalala ko na magaling kang sumayaw. Maganda ka at balingkinitan." "Pasensya na, pero hindi ko kaya ang ganyang trabaho." "Sasayaw ka lang sa harap ng madla, hindi ka magta-table unless gusto mo," pangungumbinsi niya. "Salamat sa pag-aalala at pag-imbita, pero hindi na magbabago ang isip ko." Hinding-hindi ako babalik sa lugar na pinagmulan ng paghihirap ko. "Renee, isipin mo, kulang-kulang trenta mil ang kikitain mo sa isang gabing paggiling... swerte ka pa kung maka-jackpot ka ng mayamang bisita." "Iba na lang ang i-offer-an mo, Monica," pilit ko siyang nginitian saka tumango. "Mauuna na ako." Hindi ko na siya hinintay pang makapagsalita. Tinalikuran ko siya at nag-umpisang maglakad pero sadyang makulit siya. Mabilis siyang humabol at muling nagsalita. "Sabihan mo ako kung magbabago pa ang isip mo." "Hindi na magbabago ang isip ko," mabilis kong sagot. "Basta hihintayin kita." Nakangiti niyang usal. "Puntahan o i-text mo ako kung maisipan mong tanggapin ang alok ko." Tumigil siya sa paghabol. Hindi ko siya nilingon, pero ramdam ko ang pagsunod ng tingin niya hanggang sa makasakay ako ng tricycle. Bumuntong-hininga ako, itinaas ang kamay, saka tinali ang nakalugay kong buhok at sinuot ang salamin. Pilit kong iwinawaksi sa isip ang alok ni Monica. Hinding-hindi ako muling tatapak sa lugar na iyon—iyon ang pinangako ko sa sarili, kahit pa iyon ang tanging paraan para makaahon at makapagbigay ng kasaganahan sa amin. KUMUNOT ang noo ko na may halong pagtataka nang makita ang bukas na ilaw na nagmumula sa loob ng opisina at ang nakabukas na salaming pinto. Tinaas ko ang relong pangbisig. May trenta minutos pa bago mag-umpisa ang trabaho, himala at may tao na sa loob. "Renee," "Ay tipaklong!" bulalas ko na halos mapatalon sa kinatatayuan sa sobrang gulat. Napahawak ako sa dibdib, nilingon ang nagsalita mula sa likod at matalas ko siyang tiningnan, pero agad ko rin binawi nang makita ang manager namin, si Sir Vince. "Ikaw pala 'yan, sir." Mahina siyang tumawa. "Nagulat ba kita?" "Hindi ba halata?" pabiro kong sagot na may halong sarkasmo. "Halos himatayin ako sa gulat sa bigla mong pagsulpot diyan sa likod," dagdag ko. Nawala ang mga mata niya, lumitaw ang malalim na biloy sa magkabila niyang pisngi habang humalakhak sa sagot ko—o baka sa ginawa niyang panggulat. Ah, ewan ko sa kanya. Sinabayan ko na lang siya sa pagtawa kahit walang nakakatawa. "I'm sorry, hindi ko na uulitin ang gulatin ka. Baka mamaya bigla ka na lang manapak at masapak ang maganda kong mukha." Hinawakan niya ang mukha saka sinuklay ang buhok gamit ang daliri. "Anyways, bumili ako ng coffee sa labas. Alam kong maaga ka darating kaya dalawa na ang binili ko." Bumaba ang tingin ko sa hawak niya, hindi ko iyon napansin kanina. "Naku, sir, hindi na po." Tanggi ko. Ma-issue ang mga tao sa office na ito. Sigurado na kapag nakita—malaman nilang tumanggap ako ng kahit ano kay Sir Vince—ay gagawan at gagawan nila ng kwento. "Parating na rin ang iba, sa kanila niyo na lang po ibigay 'yan," pahabol kong usal. "Malamig na ang kape pagdating nila kaya sa iyo na," pagpupumilit niya. "Bakit ba sobrang hina ko sa’yo?" natatawang dagdag pa niya. "Sir—" "Hindi ko alam kung nagpapakipot ka lang ba o ayaw mo talaga sa akin. Sa tuwing tinutulungan at nararamdaman ko ang concern mo, pakiramdam ko may pag-asa at gusto mo rin ako." Tinaas niya ang braso saka hinawakan ang kamay ko, nagmamakaawa ang mukha, pero hindi ko makuhang maawa sa kanya. "Renee, huwag mo naman akong paglaruan." Mabilis kong hinigit ang kamay ko mula sa pagkakahawak niya, umatras ng ilang hakbang palayo at umiling. "Sinabi ko na noon pa, wala akong balak pumasok sa relasyon. Wala akong sinabing pumayag na manligaw ka. Sir, hindi concern ang pinapakita ko sa iyo kundi responsibilidad lang natin sa trabaho. Responsibilidad kong gawin ang trabaho ko, kasama na doon ang pagtatama ng mga maling bagay sa kompanyang ito." "Hindi ako naniniwala sa iyo." "Edi paniwalaan ninyo ang gusto ninyong paniwalaan, sir. Basta’t noon pa lang sinabi ko na sa inyo ang nararamdaman at sagot ko." Akmang magsasalita pa lang sana siya nang magbukas ang elevator, iniluwa si Denise na tumaas ang kilay nang makita kaming dalawa ni Sir Vince. Ngumiti ako sa kanya saka binati, "Good morning, ma'am..." sabay sulyap kay Sir Vince na walang kahit anong ekspresyon sa mukha. "Binilhan ka ni Sir Vince ng kape." Umaliwalas ang mukha ni Denise sa sinabi ko. "Talaga?" Nagmamadali siyang lumapit kay Sir Vince na napilitan ngumiti at tumango, saka ibinigay kay Denise ang kapeng pilit na ibinibigay sa akin. "Thank you, sir," masayang turan nito. Tinalikuran ko na silang dalawa, dumiretso sa pwesto ko at inumpisahan ang trabaho. Laking pasasalamat ko na iyon ang una at huling pangungulit niya. Importante sa akin ang trabaho ko, ito ang bukod-tanging tumanggap sa akin kahit wala akong tinapos. Nasa kalagitnaan ng hapon, tutok ang atensyon ng lahat sa trabaho. Itinaas ko ang dalawang kamay at nag-umpisang mag-unat nang makaramdam ng pangangalay sa buong katawan. Binaling ko ang tingin sa mga papel sa gilid. Mukhang anong oras na naman ako makakauwi nito. Pabalik na ako sa pagtitipa nang mag-vibrate ang cellphone ko. "Jessica?" nagtatakang basa ko sa pangalan ng tumatawag. "Kailan pa nagkaroon ito ng load pangtawag?" Lumabas ako ng opisina, naghanap ng pwesto kung saan malakas ang signal at hindi makakaistorbo sa iba. "Oh, Jes, bakit ka napatawag?" bungad ko. "Ney, si Kuya Erwin mo ’to. Papunta kami sa hospital, ang kapatid mo nagkokombulsyon na sa taas ng lagnat—" si Kuya Erwin, ang nag-iisang kapitbahay na natatakbuhan namin. "Ho?!" bulalas ko at nag-umpisang mag-blanko ang utak. "A-ano po ang nangyari?" "Mamaya na lang namin ipaliliwanag. Kung kaya mong umuwi ngayon na ay dumiretso ka na dito sa hospital," ani nito, tila natataranta na rin habang dinig na dinig ang malalakas na wangwang sa kabilang linya. "S-sige po, mag-o-out na po ako." "Sige, mag-ingat ka. Ako na muna ang bahala sa kapatid mo," ani nito saka nagpaalam bago ibinaba ang tawag. Sandali akong natulala, pilit pinapasok sa utak ang nangyayari. Nang muling mag-vibrate ang cellphone ko, tinext ni Kuya Erwin ang lugar ng hospital. Lakad-takbo ang ginawa ko, bumalik sa office at isa-isang inayos ang mga gamit ko nang magsalita si Denise. "Ang dami pang trabaho, uuwi ka na?" "Pasensya na, ma'am, may emergency lang sa bahay," paliwanag ko. "Ah, problema pa ba namin ’yan? Sino ang gagawa niyan—huwag mong sabihing sa amin mo iiwan," nag-umpisa na siyang magmaldita at umagaw ng atensyon sa loob ng opisina. "Hindi niyo kailangang galawin ang trabaho ko, ako ang tatapos ng lahat niyan. Kailangan ko lang umalis kaagad—" "Anong kaguluhan ito?" napalingon kami kay Sir Vince, masama ang aura habang nakatingin kay Denise. "Si Renee, uuwi na siya nang hindi tinatapos ang trabaho," sumbong agad ni Denise. Bumaling ang tingin ni Sir Vince. "Totoo ba ’yon?" "Opo," tumango ako. "Sisinugod ang kapatid ko sa hospital, wala pong mag-aasikaso sa kanya." "Sige, makakaalis ka na," tugon niya na hindi na humingi pa ng paliwanag, saka binalingan si Denise na masama pa rin ang tingin sa akin. "Isipin mo na ikaw ang nasa kalagayan ni Renee. Ilang taon ka na sa serbisyo at alam mo puwedeng lumabas kapag may sapat na rason." "Pasensya na po, sir," nakayukong paghingi ng paumanhin ni Denise ngunit hindi pa rin matanggal ang masama niyang tingin sa akin. "Makakaalis ka na, Renee. Siguraduhin lang na maipapasa sa oras ang kailangan ipasa," paalala niya. Tumango ako bago siya nginitian saka nagpaalam. HINDI MAPIRMI, mahaba ang pila ng sasakyan sa daan papunta sa hospital. Nanatiling blanko ang isip ko, si Jessica lang ang inaalala ko. Hinihiling na sana—sana maayos ang kalagayan niya at hindi ganoon kalala. Panay sulyap ko sa cellphone, hinihintay ang tawag ni Kuya Erwin. Mas lalo akong kinakabahan, nag-uumpisang mag-isip ang utak ko ng pangit na scenario sa hospital. Makalipas ang kalahating oras ay nakausad din ang sasakyan. Ilang minuto lang at nakarating na ako sa hospital na agad sinalubong ni Kuya Erwin. "Mabuti at andito ka na." "Kumusta po ang kapatid ko?" bungad kong tanong. "Ano po ang nangyari?" dagdag ko na may halong pagkataranta. "Ilang araw na nilalagnat ang kapatid mo?" Hindi niya pinansin ang mga tanong ko. "Mag-iisang linggo na po. Madalas tuwing umaga ay bumababa ang lagnat, minsan pa nga po ay nawawala, pero tuwing gabi ay doon siya inaapoy ng lagnat," pagsasalaysay ko. "B-bakit po?" "May dengue si Jes, Renee. At sabi ng doctor ay mababa ang platelets ng kapatid mo. Kung hindi agad tataas ay baka matagalan kayo rito." Saka siya bumuntong-hininga. "Paano po ’yon?" nag-aalala kong tanong. "Huwag kang mag-alala, papupuntahin ko ang asawa ko rito para maasikaso kayo—" "Nakakahiya na po," putol ko. "A-ako na lang po ang bahala, gagawan ko ng paraan ang pambayad sa hospital." "Kahit magawan mo ng paraan, walang magbabantay sa kapatid mo," paalala nito. "Kailangan niya ng bantay, delikado ang lagay niya ngayon, Renee." "Hindi po ba nakakahiya?" nag-aalangan kong tanong. "Hindi ka dapat mahiya. Hayaan mo, ito ang kapalit sa tulong na ginawa ng papa mo sa pamilya namin noon. At siguradong papayag din ang Ate Elena mo na magbantay," pagpapagaan niya ng loob ko. "Marami pong salamat, Kuya." Tuluyan nang pumatak ang luha ko na agad ko ring pinunasan. "Hindi ko alam kung paano na ako kung may mangyaring masama kay Eula—hindi ko na kakayanin na may isa pang mahalaga sa akin ang mawala." Tinapik ni Kuya Erwin ang balikat ko, pilit na pinatatahan at pinagaan ang pakiramdam ko. "Hindi mawawala si Jessica." "Opo... maraming salamat po sa paghatid niyo sa kanya rito," pasasalamat ko. "P-paano niyo po pala siya nakita?" "Nagpunta siya sa karinderya, nanghihina, nanghihingi ng sabaw para pang-ulam, nang mapansin kong sobrang putla niya saka biglang dumugo ang ilong." Pagkukwento nito saka bumuntong-hininga. "Nang makita niya ang dugo, ayun. Hanggang ngayon pa rin pala—" iiling-iling niyang usal. Nakatitig lang ako kay Kuya Erwin bago napayuko. "Kasalanan ko." "Huwag mong sisihin ang sarili mo, walang may gusto sa nangyari," ani niya. Hindi ako kumibo. Pumasok kami sa loob ng kwarto at lumapit sa nagpapahingang si Eula. Hinawakan ko ang kamay niya, hinawi ang ilang buhok na tumatakip sa mukha niya. "Ney, kailangan ko nang umalis," paalam ni Kuya Erwin. "Kung may kailangan o problema, tawagan mo agad ako," paalala niya. "Maraming salamat ulit, Kuya," muling pagpapasalamat ko. Nagpaalam na siya. Nakasunod lang ang tingin ko at hindi na nagpahatid palabas. Tulala akong nakatingin kay Eula, may dextrose na nakatusok sa kamay niya, namumutla at sobra ang pamamayat. "Ms. Jes—Yam?" Napalingon ako sa nagsalita at nanglaki ang mata ko nang makita ang lalaking binigyan ko ng cake sa café noong kaarawan ko—si Luke. "Chocolate moist cake?" nanlalaki ang mata kong bulalas saka bumaba ang tingin ko sa suot niya. "Ano ang ginagawa mo rito?" "Ah-eh, ano, may binisita lang din. Ikaw?" ani niya na hindi makatingin ng diretso. "Saka anong chocomoistcake—huwag mong sabihing kinalimutan mo pangalan ko?" "Edi hindi ko sasabihin," sagot ko saka pilit na ngumiti. "May dengue ang kapatid ko kaya tingin ko ay dito muna kami ng ilang araw hanggang sa paggaling niya." "Madalas pala tayong magkikita..." "Mukha nga," nginitian ko siya. Tiningnan niya ang wristwatch saka binaling ang tingin sa akin. "Are you free later... dinner?" "Hindi ako nakikipag-date," klaro ko. Sandali siyang natigilan, tumaas ang kilay, bago biglang humagalpak ng tawa. Tawa na kami-kami lang nakaririnig, habang ang mga nurse ay abala sa pag-check kay Eula. "In-assume mo talaga i-da-date kita?" pang-aasar niya. Hinawi ko ang buhok saka inilagay sa likod ng tenga. "Sa ganda kong ’to?" sabay beautiful eyes. Naiiling-iling siya, pinitik ang noo ko saka ginulo ang buhok. "Mamayang dinner, puntahan kita rito." "Walang magbabantay sa kapatid ko," ani ko. "Kailangan ko rin umuwi, kukuha ng gamit." "Ako na ang bahala doon..." saka kindat. "Tutuparin ko ang in-assume mo, hayaan mong i-date kita—" "Che!" suway ko. "Manahimik ka nga, kinikilabutan ako sa pinagsasabi mo." Niyakap ko ang sarili at kinuskos ang magkabilang braso. "Aba, lugi ka pa?" "Oo." -- "UY, lalaki, mukhang mamahalin dito, doon na lang tayo sa mura..." Kinalakibit ko ang braso ni Luke, kinakabahan sa restaurant na pinasukan naming dalawa. "Wala akong pera," dagdag ko pa. "Ako ang nag-aya, libre ko," sagot niya sabay lingon sa akin. "Ba’t andiyan ka sa likod ko? Sumabay ka na kaya sa paglalakad," dagdag niya. "Pakiramdam ko, pinagtitinginan tayo..." saka ko inilibot ang tingin sa paligid. Kanina pa ako naiilang, marami na ring mga mata ang nahuli kong nakatingin sa amin. Mula pa kaninang hapon nang magkita kami hanggang sa nurse na nagsabing siya muna ang magbabantay sa kapatid ko. "Sabi mo nga, maganda ka. Gwapo rin ako, kaya talagang pagtitinginan tayo," kalmado at taas-noo niyang usal. "Alam mo, malapit nang magbago ang tingin ko sa’yo..." Mapagkumbaba siya noong unang beses kaming magkita, pero ngayon ay halos tangayin na ako ng pagiging presko niya. "Ayos lang na mag-iba ang paningin mo sa akin, hindi kita masisisi. In-born na talaga ang pagiging magandang lalaki ko." Sinuklay niya ang buhok at nagpa-cute. Um-arte ako na parang nasusuka saka siya inirapan. Feelingero. Ang kulay gintong chandelier ang unang bumungad sa amin. Tahimik at maaliwalas ang loob ng restaurant, nakasuot ng pormal ang mga tao at hindi maipagkakailang nakaangat sa buhay ang kumakain doon. Napatingin ako sa suot ko—kupas na pantalon at naninilaw na puting shirt sa kalumaan. "Don’t mind them," bulong ni Luke nang mapansin ang palinga-linga ko sa paligid. Nakangiwing tinanguan ko siya saka umaktong normal hanggang sa makarating kami sa upuan. Kaagad may nag-assist at binigay ang menu. Halos lumuwa ang mata ko sa presyo, kaagad ko ’yong isinara at nginitian siya. "Katulad na lang ng sa’yo," pilit kong sabi na tila natatae ang itsura. Nakatitig lang siya sa mukha ko. Maya-maya ay ngumiti at tumango saka sinabi sa waiter ang order niya. Samantala, parang napapaso ang kamay kong binalik ang menu. "Isang cake lang ang binigay ko sa’yo, nakuha ko pa nang libre. Hindi naman kailangan sa ganitong lugar mo ako dalhin," bulong ko sa kanya. "Pag dinala ba kita sa karinderya, uulit ka pa bang sumama?" natatawa niyang sagot. "Anong tingin mo sa akin, social climber? For the clout?" Sunod-sunod kong tanong sa kanya saka siya inirapan. "Siyempre sasama. Ang mamahal ng pagkain dito..." dagdag kong komento. Tinawanan niya lang ako, pinatong ang dalawang siko at nakatulumbaba habang nakatingin sa akin. "Huwag ka na magkuwari, I know you’re sad..." Sa pagkakataong iyon ay ako ang natahimik. Ilang sandali akong hindi nakaimik sa sinabi niya pero kaagad din akong bumawi ng ngiti. "Ano ba ang pinagsasabi mo diyan?" Natatawa kong usal. "Hindi ako malungkot, ’no. Bakit naman ako malulungkot, aber?" dagdag ko. "Kahit hindi mo sabihin, kita sa mata mo," komento niya. "Sinasabi mong ayos ka lang pero nakikita ko sa’yo na malungkot ka." Umiwas ako ng tingin. "Marami lang dinadalang problema nitong mga nakaraan..." "Gusto mo ba tulungan kita?" Napatingin ako sa pag-aalok niya. "Kung sa financial na problema, sa tingin ko kaya kitang tulungan." "Hindi na..." Di na kailangan pag-isipan. "Kaya ko na, may naisip na rin akong paraan para matapos at masolusyonan ang lahat." "Pero—" "Maraming salamat sa pag-aalok, Luke. Kaya ko na ang sarili ko. Matagal ko nang pinagdaraanan ang ganito kaya huwag mo na akong alalahanin." Pinutol ko na ang sasabihin niya. "Besides, hindi kita kilala, pangalawang beses pa lang natin ’tong pagkikita, kaya ayaw ko sana—alam mo na." Kibit-balikat kong usal. "Naiintindihan ko." Mabuti na lang at hindi na siya nagpumilit pa. "Basta, kung may kailangan ka ay tawagan mo ako." May kinuha siya sa bulsa saka inilapag sa mesa. "Tawagan mo ako." Kinuha ko ang calling card saka tiningnan. Pangalan at numero lang ang andoon, wala nang iba. "Sige." HUMINTO ang sasakyan sa harap ng eskinita papunta sa bahay. Madilim na ang kalangitan, mag-a-alas dose na ng gabi at iilan na lang ang tao sa daan. Dalawang oras at kalahati rin ang tinagal bago kami makarating sa kinahihintuan. "Maraming salamat sa paghatid." Tinanggal ko ang seatbelt, tinaas ang tingin sa kanya nang magsalubong ang mga mata namin. "Pasensya na, mukhang late ka pa makakauwi sa inyo dahil sa traffic sa kalsada." "Huwag mo akong alalahanin..." Nilingon niya ang labas ng sasakyan. "Sigurado ka bang hanggang dito ka na lang? Hindi ba delikado sa loob ng eskinita niyan?" nag-aalangan niyang tanong. Umiling ako. "Matagal na akong nakatira dito, kilala ko na rin ang mga tambay sa loob kaya walang gagalaw sa akin. Salamat sa pag-aalala." Bumuntong-hininga siya saka tumango. "Mukhang hindi na kita mapipilit." Nagpaalam na kami sa isa’t isa. Hinintay kong mawala sa paningin ko ang sasakyan niya bago pumasok sa loob ng eskinita. Niyakap ko ang sarili, hindi ko napansin ang nagbabadyang ulan na tila nakikisabay sa bigat ng problema ko nitong mga nakaraan. Kumunot ang noo ko nang mapansin kong bukas ang pintuan at ilaw sa loob ng bahay. Mukhang nakalimutan ulit isara ni Mama bago umalis. Nagmamadali akong pumasok, ngunit ganoon na lang ang gulat ko nang makita si Mama, kasama si Monica na seryosong nag-uusap. "Andito ka na," masayang usal ni Mama, may ngiti sa labi habang lumapit sa akin. "Hindi mo nabanggit na may inaalok pala si Monica sa iyong trabaho." Nilingon ko si Monica pero kaagad din itong napaiwas ng tingin. G.R. 🌻
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD